Chapter 6: Apathy
Six months daw ang training nina Coco at Cheese sa Afitek, at sinusubukan ng lahat na mangompromiso lalo sa oras. Wala kami Cheese buong araw at gabi lang umuuwi kaya tuwing gabi lang namin nakakasama ang baby namin na parating nasa asawa ni Sir Clark.
Hindi 'yon nagrereklamo na hindi ako ang nag-aalaga sa apo niya. Para ngang mas irereklamo pa niya kung ako nga ang nag-aalaga at hindi sila.
Pabor din naman sa akin kasi ayokong makarinig ng sumbat na bakit hindi ako housewife, e samantalang buong pamilya nila ang namimilit sa aking magtrabaho sa Afitek.
"Malapit na gumaling itong ilang sugat mo, anak. Baka next week, okay na uli itong sa braso mo." Ibinabad ko si Charley sa asul na palanggana dahil sobrang laki ng bathtub kung doon siya. Ayoko rin namang mauntog siya sa lababo kung sa lababo siya. Kaya sa palanggana muna siya maliligo ngayon. Nagpainit pa ako ng tubig dahil kahit sakto lang sa balat ko ang lamig, malamang sa malamang, giginawin siya. Hindi rin naman ako nagkamali kasi kahit pa normal temperature ang tubig, nagugulat pa rin siya kapag marahan kong binubuhusan ng tubig mula balikat pababa.
"Papadoktor uli tayo next week para sure tayong healthy ka pa rin," masayang sabi ko na saglit siyang tinawanan habang tinitingala ako.
Hindi pa rin ako natutuwa tuwing inaabangan kong maglaho ang bawat pulang linya sa balat ng anak ko. Nabawasan na ng dalawang mababaw na gasgas ang balat niya dahil natanggal na ang langib. Hindi na rin siya umiiyak kapag nasasayaran ng lamig ang ibang sugat niya. Kapag nakikita ko talaga kahit gatuldok na pula, gusto ko na namang iahon sa hukay ang mga gumawa nito sa anak ko para lang patayin nang paulit-ulit.
Inaabangan kong lumago ang buhok ni Charley dahil mukhang kay Vegeta ang hairline niya, ewan ko ba kung bakit. Nakasandal lang siya sa palanggana at nag-iipon-ipon ang mga laman niya sa katawan kaya mukha siyang maputing longganisa.
"Malamig ang tubig, anak?' tanong ko pa nang tingalain niya ako.
"Awuwuashashash . . ." sagot niya saka ngingiti. Nagtaas siya ng kamay paturo sa akin saka iyon tinitigan nang umagos sa braso niya ang tubig.
"Si Papa mo, naglalaba pa ng damit mo. Doon na kita bihisan sa higaan, ha?"
Sumasagot na si Charley basta may sasabihin kaming kahit na ano sa kanya—maintindihan man niya kami o hindi. Normal namin siyang kinakausap at madali siyang mag-react kapag tinatanong siya ng "Ano?" saka kapag sinasabi naming "chicken."
Binalot ko siya ng towel nang matapos ko siyang paliguan. Alanganin pa akong buhatin siya dahil mas bumigat na siya ngayon. Kailangan ko siyang isampay sa balikat ko at iasa sa katawan ko ang bigat niya dahil nakakangawit siyang kargahin. Kaya ko pa siyang buhatin pero matagal na ang tatlong minuto. Isinusuko ko agad siya sa papa niya kapag sumasakit na ang braso ko.
"He's done na?" bungad na tanong ni Cheese nang magbukas ng pinto ng kuwarto ni Charley, dala-dala ang patong-patong na itinuping damit ng baby namin.
"Hindi ko pa naliligpit yung bathroom. Baka madulas ka pagpasok, basa pa yung sahig," paalala ko.
"It's okay. Ako na'ng magliligpit doon." Nilapagan niya ako ng hinanda na niyang damit ni Charley at ang box na lagayan ng mga pulbos, baby lotion, baby oil, diaper, at kung ano-ano pa.
Kahit hindi ko sabihin kay Cheese, alam kong alam naman na niya na ganitong buhay lang ang pinapangarap ko kahit noong bago pa kami iwan ng tatay ko.
Yung kompleto kami sa iisang bahay. Aalagaan namin ang isa't isa. Wala masyadong away. Simpleng buhay na tahimik lang.
Kaso kasi . . . para akong si Cinderella na may time limit ang fairy-tale setup. Kapag natapos na ang oras ko sa isang araw, balik na naman sa magulong mundo.
At sana nga, si Cinderella na lang ako na tagalinis ng kusina at kumakausap ng mga daga at ibon kapag nalilipasan ng gutom tapos hina-hunting ng prinsipeng may foot fetish.
Ang kaso, hindi. Minsan ka na nga lang maging Disney princess, si Mulan pa ang napili. Mandirigma ka na nga, kailangan mo pang kumausap ng dragon sa bahay ng mga Lauchengco. 'Tang inang buhay 'yan.
Pagod ang buong katawan at katauhan ko sa tadtad na trabaho mula umaga, at alas-nuwebe na ng gabi, kailangan ko pang mag-asikaso ng anak. Kanina pa hinahablot ni Charley ang T-shirt ko patanggal sa akin, gusto yatang dumede.
Papikit-pikit na ang mata ko at nahihilo na sa antok nang maupo sa nakalatag na mattress sa sahig, nagtaas ng T-shirt sa bandang kaliwa, at saka ko pinadede si Charley. Ang kalahati ng utak ko, tulog na. Ang kalahati, gising pa.
Kung hindi pa ako kakalabitin ni Cheese, hindi ko pa malalamang nakaupo na pala siya sa likuran ko. Paglapag ko ng isa kong kamay sa mattress, hindi mattress ang nahawakan ko kundi binti niya.
"Stay ka lang diyan. Alalayan ko si Charley para hindi malaglag," sabi niya at hinayaan niya akong sumandal sa katawan niya.
Pagsandal ko, wala na. Kinuha na ako ng pagtulog.
Madalas, iniisip ko, masaya namang magkaanak. Kasi ang cute ng baby. Parang may buhay na laruan sa bahay na sigurado kang hindi haunted. Pero madalas, nakakapagod din. Madali lang sigurong maging magulang kung maliban sa mag-aalaga, wala nang ibang role. Pero yung ikaw pa mag-aalaga sa anak mo tapos aasikasuhin mo pa ang buong kompanyang naghihingalo na, magandang option talaga once in my life ang pa-dive sa riles.
Haaay, buhay. Kapagod huminga araw-araw.
Maluwag pa rin ang security sa West. Kahoy pa rin ang bakod namin. Hindi ko alam kung bakit ba pinipilit ko sa utak kong ligtas pa naman kami kasi hindi pa naman kami hinahagisan doon ng granada. Gagawa raw ng paraan si Sir Clark. Malay ko na kung anong paraan ba ang sinasabi niya.
Panibagong umaga na hindi pa sumisikat ang araw, dumayo na kami ni Cheese sa bahay ng mga magulang niya para ipaalaga ang baby namin.
"Tulog ka muna, mahal. Lalaro na lang tayo pag-uwi ni Mama." Paulit-ulit kong hinalikan ang bumbunan ni Charley habang mahimbing siyang natutulog sa bisig ng papa niya.
"Momsky, baka magpawis, ha? Magkaka-rashes na naman siya," paalala ni Cheese sa mama niya.
"I know what to do. Ako lang ang nag-alaga sa 'yo noong baby ka pa."
Eto na naman sa parinig itong asawa ni Sir Clark. Hindi ko na yata mabilang kung ilang beses niyang ipinamukha sa akin na never daw niyang iniwan si Cheese noong baby pa. Na mapipilitan lang siyang ipaalaga kay Lola ang asawa ko kapag inaaway na siya ni Lola dahil hindi masolo ang apo.
Madali lang naman 'yong gawin kung full-time housewife ako. E, hindi nga kasi. Siya, okay lang na sa bahay siya mag-alaga ng anak. E, ako, buong Afitek ang inaalagaan ko ngayon.
Wala pang sariling kotse si Cheese kaya naka-service pa rin kaming dalawa na incentive na rin ng Afitek para sa akin.
Hindi kami nag-uusap ni Cheese sa back seat.
Paanong mag-uusap, e pareho kaming tulog? Taga-Afitek ang driver kaya siya na ang magsasabi sa aming gumising na kami dahil trabaho na. Nakadantay lang ang ulo ko sa balikat ni Cheese habang akbay-akbay niya ako. Paminsan-minsang magugulat ako dahil napapalakas ang hilik niya kaya tinatapik-tapik ko siya sa pisngi para gisingin saglit.
Pumapasok kaming dalawa sa hindi pa sigurado o permanenteng trabaho para lang mag-ayos ng problemang hindi naman namin ginusto.
Mahirap mag-layoff ng mga empleyado, lalo kung may kakayahan silang makipagpatayan ora mismo kapag alam nilang hindi na sila matatali pa sa corporate duties.
Ang problema nga kasi, effective pa ang lumang policy na lahat ng magre-resign, papatayin. Naging standard protocol 'yon kaya ang tagal kong AWOL. Hindi ako puwedeng mag-surrender ng badge dahil ibig sabihin din n'on, isusuko ko rin ang buhay ko sa kanila.
Sa ngayon, ang resolution pa lang namin ay dalhin sila sa malalayong probinsiya para bigyan doon ng assignments. Makakapag-resign lang sila kapag amended na legally, at naipasa na sa commission ang bagong by-laws. Saka lang sila
makakapag-resign na walang death penalty kapag amended na ang policies ng buong Afitek.
Hindi madali ang reparation dahil kahit ako, aminado akong hindi kayang ayusin ang buong kompanyang naghihingalo na sa loob lang ng tatlong buwan.
Running for the CEO position sina Cheese at Coco, at nagsabi na ako ng sentimiyento ko roon.
"Hindi ako boto kay Cheese bilang CEO kung ang process ng training ay dapat dumaan siya per department."
"Pero kailangan niyang dumaan per department," katwiran ni Mr. Dardenne. "Even my son has to. Hindi sila puwedeng magtrabaho kung hindi nila alam ang nature of work na papasukin nila."
"Kung magte-training sila, okay na ang training ng management. Mag-manage sila. Approve and sign ang gagawin. Dadaan naman muna 'yan sa COO bago ang final approval ng CEO. Hindi na nila kailangang isa-isahin ang bawat department para lang masabing qualified sila to manage this company," depensa ko para sa asawa ko. "Orientation per department. Ibigay sa kanila ang summary ng purpose ng division na dadayuhin nila, ayos na 'yon. Useless malaman ang mga kaso
na hinahawakan ng Afitek, unless VIP ang client at kailangan ng escalation na involved sila. At sobrang rare pa ng case na 'yon."
"Wala ka bang tiwala na kaya itong hawakan ng asawa mo?" hamon sa akin ni Mr. Dardenne.
"Matalino si Cheese, pero hindi ko ike-credit ang recklessness niya para maging qualification bilang CEO," katwiran ko. "Maliban na lang kung mawawalan siya ng pakialam sa mga nagdurusang tao."
"That's the reason why he needs to undergo such training."
"Training na ano? Training para maging halimaw siya within a short period of time?" Napailing ako. "Hindi langit ang Afitek, Mr. Dardenne. Purgatoryo 'to ng mga taong matagal nang pinatay ng walang silbing hustisya."
Mahal ko si Cheese kaya ayoko siyang magtrabaho sa lugar na papatayin lang din ang kaluluwa niya kalaunan.
Kanlungan ng mga halimaw ang Afitek—mga taong kahit may pinapatay na sa harapan, hindi sila makikitaan ng panic, ng galit, ng emosyon.
Trained kaming lahat na humarap sa gulo nang chill lang at walang pakialam. Ultimate phase ng pagiging sangfroid, nakatayo na kami sa manipis na linya sa pagitan ng pagiging nonchalant at pagiging sociopath.
Nag-warning na 'ko na sobrang linaw pa ng rason kung bakit ayoko. Pero "required" nga raw. Para sa akin, advantage lang na alam ni Cheese ang operations. Pero gawing compulsory? I don't think so.
Kaya nga hindi na ako nagtaka nang mapag-usapan namin sa bahay ang tungkol doon.
"Kit . . ."
"O?"
"I don't think I can handle Afitek anymore."
Natigil ako sa paghele kay Charley dahil sa sinabi niya. Mula sa pagkakatayo ko, naupo muna ako sa nakalatag na mattress sa sahig para tabihan siya.
"Bakit? Pagod ka na? Inuutusan ka ba nila sa division mo ngayon?"
Ang lalim ng buntonghininga niya nang tingnan ako. "I think . . . alam mo naman siguro ang content ng archives sa back office."
"Nakapagbasa ka ba ng reports doon?" mahinang tanong ko, inoobserbahan ang facial expression at body language niya.
Kanina pa siya kusot nang kusot ng mata. Nakakaraming pagkakataon na siyang fidget siya nang fidget sa unan.
"Um . . . not sure if nasabi ko na sa 'yo, pero ang lola ko kay Pops . . . attorney siya. Kaso she died when I was ten."
"Hmm." Tumango ako para lang sabihing nakikinig ako sa mga sinasabi niya.
"Alam mo yung To Kill a Mockingbird na book?"
Tumango uli ako para sabihing oo. "Isa sa favorites ko. Bakit? Mag-uusap ba tayo about injustice, poverty, inequality, corruption, and killing the innocence of people because of discrimination?"
Natawa siya nang mapait dahil sa sinabi ko. Hindi rin naman ako nagbibiro. Mukhang may idea na kasi ako sa sama niya ng loob ngayon.
"I read a ton of dismissed cases na . . ." Ang lalim ng paghugot niya ng hininga nang saglit na huminto. "You know? Na kahit valid makulong ang suspect, na kahit sobrang daming evidence against them . . . when the judge says the justice will side with the oppressor kasi magaling ang lawyer nila o sinabotahe ang biktima . . . walang magagawa ang victim kundi tiisin ang fact na natalo ang kaso niya."
Sinalubong ni Cheese ang mga mata ko. Puno ng awa ang kanya. Wala naman akong pakialam sa kuwento niya dahil normal na 'yon sa paningin ko.
"The burden of knowing about one tragic case is too heavy to carry. Tapos tumatanggap ang Afitek ng ganoong reports every minute sa email nationwide . . . ?"
Gusto kong sabihing, "Hayaan mo na lang kasi hindi mo naman buhay 'yan." Kaso si Cheese ang kausap ko. Malamang na iiyakan nito kahit kamatayan ng nasagaang daga, lalo kung hindi natural cause ang cause of death ng biktima.
"Masama ba ang loob mo sa mga nababasa mo sa Afitek?" tanong ko na lang, pilit pinaaamo ang boses para makisimpatya sa kanya.
"I really felt bad about it. Hindi ko kasi puwedeng sabihin sa mga victim na hustiya na ang bahala sa kanila, when there is no proper justice served. How can you comfort someone and tell them that the law will punish those who are guilty when, in fact, kakampi ng mga guilty ang batas?"
Hindi mo sila kailangang i-comfort. Labas ka na sa problema nila. Hindi suicide hotline ang Afitek para magbigay ka ng inspirational feedback sa mga naiipon mong report.
"I'm trying to understand everything about Afitek, Kit. I really tried. Pero hindi ko talaga kayang mag-stay roon knowing na ang daming taong nangangailangan ng security pero hindi kayang ma-provide kasi wala silang pambayad for the service."
Kailangan din natin ng security dito sa bahay. Bakit ka naman kasi gumawa ng bakod na kahoy lang?
"Sige, titingnan ko. Kakausapin natin bukas sina Sir Clark tungkol diyan." Tinapik-tapik ko siya sa balikat para pakalmahin siya.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Haaay.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top