Chapter 37: Second Thought
Wala akong problema sa farm. Hindi rin stressful alagaan ang anak ko habang nagtatrabaho kasi ginagawa siyang laruan ng mga may-ari doon. Kung hindi siya na kay Mother Shin, karga siya ni Zhi, kasama siya ni Sir Pat, kalaro niya si Mrs. Lauchengco. Ako na lang ang nahihiya minsan. At para lang hindi ako nakatunganga dahil may ibang nag-aalaga sa anak ko, naghahanap na lang din ako ng gagawin.
Tutulong ako sa kusina, magtatanong ako kung may puwede ba akong gawin sa main house o sa kahit saang parte ng farm. Pati pagbubunot ng damo, pinatos ko na, para lang din hindi masabing wala akong silbi.
Kumbaga, hindi ko kailangang mag-alala araw-araw kasi ligtas kaming mag-ina at busog kami palagi. Puwede akong maging normal na tao sa farm. Kung alaga lang, alagang-alaga kami sa poder ng mga Lauchengco.
'Yon lang, pagdating ng Linggo, sinabihan na naman akong may bisita at doon na naman kami nagkita sa simbahan sa likod ng farm.
"Hi, Kit."
Nakangiwing mukha ni Coco ang bumungad sa 'kin pagkakita ko sa kanya.
"Itsura mo, Connor."
"Tara, meryenda tayo."
Bumungad sa 'kin ang mukha ni Connor na parang pinainom siya ng laxative at hindi na alam kung paano magpipigil sa pagtawag ng kalikasan.
Pumunta kami sa restaurant sa may Sega at umorder lang kami ng lutong-bahay na hotcake na pinunasan ng legit na butter at white sugar saka hot chocolate bilang pang-umagang meryenda. Wala masyadong tao dahil alas-nuwebe pa lang ng umaga at hindi pa luto ang pantanghalian. Ilan lang ang tao sa mga mesa. Kung may bilhin man sa loob, puro takeout na kakainin sa trabaho o sa bahay.
Kanina pa pakamot-kamot ng leeg si Coco gamit ang hintuturo niya at hindi ako matingnan nang deretso.
"Ano na? Pinupulgas ka ba?"
"Pinu-what?" gulat na tanong niya sa 'kin.
"Bakit kanina ka pa kamot nang kamot diyan?"
"Ah . . ." Sabay buntonghininga. "All right. Hmm . . . birthday ngayon ni Cali."
"Oo nga. May magagawa ba tayo?"
"Bad news: hinarang na naman kami."
Nangunot agad ang noo ko. "Hinarang? Hinarang saan? Sinong humarang?"
"Okay." Itinuro niya ang gilid. "Last Friday, kasama dapat si Cali sa binyag . . ."
Sa isang iglap, para akong ipinako sa upuan ko at ilang beses pinukpok sa ulo para bumangon nang maigi.
"The thing is, hinarang kami sa checkpoint ng mga tao ni Tita Mel."
"O, tapos?" Napapanganga na lang ako sa inaamin niya.
"Hinarang na naman kami kanina. So I told them na hinatid lang ako ni Cali kasi wala akong kotse. So there. Pinaalis na siya and bumaba na ako rito. Wala na tuloy akong kotse pauwi." Buntonghininga na naman galing sa kanya at mukhang kotse niya ang talagang problema niya at hindi ang panghaharang sa kanila ng asawa ko.
Alagang-alaga kami ng anak ko ng mga Lauchengco na ultimo sa asawa ko, ayaw na rin akong palapitin.
"Magpapa-car service na lang siguro ako mamaya," pagsuko ni Coco. "So, anyway, nag-attempt lang naman kaming dumalaw ni Cali. Mas mahigpit na ngayon ang mga Lauchengco. Hindi ko in-expect. Akala ko, kay Ram lang 'yan effective. So, ayun."
Pabuntong-hininga siyang sumandal sa upuan at tinitigan ako.
"Today is Cali's birthday," ulit na naman niya.
"Oo nga. Kanina ka pa," nabuburyong na sinabi ko.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Dumadalaw pala si Cheese, hindi lang nakakatuloy. Nagpapasalamat ako sa effort, pero sana hindi na lang niya ginawa. Delikado kasi, lalo na't may usapan na sila ni Mrs. Lauchengco.
Na-appreciate ko ang effort, pero nato-trauma na ako sa risk ng pagsasama namin. Ayokong makarinig ng bad news tungkol sa asawa ko. Hindi na baleng malungkot siya basta ligtas siya. Ayoko nang sumugal siya sa delikadong sitwasyon dahil lang sa 'kin.
"I don't know if this is bad news for you or not," pagpapatuloy ni Coco, "pero announced na ang balitang nag-file na si Cali ng annulment case sa 'yo."
"HA—" Natakpan ko agad ang bibig ko bago ko pa maisigaw nang mas malakas ang pagkagulat ko. Mahina kong ibinagsak ang kamao ko sa mesa at pinandilatan agad si Coco. "Anong annulment case? Bakit may annulment case?"
"Because you're psychologically incapacitated."
Biglang bumagsak ang emosyon ko para tingnan siya nang masama. "Sabihin mo sa 'king nantitrip ka lang at patatawarin na kita. Kung sarcasm 'yan, sige, bilhin ko na."
"Sana nga, nantitrip lang ako, but the case is supported by the Lauchengcos. You don't have to buy it. It's your reality that you have to swallow hard."
Doon ako natameme.
Paakyat na ang inis ko nang bigla kong maalala si Mrs. Lauchengco.
"Magkakasundo kami na kapag hindi niya naayos ang pinaggagagawa niya sa Afitek, magpa-annul na kayo. . . ."
"'Wag ka ngang OA! Natural, hindi naman matutuloy 'yon! Tinatakot ko lang!"
Napaayos ako ng upo at napatitig sa labas ng bintana ng restaurant.
Itinuloy pala talaga ni Mrs. Lauchengco? Akala ko, joke lang.
Napabaling ako kay Coco. "Pumayag si Cheese sa annulment?"
"Pumayag siya for a specific reason."
"Na anong reason?"
Umurong paharap si Coco para makapagsalita nang mahina pero maririnig ko pa rin.
"After the announcement of the annulment case na seconded ng Red Lotus, wala nang may pakialam sa 'yo. No one talks about you anymore. So Cali took that opportunity para ilayo ka sa mga umaatake sa inyo ngayon. You're nothing but a memory na lang."
Bumagsak ang balikat ko sa inamin ni Coco. Sa isang iglap, parang gusto ko nang tumakas sa farm para lang makita ang asawa ko.
"Cali announced last time bago pa ang blackout sa Afitek na nasa Dasma ang baby n'yo. Another announcement was made last Monday, and today ang official christening ni Charley na kasabay ng birthday niya."
"Ano?!" gigil na tanong ko, pigil sa pagsigaw. "As in, ngayon?!"
Sinilip pa niya ang relo. "Maya-mayang 11 a.m. ang start ng ceremony sa Assumption. Maraming big-time sponsors and everything is well-prepared. Banned din ako sa ceremony kasi baka raw guluhin ko sila kaya hindi rin ako puwede ngayon sa area. Haharangin din ako ro'n."
"Kukunin ba nila ang anak ko sa farm?!" nanggigitil na tanong ko.
"Stay lang sa farm si Charley. They brought another kid."
Pabuka pa lang ako ng bibig para manigaw pero biglang nag-sink in sa akin ang sinabi ni Coco. "May ibang bata?"
"Yeah. And I think, mas matanda yata nang ilang months ang nakuha nila, pero hindi naman siguro mahahalata 'yon. After all, wala naman silang pakialam sa baby, aside sa idea na magmamana si Charley ng malaking shares ng Afitek."
"Saan nila kinuha yung bata?" usisa ko.
"He's Yaya Connie's grandson. Anak ng youngest daughter niya."
"Apo ni Yaya Connie . . . sa mansiyon sa Dasma?"
Tumango naman si Coco. "Yeah."
"Mabuti, pumayag ang nanay ng bata."
"She's already dead."
Natitigan ko tuloy si Coco para magtanong kung tama ba ako ng narinig. "Dead na . . . as in patay na?"
Mabilis na umikot ang mga mata niya. "Of course, she's patay na. Kaya nga dead, right? Are we using our brain, Kit?"
Hinabol ko siya ng sapok. "'Raulo! Kaya nga tinatanong, e."
"You always ask stupid questions. I'm starting to measure your investigative skills, to be honest."
"Manahimik ka," saway ko tuloy. "Pero bakit muna namatay? Ano 'yon? May sakit? May history ba ng deadly disease? Cancer? Hypertension? Nakakahawa ba?"
"She's one of the victims ng vehicular accident sa Quezon last year," putol ni Coco sa panghuhula ko. "If I'm not mistaken, lumabas 'yon sa news."
"Uy, gagi. Nagmamaneho ba?"
Mabilis na umiling si Coco para sabihing hindi. "Bypasser lang. Kinaladkad siya ng UV kasama ng isa pang 6 years old na bata. Naglalaro yata sa gutter or something. The rest is history. Ang daddy naman ng bibinyagan today, security aide sa Afitek."
"Pumayag?"
"Pumayag because of Yaya Connie. Kasi si Yaya Connie naman ang mag-aalaga sa Dasma."
"Kamukha ba ng anak ko?" nakangiwing tanong ko.
"Hmm . . ." Napatingin pa sa itaas si Coco, ini-imagine yata ang itsura ng tinutukoy kong bata. "Sobrang layo, but he looks Japanese."
"Ano ngayon kung mukha siyang Japanese? Naniwala talaga silang anak ko 'yon?"
"Because you're Japanese, duh?"
"Bakit? Iisa lang ba hulmahan ng lahat ng Hapon, ha?"
"Who even cares? Apparently, hindi rin naman kamukha ni Cali si Charley. The kid has your lips, but that's all. Overall looks, mas mukha pa siyang anak ni Tito Clark kaysa sa inyo ng kambal ko, so it doesn't matter anymore."
Kung hindi lang kupal kausap 'to si Coco, a-agree na lang ako sa lahat ng sasabihin nito, e.
"Bibinyagan yung bata ngayon," ulit ko sa topic namin.
"Yeah."
"Paano ang mga papeles n'on?"
"Basic lang 'yang ayusin. Madali lang namang manghingi ng favor sa mga office kapag may pera and influence ka."
Totoo rin naman. Agree.
"May handa ba sila ngayon?" nonsense na tanong ko dahil nawalan ako ng matinong sasabihin.
Hindi naman ako binigyan ng heads up ni Coco kaya malay ko ba? Na-caught off guard na 'ko, e.
Ramdam din yata niyang ang sabaw ng tanong ko. Ang asim ng mukha niya nang tingnan ako. "Really? Serious ba yung question o sarcasm lang 'yan?"
Ako na ang napabuntonghininga at napatulala sa mesa.
Hindi ko alam ang iisipin. Hindi pa nga ako nakaka-recover doon sa hinarang sila sa checkpoint, sinunod-sunod agad ni Coco ang pasabog.
"Okay, I'll give you time to contemplate. Kakain muna ako ng breakfast," sabi niya at nilantakan na ang order namin.
Natulala na lang talaga ako sa labas ng bintana. Gusto kong makausap ang asawa ko. Hindi sa wala akong tiwala sa ginagawa niya. Unang beses yata ito na gusto kong manghingi ng assurance na walang mangyayaring problema sa ginagawa niya ngayon sa pamilya namin.
Alam kong matalino siyang tao kahit sobrang reckless niya. Ayoko lang na magkagulo na naman kasi hindi pa kami tapos sa gulo na mayroon kami ngayon.
Tinapos ni Coco ang kinakain niya na balisa pa rin ako.
"Hindi pa rin ba nagsi-sink in?" tanong niya.
"Hindi ko alam." Napapailing na lang ako. "Hindi ko pa nada-digest, maghintay ka."
"Ang tagal naman i-process."
"Huwag ka ngang demanding. Wala ka ngang disclaimer, binagsak mo agad lahat."
"All right, All right. I'll give you time, tss. Baka na-overwhelm lang kita. By the way, saan si baby?"
"Kalaro ni Zhi. Mamamasyal daw sila sa rose garden ngayon."
"Hmm, okay. That's better."
"May trabaho ka ba bukas?" usisa ko na lang, para mailayo muna sa asawa ko ang topic.
"May inaayos akong landscape project ngayon sa Katipunan. Baka sa Thursday, tapos ko na 'yon. Hindi muna ako tumatanggap ng ibang projects para maasikaso ko ang side hustle ko sa Afitek."
"Saan ka nakatira ngayon?"
"Sa bahay n'yo sa West."
Biglang sumama ang tingin ko sa kanya. "Ah, so pinalayas mo lang talaga kaming mag-asawa do'n."
"Hahaha! Grabe ka naman. Tingin mo sa 'kin, walang sariling properties? Ayoko lang bahayan ng ghost ang bahay n'yo."
Itong Coco na 'to, ang galing talaga nitong mag-deliver ng stress sa mga tao.
"Nasabi ko ba kanina na formal introduction na ni Charley sa public?"
"Public?" tanong ko.
Mabilis naman siyang tumango. "Sino-soft launch na siya ngayon sa side ng mga Dardenne," kuwento niya. "But I heard na separate din ang intro niya sa side ng Red Lotus."
"Sa side ng Red Lotus?" gulat na tanong ko. "Bakit nasama ang Red Lotus?"
"Tita Mel planned to introduce the real Charley sa Chinese community."
"Wala akong naririnig tungkol diyan."
"Hindi pa kasi confirmed. Binu-build up pa lang yata ni Tita Mel sa labas kaya hindi pa siguro nakakarating sa 'yo. Pero interested na agad sila to dominate the Mendozas. And if I'm not mistaken, ina-arrange na rin si Rex kay Benedict Dy."
Benedict Dy?
"Related kay Mother Shin?" usisa ko agad.
Nagkrus ng braso si Coco at prenteng sumandal sa upuan niya. "Pamangkin siya ni Ninong Calvin. Isa si Benedict sa mga potential candidate para mag-handle ng kompanya ng mga Dy."
"Kasama ba si Zhi diyan sa mga candidate na 'yan?"
"Nope. Because Zhi already has his position inside the Red Lotus."
"O?" Napaayos ako ng upo sa narinig ko kay Coco. "Ano'ng posisyon niya?"
"Nasa operation na siya ngayon. Siya na ang nagma-manage ng Red Lotus. Consultant na lang niya si Tita Shin. Hindi mo ba alam 'yan?"
"Hindi ko alam. Akala ko, kay Mother pa rin."
"Hindi lang siguro publicly announced, but sa internal, alam na 'yan ng ibang circle. Kaya rin maingat na sila kapag kausap si Zhi."
"Nao-overwhelm ako, 'tang ina." Napatulala na naman ako at napatanaw sa labas. "Epekto yata 'to ng hangin sa farm. Puro tilaok ng manok na lang ang naririnig ko kaya ang bagal ng processing ng info sa 'kin."
"Hahaha! Sinisi mo pa pati chicken clucks."
Ang sama na naman ng tingin ko sa kanya. "Maka-chicken clucks ka naman. Nasa tilaok na, e. In-English mo pa."
Buong oras na 'yon, nababalisa ako, pero pinipilit ni Coco na abalahin ang utak ko sa ibang bagay.
Tinatanong niya kung masarap ba ang pagkain sa farm; ano ang madalas kong gawin doon; nakapunta na ba ako sa butterfly garden; nakita ko na ba ang fountain kung saan ikinasal sina Sir Pat—marami siyang tanong na walang koneksiyon sa asawa ko. Nahalata na rin yata niyang nabugahan niya ako ng maraming impormasyon na hindi ko madaling na-digest.
"Don't worry about Cali," paalala ni Coco. Naumay na yata sa kasabawan ko. "I know you spoiled him a lot, but he's smarter than you thought. Huwag mo siyang i-baby. He has his ways of fixing things on his own."
"Ayokong sabihin 'to, pero wala akong tiwala sa kanya pagdating sa decision-making," dismayadong tugon ko. "Pinakasalan nya 'ko nang walang second thought. Wala naman sigurong normal na tao ang makakaisip ng mga desisyon niya."
"Pinakasalan ka niya kasi ayaw niyang mambuntis ng babae nang hindi siya kasal," kontra niya sa sagot ko.
Alam ko naman 'yon. Nasa agreement nga 'yon na pinirmahan ko bago kami ikinasal ni Cheese.
"Para kasing hindi siya nag-iisip kapag kumikilos," naiiritang depensa ko. "Ang hirap magtiwala kaya rin siguro walang tiwala sa kanya sina Sir Clark."
"And that's their problem na sana hindi mo rin maging problema because you're not seeing the other side of the coin. Remember, ako dapat ang daddy ni Charley, so it was a long process of thinking sa end ng pinsan ko."
Tumayo na siya, ipinatong ang kaliwang palad sa mesa, saka ako tinitigan nang deretso sa mga mata.
"Cali reconsidered things more than you know, Kit," seryosong dugtong niya. "And you're that second thought."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top