Chapter 4: Pain
Red Lotus—kapag nasa underground ka at hindi mo sila kilala, nasa maling grupo ka.
Kung ang Business Circle ay ang association ng mga elitistang holier-than-thou at hindi tumatapak sa lebel ng mga hampaslupang daga na tulad namin, kabaligtaran sila ng Red Lotus.
Binubuo ang Red Lotus ng mayayamang tao rin naman, pero sila ang klase ng mayayaman na hindi pera ang kayamanan
nila. Impluwensiya at tao ang yaman nila kasi ang pera, madaling makuha. Ang impluwensiya, hindi. Ang kontrol sa tao, hindi. Kung nasa poder ka ng mga negosyong nasa ilalim ng Red Lotus, nasa mabuti kang kamay kung magtitino ka. Pero kung hindi, para mo na lang ding niyakap ang mga taong papatay sa iyo kalaunan.
Noong sinabi ni Cheese na may direct connection si Damaris sa Red Lotus kaya pinaglalayo itong pinsan niya at ang anak ni Pat Lauchengco, naintindihan ko na agad kung bakit.
Domineering ang pamilya ng mga Dardenne sa lighter side ng commerce. Kung makukuha pa nila ang impluwensiya ng Red Lotus na nasa darker side, mas nakakatakot na silang banggain para sa mga kalaban nila. At gets na gets ko 'yon.
Noong ipinaubaya ako ni Lola Tessa sa Red Lotus, ang dami kong gusto pang itanong sa kanya na sayang lang dahil hindi na niya masasagot kahit na kailan.
Nagkaroon ng conflict ang mga Dardenne at mga Lauchengco dahil kay Connor at dito kay Damaris. Ginawan ng paraan ni Cheese 'yon pero personal ang rason niya. Gusto lang niyang alisin ang isa sa mga ugat ng away ng pamilya niya.
Pero, tingin ko at malakas ang kutob ko, na hindi umalis si Lola nang walang laban ang pamilya niya. Ibinigay niya ako sa Red Lotus.
Ibinigay niya ang asawa ng isang apo niya sa Red Lotus bilang direct connection sa kanila. Dahil itong isang aasawahin sana ay hindi nga raw natuloy dahil tumakas sa kasal nitong panganay na apo niya.
Ginawa akong substitute ni Lola roon sa supposedly connection niya.
Plot twist ko pa siguro na may direct connection ako sa Business Circle, may direct connection sa mga Mendoza na mediator nila, at hahawakan ko pa ang Afitek.
Kung titingnan ko ang estado ni Damaris ngayon, mukhang mas angat ako sa kanya nang napakaraming beses pagdating sa impluwensiya at koneksiyon.
Mautak din talaga si Lola. No wonder, napatakbo niya ang Afitek kahit nakakapanginig ng laman ang trabaho roon araw-araw. Sa dami ng dahilan para paghiwalayin kami ng apo niya, at talagang pinursige niyang umabot ako sa ganitong punto.
Wala naman yata siyang pakialam kung delikado akong tao. Ang pakialam lang yata ni Lola ay kung may silbi ba ako sa pamilya niya o wala.
'Yon lang, ang malas ko pa rin. Para lang akong nagtawag ng mga taong papatay sa akin anumang oras.
"Finish your food. Kaunti lang 'yan."
Ang talim ng tingin ko rito sa anak ni Mother Shin na nasa kanang gilid ko. Pinakakain ako sa dining area.
Wala naman sanang problema . . . kung hindi lang ako iginapos ng lubid sa upuan at itinali ang magkabilang binti ko sa paa ng silya para hindi ako makagalaw. Kanina pa pumipintig ang kalahati ng katawan ko sa kanan dahil sa ginawa niya. Hindi ganoon kalalim ang kuko niya, at iyon nga ang mas masakit. Piniga niya ang braso kong puro sugat, hindi kinalmot.
Paano ka ba naman gaganahang kumain, parang nagkaroon ng sariling pusong pumipintig ang lahat ng parte ng katawan mong sumasakit?
"'Yong asawa ko, nag-aalala na!" gigil na sigaw ko sa kanya, at halos mapaurong palayo sa akin ang katiwala ritong nagpapakain sa akin habang nakagapos ako.
Pero mukhang wala yata sa bokabularyo ng binatang 'to ang mag-panic o magalit o magwala. Chill lang siyang ngumunguya ng habang nakatingin sa akin.
"Kapag si Cheese, may ginawang kabulastugan dahil sa kagagawan n'yo, humanda talaga kayo," warning ko na.
"He's busy," kampanteng katwiran niya. "Sinabi na namin sa kanya na pinaoperahan ka namin sa abroad para mas mabilis kang gumaling kasi walang qualified surgeon dito sa bansa para sa case mo. So for now, sila muna ni Kuya Coco ang magwo-work ng supposedly work mo."
Ngumiwi agad ako. "Anong abroad? Opera lang, abroad pa? Mukha ba 'kong nahati sa lima, ha? Tingin mo, maniniwala siya diyan?"
"He did. Nagpa-request kami ng statement from the hospital's admin na kailangan kang ipa-transfer sa hospital abroad," proud pang sagot niya. "We sold it. He bought it. End of story."
"Mga demonyo talaga kayo. Pati asawa ko, hindi n'yo pinatawad?!"
Nag-aalala ako kay Cheese, lalo noong sinabi nilang ibinigay sa kanya ang trabaho ko. O kahit pa kasama niya ang pinsan niya, hindi pa rin ako komportableng nasa Afitek siya.
Maliban sa ayoko siyang maka-encounter ng kung anong kahayupan doon, nag-aalala rin ako sa mga puwede niyang gawin. Kahit pa gusto lang niyang makatulong, aminado naman akong ang wild niyang mag-isip.
Ito ngang gusto lang niyang tumulong sa pinsan niya, nagpakasal siya nang wala sa oras at nambuntis pa. What more sa mas malalang kaso na malalaman niya?
Ilang araw na akong bantay-sarado sa farm ng mga Vizcarra, pero mas mahigpit na sila ngayon. Literal na ikinulong na nila ako sa isang kuwarto na sobrang liliit ng mga bintana at iisa lang ang puwedeng maging labasan. Ewan ko kung literal bang kulungan iyon o imbakan lang. Malinis naman sa loob at may cooler pa nga at magandang kama, pero buhay-preso talaga sa loob. Walang lock ang pinto mula sa loob dahil kahoy ang lock mula sa labas. Ultimo ang pinto, hindi bubuksan kung hindi maghahatid sa akin ng pagkain.
Limang araw pa ang pinalipas bago ako "pinakawalan." Naglalangib na ang mga sugat kong hindi na rin masyadong sumasakit. Wala nang benda sa tahi ko sa bandang noo pero
balot naman ng benda ang buong kanang braso ko at kaliwang palad. Hindi naman na kumikirot at tapos na ang inom ko ng antibiotics kaya siguro ako pinakawalan na. Pero kitang-kita pa rin ang mga gasgas sa akin sa mga parteng walang takip kaya sigurado na akong may sasabihin pa rin si Cheese kapag nakita niya ako.
"Nasaan sina Mother Shin?" usisa ko sa driver, ihahatid daw ako sa bahay—kung kaninong bahay man ang tinutukoy niya.
"May meeting sila sa Vietnam. Sa Lunes pa ang uwi."
Lunes? Miyerkules pa lang ngayon. Mahigit isang linggo silang wala?
Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng driver hanggang sa bigla kaming pumasok sa isang subdivision. Nang matanaw ko sa gilid ng kalsada ang satellite office ng Golden Seal, saka ko lang nalaman kung kaninong bahay kami pupunta. Lumiko sa kanan ang kotse at pumarada sa bahay na malapit sa tinutumbok n'on.
Pagbaba ko, hindi si Coco ang inaasahan kong bubungad sa akin.
"Cali's not expecting you," mahinang paalala niya.
Huli kong nakita si Coco, noon pang pinaplano pa lang nila na mag-training siya sa Afitek. Last month—last year—pa 'yon. January na.
"I'm not expecting you," sabi ko sa kanya. "Kakauwi mo lang ba?"
"Yeah. Two days ago."
Magkasabay kaming pumasok sa bukas na wooden gate.
"Nag-London lang ako, mukha ka nang sinagasaan," dagdag niya.
"Sinagasaan talaga ako, gago."
Saglit pa siyang huminto at gulat na tiningnan ako. "Are you kidding me?"
"Mukha ba 'kong kidding? Wala bang nagbalita sa 'yo?" Inirapan ko siya, at saka ko lang naalalang bawal nga palang sabihin ang nangyari sa 'kin, 'tang ina!
"Uy, joke lang, ha! Baka maniwala ka," pahabol ko agad bago pa niya ibalita sa pinsan niyang maramdamin na sinagasaan nga kami ng anak ko.
"So what happened to you?" di-makapaniwalang tanong niya.
"Ano . . ." Napakibit tuloy ako. "Pumutok yung gulong ng kotse. Ayun. Muntik na kaming lumipad sa Mars ng baby ko."
"Ah! So that's the reason why may rashes si Charley?"
May rashes si Charley . . .
Tsk, ang sama na naman ng loob ko. Napamadali tuloy ako ng lakad sa kung saan may naririnig akong tugtog.
Pumasok kami ni Coco sa isang modern house, na kung tama ang pagkakaalala ko, bahay nina Sir Clark.
Kumanan kami sa bandang dulo at doon ko nakita ang pamilya ng asawa ko na mukhang nagpa-party—klase ng party na pam-baby. Nagkalat ang mga lobo at may cake pa sa mahabang mesa na may malaking nakatusok na picture ni Charley, binabati siya dahil six months na siya.
Unang nakasalubong ng mata ko ang kay Cheese na may hawak na bubble gun. Nakabagsak iyon sa gilid niya. Natigil lang siya sa pagbuga ng bula nang makita ako. Higit sa lahat, mukha pa siyang naiiyak—nakanguso at nagpa-puppy eyes. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano dahil literal na namumula siya. Mestiso pa naman kaya kitang-kita na mukha siyang hotdog na nakasalamin sa mata.
"Kit . . ." Huminto ang lahat paghagulhol niya. Paisa-isa siyang lakad habang taas-taas ang mga braso, nanghihingi ng yakap.
Naiiyak ako, pero natatawa ako sa itsura niya. Para siyang malaking baby na naiwanan sa mall at ngayon lang nabalikan ng nanay. Ang pula talaga niya, para siyang nag-blush on pero buong mukha ang nilagyan.
Ako na ang nagmadaling lumapit at sinalubong siya. Humina ang maingay na background music para lang pagbigyan ang nakakabulahaw na iyak ng asawa ko.
"Ba't ka umiiyak?" bungad ko paghawak sa pisngi niya.
"Where have you been?" umiiyak na tanong niya. Butil-butil ang bagsak ng luha niyang sinasalo mismo ng pisngi ko habang nakatingala ako sa kanya.
"Sa malayo, nagpagaling, malamang," sagot ko naman kahit natatawa sa kanya.
Marahan niya akong niyakap habang maingay siyang umiiyak. Alam kong kaya naman niya akong mahigpit na yakapin, pero mas magaan ang hawak niya ngayon. Natatakot yatang dagdagan pa ang sakit ko sa katawan.
Gusto ko rin sanang umiyak dahil sa wakas, nakita ko na siya, kaso nakakatawa kasi talaga ang itsura niya.
Lumayo agad siya sa 'kin at inisa-isa ng tingin ang ulo ko pababa, binibilang kung ilang sugat ang natamo ko sa inaakala niyang aksidente lang.
"Your head . . ." umiiyak na puna niya sa bandang noo ko ng may tahi. "Oh my god . . ." Hindi niya alam kung paano ako hahawakan. Halos hindi magtama ang palad niya at pisngi ko. Nakatutok lang sa akin pero ayaw idampi. Pagbaba ng tingin niya sa braso ko, wala siyang sinabi, lalo lang lumakas ang iyak niya.
"Okay lang ako," paalala ko sa kanya.
"Dapat ako na lang talaga yung sumundo sa 'yo, e . . ."
Biglang tunaw ng lungkot ko dahil sa sinabi niya. Sa isang iglap, nagpasalamat akong hindi siya ang sumundo sa amin ng anak niya. Kung pati siya, nadamay . . . kahit nangako ako kay Lola, wala akong ititirang bakas ng Afitek kapag pinabagsak ko ang buong kompanyang 'yon.
"Si Baby?" tanong ko agad.
Kusot-kusot niya ang ilalim ng mata nang ituro ang likuran niya. Bigla silang nagsiiwasan ng tingin nang makita ako, pero
nakatingin sa amin ang mama ni Cheese, karga-karga ang baby kong kahit nasa malayo, kita ko pa rin ang ilang pulang guhit sa balat.
Kahit ayokong umiyak, kusa nang nanginig ang labi ko at lumapit sa kanila.
"Charley . . ."
Tutok lang ang mata ko kay Charley na may hawak-hawak na stuffed dog at hindi pinapansin ang paligid. May mga gasgas siya sa braso. May gasgas din sa pisngi saka sa noo. May pula-pula siya sa balat na parang tama pa ng ilang piraso ng bubog. Ako ang nasasaktan para sa kanya kahit na mukhang hindi naman niya iniinda ang mga sugat niya sa balat.
"Anak . . . miss mo na si Mama?" naiiyak na tawag ko paglapit. Nakaalalay ang kamay ko nang abutin ko siya sa mama ni Cheese. Ang kaso, hindi naman ibinigay.
"How will you carry him, hindi pa nga okay ang braso mo?" sermon sa akin ng asawa ni Sir Clark.
"Kaya ko namang buhatin," mangiyak-ngiyak na katwiran ko pagtingin sa kanya.
Mabilis siyang umiling at tumingin sa ibang direksiyon. "Cali, ikaw ang magbuhat kay baby."
Sinubukang habulin ng kamay ko si Charley, pero hindi sa braso ko siya lumapag kundi sa braso ng daddy niya.
Pigil-pigil ko ang iyak kahit pa ramdam kong parang hindi naman ako dapat nandito.
"Charley, Mama's here na ulit," malambing na sabi ni Cheese nang kargahin ang baby namin paharap sa akin.
Nalilito pa si Charley nang tingalain ako. Ilang saglit pa, ngumiti na siya at paputol-putol ang tawa. Kumawag-kawag pa siya nang hawakan ko ang kamay niya. Pasinghot-singhot na ako habang pinipigilang tumulo ang luha kong namumuo na sa linya ng mata.
"Ang dami mong sugat, anak . . ." Hindi ko na napigilan, sunod-sunod na ang bagsak ng luha ko sa pisngi habang iniisa-isang dampi ang bawat langib sa makinis sanang balat niya. "Sorry . . . hindi na uulitin ni Mama ito para wala ka nang masakit sa katawan . . ."
Tuwang-tuwa siyang dinadampian ko siya ng halik sa noo at sa pisngi kahit pa iyak lang ako nang iyak dahil kahit makarga siya, hindi ko magawa.
Ang sakit sa pakiramdam na nakikita ko yung anak ko na ni hindi pa nga marunong magsalita ng kahit na ano, puro na sugat, muntik pang mamatay, dahil lang may mga taong walang pakialam kung may madadamay sa gusto nilang mangyari.
Alam kong patay na ang mga posibleng mastermind nito, pero gusto ko uli silang pabangunin sa hukay para lang patayin uli nang maraming beses.
Sa dami ng sugat ko sa katawan, ang sakit lang na meron ako ngayon ay galing lang sa pagtitig ko sa mga sugat na meron ang anak ko. Kung kaya ko lang kunin ang lahat ng sugat niya sa katawan, kahit wala nang paglalagyan ng panibagong sugat sa balat ko, kukunin ko pa rin para lang hindi na niya 'yon maramdaman.
Nagse-celebrate sila para kay Charley dahil eksaktong anim na buwan na, pero ang utak ko, ayaw matuwa.
Ayoko nang maulit ito sa anak ko. Hindi ko na alam kung ano pa ang kaya kong gawin kapag nangyari na naman ang ganito sa pamilya ko.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top