Chapter 29: Compromised
Inisip-isip ko pa, baka OA lang silang lahat dahil nagbakasyon lang naman ang mag-ama ko. Pero noong kay Mrs. Lauchengco na nanggaling ang tsismis, parang naintindihan ko na kung bakit ang o-OA nilang lahat.
Nagpa-request ako ng phone noong pumasok ako sa opisina at nabilhan ako agad ng pinakamagandang android phone ngayon sa market. Umiiwas ako sa iOS kasi ang tagal i-bypass ng security kaya kailangan kong pumili ng device na mabilis i-navigate nang hindi ako nasi-stress sa pag-set up pa lang.
Nagbukas ako ng isa sa mga active account ko para i-connect ang old phone storage ko na may contact ni Damaris. Matapos i-report na missing ang phone na hindi pa ibinabalik ni Coco sa 'kin, na-transfer ko agad ang info ko sa bagong phone gamit ang laptop kong naiwan naman sa office ko.
Sinubukan kong tawagan si Damaris kasi may number niya ako.
Ang kaso . . . walang ring.
Hindi ko alam kung blocked ba ako o wala na ang number niya, pero hindi na siya ma-contact. Nag-trace ako online ng info niya, at nakakita naman ako sa search engines na ginamit ko, pero pareho pa rin ang problema.
Walang ring sa phone number.
Hindi nag-send ang email dahil invalid ang email address.
Hindi na siya occupant sa dorm niya ngayon sa Cambridge.
Wala akong history ni Damaris kaya nag-email na ako sa school niya kung posible bang malaman ang mga contact number niya—na sigurado akong imposible dahil sa privacy ng mga estudyante roon. Pero baka lang naman.
Sinuyod ko talaga ang public sites dahil baka may clue kung paano ko siya mako-contact. Kahit man lang sana latest photo niya sa abroad, kahit anong landmark o establishment na kayang i-trace sa map, basta may clue.
Ang mayroon lang ako ay photos nila ni Cheese. Sa Cebu nga lang 'yon at phone pa ng asawa ko ang ginamit.
At kahit bawal akong mag-reach out sa asawa ko, sinubukan kong tawagan siya.
Another problem na naman!
Out of coverage ang phone. Sa magkakaibang oras ako tumawag pero out of coverage talaga siya.
Alam kong hindi magandang idea na tumawag sa mansiyon pero sinubukan ko pa rin.
"Bawal mo raw tawagan asawa mo, a."
"May itatanong lang ako, Yaya Connie."
"May itinatago raw si Cali kaya ayaw kang payagang makausap siya."
"May kabit nga raw kasi siya."
"Maniwala kaming may kabit nga siya. May ginagawa lang 'yang ibang kalokohan at ayaw umamin. Magdasal na lang itong mga magulang niya na hindi 'yan krimen, at talagang babangon sa hukay si madam para lang paluhurin siya sa butil-butil na asin."
Pati ba naman si Yaya Connie, OA?
"Hindi ba talaga siya puwedeng makausap, Yaya?"
"Buong araw nagkukulong. Ayaw lumabas. Pinipilit na namin dito pero ayaw. Hindi naman 'yan basta-basta nagkukulong nang walang dahilan."
"Puwede kong kausapin, baka lumabas na siya."
"Mapagagalitan ka sa gagawin mo. Magpaalam ka muna sa tito niya. Kapag pumayag, ako na ang tatawag sa 'yo para makausap mo."
Ano ba 'yan? Kay Mr. Dardenne talaga? Sino ba talaga ang tatay ng asawa ko? Si Sir Clark o si Mr. Dardenne?
Hindi ko muna pinilit kasi mukhang pinipiga rin nila si Cheese sa impormasyon. Si Mrs. Lauchengco, ayaw namang maniwalang si Damaris ang kasama ng asawa ko.
Binalikan ko ang paghahanap kay Damaris sa kahit saang puwede ko siyang ma-contact. Nag-download pa ako ng iba't ibang app at inisa-isang search and bawat messaging app na na-download ko para lang ma-trace siya.
Lahat na yata ng posibleng pangalang puwede niyang gamitin, inilagay ko na sa search bar:
Damaris Lauchengco
Lauchengco Damaris
Damaris Vizcarra
Damaris Vizcarra Lauchengco
Damaris V. Lauchengco
Ultimo Damaris L. Dardenne, pinatos ko na kahit hindi naman sila kasal ni Coco.
Kung makikita siguro ng mga ahente sa Afitek ang search history ko, baka pagtawanan lang nila ako maghapon.
Sinubukan ko lahat ng puwedeng combination sa pangalan niya hanggang sa mag-land ako sa isang auto-search option:
Ram Lau
Hindi ko sana ito bubuksan kung hindi ko lang nakita ang mukha niya sa display photo.
"Argh! Pinahanap mo pa 'ko nang malala! 'Yan ka lang pala!"
In-add ko agad sa contact ko saka ko tinawagan gamit ang isang messaging app na puwedeng makatawag overseas.
Dalawang ring pa lang, nasagot na agad ang call. Nagmadali agad akong i-record ang tawag para may ebidensiya ako.
"Hi, this is Kit," bati ko pagsagot niya.
"Kit . . . ?"
"Kit ni Carlisle Arjeantine."
"KIT! Oh my god! I miss you!"
Wow. "Uh, hehe . . . misyutu! 'Musta?"
"Ikaw! Kumusta?"
May kung anong nangangati sa ulo ko na imbes na kamutin, gusto kong bangasin sa parte ng katawan ko sa sobrang kati.
"Um, eto, busy."
"Like Cali said. Sayang, hindi ka nakasama sa 'min last week!"
"Oo nga, e. Busy. Sobra. Pero ayun nga, tungkol pala diyan kaya ako napatawag."
"Oh! Why?"
"Uh . . . nasira kasi ang phone ni Cheese. Bale . . . nabato ni Charley sa kung saan. Hindi pa siya nakakabili ng bago kaya ako na ang napatawag."
"Hala! Safe ba si Charley?"
"Oo naman. Safe naman siya. Um . . . nagpalit ka ba ng number?"
"Yeah! Binilhan ako ni Papa ng new phone last January. So, wala na ang dating phone ko."
Last January? Magpapasko na, a. Ibig sabihin, matagal na siyang hindi nako-contact?
"Pero nasa Cambridge ka pa rin."
"Well, about that . . . wala na kasi ako sa dating dorm ko."
"Lumipat ka ng dorm?"
"I'm here na sa Canada."
"Ha? Ang layo! Di ba, nasa Europe ka?"
"Yeah. Well . . . long story, but I'm here now sa BC to finish my remaining units."
"Oh . . . ang layo naman niyan sa Europe."
"Medyo toxic kasi ang environment ko sa dorm. Good thing dito sa Canada, ang daming Filipino. Hindi masyadong nakaka-homesick. May kasama rin ako sa tinutuluyan ko ngayon."
"Dorm din?"
"Nope. Para siyang Airbnb, but not really Airbnb. Filipino fam din sila na owner ng house, and I found a new friend here! Audree, say hi."
"Hi."
"There! Um, yeah! I'm doing good here. Audree's helping me with my dissertation, so everything's fine."
"Good! Good 'yan. Good 'yan. Bale ano . . . may itatanong pala ako."
"Sure! Go on."
"May kotse raw kasing sumundo sa bahay namin sa West. Walang plaka. Bale, tinatanong ng homeowners kung kanino raw. Ayoko namang sabihing sa pamilya mo kasi baka sabihin nila, nambibintang ako."
"Oh . . . yeah, well, um . . . about that . . ."
Shet, kapag sinabi mong hindi inyo 'yon, ipa-re-red alert ko talaga ang Afitek!
"That was my car."
Argh! Shet, puso ko. Mabuti naman.
"Registered yung car, but . . . hindi ko kasi puwedeng ilabas 'yon nang walang permission. So I asked Manong Henry to drive you guys sa airport. But don't tell anyone, ha! Papagalitan kasi siya nina Papa. Baka mawalan siya ng work."
"Ay, hindi! Okay lang. Basta sure na sa inyo 'yon—o sa 'yo. Basta, sa inyo. Pero may plaka naman."
"Yeah! Yeah! It has."
Binanggit niya sa 'kin ang plaka ng sasakyan at nag-mute pa ako dahil sa ingay ng keyboard para lang i-trace sa LTO ang plate number. Nakatutok lang ang mata ko sa monitor habang nakikita ang record ng kotseng sinasabi niyang kanya.
"It's not Mang Henry's fault. We were changing our plate numbers during college kapag tumatakas kami sa bahay. Coding kasi yung kotse no'ng pinabiyahe ko. I couldn't call for another car service kasi papagalitan ako."
Saktong-sakto ang description ng kotse sa dumayo sa bahay namin. Itim na hatchback.
"Aware ka namang bawal 'yong ginawa mo sa kotse, tama?"
"Hmm . . . yeah. But—I mean, hanggang airport lang talaga siya, promise! Regular car service na ang pinabayaran ko pag-uwi nina Cali. Wala akong masamang intention. Gusto ko lang na safe silang makaalis kasi wala pang car si Cali until now."
"Pero ikaw naman ang gumastos ng flight nila? Naka-credit card ka ba?"
"Yeah, I paid for everything. Pero cash ko kasi 'yon na binayaran ko sa ticketing agency. Owned nitong family na tinitirhan ko ngayon 'yon."
Kaya pala walang record na nire-release para sa online o kaya over-the-phone payment.
"It was supposed to be a surprise . . . because Coco and Cali would probably be celebrating Coco's birthday. So I thought na i-surprise sana si Coco. I called Cali rin naman beforehand kung may work ba ang cousin niya prior to his birthday, and he confirmed na wala nga raw and stay at home lang to take care of Charley. May last minute change of plan yata na nangyari na late ko na ring nalaman."
Ayun lang.
"Oo, may ano kasi . . . parang urgent meeting sa client. Wala, hindi 'yon masyadong nagpapakita. Kung saan-saan kasi gumagala," paliwanag ko.
"I see . . ."
"Sa hotel, gastos mo rin."
"Yep. I paid for everything."
"Sa isang room lang kayo ni Cheese? O nagbayad ka rin sa room nila ni Charley? May utang ba 'ko sa 'yo?"
"Ah! No, it's okay. I paid for two rooms. It's for us sana nina Rex yung isa. The other room was meant for Coco and Cali. But I think hindi yata nagamit ni Cali ang room niya because he stayed at the pool area with Charley kasi hihintayin ka raw kung makakahabol ka. I mean, the whole night yata siya sa labas."
"Ah . . . okay." Napatango na lang ako sa kawalan ng maisasagot. "Sabay kayong umalis ni Cheese pauwi?"
"No," malungkot na sagot niya. "I left agad after Coco's birthday kasi hahabulin ko ang flight ko. I told Cali na mag-stay na lang sa hotel while waiting sa return flight niya kasi paid naman na 'yon. Sayang nga, hindi ka nakasama. Sabi kasi niya, ang tagal n'yo nang hindi nakakabakasyon, so I tried to extend your fam's stay sana sa hotel. But, ayun . . . it's okay if hindi talaga kinaya ng schedule. Adulting is really complicated."
Ang lalim ng buntonghininga niya na gusto ko na lang sabayan.
"Gusto mo na ba talagang makita si Coco?" tanong ko na dahilan ng pagtahimik niya. Inabot pa nang ilang segundo bago siya nakasagot.
"I really want to . . . pero baka kasi galit pa rin siya sa 'kin."
Natulalaan ko ang office table ko kasi gusto kong magbasag ngayon dito.
Nasi-stress na 'ko sa Dardenne at Lauchengco na 'to, Diyos ko, Lord!
"Okay, Ram, ganito . . ." Huminga pa muna ako nang malalim para lang ipunin ang lahat ng pasensiya sa hangin na masasagap ko. "Tapusin mo agad ang master's mo ngayon para makauwi ka na agad. Hayaan mo muna ang ibang bagay. Mag-focus ka muna diyan sa pag-aaral mo. Para kapag nakauwi ka na rito, hindi mo na kailangang umiwas nang umiwas dito sa Manila."
"I'm trying, Kit. It's easier said than done, but I'm trying."
"O, sige, okay ako diyan. Ano lang . . . hindi naman sa pinipilit kitang maging best sa lahat ng best, pero kailangan mo kasing tapusin ang sinimulan mo—agad. Sayang kasi ang oras. Sayang ang gastos. Sayang ang panahon na ilalagi mo diyan sa malayo.
"Gets, mahirap, oo. Natural, mahirap. Wala namang madaling bagay lalo kung hindi mo naman ginustong gawin 'yang ginagawa mo ngayon. Pero tandaan mo na nandiyan ka, hindi lang para sa sarili mo. Nandiyan ka kasi may dapat kang patunayan sa mga tao rito na deserving ka doon sa tingin nila e hindi ka raw deserving.
"Kailangan, hindi ka lang basta Lauchengco. Kasi si Coco, ginagawa niya lahat para patunayang hindi siya simpleng Dardenne lang. Dapat mag-meet kayo halfway."
"You think . . . galit siya sa 'kin kasi iniwan ko siya sa kasal naming dalawa?"
"Uh . . . ayokong magsalita para kay Coco, ha? Pero tingin ko, hindi naman siya galit. Busy lang talaga siya para
patunayang deserving siya sa 'yo. Gets mo ba? Kaya dapat patunayan mo ring deserving ka para sa kanya.
"Kahit huwag ka munang umuwi rito, matapos mo lang 'yang pag-aaral mo diyan! Alam mo 'yon? Alam kong kaya mo 'yan. You can do that! Huwag ka munang lumakwatsa. Mag-aral kang mabuti. Excel. Strive hard . . . ano pa ba? Do your best? Break a leg? Reach for the top? 'Yon! Para makabalik ka rito agad! Si Coco, loyal sa 'yo 'yan! Kapag hindi, tatanggalan ko siya ng paa!"
Tinawanan lang niya 'ko sa haba ng sinabi ko.
"I'll do my best. May help na rin naman na 'ko rito sa Canada. I'll see what I can do. I'll do better this time."
'Yon! Sana nga, at nang hindi mo na tinatangay-tangay sa kung saan-saan ang asawa ko.
"Ayun lang naman ang akin, Ram. Bale . . . ano, ingat ka na lang diyan, 'no? Active naman 'tong number mo, dito na lang kita i-chat o kaya tawagan—"
Bigla akong napasinghap nang biglang namatay ang desktop ko.
"'Luh?" Halos panggigilan ko na ang enter key, escape, F10 sa keyboard ko para lang malaman kung bakit bigla-bigla na lang namatay ang PC ko.
"Kit?"
"Ayun nga! Uh, i-drop ko muna itong call, Ram. Namatay yung computer ko, e. Ayusin ko muna, ha? Bye!" Hindi ko na siya hinintay na magbaba ng call, ako na ang nauna.
Sinubukan kong mag-troubleshoot pero wala talaga. Dinampot ko agad ang telepono sa tabi ng desktop ko para tumawag sa IT department.
"Office of the CEO, this is Kit. Sino'ng available na IT ngayon diyan?"
"Nag-off ba unit mo, Kit?"
"Oo. Bakit?"
"Down ang system ngayon."
"Down ang system? What do you mean by down ang system?"
"Down, as in down. Walang functioning system ngayon sa Afitek. Nag-che-check na sina Sir Tobey sa mainframe, baka sa hardwares ang issue."
Mabilis tuloy akong napabukas ng laptop kong kanina pa naka-standby para mag-check kung pati ba ang former operating system ng Afitek, down din.
"Sino uli itong kausap ko?" tanong ko sa call, habang nakatitig ako sa screen ng laptop kong mukhang compromised ang isang software na gamit din ng Afitek.
"Nick, Agent Code A0843."
"Pakisabi sa immediate supervisor mo, may gumagalaw ng operating system ngayon ng building. Paki-contact agad si Sir Clark ASAP."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top