Chapter 30: Solved
Sobrang tagal na panahon na noong unang na-breach ang system ng Afitek. Una at huling beses na nangyari ang ginawa ni Sir Clark—kahit na tingin ko, hindi naman niya totally na-breach ang system at all.
Nagkaroon lang siya ng illegal connection sa loob gamit ang devices din ng Afitek. Ibig sabihin, nagalaw niya ang server sa loob, at paglabas ng Afitek, wala na siyang control.
At 'yan ang problema namin ngayon. May gumagalaw ng system sa labas.
Sa akin, hindi ako magrereklamo kasi ako lang ang bukod-tanging agent na nakakapag-access ng Afitek server mula sa labas gamit ang agent access ko na may lumang version ng dating system. Hindi ko alam ngayon kung sino pa itong isa. Kasi ito ang mismong dahilan kaya urat na urat sa akin si Sir Clark. May gumagalaw ng Afitek mula sa labas at hindi nila ma-trace.
Kahit paano, nakaka-relate na ako ngayon sa pagkabuwisit ni Sir Clark sa 'kin noon.
"Nate-trace mo?"
Napatingin ako kay Sir Clark kasi kanina pa ako nasi-stress sa harap ng laptop ko, pero wala talagang progress.
"Nate-trace ko ang activity niya sa system, pero untraceable pa rin ang hacker," sagot ko.
Down ang buong server ng Afitek. Ultimo ang access ni Sir Clark, down din. Limang oras na mula nang maging inactive ang buong clerical operation at wala pa ring progress hanggang ngayon.
Nasa IT Department kami ni Sir Clark para manghingi ng tulong sa mga expert dito sa computer.
Umaasa kaming lahat sa nag-iisang laptop ko mula sa 525 units na mayroon dito sa Afitek na hindi naman nagsisipagbukasan. Security ng building lang yata ang gumaganang computers dahil nakahiwalay sila ng access gawa ng may sarili silang system.
"Sir Clark, no'ng na-breach mo ba ang system, namatay lahat ng units dito sa Afitek?"
"Natural, hindi. Access network lang naman ang ginalaw ko."
Nagtaas na ako ng magkabilang kamay para sukuan ang problema namin ngayon.
Isa sa mga security function na siguro ng bagong system na kaya lang siyang i-view sa ibang device, pero hindi siya kayang i-navigate externally—kahit pa kung tutuusin, hindi pa rin safe 'yon para sa 'kin may access pa rin.
Nakikita namin sa laptop ko ang isa-isang pagkawala ng mga ongoing at current projects ng Afitek. Isa-isang nabubura ang lineup ng activities sa managers' files at wala kaming magawang lahat kundi manood na lang.
"Wala bang paraan para ma-trace natin ang gumagawa nito?" tanong ni Sir Clark sa buong IT Department.
"Sinusubukan na namin, Sir Clark, pero hindi pa kami nakakahanap ng connection sa labas ng building para ma-trace ang gumagawa nito."
Gusto kong tapatin na silang lahat na imposible silang makapag-trace sa labas dahil designed ang updated system ng Afitek para magamit lang sa loob ng Afitek. Maliban na lang kung ako sila.
"Haaay." Napapasapo na lang ako ng noo kasi 'yon talaga ang problema. Kung hindi ako ang hacker . . . sino?
Lahat ng mga tao rito sa IT Department, puwede nilang ibenta ang info ng Afitek kung gugustuhin nila anumang oras. Pero alanganin talaga na magbenta ng database lalo kung paglabas ng Afitek, wala naman na ring value ang mga nasa archive.
After all, ang priority naman talaga ng Afitek ay security. Lahat ng info rito, may info rin sa NBI at sa iba't ibang sangay ng government agency. E, di sana national government data portal na lang ang pinuntirya, gano'n din naman.
Buong araw kaming stressed. Nag-overtime ako nang apat na oras para lang ma-track ang activity ng hacker na may hawak ngayon sa main server ng Afitek. Alas-tres, dapat nasa farm na 'ko. Alas-diyes ng gabi na 'ko nakauwi matapos abutan ng nakaka-stress ding traffic.
"O, ba't ngayon ka lang nakauwi?" bungad ni Mrs. Lauchengco nang makasalubong ko sa hagdanan. Nakasuot na siya ng spaghetti strap na sando at maluwang na pajamas. May hawak siyang mug ng hot chocolate na umuusok pa at kumakalat sa hangin ang bango.
Buntonghininga lang ang naisagot ko sa kanya at pagod na pagod ang mga mata ko nang pumikit-pikit.
"Si Charley?" tanong ko na lang.
"Nandoon sa kuwarto nina Shin. Huwag mo munang kunin."
Panibagong buntonghininga at ipagpapasalamat ko na lang na may ibang nag-aalaga sa anak ko. Sa ganitong estado ko, baka ako pa ang patulugin ng anak ko sa sobrang pagod ko sa trabaho.
Wala akong naririnig sa mga Lauchengco na may kinalaman sa nangyayari ngayon sa Afitek.
Sa isip-isip ko, sana bukas ma-resolve na ang issue sa system breach. Kahit gusto kong ayusin 'yon, hindi ko kaya kasi hindi ko rin alam kung paano.
Nagkaroon ako ng access sa Afitek at kaya kong galawin ang system ng luma at bagong sever. Sa lagay na 'yon, hindi ako kayang pigilan o hindi kayang isara ng Afitek ang access ko mula sa labas.
Bad news para sa 'kin kasi, at this point, ako na ang nasa posisyon nina Sir Clark na namomroblema roon sa hindi namin ma-trace na hacker.
Sa isip-isip ko pa, baka magawan ng paraan ng IT Department. Mag-hire sila ng professional tutal milyones naman ang kinikita ng kompanya kada operation.
Sinasabi ko sa sarili ko na kaya pa siguro ito nang isang araw o kaya mga 30 hours na troubleshooting.
Kaso 'tang ina, five days walang clerical work ang buong Afitek. Naka-leave nang sunod-sunod na araw ang mga empleyado sa building maliban sa mga supervisor at manager na nagha-handle ng mga client sa call. Kung may customer service man, apat lang silang ahente na nagsasabing ongoing pa rin ang pag-aayos sa server ng Afitek. Babalitaan na lang sila kapag active na uli ang operation.
Puro manpower and external branches ngayon ang gumagalaw. Ang mga security site, wala namang problema dahil nakakapag-conduct pa rin sila ng investigation at security aides, hindi nga lang sila nakakapag-report immediately sa Afitek Main.
Pumapasok na lang talaga ako sa building para tumambay. Mukha akong yagit na naghihintay kung kailan uli magkakakoryente para makanood na ako ng paborito kong palabas na ilang araw ko nang napapalampas ang episode.
"Hindi mo ba talaga kayang ayusin?" tanong ni Sir Clark nang dayuhin ako sa opisina ko. "Nagawa mo na 'yan dati. Nakapag-abroad ka pa. Malamang na kaya mong gawan 'yan ng paraan."
Mula sa pagkakayukyok ko sa mesa, napabangon agad ako. "Na-trace n'yo ba 'ko dati?"
"Kami 'yon, okay? Iba ang kaso mo kasi ikaw ang nasa labas."
"Kaya kong i-access ang lumang system. 'Yon ang ginagamit ngayon ng IT para ma-trace ang hacker natin, Sir Clark. Wala na akong ibang source kundi 'yon lang. Pasalamat pa tayo na kahit 'yan lang, at least may clue tayo."
"Ay, naku! Mame! Pliiis, saniban mo 'ko, like, right now!" maarteng pagmamakaawa ni Sir Clark sa kisame, may pakumpas-kumpas pa ng kamay. "Give me some enlightenment mula sa heaven! Para mo nang awa!"
"Napaka-OA," bulong ko at sinubukang buksan uli ang office desktop ko para lang mabungaran ng empty homepage na walang kalaman-laman kahit basic notepad man lang.
Isang araw na walang operation ang Afitek, sobrang laking lugi na 'yon sa kompanya. What more ang isang linggo?
Mino-monitor ng GS Agencia ang stocks ng Afitek at lalo lang bumaba ang financial status ng kompanya. Kung ako lang ang masusunod, ibebenta ko na lang talaga 'to.
Si Mr. Dardenne? Harsh lang siya, pero kadalasan talaga, tama siya, e. Walang pumapasok na pera na kayang isahod sa mga naka-leave ngayon.
Paid leave pa naman ang karamihan sa kanila kasi fault naman ng company kaya wala silang trabaho ngayon, so hindi kami puwedeng mag-announce na huwag silang pumasok para hindi na sila suwelduhan, when in fact, sa kompanya naman ang error.
Natapos ang unang linggo ng stress namin sa Afitek na wala kaming napapala sa lahat ng attempts. Nagbibilang na lang talaga kami ng pagbagsak ng kompanya anumang oras.
Nagpa-emergency board meeting na si Mr. Dardenne para lang yata pagalitan kami. Gets ko naman kung bakit, pero siyempre, wala namang maaayos kung pagagalitan kami, e wala nga rin kaming kamalay-malay.
"Na-breach ng unknown third party. At hindi mo basta-basta ma—"
"English please," paalala agad ni Mr. Dardenne kay Sir Clark. Kanina pa kasi nagpapaliwanag ng programming language sa mga hindi naman computer major.
"Okay . . . paano ba ie-explain 'to. Hindi basta mao-off ang buong system na ginagamit ngayon ng Afitek. Lahat ng division, down. From Cyber Threat Detection and Cybersecurity Asset Division, Data Privacy and Protection Division, Breach and Attack Simulation Division, Threat Intelligence Department, Biometric and Document Verification Department, hanggang End-to-End Infra-Security—down. The thing is, hindi 'yon basta-basta"—gumawa si Sir Clark ng air quote—"matu-turn off kung wala kang executive key code."
"Then who else could have that security key code outside this building?" tanong ni Mr. Dardenne.
"Tayo," mabilis na sagot ni Sir Clark.
Nangunot ang noo ni Mr. Dardenne. "Tayo means kayo? Or tayo means tayo mismo? Clear that part."
"Tayo," ulit ni Sir Clark. "Yung badges na ibinibigay sa inyo pagpasok dito sa building, may key code 'yon, lalo sa mga executive at board members."
May isang ka-meeting namin na nagtaas ng kamay. Babaeng singkit na katabi ni Eugene Scott.
"I went to the IT department to check the status of the system. I'm not familiar with Afitek's client-server structure kasi ang daming composition and mas malawak ang range niya compared sa other security companies." Itinuro niya ang sarili niya gamit ang palad. "IT is my first degree, so I really assumed na makakatulong ako kahit paano, but in my perspective, this case is very critical because you can't compromise different divisions with different applications all at once. Possible na may ma-configure na isa, but not all at the same time."
"Security mismo ng buong system ang na-breach, Divine," sagot ni Sir Clark. "Panahon pa ni Mame—I mean ni Tessa Dardenne—noong huling nagawan ng mas matibay na cyber threat detection and cybersecurity function ang buong Afitek."
"Nagbago kayo ng system, right?"
"Yes, nagawan na 'yan ng paraan." Bigla akong itinuro ni Sir Clark na ikinaurong ko sa upuan. "Siya lang ang nakakapag-access ng Afitek mula sa labas for the past ten years."
Nagtinginan tuloy silang lahat sa 'kin. Wala tuloy akong choice kundi magpaliwanag.
"Okay! Let me explain," panimula ko agad. "Kaya kong i-access, kaya kong i-monitor ang lahat ng division sa Afitek, pero hindi lahat ng division, kaya kong i-configure o ipasara o patayin o kung ano man. Kaya ko lang siyang makita, pero magre-reflect 'yon sa server dito sa kompanya. Kumbaga, kapag binuksan ko ang system mismo, may lalabas na warning sa mga developer na magsasabing may gumagalaw ng server mula sa kung saan—which is, 'yon ang nangyayari ngayon sa laptop ko. Nakikita lang natin, pero wala tayong magagawa kundi manood. Gets?"
"Give us a better solution immediately," sabi ni Mr. Dardenne sa aming nasa operation. "We're wasting money here, people. We can't afford another day of wasting millions for nothing."
"I'll call Luan," sabi agad ni Eugene Scott. "He might help us."
Tumawag na si Sir Clark ng mga international expert kasi mga patay na pala ang mga dating nagha-handle ng database security ng Afitek.
Diyos ko, napakamot na lang ako ng ulo.
Wala kaming choice kundi manghingi na talaga ng tulong. Nanonood na lang kami habang iniisa-isang i-configure ng hacker ang buong Afitek database.
Ngayon ko napatunayan na para kaming mga tigre na nagsilabasan ang defense mechanism kasi sa loob ng delikadong gubat, may mas nakakatakot pa pala kaysa sa 'min.
Pinatawag na si Luan. Sa isip-isip ko, bakit siya?
Sige, owner siya ng isang sikat na website ngayon na nagha-handle ng international employees. Gumagawa sila ng mga international projects—and international projects means nasa global creative platform sila at pulos freelance designers na walang kamalay-malay sa security breaching.
Ano'ng kinalaman ng paggawa ng logo at graphic design sa cyber threat detection?!
Pumunta sa building si Luan may ala-una ng hapon. Ang sabi ni Eugene Scott, alas-diyes ng umaga, nasa building na raw.
Hindi ko alam kung anong timezone ba mayroon itong Luan na 'to at parang wala siyang pakialam na may emergency nga kaming kinakaharap ngayon.
Tapos pumunta pa sa Afitek, ang bungad na bungad sa 'min.
"Bibilisan ko lang kasi maggo-grocery pa kami." Tapos kasama pa misis niya!
Yung stress ko, punyeta. Parang tinutunaw na ng nangyayari ang lahat ng natitirang functioning neurons ko.
"Gusto n'yo?" nakangiting alok ng asawa ni Luan. Siya raw si Ikay.
Hindi ko masyadong nakikita ang misis ni Luan kasi 8-5 din ang trabaho tapos nakatira pa sa ibang street. Ngayon ko pa lang siya makikilala sa personal.
Si Luan, hindi ko naman itatangging may itsura kahit nakakapika kausap araw-araw. Mukha siyang anak ng Chinese business tycoon tapos nagpa-part-time bilang model ng luxury items. Mukha siyang expensive na lalaki kahit kuripot naman talaga in reality.
Itong asawa ni Luan, hindi morena pero hindi rin naman kasimputi niya. Saktong brown lang. Mas maputi pa ako kung tutuusin. Saka petite lang. Hanggang baba ko lang din ang taas. Pero siya 'yong kahit sobrang simple, maganda pa rin. Hindi siya mukhang social climber na feeling mayaman dahil lang asawa niya ang anak ni Daddy Scott. Naka-white blouse nga lang siya na mukhang puwedeng bilhin online sa halagang tatlong daan tapos may libre na rin 'yong shorts. Naka-shorts lang din siya na khaki tapos cute na butterfly sandals. Tapos ang buhok pa niya, naka-braid lang sa magkabilang gilid na may butterfly na design ang panali.
Kapag tinitingnan ko siya, hindi ko masasabing, "Ah, manugang 'to ng isang multimillionaire businessman." Puwede ko sigurong sabihin pa na, "Ah, manugang 'to ni Mang Carding na may-ari ng karinderya sa kanto."
"Nagdala na 'ko ng meryenda kasi baka matagalan kami rito," sabi ni Ikay habang ipinamumudmod ang bawat cup ng binignit sa mga taga-IT department.
Sakto lang ang dami ng bawat cup para mabusog ang mga binibigyan niya. Marami rin kasi ang laman ng bawat cup na may takip kaya okay lang ibiyahe.
May sariling laptop na dala si Luan at nasa loob sila ng mainframe room. Ito lang ang nag-iisang kondisyon niya.
"Si Kuya ang magbabantay sa 'kin sa loob. Ayokong may ibang nandoon."
Malinaw na 'yon sa 'min. Kung kami nga, walang nagawa kahit nagtambakan na kami sa loob ng mainframe facility.
Nasa floor kami ng mga IT habang nagmemeryenda. Wala naman kaming ibang trabaho rito, e.
"Ikaw nagluto nito?" tanong ko kay Ikay habang tutok sa cup ko.
"Oo. Sobrang tamis ba?" tanong niya.
"Hindi!"
"Sakto lang, sakto lang."
Ako ang kausap pero buong IT department ang sumagot.
Namula agad siya at nginitian kaming lahat kahit nahihiya. "Sorry, ha? Natagalan kami sa pagpunta. Sabi kasi ni Kuya Eugene, ten daw. Sabi ko, lutuan ko kayo ng meryenda kasi ilan lang daw kayo ritong on-site ngayong araw. Tinulungan pa 'ko ng asawa kong maglagay niyan sa cup isa-isa."
"Hindi! Okay lang."
"Oo, wala 'yon!"
"Sulit maghintay!"
Itong mga agent dito, para namang hindi masasarap ang pagkain sa pantry kung maka-react.
"Ngayon lang kita nakita. Hindi ka ba nakatira sa mga Scott?" usisa ko bago sumubo ng meryenda namin.
"Sa kabilang barangay lang kami. Nasa office lang sa West si Luan kasi nandoon ang opisina niya," nakangiting sagot ni Ikay. "Kasama ko sa bahay ang parents ko saka 'yong panganay naming babae."
"May babaeng anak si Luan?" gulat na tanong ko. "Akala ko, yung kambal lang niya."
"May ate yung kambal! Malaki lang ang gap. Nasa Grade 4 na siya."
"Ang layo pala ng agwat. Tapos yung isang kambal . . ."
"Nandoon sa bayaw ko kada weekdays. Sa weekend, nasa amin naman. O kaya kapag hinihiram ni Daddy Leo."
Nagtsitsismisan na lang kami sa isang parte ng floor na puwedeng kainan dahil mukhang natatagalan na rin si Luan sa pag-check sa mainframe ng Afitek.
Alas-una sila nakarating, alas-singko na sila nakalabas ni Eugene Scott pabalik sa IT Department.
"News," bungad na bungad nitong kamukha ni Daddy Scott. "Bad news: Luan can't access the server."
"Kit," tawag ni Luan sa 'kin kaya lumapit naman ako.
Nauna siyang naglakad kaya napasunod ako sa kanya. Dumeretso pa kami sa labas ng glass door ng IT department para makapag-usap nang kami lang ang nakakarinig.
Kahit ang boses niya, mahina nang tapatin ako.
"Ano'ng balita?" tanong ko.
"Gaya ng sabi ni Kuya, hindi ko ma-access ang main server."
"Hindi ako nagulat. 'Yan din ang problema namin."
"Pero hindi talaga 'yan ang bad news."
Biglang nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
Hindi pa 'yon ang bad news?! So may worst news pa?!
"Okay, um . . ." Kinampay-kampay niya ang kamay sa tapat ng dibdib na parang may inilalabas doon bago siya kumibit. "I tracked down the hacker."
"O!" Biglang tuwa ko sa narinig, kaso . . . "Ay, wait. Pero hindi 'yan ang talagang bad news, 'no?"
"Yeah. The other bad news is . . . may idea na 'ko kung sino ang hacker."
"Uh . . . delikadong tao ba 'to? Puwede ba, 'wag ka nang magpa-suspense. Sayang ang time. Maggo-grocery pa kayo."
"Yeah, I know. So ayun nga. I was tracing the activities. Tintingnan ko ang sequence sa laptop mo. I double-checked the entries. Binabalik at binabalik ako n'on sa access ni Tessa Dardenne."
Tessa Dardenne?! Si Lola?!
"Paki-explain nang maigi. Paanong access ni Tessa Dardenne?" nabibiglang tanong ko.
"Nagma-match ang executive key code sa pinakaunang key code ng old client-server na galing pa sa server ng pinakaunang software architecture ng Afitek. Hindi 'yon basta-basta magre-reflect unless ita-track ang access sa lahat ng version ng Afitek server."
"Ngayon? May access ba sa langit? Paanong key code ni Lola, e kinuha na siya ni Lord?"
Ay, wait!
Access ni Lola?!
Biglang nanlaki ang mga mata ko sa kanya.
'Yong opisina ni Lola sa mansiyon!
"I think alam mo na kung ano ang talagang bad news," nakangiwing sagot niya sa reaksiyon ko.
"Saglit! Tawagan mo si Sir Clark!"
Kumaripas agad ako ng takbo papuntang elevator.
Pakshet, sana mali ang hinala ko!
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top