Chapter 41: Dealbreaker


Hindi ako umaasa ng kahit na ano kay Coco noong sinabi niyang ako muna ang gagamit ng Hades El-Sokkary niya. Unang-una, mahirap magsimula sa umpisa. Maliban sa bad records ng pangalan, wala nang ibang koneksiyon 'yon. Kung sabihin man niyang konektado siya kay Tessa Dardenne dahil sa apelyido, kakailanganin pa ng mahaba-habang confirmation bago pagkatiwalaan ang pangalan.

Sa isip ko, sige na lang. Kung tingin niya, may silbi ang plano niya, e di go lang.

Sa mga unang linggo noong sinabi niya 'yon, wala talaga akong inasahan. Dadalaw siya sa farm, kukuwentuhan niya 'ko tungkol sa trabaho ng asawa ko tapos trabaho nila ni Luan. Wala ngang kakaiba. Pag-uusapan lang namin ang mga basic security protocol ng Afitek tapos makikipaglaro siya sa anak ko.

December siya dumalas na araw-araw talagang dumadalaw para mag-Simbang Gabi kasama ako, o kung gising ang anak ko, kasama si Charley. Magsisimba kami, kakain kami ng bibingka sa gilid ng simbahan, tapos ihahatid niya kami hanggang sa gate ng farm para sunduin naman ni Mang Badong pabalik sa main house.

Ang mga Lauchengco, sa Manila naka-stay buong December kasama sina Mother Shin. Bantay-sarado pa rin ako sa farm hanggang doon sa simbahan.

Pasko nang magtanghalian na naman kami sa Sega. Kanina pa siya natatawa habang nilalaro ang anak kong binilhan niya ng maraming regalo.

"Tito Clark was complaining na yata kahit kina Mama," kuwento niya. "Banned kasi siya rito sa farm hangga't wala si Tita Mel. E, ayaw ngang pumunta rito ni Tita. I'm not sure kung nagsusumbong na rin siya kay Tita Shin."

Paborito talaga nila si Coco. Sa lahat yata ng miyembro ng mga Dardenne at Mendoza, siya na lang talaga ang pinapayagang bumisita sa akin dito sa farm.

Hindi ko alam kung ano ang plano nina Mrs. Lauchengco, pero tingin ko, pinagdududahan na rin nila si Coco kaya hinahayaan lang nila siyang bumibisita rito sa akin.

Gaya nga ng sabi ni Mrs. Lauchengco, mabuti nang nasa malapit siya para alam na nila kung sino ang pagbibintangan agad.

Pero wala pa akong nababalitaang masama tungkol kay Coco at sa mga ginagawa niya sa labas—kung ano man 'yon. Wala ring binabanggit sa akin ang mga may-ari ng farm.

"Dadi! Pipisot o!" sigaw ng anak ko na sabay pa naming kinunutan ng noo ni Coco.

"What?" gulat na tanong ni Coco, na kahit ako, di ko rin alam ang ibig sabihin.

"'Wag mo 'kong tanungin, di ko rin alam," sagot ko na lang kahit hindi para sa akin ang tanong.

Pisil-pisil ni Charley ang malaking walrus plushie na bili ng tito niya. Nagsasalita na siya, pero depende sa kausap ang mga sinasabi niya. Deretso niyang natatawag na Mama sina Mrs. Lauchengco at Mother Shin. Pagdating sa akin, kung hindi Mama, Momo, Mingming, o kaya Mamek naman. Kapag Mamek, alam ko nang naghahanap siya ng gatas.

Sa amin ni Charley nag-Pasko at Bagong Taon si Coco. Sa akin, walang problema 'yon. Wala siyang kakampi ngayon sa pamilya niya. Wala rin naman akong kakampi sa pamilya nila. Nagkakasundo naman kaming dalawa kahit madalas siyang nakakabuwisit kausap.

Noong sumunod na taon, mas lalong dumalas ang pagdalaw niya kasi nakabili siya ng property malapit sa may simbahan. Pero commercial 'yon na ginagawa muna niya ngayong apartment habang nire-renovate. Nakapangalan daw ang property kay Jensen pero pera niya ang ginamit para hindi kahina-hinala.

Sa simbahan na rin kami madalas mag-meeting kahit namamasyal. Ang meeting namin, kung hindi maglalaro si Charley, tuwing kakain kami, o kaya naman pagkatapos magsimba. Isinisingit na lang namin ang usapan sa kung ano-anong ginagawa namin para hindi kami mukhang may binabalak na masama.

"Hindi basta ibebenta ng mga Arcontica ang property doon sa Golden Valley kasi mataas ang value n'on," paliwanag ko kay Coco. Bantay-bantay namin si Charley na nagpapadulas sa maliit na park malapit sa simbahan.

"So hindi talaga possible ang paglabas sa market ng property? Kahit cash payment?"

"Hindi ko ire-recommend na bilhin ang property nang vash kasi malulugi lang kayo. Ipapa-bid nila 'yan hanggang sa highest price na doble o triple sa market value," dagdag

ko. "Mataas lang ang value n'on ngayon kasi big time ang may-ari, pero may contractor nang nagtatrabaho sa palibot ng area kaya kapag binili n'yo 'yon para sa negosyo, lalamunin lang kayo ng kompanyang may negosyo roon sa dine-develop na area."

"Pero interested din sina Tita Mel sa property. For sure, may value 'yon."

"May value kung big time ka na may magandang plano para sa lote. Pero kung wala, lugi ka do'n. Ia-outcast ka ng nakapalibot sa 'yo kung ikaw ang may-ari."

"Ano'ng puwede mong i-recommend?"

"Puwede kang sumimple ng appointment kay Mateo Dellara."

"Who's that?"

"Dati siyang taga-NHA. Maraming koneksiyon 'yon. Pagdating sa kanya, magpa-connect ka kay Mr. Nine. Si Mr. Nine, hindi 'yon basta-basta magpapakita sa 'yo o sa kahit na sino—kahit Dardenne ka pa. Mas lalong hindi siya magpapakita kapag nalaman niyang konektado ka sa mga Lauchengco."

"May issue ba siya sa Red Lotus?"

"Malaki. Pero hayaan na muna natin 'yan. Magpakonekta ka kay Mr. Nine, sabihin mong magbebenta ka ng info. May mga hawak kang blueprint, di ba?"

"Yeah. Do I have to sell them?"

"Sabihin mo lang, may mga blueprint ka ng mga prospect natin. Makipag-negotiate ka sa presyo. Lapagan mo ng mabigat na pangalan para mabilis makakuha ng interes niya."

"Okay, I'll take note of that."

"Kapag nagtanong ng presyo, sabihin mong pass ka sa cash o cash equivalent. Kailangan mo ng bonds o deed of sale o land title mismo kapalit ng blueprint. Kapag hindi pumayag, mangontrata ka ng security agreement sa Afitek. Hindi tatanggi 'yon sa guwardiya. Risky lang, pero kayang sugalan. I-drop mo na lang ang agreement kapag hindi binili ang blueprint mo."

"Siya ba ang magpa-process ng selling niyan?"

"Hindi siya ang owner, pero bibilhin niya 'yang property sa kakilala niya. Mas maganda kung sa kanya dadaan bago pa nila dalhin sa bidding ang titulo ng lupa. Mas mabilis ding mapa-process kapag dumaan ka sa kanya kaysa dumaan ka sa legal process. Aabutin ka ng five years sa paglakad pa lang ng documents. Buo mo man ang bayad o hindi, mahihirapan ka sa legal."

"So, we need to process this under the table."

"Kailangan. Wala kang choice na maganda sa ngayon kundi 'yan lang."

"Where do I find the first guy?"

Inilahad ko ang palad para hiramin ang phone niya. Wala namang tanong-tanong, inabot niya agad sa 'kin nang hindi na naka-lock.

"Pumunta ka sa bar kung saan mo ibinigay ang number ng asawa ko. Hanapin mo si Boss Cid. Sabihin mo, ako ang nagpadala sa 'yo. Pero hihingan ka n'on ng pruweba na ako nga."

Itinutok ko ang phone paharap sa 'kin at tinabihan ko ang anak ko.

"Smile ka, baby." Ngumiti naman ang anak ko. "Smile!"

"Mayl!" malakas na sabi ni Charley at nagtaas pa ng mga kamay.

Saka ko lang pinindot ang recording button at umanggulo ako habang nakatalikod si Charley.

"Boss Cid, bata ko 'to, Hades ang pangalan. Pa-connect ako kay Dellara. Bibili 'to ng property. March 3 ngayon, latest 'tong video."

Saka ko tinapos ang recording at ibinalik kay Coco ang phone.

"Kapag nanghingi ng confirmation, ipanood mo 'yan sa kanya. Alam na niya 'yan."

"All right."

Sunod-sunod na buwan na tinatatrabaho talaga namin ni Coco ang "pangunguha" ng kung ano-anong deal sa kung sino-sinong mabibigat na pangalan. Red Lotus na yata ang pinakamabigat naming binabangga pagdating sa procurement.

Hindi madaling ma-approve ang bawat agreement lalo kung wala pang credibility. Pero bilib na talaga ako kay Coco. Kapag talagang iniisip niya, nagagawa niya.

Sa isip-isip ko, okay na 'kong ganito lang ang setup ko sa mundo. Nakikitira sa farm ng mga Lauchengco. Walang phone. Walang sariling internet. Sa farm, walang matinong internet connection. Kailangang may sarili kang data o pocket Wi-Fi kasi walang pangmalakasang Wi-Fi sa loob. Kung wala ka ng kahit alin doon, mag-enjoy ka na lang sa kalikasan.

Wala akong koneksiyon sa mundo sa labas maliban sa may simbahan at kay Coco. Doon umikot ang mundo ko sa loob ng kalahating taon, hanggang sa dumating ang di-inaasahang balita sa farm.

Mid-May nang lapagan ako ni Mother Shin ng pulang envelope habang pinakakain ko ang anak ko.

Nasa veranda kami ni Charley. Maraming makakakita sa amin kung may mapapadaan na katiwala.

Pagtingala ko kay Mother, halatang hindi maganda ang mood niya.

"May problema ho ba?" tanong ko agad.

"Hindi ako nagdududa sa kakayahan mo. At kaya ka rin nandito ay dahil pinipigilan ka at ang asawa mo sa kaya n'yong gawin sa labas."

Napahugot ako ng hininga. Hindi naman ako natatakot kay Mother, pero kinakabahan ako para sa anak ko. Kapag ganitong pagkakataon, ayokong isipin na kapag may galit sa akin, anak ko agad ang pupuntiryahin.

"Hindi ko kayo naiintindihan, Mother," sabi ko na lang at itinuon ang atensiyon sa anak ko.

"May gathering sa katapusan ng buwan at imbitado ka."

Natigil sa ere ang kutsarang hawak ko para isubo sa anak ko. Pinigil ko ang sariling igalaw ang ulo para makita ang mukha ni Mother.

"Kung kumikilos ka ngayon nang walang sinasabi sa amin, hindi na kami maghahanap ng kakuntsaba mo," mahigpit na salita niya, at unang pumasok agad sa utak ko si Coco. "Isa lang ang puwede naming pagbintangan, at alam kong alam mo kung sino ang tinutukoy ko."

Kinakabahan ako oras na malaman ni Mother Shin kung sino ang Hades El-Sokkary na bumabangga ngayon sa organisasyon niya.

Ang bigat ng paghinga ko nang iwan kami ni Mother sa veranda. Nanlalamig ang nanginginig kong kamay nang buksan ang envelope.

Invitation para sa Annual Business Summit na gaganapin sa Okada. Naka-gold print ang pangalan ko: Ezra Kiro. Hindi Mendoza. Walang Mendoza.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit ako naimbitahan. Ayoko sanang kausapin si Coco dahil pinaghihinalaan na siya ni Mother Shin, pero para sa ikatatahimik ko at ng anak ko, pinuntahan ko pa rin siya sa may simbahan para sabihing huling beses na niya 'yong makakapunta roon.

Para na rin sa kaligtasan niya kaya kailangan na naming huminto sa pagkikita. Red Lotus na ang binabangga namin. Ayoko nang palalain pa ang sitwasyon.

Tahimik sa ilalim ng ipil-ipil, nakaupo na naman kami sa concrete bench habang mataas ang panghapong araw.

'Tang ina, hindi ko alam ang sasabihin. Para akong nakikipag-break sa hindi ko naman asawa.

"Um . . . may natanggap pala akong invitation," panimula ko.

"Sa Business Summit ba?"

"Yeah. Walang binanggit kung bakit, pero invited ako. Alam mo na ba? Organizer ka na naman ba?"

Natawa siya nang mahina. "Nope."

"Invited ka rin?"

"Yep. And . . . you're one of the awardees."

Nag-render ang utak ko nang mga five second sa sinabi niya. "Awardee na . . . ?"

"You're one of the Game-Changers of Commerce Awardees."

Nangunot tuloy ang noo ko. "Ano 'yon?"

"I nominated you for that award."

"HA?!" gulat na sigaw ko pagkarinig ko sa inamin niya. "Anong nom—" Napatakip ako ng bibig bago pa ako makabulahaw sa paligid. "Anong nominated? Bakit nominated?" mahinang tanong ko paglapit kay Coco.

"I'm just being fair."

"Anong being fair? Ano'ng ginawa ko para maging awardee?"

"That's exactly the reason you won. May ginawa ka kaya ka nanalo ng award."

"Kaya nga tinatanong ko kung ano!" pigil na irit ko. "Nakakulong ako rito sa farm, ano'ng nagawa ko?"

"You should know the answers to that. Malay ko rin kung paano ka nanalo, hindi naman ako part ng jury."

Kita mo 'tong ugok na 'to. "Ikaw ang nag-nominate, hindi mo alam?"

"I nominated you for the sake of the nomination, okay?" paliwanag niya. "Kung mag-qualify ka sa nomination, a-attend ka pa rin ng event na 'yan, and I don't want to see you again as yaya or security ni Charley because you don't deserve that."

"Wala naman akong reklamo kung ano ako sa event. Ang importante—"

"Well, I care about it," putol niya sa 'kin. "If you're fine with being a yaya or a guard for your son, then I'm not. Anak mo 'yon. Mama ka ni Charley, so they have to treat you as his mom."

"Eto na naman tayo." Napakamot ako ng ulo dahil ito na naman siya sa mga reklamo niya tungkol sa mga

natatanggap ko sa ibang tao. "Bakit ba ang hilig mong maki—"

"You've already won, all right? Valid na ang pagpunta mo sa event because you won an award."

"Hindi ko 'yon kailangan."

"I know! But I don't want people to see you as naanakan lang ng pinsan ko or someone na for disposal lang ng ibang taong mas maimpluwensiya because you are more than that. Pupunta ka sa event because you are you. Hindi ka yaya ng anak mo, hindi ka tagabitbit ng bag, okay?"

"Bakit ba big deal sa 'yo 'yan? Hindi naman kabawasan sa pagkatao ko kung tagabuhat lang ako ng baby bag ng anak ko. Lahat na lang sa 'yo, big deal!"

"Big deal 'to sa 'kin because you deserve better, but you're settling on the bare minimum. And if you think lowly of yourself, then you can't force me to think that way towards you. Pupunta ka diyan sa event as an awardee at hindi basta saling-pusa lang ng family namin o yaya ng kung sinong pamilya."

Hindi ko maintindihan si Coco kung bakit niya 'to ginagawa para sa 'kin. Wala naman akong problema kung maging tagabitbit lang ako ng baby bag ng anak ko sa mga ganitong event. Hindi naman ako naghahangad ng impluwensiya o ano. Gusto ko lang ng tahimik na buhay. Kung kaya kong makakuha ng tahimik na araw sa mga ganitong award bilang premyo, baka ako pa mismo ang mag-nominate sa sarili ko.

"Bakit mo ba 'to kailangang gawin?" masama ang loob na tanong ko. "Hindi ko naman 'to hiniling sa 'yo, a?"

"I just know what you deserve, Kit."

"May hidden charges na naman ba 'to? May iba ka pa bang plano kaya mo 'to ginagawa?"

"Ayoko lang ma-left out ka," deretsong sagot niya, titig sa mga mata ko.

Hinahanap ko ang kahit anong senyales na nagsisinungaling siya at gumagawa na naman ng kung anong kuwento, pero wala. Wala akong ibang makita kundi concern lang niya.

"It's just a nomination para makasama ka namin nang hindi ka plus one lang, Kit, and I'm not expecting you to win. But you did."

"Hindi mo na sana 'to ginawa. Hindi mo alam kung ano ang kapalit nito."

"I can risk everything I have right now for you, Kit . . ."

Mabigat ang naging paglunok ko habang nakikipagtagisan sa kanya ng tingin.

"Hindi ko inilaban 'to kasama ka para iwan ka lang mag-isa sa huli. I can't leave you alone. Not this time."

Napaiwas na lang ako ng tingin bago pa ako umiyak dito sa labas.

"Huling punta mo na 'to rito, Coco," huling salita ko at tumayo na sa inuupuan namin. "Hindi mo na kami kailangang dalawin ng anak ko."

Naglakad na ako papuntang Sega para makabalik na sa farm. Nakakalimang hakbang pa lang ako nang magsabi siya nang mas malakas—sapat para marinig ng kahit na sinong nasa malapit sa 'kin.

"I don't have to go back here, though. I'll bring you home, and you can't stop me from doing it."

Mabigat ang loob ko nang talikuran si Coco. Alam kong masigasig siyang tao. Bali-baligtarin man ang mundo, kahit nakakairita man siyang kausap, alam ko at nakikita kong pursigido siya sa lahat ng ginagawa niya.

Ang mga bagay na sinusukuan ko dahil hindi ko nakikitaan ng pag-asa, nagagawan niya ng paraan para maging posible.

Sinasabi nila na hindi na siya ang Connor na nakilala nila na punong-puno ng sigla at masaya sa ginagawa. Hindi na raw siya ang Connor na masipag at ginagawa ang lahat para makuha ang gusto niya. Wala silang ibang makita kundi malungkot at walang buhay na Connor.

Matagal ang inabot bago ko matanggap na ibang Connor ang nakakasama ko sa nakakasama nilang lahat. Hindi ko kayang maawa sa kanya gaya ng awa na natatanggap niya sa mga nakapaligid sa amin.

Pero noong tinalikuran ko siya, saka ko lang naramdaman ang bigat—hindi dahil tinalikuran ko siya sa plano namin kundi dahil nauna akong sumuko habang may inilalaban pa siya para sa akin.

May malaking bara sa lalamunan ko na ang hirap lunukin. Sinasabi ng utak kong balikan ko siya roon sa may simbahan at sabihing nagbibiro lang ako . . . pero pinipigilan ako ng panibagong takot na baka kapag nagtagal pa ang ganitong pagkikita namin, baka pag-initan na siya ng Red Lotus.

Kalaban na niya ang mga nasa Business Circle. Ano na lang ang mangyayari kung pati ang Red Lotus, kakalabanin din niya dahil lang sa 'kin?

Bumalik ako sa farm na masama ang loob. Pinipigil ko lang ang sarili kong umiyak dahil wala naman akong karapatang umiyak. Iniisip ko ang anak ko, baka maghanap pa sa kanya. Dalawang buwan na lang, magdadalawang taon na si Charley. Siya lang naman ang natatawag n'ong Daddy kasi hindi naman nakakalapit sa 'kin si Cheese.

Naiintindihan ko naman kung saan siya nanggagaling, pero ayoko nang sumugal nang sumugal sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin. Nandito ako sa farm. Nandito rin ang anak ko. Kung wala rito si Charley, wala akong pakialam sa lahat ng puwedeng mangyari.

Nalaman ni Mrs. Lauchengco ang tungkol sa award na matatanggap ko kaya inasahan ko nang kakausapin pa rin niya ako kahit kinausap na ako ni Mother Shin.

Dinayo pa niya ako sa kuwarto namin ng anak ko para lang makiusisa. Naupo siya sa kama kaya bahagya akong pumaling pakaliwa habang nagtutupi ng damit.

"Nag-send ng email ang organizer ng business summit—'yong next week." Inabutan niya si Charley ng suklay at inutusan niyang suklayan siya. Masunurin naman ang anak ko, tumayo sa kama para sumunod.

"Hindi ko ho alam kung pupunta ako, Mrs. Lauchengco—"

"Tinanong ko ang committee kung paano ka nagkaroon ng award."

Sumulyap ako sa kanya bago ibinalik ang tingin sa mga damit na hawak ko. Curious din ako sa sagot, ayoko lang magsabing wala akong alam.

"Nag-ipon daw sila ng mga naging contribution mo sa iba't ibang negosyo. Maraming nagbigay ng testimonials. May mga parte din ng committee na kilala ka at naging parte sila ng committee dahil may ambag ka."

Ang lalim ng buntonghininga ko. Malamang na mga boss ko 'yon noon kaya binoto ako. Pero hindi naman ako iboboto kung hindi ako nominated.

"Hindi namin pinagdududahan ang kakayahan mo," dugtong ni Mrs. Lauchengco nang hindi ako sumagot sa inamin niya. "Kung tinanggap ka ni Tita Tess bilang asawa ng apo niya, malamang may dahilan 'yon. Allergic 'yon sa palamunin at inutil, baka lang hindi mo alam."

"Wala ho akong balak na kahit ano sa ibang tao. Gusto ko lang maging kompleto ang pamilya ko," paliwanag ko sa kanya. "Tinulungan ko sila noon sa negosyo kasi kailangan ko ng trabaho. 'Yon lang ho 'yon."

"Kinausap ako ni Connor."

Napalalim ang paghinga ko nang marinig ang pangalan ni Coco.

"Alam mo kung bakit gustong-gusto ko siya para sa anak ko?"

Saglit akong sumulyap sa kanya bago ko itinuloy ang pagtutupi ng damit.

"Madaling sabihin na gusto ko siya dahil anak siya ng kumare ko. Pero kilala ko si Coco. Naniniwala pa rin ako sa kanya kahit masama ang loob ko sa ginawa niya sa anak ko. Anak siya ni Rico. Pinalaki siya ni Jaesie. Alam kong may plano siya kahit hindi ko alam kung ano 'yon."

"Hindi na ho ako makikipagkita sa kanya sa may simbahan—"

"Hinihingi ka niya sa 'kin kasama si Charley."

Doon lang ako napalingon sa kanya dahil sa gulat. "Ano ho?"

"Tinanong ko siya . . . bakit kita ibibigay sa kanya?" Sinalubong ni Mrs. Lauchengco ang mga tingin ko. "Tinanong ko siya kung napapagod na ba siyang dumalaw rito dahil ang layo ng bahay niya. Madaling sabihing oo, di ba? Magastos sa gas. Traffic. Sayang ang oras. Hindi ka naman niya asawa."

Napalunok ako at napaiwas ng tingin.

"Pero wala naman daw sa kanya kahit dalawin ka niya rito araw-araw. Kung nagawa nga naman niya 'yon nang kalahating taon, wala na 'yon sa kanya sa mga susunod pa."

"Kaya nga ho hindi ko na pinapupunta rito," katwiran ko.

"E, hinihingi nga kayo ng anak mo."

Biglang tumaas ang kilay niya at hinamon ako ng tingin. Napaiwas tuloy ako at binalikan na lang ang itinutupi para masabing may ginagawa. Ayokong may ibang isipin si Mrs. Lauchengco sa sinasabi niya tungkol sa gusto ni Coco. Anak pa naman niya ang pakakasalan dapat n'on. Baka isipin niya, inaagaw ko sa kanya ang paborito niyang mamanugangin.

"Tinanong ko siya kung bakit ka kailangang hingin," pagpapatuloy niya. Hindi ako makasagot. "Lumalaki na raw si Charley. Baka raw magulat ang bata, iba pala ang daddy niya."

"May usapan na ho kayo ng asawa ko, di ba? Pitong buwan pa."

"Alam ko. Pero sabihin na nating . . . pipiyansahan ka ni Coco para makaalis ka rito sa farm."

Napabalik na naman ang atensiyon ko kay Mrs. Lauchengco. "Anong piyansa ho, e hindi naman ako nakakulong dito?"

Inawat niya sa pagsuklay ang anak ko at saka siya tumayo. Saglit niyang pinisil-pisil ang pisngi ni Charley saka ako binalingan uli.

"Kasama ka namin sa summit sa susunod na linggo. Ihanda mo na rin ang mga gamit mo. Susunduin kayo ni Coco bukas."


♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top