Chapter 34: Busy


Kakausapin daw ako nang masinsinan ni Mrs. Lauchengco, pero duda ako sa depinisyon niya ng masinsinan. Nagbihis lang talaga siya at nanugod na naman ng kuwarto kung kailan nagpapadede ako kay Charley.

Akala ko pa naman, nakalimutan na niya dahil alas-onse pasado na ng gabi at oras na ng tulog, pero hayun at nag-dive pa sa kama namin ni Charley para makitsismis.

"Nagkasundo na kami ng asawa mo. Siya muna ang hahawak ng Afitek," pag-ulit niya sa ibinalita sa 'kin kanina.

"Mahihirapan asawa ko diyan, Mrs. Lauchengco. Nagalit nga 'yon sa mga natatanggap na reports sa operation, e," kunot-noong sagot ko.

"Ay, talagang pahihirapan ko siya! Nasa mansiyon daw siya kasi pinarurusahan? Parusa na 'yon sa kanya?"

"Malayo nga kasi siya sa 'min ni Charley."

"Eh?! Dahil lang doon? Parusa na 'yon? Naka-spoiled talaga ng mga 'yan kina Rico, Diyos ko!"

Bumangon na siya at nangalkal ng mga nakatambak sa gilid ng kama na tupiin ko sana kaso naghanap ng gatas itong anak ko.

"Ano 'tong mga tambak na 'to?"

"Mga damit 'yan ng anak ko, Mrs. Lauchengco. Malilinis na 'yan, itutupi na lang."

"Ang papangit naman ng mga damit na 'to."

Grabe talaga mga bibig ng mga tao rito.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga T-shirt at tank top ng anak ko. Hindi ko sana sisitahin kung hindi lang pinagbabato sa basurahan sa kanto ng pintuan.

"Mrs. Lauchengco, damit 'yan ng anak ko!"

"Ayoko ng ganitong damit. Saan mo binili 'to?" Nangangasim ang mukha niya nang silipin ang tag na wala sa may kuwelyo o kaya sa tagiliran ng damit. "Wala 'tong brand?"

"May brand 'yan, ginugupit ko lang para hindi hinahatak ni Charley."

"Kailan pa niya 'to damit?"

"No'ng Pasko ko lang 'yan binili—Mrs. Lauchengco!" Napakamot na lang ako ng ulo nang ibato na naman ang damit ng anak ko sa basurahan.

Hindi naman ako makaawat kasi kinukurot na ni Charley ang balat ko, ayaw paistorbo sa pagdede niya.

"Mrs. Lauchengco, wala nang isusuot yung anak ko. Grabe ka naman . . ."

"Marami 'yang damit. Pabibilhan ko 'yan. Ano ba namang mga damit 'to? Tastas na ang tahi. Wala ka bang pambili?"

Lahat tuloy ng tupiin ko, ayun na sa basurahan.

"Hindi ka muna papasok sa Afitek. Isang taon 'yon," pagbabalik niya sa usapan, bago sinakop ang kama na kaninang tambakan ng mga damit ng anak ko.

Tinapon lang talaga niya lahat ng damit ni Charley para makaayos siya ng higa. Hay, naku.

"Paano ang usapan namin ng mga Dardenne?" tanong ko na lang.

"Wala akong pakialam sa usapan n'yo. Kami ang may usapan ni Rico, may usapan din kami ng asawa mo. Si Cali ang hahawak ng Afitek sa loob ng isang taon. Kakausapin siya ng abogado namin bukas."

"Bakit ho may abogado na?"

"Magkakasundo kami na kapag hindi niya naayos ang pinaggagagawa niya sa Afitek, magpa-annul na kayo."

Halos maiangat ko na si Charley sa pagkakapatong sa hita ko dahil sa gulat. "Mrs. Lauchengco, annul agad? Isang taon kong hinawakan ang Afitek, hirap pa rin akong mabalanse lahat. Si Cali pa kaya?"

"Kaya nga kung hindi niya magawa, magpaalam na siya sa inyo ng anak mo."

"Ano ba naman 'yan—aray!" Napaigik ako nang paluin niya 'ko sa balakang.

"'Wag ka ngang OA! Natural, hindi naman matutuloy 'yon! Tinatakot ko lang!"

"Matatakot talaga 'yang asawa ko sa ginagawa n'yo!"

"Mama!" sigaw rin ni Charley at pinagsasampal ang bibig ko.

"Ayan, pati anak mo, naiingayan na sa 'yo."

Pag-untugin ko kaya 'tong anak ko at si Mrs. Lauchengco?

Napaikot na lang ang mga mata ko at kumalma na. Mamaya, kalmutin pa 'ko nito ni Charley. Gigil na ngang ngatngatin ang nipple ko.

"Susustentuhan ka naman ng asawa mo. Pero hindi ibig sabihin n'on, buhay-prinsesa ka na rito. Walang tatamad-tamad dito sa bahay ko." Bumangon na rin siya at mukhang aalis na. "Bukas, uuwi yung asawa ni Shin. 'Yon ang titingin ng mga kabayo. Ibinigay na ba sa 'yo ni Zhi ang listahan ng mga pipiliing kabayo sa barn?"

"May inabot siya kaninang clipboard."

"O, 'yon. Ayusin mo 'yan bukas ng umaga. Ipapasundo na lang kita kay Badong. Pagkatapos mo sa barn, pumunta ka sa Secret Garden, ihahatid ka rin ni Badong, kunin mo ang inventory doon para makapag-supply ng gulay sa kusina nila."

"Malayo ho ba 'yon?"

Itinuro niya ang kanang gilid. "Diyan lang 'yon sa likuran ng mga kaimito at santol." Saka siya lumabas ng kuwarto.

Bakit parang pakiramdam ko, mas lalo akong mapapagod dito sa farm?


• • •


Sa akin natulog ang anak ko kaya rin hindi na naman dere-deretso ang tulog ko.

Ala-una ng madaling-araw, naghahanap ng gatas. Tinimplahan ko sa bote, pero ang ginawa, pinasirit ang lahat ng gatas sa unan at saka nagsumiksik sa loob ng T-shirt ko.

Nakanganga akong nakasandal sa headboard habang pinadedede siya. Alas-dos nang nakatulog. Nagtuloy-tuloy na 'yon hanggang alas-singko.

Alas-singko, kailangan ko nang mag-almusal gawa ng may gagawin nga ako ngayong umaga.

Nagsuot ako ng baby carrier, at kahit natutulog pa si Charley, dumayo talaga ako ng kusina para manghingi ng almusal.

"O! Ano 'yan?" gulat na bungad sa 'kin ni Manang Teresa, may buhat-buhat na malaking kawali na puno ng bagong lutong pancit bihon.

"Manghihingi lang ho sana ako ng almusal. Doon na ako sa kuwarto kakain."

"O, sige, sige. Iaakyat na lang namin." Sumenyas pa siya ng kamay para palayasin ako.

Bumalik ako sa second floor at pumasok sa kuwarto para ibalik sa higaan ang anak ko.

"Anak, maliligo lang ako, ha? Huwag kang bababa ng kama." Kahit tulog, pinaalalahan ko si Charley—kung maiintindihan man niya ako.

Pinag-iisipan ko pa lang sa banyo kung kanino ko ipababantay ang anak ko, may kumakatok na sa pinto ng kuwarto paglabas ko matapos maligo.

"Saglit lang."

Pagbukas ko ng pinto, napaatras agad ako nang magtuloy-tuloy sa pagpasok si Mother Shin. Sinundan ko siya ng tingin at mabilis na nalipat ang tingin ko kay Zhi na nakasunod pala kasama ng ibang naglalakihan nilang pusa.

"Mother, pupunta pala—"

"Bumaba ka na. Paparating na maya-maya ang sundo mo." Pinagbuksan siya ni Zhi ng mini gate na bakod ng kama saka siya nagtuloy-tuloy ng lakad papuntang higaan.

Napapangiwi ako dahil nagmamapa na sa unan ni Zhi ang bakas ng gatas na gawa ng anak ko. Sa sobrang obvious, nag-abang talaga ako ng sermon.

Pero mukhang wala naman. Kinarga na ni Mother si Charley kahit natutulog pa lang.

"Ako na'ng bahala kay Chan-Chan. Magtrabaho ka na lang."

Sa totoo lang, litong-lito na rin ako sa nangyayari sa amin ng anak ko rito sa farm, pero hindi ako makareklamo kasi nakikipisan lang din naman ako rito.

Nagbihis ako ng black T-shirt at denim jeans saka running shoes. Ayokong masyadong pormal ang suot kung pupunta lang din naman ako sa barn.

Sinundo ako ni Mang Badong papunta raw sa lokasyon. Hindi ako pamilyar sa barn ng mga Vizcarra. Hawak ko ang clipboard na bigay ni Zhi para nga raw sa record at bumiyahe kami papunta sa sinasabi nilang kulungan ng mga kabayo.

Malayo na ang manggahan kasi kulang-kulang isang kilometro din ang layo sa main house, at hindi ko inaasahang mas malayo pa ang barn doon. Nilagpasan pa namin ang manggahan at umikot pa kami pakaliwa sa may gawaan ng fertilizer at panibagong kilometro na naman ang ibiniyahe bago nakarating sa barn.

Sa bungad ng Vizcarra farm, sa kabilang direksiyon, may kambingan doon bago pumasok dito sa area ng main house. Unang beses kong makakapunta rito sa bahaging ito ng farm na ang lawak-lawak talaga ng lupain at ang daming baka. May maliit na bahagi ng tubigan na lubluban ng mga nag-iipong kalabaw.

Sa bandang kanan, may malaking kamalig kung saan ako ibinaba ni Mang Badong.

"Hihintayin na lang kita rito," paalala niya. "Nandiyan na si Bing. Nandito na ang kotse niya." Napatingin naman ako sa itinuro niyang maroon na Crosswind na nakaparada katabi ng mga traktora.

"Sino ho 'yon?" tanong ko.

"Kapag may nakita ka diyang magandang lalaki, siya na 'yon."

Wow. Napaka-descriptive. Na-imagine ko agad mula ulo hanggang paa.

Pumasok ako sa area paikot sa kamalig. Sa bandang likuran, may malaki pang kulungan, at kahit nasa labas pa lang, kitang-kita na ang unang tatlong kabayo na nasa mga kuwadra nito.

Pagpasok ko roon, nakilala ko agad sina Kuya Ardel at Kuya Napo na nagde-deliver ng mga kinatay na kambing at baka sa kusina ng main house. Sila ang naghahawak ng kabayo palabas at pabalik sa kulungan.

Maliban sa kanila, may isang may-edad na lalaki ang may dalang tape measure at medical kit na nasa clear storage box. Nakasuot ng dark green polo shirt na naka-tuck in sa khaki pants. Tingin ko, siya ang beterinaryong sinasabi ni Zhi.

Napaangat ang mukha ko nang matingnan ang katabi niyang lalaki na nakasuot naman ng black polo shirt na naka-tuck in sa white jeans. Sa tantiya ko, kasintaas niya si Sir Clark at parang naintindihan ko na ang sinabi ni Mang Badong na "magandang lalaki" description. Magka-aura sila ni Sir Pat at kahawig niya si Zhi. Mukhang 50-year old masungit version ni Zhi na may cute na nunal sa pisngi. Angat na angat ang mga tattoo niya sa braso dahil sa puti ng kutis.

Itong lalaking ito ang asawa ni Mother Shin? Ang ganda naman ng taste ni Mother sa asawa.

Lumapit na 'ko at bumati, "Good morning. I'm Kit. Pinadala ho ako rito ni Zhi para mag-assist."

Itinuro ng asawa ni Mother Shin ang hawak ko.

"Sir?" Inalok ko agad ang clipboard.

Pagkakuha niya, wala man lang pasalamat. Ang suplado. Bakit si Zhi, parang hindi naman ganito?

Inisa-isa na nila ang mga kabayo para nga raw "timbangin" na hindi naman yata talaga literal na kikiluhin—ewan ko.

Nag-usap na ang beterinaryo at asawa ni Mother. Nakiusisa naman ako kina Kuya Napo tungkol sa trabaho ko rito.

"Kuya Ardel."

"O?"

"Sino 'yang dalawa? Hindi ko pa alam ang pangalan. Walang sinasabi sa 'kin."

"Yung vet, si Doc Jaime. Taga-Naic 'yan."

"Ah, I see. Itong nakaitim? Asawa raw 'yan ni Mother?"

"'Yan si Bing. Tawagin mo na lang na Sir Calvin kasi hindi 'yan pumapayag na tinatawag na Bing ng mga hindi tagarito."

"Okay, sige, noted." Itinuro ko agad ang mga kuwadra. "Bago lang ako rito sa barn. Para saan 'tong mga kabayo? Kinakarne?"

"Mga pangarera 'tong iba. Ang iba naman, ginagamit sa horseback riding diyan sa kabilang rantso na malapit sa bundok."

"Oooh, okay. Anong breed 'to?"

Iniisa-isa sa 'kin ni Kuya Napo ang mga kabayo habang nakasunod na si Kuya Ardel kina Sir Calvin. Hindi sila nagbi-breed dito kasi may breeder daw talaga sa Cavite na kinukunan nila ng kabayo. Lahat ng nandito, puro mga stallion lang.

Dalawa ang American Mustang nila rito sa farm, tatlo ang American Thoroughbred, lima ang Baguio Light Horse, at puro na Saddlebred ang iba.

American Mustang at Thoroughbred ang pinipilian ngayon.

"Kay Sir Pat din ba 'tong mga kabayo?" tanong ko.

"Eto?"

Tumango ako.

"Ito lagi isipin mo. Kapag nandito ka sa farm, nandito lang si Sir Pat kasi asawa siya ng may-ari. Lahat ng nandito, kay Auntie."

"Kay Mrs. Lauchengco," paninigurado ko.

"Oo. Mula sa gate, hanggang sa hotel diyan sa likod ng gubat, kanya 'yan."

"As in . . . kanya lang? Lahat na . . . lahat?"

"Yung kambingan, yung bulugan, yung bakahan banda sa may front gate, yung poultry farm, yung rice farm, yung manggahan, itong barn, itong mga kabayo, yung rose garden, yung Cocina malapit sa main house, yung fountain, itong taniman ng mga kaimito at santol diyan sa dulo, yung Secret Garden sa likod, pati yung hotel sa likod ng Secret Garden—lahat, kanya. Kaya kapag nandito ka, ibig sabihin, kanya ka. Aalagaan ka niya rito, pero magtatrabaho ka sa kanya. Asawa lang niya ang pinapayagan niyang magtamad-tamaran dito sa farm."

Wow, nalula ako bigla. Ang akala ko pa naman, gawa ng pagiging Lauchengco ang yaman ni Mrs. Lauchengco. 'Tang ina, itong farm pa lang, kahit hindi siya Lauchengco, buhay talaga siya hanggang sa susunod na isandaang taon.

Kaya siguro nabubuwisit si Mrs. Lauchengco kay Damaris. Ang tamad din kasi. Kahit din siguro ako ang nanay n'on, talagang tutuktukin ko siya kung ganito karaming responsabilidad ang malulugi dahil lang sa katamaran.

Lumapit na ako kina Sir Calvin para malaman kung ano na ang iba ko pang gagawin.

Nagsusukat sila ng katawan ng kabayo. Nalipat ang tingin ko kay Kuya Ardel na may hatak-hatak nang malaking timbangan. Livestock scale yata ang inilabas niya mula sa storage room ng kulungan.

"Sir, akin na po." Kinuha ko na kay Sir Calvin ang clipboard dahil siya na ang naglabas ng isang kabayo para timbangin ng beterinaryo.

Hindi ako sigurado sa kung ano ba ang trabaho ko rito maliban maging tagahawak ng clipboard.

Tamang usisa lang ako sa ginagawa nila. May sulat na ang papel sa clipboard. Measurement ng mga kabayong inilabas kanina at ibinalik muna sa kulungan. Tingin ko, hindi na tinimbang ang mga 'yon dahil hindi pumasa sa requirement.

Palipat-lipat ang tingin ko sa brown na kabayo at kay Sir Calvin na nag-aalalay n'on sa timbangan.

Ano kaya'ng nagustuhan ni Mother Shin dito maliban sa itsura? Mukha pa namang suplado. Ngayon ko nga lang din siya nakita. Akala ko, patay na ang asawa ni Mother. Sa tagal ko rito sa farm, ni minsan, hindi ko pa siya nakita sa personal.

Nakikiramdam lang ako kung uutusan ba akong maghawak ng saddle o kaya manghabol ng kabayong nakatakas, ganyan. Kalmado naman ang mga kabayo rito at wala pa namang nagwawala.

"Where's Shin?" biglang tanong sa 'kin ni Sir Calvin matapos bitiwan ang lubid na nasa kabayo. Ang banayad sa tainga ng boses niya. Hindi malalim, pero hindi rin matinis.

"Uh, she's in the main house, sir." Napa-English tuloy ako nang wala sa oras, 'tang ina.

"Are you Cali's wife?"

"Yes, sir."

Nakataas ang kaliwang kilay niya at minata ako mula ulo hanggang paa sabay irap.

"Doc, give me the update ASAP. Dadaan ako sa Sta. Ana sa Friday, kakausapin ko muna si Meng."

Pisteng 'yan, nagta-Tagalog pala 'to.

Ibinalik na sa 'kin ang clipboard at pinaalalahanan ako ni Sir Calvin. "Dalhin mo 'yang records kay Samson diyan sa kabilang gate. Sabihin mo sa kanya, bilhin lahat ng conditioner mash na nandiyan sa ibinigay ni Doc." Nilampasan niya agad ako. Mukhang aalis na.

"Noted, sir."

Nagmamadali akong lumapit kay Kuya Napo kasi hindi ko kilala yung Samson.

"Kuya Napo, sino yung Samson?"

"Sino service mo?"

"Si Mang Badong."

Itinuro ni Kuya Napo ang labas. "Sabihin mo kay Badong, ihatid ka kay Samson. Diyan siya nakapuwesto sa kabilang gate. Sila yung nagde-deliver ng bigas galing rito palabas. Ibigay mo 'yang listahan ng conditioner para sa kabayo, siya na bahalang bumili."

"May ibibigay ba 'kong pera o pambayad . . . ?"

"Ang bayad niyan, pagka-deliver na rito. Gagawan 'yan ng billing. Basta ibigay mo lang 'yang record sa kanya."

"Ah, okay, okay, sige." Lumabas agad ako para balikan na si Mang Badong.

Nalingunan ko pa ang maroon na Crosswind na palayo na sa barn. Base sa direksiyon, mukhang papunta siya sa main house.

"Saan na raw tayo?" tanong ni Mang Badong na nakaupo lang sa trike niya.

"Kay Samson daw ho."

"O, tara na. Dadaan ka pa sa hotel."

Ito pa lang ang unang trabaho ko rito sa farm at mukhang pang-ngayong araw lang 'to. Ano na naman kaya ang iuutos sa akin bukas? Sa dami ng puwedeng trabaho rito sa farm, mukhang sosorpresahin na lang ako ng lahat ng bisor dito.


♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top