Chapter 9: Border
Noong nalaman kong galing si Cheese sa pamilya ng mga Dardenne, in-anticipate ko nang magkakaproblema ako. Tipo ng problemang magmamakaawa akong patirahin nila ako sa mansiyon nila o kaya iiyak ako at luluhod para lang matanggap ako bilang bahagi ng pamilya. Kumbaga, ako ang manlilimos ng lugar sa mundo para lang masabing tanggap ako.
Ewan ko ba kung bakit parang lahat ng pinagpraktisan kong makabagbag-damdaming linya sa utak ko, hindi ko mai-drop sa tamang pamilya. Anomalya yata sila ng universe.
"The meat is so tender. It's perfectly cooked!" Kurot-kurot pa ni Coco ang hangin habang iniyayabang ang steak niyang niluto para nga raw sa akin. Alay niya yata para hindi ako mabuwisit, malay ko.
"Sobrang happy ko na dito ka muna sa 'min titira, Bal," masayang sabi ni Cheese habang ngumunguya.
"Pumayag ka?" tanong ko agad sa magaling kong asawa.
"Yep! Kasi pumayag ka, e!" masayang sagot niya at tumango pa nga.
"Ah . . . pumayag ako." Dahan-dahan akong tumango at tiningnan si Coco na nakangisi rin sa akin habang ngumunguya. "Kailan ako pumayag?"
"I can't remember when, but I know you did," proud pang sagot nitong Connor na 'to.
"Can't remember? Ako rin. Can't remember ko rin. Saan mo napulot 'yang pumayag ako?" sarcastic nang tanong ko.
Umurong pa siya paharap sa mesa at nagmuwestra pa ng kamay. "Di ba nga, Kuya Eugene said na ikaw ang bahala sa 'min ni Cali sa Afitek."
"Oo nga."
"Exactly!"
Napakisap ako at gusot ang mukhang bumaling sa kanya. "Anong exactly?!"
"Exactly!" ulit pa niya talaga! "Ikaw ang bahala sa 'min ni Cali. There!"
"Anong there ang pinagsasasabi mo diyan?"
"Ikaw ang bahala sa 'min ni Cali."
"Sa Afitek," pahabol ako agad. "Ako ang magha-handle sa inyo—"
"Exactly! Ikaw ang magha-handle sa amin."
"Sa Afitek!" ulit ko na naman.
"Wala na kami sa Afitek ni Cali."
"Kaya nga—"
"And since nandito na kami sa house, everything is settled. We're good!"
Putang ina, nabobobo ako rito, a. "Lilinawin ko lang . . ." pigil ang inis na sabi ko. "Babantayan ko kayo sa Afitek. SA AFITEK. SA AFITEK. SA AFITEK!" ulit-ulit ko para maintindihan niya.
"We're done na sa Afitek, Kit," confident pa niyang sagot. "Wala ka nang babantayan doon."
"Kaya nga!"
"And since wala ka nang babantayan sa Afitek, dito mo na kami babantayan ni Cali. Basic!"
Anong kaputanginahang basic ang pinagsasasabi ng damuhong 'to?
"You agreed na bantayan kami ni Cali," dagdag niya na dahilan kaya napahimas ako ng noo. "And besides, kambal ko naman siya—"
"Hindi kayo kambal! Forty days kang mas matanda sa asawa ko."
"Pero kamukha siya ng daddy ko!"
"Oo nga! Sinabi ko bang hindi?"
"Since kamukha siya ng daddy ko at anak ako ng daddy ko, therefore, we're kambal!"
'Tang ina shet, yung nag-iisang neuron kong natitirang functioning, mukhang matutuyot pa kakasagot sa taong 'to.
"Yung laboratory sa HQ, 24/7 silang operating. Pa-drug test nga tayo? Mabilis lang 'yon. Bukas, may result na," sabi ko na lang. "Ang lakas ng tama ng tinitira mo. Ano 'yan? Coke? Meth? MJ? Rugby? Solvent? Thinner?"
"He's safe naman dito, Kit," gatong ni Cheese kaya nabaling sa kanya ang pagkairita ko.
"Carlisle, yung bakod natin, kahoy lang. Mabuti pa yung bakod namin dati, yerong matibay, mula bubong pa 'yon hanggang lupa," katwiran ko agad. "Paanong safe dito? Yung aso ng kapitbahay, kaya tayong pasukin any time."
"But the fences are cute naman, right?" pa-cute na sagot ni Cheese. "IG-worthy nga yung aesthetic nitong house natin. You like yero ba as bakod? Parang ang weird magyero dito sa subdivision. Bal, anong magandang fence na roofing sheet?"
"Bal, kaya nga roofing sheet kasi for roof 'yon. Ano ka ba?"
"But Kit likes yero more yata."
Yung sa sobrang gigil ko, hindi ko alam kung magtataob ba 'ko ng mesa o matatawa na lang sa sobrang stress dahil sa magpinsang 'to.
Galing akong Afitek, at stressed pa ako sa paghawak ng buong kompanya, tapos ito pa ang maaabutan ko sa bahay. 'Tang inang buhay 'yan. Kung hindi lang namin kasama ang anak ko rito, parang gusto ko nang bumalik sa LRT at mag-abang ng parating na bagon.
Hindi ako pumayag na dito tumira itong pinsan ni Cheese. Maliban sa isa rin siyang wanted, hindi pa okay ang security namin sa bahay. Malay ko kung bigla kaming sugurin dito at paulanan ng bala.
Pero ewan ko na. Naubos na lang ang enerhiya ko kakasagot sa kanilang dalawa, utak ko na ang susunod na bibigay kung mag-e-extend pa ako ng argument.
May master bedroom kami pero hindi kami roon natutulog ni Cheese. Doon talaga kami sa kuwarto ni Charley natutulog.
Ayokong iwan ang anak ko kahit pa naka-crib. Hindi ako nakakampante.
Ang nangyari tuloy, sa master bedroom matutulog si Coco dahil dalawa lang ang bedroom sa bahay namin. May dalawa pa namang sobrang espasyo pero space lang talaga 'yon. Walang kama, walang mesa o upuan—blangko.
Pinadedede ko si Charley nang mabalikan ako ni Cheese. Katatapos lang niyang maligo at amoy ko pa ang mga skincare niyang may kanya-kanyang amoy. Doon siya naligo sa master bedroom at binalikan na lang ako para dito siya matulog sa amin ng anak niya.
"Di ba, may music shop yung pinsan mo?" tanong ko agad dahil alam kong may bahay sa loob n'on.
"They sold that place na kasi nasa hospital na si Daddy Dree."
"Ospital? Bakit daw?" gulat na tanong ko.
"She has cancer. Sabi ng doctor kina Coco, two years na lang daw ang itatagal ni Daddy Dree."
"Seryoso ba?" nakangiwing tanong ko, kasi baka mamaya, tripping na naman itong pinsan niya.
"Yeah," malungkot na tumango si Cheese. "We knew that naman. College pa lang sila, na-inform na kami about that. Pero hindi pa kasi siya malala at that time. Parang nasa mild treatment pa lang. Ngayon lang nag-worsen."
"Tapos dito talaga titira 'yang pinsan mo?"
"Wala na siyang house, Kit. Lagi pa silang nag-aaway ni Tito Rico," malungkot na sagot niya sa 'kin. "I know it's easy to tell him na bumili na lang siya ng bahay or magpagawa siya ng sarili . . . but, you see, not all houses are homes. I know the feeling of being left behind, and I don't want him to feel na ina-abandon ko rin siya like they did to him."
Hindi ko alam kung maaawa ba ako sa pinsan ni Cheese o mabubuwisit. Siguro kung nakiusap 'yon na wala na siyang matitirhan, maaawa talaga ako at paniguradong papayag akong dito 'yon tumira. Pero yung nagsariling desisyon pa talaga na parang alam na alam niyang hindi ako makakahindi? Ang tigas ng sikmura, parang sinemento nang limang layer.
Pero inisip ko na lang din na magpinsan naman sila. Kahit pareho silang mukhang may binabatak na puting pulbos tuwing nag-uusap, sige na lang. Bahay naman ito ng asawa ko kaya siya na ang bahalang masunod.
Tuwing gabi, magkakatabi kaming matulog nina Cheese at Charley. Ang baby, nasa pagitan namin ni Cheese. Bihira naming ihele kasi ayokong sanayin na para tumahan, uuguyin. Kaya ang remedyo namin ni Cheese doon, kung hindi tatapikin sa hita, kakamutin nang marahan ang tiyan. Nasanay nang ganoon si Charley kaya hindi ko na rin siya kailangang kargahin kapag nagta-tantrum.
Ang kaso, tuwing madaling-araw, gising ang bata. Naaabutan kong sinasapak ang papa niya kapag humihilik nang malakas. Magigising na lang ako, nakikita ko siyang pinapasak ang kamao sa bibig ni Cheese hanggang manahimik ang papa niya o kaya magising ito dahil may nakakagat na kung ano.
Kay Cheese, walang problema kung magising siya nang alanganin. Tambay lang siya sa bahay, e. Ang problema ko, yung oras ko. Alas-sais ng umaga, dapat nasa biyahe na ako pa-Afitek. May dalawang linggo pa akong natitira sa serbisyo ko at wala pang sumasagot kung kailan ako lalayas bilang OIC.
Maaga ang pasok ko kaya madalas, mauuna akong magising para paghandaan ko ang sarili ko ng almusal. Si Cheese kasi ang naiiwang bantay ni Charley sa higaan—kung binabantayan nga ba niya.
Kaya nanibago tuloy ako na pagbaba ko, may maingay na sa kusina. Mukha pa akong kalalabas lang sa bagong hintong washing machine nang lumapit kay Coco na nagluluto na. Topless pa si gago pero naka-apron naman. Lakas magbalandra ng katawan, proud na malaki ang ambag sa global warming.
"Good morning," bati niya, at hindi siya bedroom voice kaya sigurado na akong kanina pa siya gising.
"Ang aga mong magising," bati ko naman.
Sinilip niya ang smartwatch. Nakarelo, 'tang ina. Kanina pa 'to gising.
"Tanghali na, actually," sagot niya.
Natutulog pa ang araw pero tanghali na? Ano ba time zone nito? Mountain time?
"May pasok ka ba?" usisa ko at sinilip ang mesang may mga nakalatag nang kung ano-ano sa plato. Hindi pa luto. Mukhang mga rekado lang.
"Wala akong work today," sagot niya.
"Bakit ang aga mong magising?"
"Jogging, duh? Three in the morning, umiikot na 'ko rito sa subdivision."
Nakalimutan ko, hindi nga pala fan ng exercise si Cheese. Nakakapanibago na may mahilig sa exercise dito sa bahay.
"Ano 'to?" pagturo ko sa mga nasa mesa.
"Your breakfast and Bal's meal?" di-siguradong sagot niya, abala sa kalan at lilingon sa mesa kung may kukunin. "Bal said you're a big eater. He's not really into large meals, so I have to separate your food sa kanya."
"Inutos ba niyang lutuan mo 'ko?"
"Nope. But I'm not a lazy person. My family's strict when it comes to household chores."
"Di ba, may music shop ka? May bahay 'yon sa loob, di ba?"
"Afitek agents traced that place because of you. Kaya nga doon ako naka-stay, para hindi nila ako makita. Bad news . . ." Nilingon niya ako para sabihing dapat alam ko nang kasalanan ko kaya wala siya ngayong matirhan.
"Pinsan mo ang nagdala sa 'kin doon. Sabi rin ni Jensen, okay lang."
"I'm not blaming anyone. Wala na rin namang magagawa kung maninisi ako. I just need a place to stay, that's all."
Gusto ko pa sanang magbalik ng salita para kastiguhin siya sa pagtira niya rito sa bahay namin, pero kagigising ko pa lang. Ayokong sagarin agad ang umaga ko.
"Mag-usap tayo mamaya tungkol sa pangalang gusto mo," paalala ko na lang saka tumalikod na. "Magtatrabaho muna ako. Maglinis ka ng bahay, ha? Mag-aalaga ng bata yung asawa ko. Ayoko ng tamad dito."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top