Chapter 32: Mercy


Malinaw na sa aming lahat ngayon na bad trip din si Cheese. Ang problema lang namin, naba-bad trip ang asawa ko sa (tingin ko naman) ay mababaw lang na dahilan.

Nagtatrabaho ako hanggang hatinggabi—siguro mga apat o limang beses lang sa isang buwan. Hindi naman ako overworked kung tutuusin kasi ang regular na duty ko sa Afitek, mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-dos ng hapon lang. Naka-service pa 'ko no'n, so walang travel expenses na nakapatong sa gastos ko kada may trabaho.

Ang day off ko, thrice a week, maliban na lang kung may emergency o urgent case gaya ng nangyari sa Marina. Kinuha 'yon ni Connor, kaya kung tutuusin, may kasalanan din ako kasi wala namang humiling ng "mismong presensya ko" sa mga Torralba. Nag-request ng OIC, pero kay Connor pa rin bumagsak ang trabaho. Kinargo niya lahat. Tumambay nga lang ako sa tabi ng buffet table.

'Yon lang, kahit ipaliwanag ko man 'yan kay Cheese, hindi talaga niya tinatanggap ang paliwanag ko kasi ang iniisip niya, dinedepensahan ko lang sina Sir Clark sa pang-aabuso kuno sa akin.

Na-explain naman na ni Sir Pat sa 'kin noong nasa farm ako na huwag na akong umasang magiging malambing o kaya espesyal ang trato sa akin ng mga Dardenne at Mendoza kasi alam na nilang hindi ako simpleng babae—o kahit simpleng tao lang.

Umuwi ako sa farm na ang utak ko, umaasang sana masolusyunan ni Mr. Dardenne ang problemang mayroon kami ngayon gawa ng asawa ko.

Umasa si Sir Clark sa kanya kaya umasa rin ako sa kanya para sa solusyon.

Tapos malaman-laman ko na lang pag-uwi, wala rin palang maaasahan sa kanya. Punyetang buhay 'yan.

Nag-commute lang ako pabalik sa farm. Kompara sa naka-private na sasakyan, di-hamak na mas matagal ang travel time mula Makati hanggang Laguna dahil sa mas mahabang ruta na daraanan ng mga sasakyan. Tapos sa terminal, pahirapan pang sumakay dahil rush hour. Ang taxi, pahirapan ding makakuha dahil maliban sa mahal ang rate, tatanggihan ka pa kasi malayo.

Alas-otso ng gabi na 'ko nakarating sa farm tapos naabutan ko pa si Mr. Dardenne na kararating-rating lang din daw para kausapin si Mrs. Lauchengco.

"Bakit daw nandito?" mahinang tanong ko kay Mang Rolly na naghatid sa 'kin sa kabilang pergola ng malaking bahay.

"Kakausapin nga raw si Meng," sagot ni Mang Rolly, hatak-hatak ang malaking palapa ng niyog pantapal yata sa bubong doon sa kambingan.

Sa parteng 'yon ng pergola, ang gilid n'on, maraming kulay orange na king coconut saka macapuno. Pagdating ko roon, nagtatagpas sila ng mga palapa ng niyog. Hindi ko rin alam kung bakit doon dinala si Mr. Dardenne at hindi sa lounge o kaya sa veranda. Pero habang nakikita ko kung ilang trabahador doon ang may hawak na itak pamutol sa bawat palapa ng niyog, parang nege-gets ko na kung bakit.

Maganda naman sa pergola kasi naka-landscape bilang "summer-themed" part ng farm. May wooden platform, may rattan na mesa, may designed wooden chairs, napapalibutan ng mga puti at pulang santan sa gilid-gilid na may royal poinciana pa sa kaliwang banda—kumbaga hindi naman mukhang koprahan. Mukha talagang hardin. Yung mga nag-iitak lang sa gilid ang hindi ako komportableng makita.

Mula sa arko palabas sa pergola, umakyat pa ako sa hagdanan sa loob ng bahay para lang makapagtago sa bukas na balcony na itaas ng arko. Pagdating sa second floor, para akong tanga na nakadapa sa sahig para lang makiusisa sa usapan nina Mrs. Lauchengco at Mr. Dardenne. Nakapambahay lang si Mrs. Lauchengco habang naka-business casual si Mr. Dardenne. Mukhang kanina pa sila nagsimula.

"Wala talagang maasahan sa inyo, 'no?" sarcastic na sabi ni Mrs. Lauchengco, inaasar siguro si Mr. Dardenne.

"Mel . . ."

"Yung mama mo, iniwan sa 'kin ang mga bata," proud na sabi ni Mrs. Lauchengco, nagkrus ng mga braso at hinamon ng tingin ang bisita niya. "Mama mo na 'yon, ha? Pinatawag kami ni Shin bago siya mamatay kasi wala siyang mapag-iwanan ng mga apo niya."

"Mum knew na busy kami ni Clark—"

"Busy rin ako, Rico. Alam mo 'yan. Kung busy ka at si Clark, busy rin ako at si Shin. Mas busy kami kasi ang anak mo, gumawa ng kalokohan, kami ang apektado. Nakakalimot ka ba?"

Grabe talaga si Mrs. Lauchengco. Rico Dardenne na ang kausap niya pero wala talagang preno.

Wala rin naman akong preno, pero ako 'yon. Walang mawawala sa 'kin, e. Kay Mrs. Lauchengco, may mapapabagsak sa kanya—marami. O baka hindi lang talaga siya kayang i-threaten ni Mr. Dardenne?

"Mel, I've been trying to explain everything to Connor, pero hindi pa kasi ngayon bukas ang isip niya sa kahit anong paliwanag."

"Bukas ang isip niyan. Bukas din ang isip ni Cali. Mga isip n'yo lang ang hindi."

"Melanie, hindi ako nandito para makipagtalo."

"Sasabihin ko kung ano ang gusto kong sabihin, Mr. Dardenne. Kung ayaw mong makinig, bukas lahat ng pinto ng farm, walang pipigil sa 'yong umalis."

Kapag ganito si Mrs. Lauchengco, naiintindihan ko talaga si Lola Tessa kung bakit sila ang napili para bantayan kami.

Ang lalim ng buntonghininga ni Mr. Dardenne at nagsalikop na ng mga palad para ipatong sa mesang nakapagitan sa kanila.

"I'm not a perfect father, Mel. I did my best—"

"I don't think you did your best," putol agad ni Mrs. Lauchengco kaya nalipat kay Mr. Dardenne ang paningin ko. "Ang problema kasi sa 'yo, ayaw mong gantihan ang mga kalaban n'yo kahit direkta na kayong inaatake. Anak mo ang ginagamit laban sa 'yo at hinayaan mo lang."

"Kayang i-negotiate—"

"Wala akong keber sa negotiation, Rico. Hindi kami katatakutan ng lahat kung nadadaan kami sa negotiation. Desidido silang lahat na atakihin ka at ang pamilya ko, kaya kung tingin mo, nadadaan sa negotiation ang pag-atake nila, ikaw 'yan. Kantihin nila ang pamilya ko, una't huli na nila 'yon."

Panibagong buntonghininga na naman galing kay Mr. Dardenne, at hindi ko na alam kung may kakampihan ba ako sa kanilang dalawa.

"This isn't about Connor or me. It has to do with Cali, okay?" pagbabalik na lang ni Mr. Dardenne sa topic yata nilang una. Sumuko na rin kay Mrs. Lauchengco. "Cali's not listening to anyone right now."

"Ah! Si Cali? Hindi nakikinig? E, di ang lala n'yo pala talagang pamilya! Hahaha!"

Grabe talaga si Mrs. Lauchengco, ang bully.

"Sa lahat ng apo ni Tita Tessa, si Carlisle na nga lang ang may tiyagang makinig nang mabuti, tapos hindi na rin nakikinig sa inyo ngayon?"

"Kit worked until midnight, and Cali didn't like it kaya gusto na niyang pabagsakin ngayon ang Afitek."

"Pfft! Hahahaha!" Halos mamaluktot sa katatawa si Mrs. Lauchengco habang deretso lang ang tingin ni Mr. Dardenne, mukhang nagtitiis na lang yata sa pang-aalaska sa kanya.

Tawa lang nang tawa si Mrs. Lauchengco. Ako naman ang nagpipigil ng tawa kasi nakuha pang sumilip sa relo niya si Mr. Dardenne. Natatawa ako sa body language niya, parang nagbibilang ng minuto kung kailan hihinto si Mrs. Lauchengco sa pagtawa.

Ilang minuto rin ang inabot bago bumaba ang halakhak sa ibaba. Punas-punas ni Mrs. Lauchengco ang mata niya dahil siguro naluha sa pagtawa.

"Pinababagsak ni Cali ang Afitek dahil gabi na umuwi si Kit?" natatawang tanong ni Mrs. Lauchengco.

"May security assignment si Kit during that day. She lost her phone during her duty."

"Duda akong pababagsakin ni Cali ang Afitek dahil lang madaling-araw nang umuwi ang asawa niya," maangas na sagot ni Mrs. Lauchengco at nginitian si Mr. Dardenne. "If you think na ganyan ka-petty ang pamangkin mo para magpabagsak ng kompanya, then you're not looking beyond that reason."

"Nagpunta siya sa Cebu kasama si Charley," mahinahong paliwanag ni Mr. Dardenne. "Nilibre daw sila ng kaibigan niya ng vacation package. The problem was that Connor and Kit were on duty when Cali left Manila. Hindi natuloy ang bakasyon nilang pamilya sa Cebu kasi nawala ni Kit ang phone niya during security operation."

"Kailan sila huling nagbakasyon na mag-asawa?"

Ang tagal na. Last year pa. No'ng tingin ko, ligtas pa kami ng anak ko.

Nagkibit lang si Mr. Dardenne para sabihing hindi siya sigurado. "Last year, I guess? I'm not sure."

Mayabang na sumandal si Mrs. Lauchengco sa sandalan ng upuan niya at nginisihan ang kausap. "Alam mo, no'ng bagong kasal pa lang 'yang sina Cali at Kit, pumunta 'yang dalawa rito. Ang sumbong ni Cali, nag-Denmark daw kayo tapos hindi n'yo siya isinama."

"Mum asked us na ipaiwan siya sa Manila. Hindi rin namin isinama si Rex."

"Pero hindi n'yo sinabing nag-Denmark kayo."

"We were with Connor. I'm sure, naiintindihan niya 'yon."

Ngumisi si Mrs. Lauchengco para mang-asar na naman. "'Yan ang totoong problema n'yo kay Cali, hindi ang pagpapabagsak niya sa Afitek; hindi ang pagtatrabaho ni Kit sa hatinggabi." Itinuro niya ng daliri ang sentido habang nagpapaliwanag. "Ang iniisip n'yo, naiintindihan naman niya kaya hindi n'yo na kailangang magpaliwanag. Ganyan din ang problema n'yo kay Connor, alam mo ba 'yon? You all assumed na maiintindihan nila kayo without properly explaining why you did what you did."

"Mel, it's not—"

"Mahirap bang maging honest sa kanila, Rico?" tanong ni Mrs. Lauchengco na dahilan kaya hindi agad nakasagot ang kausap niya.

Tumahimik nang ilang segundo si Mr. Dardenne. Hindi agad nakapagbalik ng salita.

"Matatalinong bata sina Connor at Carlisle," dagdag ni Mrs. Lauchengco. "Kahit anong sama ng loob ko kay Coco, naniniwala pa rin ako na hindi niya iniwan ang anak ko dahil lang ayaw na niya kay Ram." Paulit-ulit niyang itinuro ang dibdib niya. "Masakit sa 'kin ang ginawa ng anak mo, at na-disappoint ako dahil anak mo 'yon at umasa akong gagawin niya ang ginawa mo noon kay Jae . . . pero kahit masakit sa 'kin ang ginawa ni Coco, hindi ako naniniwalang makitid ang utak ng batang 'yan para bitiwan si Ram nang ganoon lang kadali."

Kahit nakikinig lang ako, nararamdaman ko ang sama ng loob ni Mrs. Lauchengco na mukhang ibabato niya ngayon kay Mr. Dardenne nang hindi siya nagpipigil.

"Hindi ito ang unang beses na may nagsinungaling sa kanilang magpinsan na may mga babae pa silang iba," dugtong ni Mrs. Lauchengco. "Mas madali nga kasing aminin na may mga kabit sila kaysa aminin na wala silang magawa habang pinagtutulungan ang mahal nila sa buhay."

"Hindi namin pinagtutulungan si Kit—"

"Pero pinupuwersa n'yo siyang magtrabaho sa Afitek," putol na naman ni Mrs. Lauchengco. "Napapahamak ang mga bata nang wala sa hulog. Kaya nga nandito 'yan si Kit, di ba? Kasi delikadong tao ang tingin n'yo sa kanya. Ayaw n'yo siya sa inyo kasi ang tingin n'yo, mapapahamak kayo kung kasama n'yo siya."

"That's not what we meant."

"Huwag na tayong maglokohan dito, Mr. Dardenne. Ginawa n'yo na 'yan kay Shin, di ba? Ganyang-ganyan din ang tingin n'yo kay Shin dati. Halimaw, mamamatay-tao . . ."

"Nag-iingat lang kami, Melanie."

"See? E, di inamin mo rin. Wala talaga kayong tiwala sa asawa ni Cali," mabilis na sagot ni Mrs. Lauchengco. "Ano ngayon? Sino ang mas delikado sa kanila ng pamangkin mo? Yung batang tumutulong buhayin uli ang Afitek o 'yang pamangkin mong nagpapabagsak ngayon sa kompanya ng mama mo?"

Palalim nang palalim ang buntonghininga ni Mr. Dardenne habang tumatagal. "We didn't see this coming," simpleng sagot niya.

"I see this coming," sagot din ni Mrs. Lauchengco. "Umpisa pa lang, nakita ko na 'to. At hindi ko alam sa inyo kung bakit kayo ang kasama pero hindi n'yo 'to inasahan."

"Cali is a nice kid, and you know that."

"Cali is a controlled kid with a strong potential for danger. Hindi mo tatawaging nice ang batang kayang magdesisyon para sa sarili niya, Rico. Doon pa lang sa pagpili niya ng pangalan niya, dapat inasahan n'yo na 'yan."

"Cali is just a kid who doesn't like his name. Pinagbigyan lang namin siya sa gusto niya."

"Hindi n'yo siya pinagbigyan," tugon ni Mrs. Lauchengco at paulit-ulit na dinuro si Mr. Dardenne. "Wala lang kayong choice kundi sundin siya sa gusto niya, and from there, you should've seen that coming kasi nakita rin 'yan ng mama mo."

"It's not about Cali's name, Mel."

"Oo nga! Kasi hindi lang 'to tungkol sa pangalan ng bata. Tungkol 'to sa kung paano niya kokontrolin ang paligid niya para umayon sa kanya ang lahat. Hindi namin kokontrolin ang lahat ng kayang gawin ng mga Mendoza kung alam naming hindi sila threat. Kahit si Shin, kayang-kaya 'yang aminin nang hindi pumipiyok."

"That's the reason I'm here," pagsuko ni Mr. Dardenne. "We can't change Cali's mind. Even Kit tried to, but all of us failed. I highly appreciate it if you cooperate with us."

Nakiusap si Mr. Dardenne at wala na akong narinig na kahit ano kay Mrs. Lauchengco. Hindi ko alam kung pumayag ba siya o hindi. Hindi ko masabi kung may part two pa ba ang usapan nila o wala na.

Umalis si Mr. Dardenne na hindi ko alam kung may napala ba siya maliban sa panri-real talk ni Mrs. Lauchengco.

Wala sa isipan kong matakot kay Cheese kasi alam kong soft boy naman talaga siya, pero delikado kasi talaga siyang mag-isip. Kung nagawa niya nga akong pakasalan at anakan nang hindi nagdadalawang-isip, malamang na may mas malala pa siyang kayang gawin bukod doon.

Pinakain muna ako ni Manang Teresa sa dining bago ako pinayagang umakyat sa kuwarto namin ni Charley.

Sabi ko, busog ako, pero umamba lang na kukurutin ako sa singit nang tanggihan ko ang alok niya.

Kaya pag-akyat ko, siguradong hindi ako matutulog na kumakalam ang tiyan. Kaso pagdating ko naman sa kuwarto, wala ang anak ko.

Dinayo ko pa tuloy ang kuwarto nina Mother Shin para silipin kung nasa kanila na naman ba si Charley. Pakatok pa lang ako nang magtawag ako mula sa pasilyo.

"Mother? Itatanong ko sana—"

Hindi ko na natapos ang sinasabi nang magbukas ang pinto at may ipit na teddy bear si Zhi sa kilikili.

"Si Charley?" Sumilip ako sa likuran niya para hanapin ang anak ko. Nasilip ko nang bahagya si Mother Shin na binibihisan ng damit pantulog ang anak ko—jade and gold silk pajamas na sigurado akong hindi ko tatangkaing bilhin para sa anak ko kasi ginto ang presyo.

Naituro ko ang anak ko at tinanong si Zhi. "Ano yung dinadamit ni Mother kay Charley?"

"Oh." Nilingon ni Zhi sina Mother sa loob bago ibinalik ang tingin sa 'kin. "That's Charley's PJs."

"Walang ganyang gamit ang anak ko," sagot ko nang tingalain siya.

"Mama bought that for Charley."

"Bought?" gulat na tanong ko. "Gagi, wala akong pambayad diyan! Magkano 'yon?"

"Hindi mo naman 'yan babayaran." Isinara na niya ang pinto at napatingin ako sa ibaba nang may tumapak na mga paa ng pusa sa paa ko.

"May damit ang anak ko. Yung mga damit niya, nasa maleta pa. Hindi n'yo ba nakita? Nasa gilid lang 'yon ng kama kasama ng baby bag niya," sunod-sunod na salita ko kay Zhi nang sundan siya.

"Alam naming may damit si Charley, pero ayaw ni Mama sa mga damit niya."

"Cotton 'yon! May brand 'yon! Dinadamit talaga 'yon ng mga baby."

"Take your rest na lang, Miss Kiro. Doon daw muna si Charley kay Mama."

"Iyakin 'yong batang 'yon! Maaabala mama mo!"

"He's not naman. Charley's behave. Magpahinga ka na lang. I'm sure, pagod ka because of your work sa Afitek."

Hindi ko na siya nasundan nang dumeretso siya sa hagdanan pababa.

Nilingon ko ang malayo nang pinto ng kuwarto nina Mother Shin sabay buntonghininga.

Bakit ba nakaka-stress ang mga tao rito? Diyos ko!


♦ ♦ ♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top