Chapter 28: Calm
Under investigation pa rin ang kotseng sumundo slash "kumuha" sa mag-ama ko sa bahay namin sa West, at nangangati na akong aminin na inutos 'yon ni Damaris Lauchengco noong isang araw.
Ang magiging problema ko lang siguro kapag inamin ko 'yon, magkaka-issue ako nang malala sa mga Lauchengco matapos nilang i-deny na kanila ang sasakyan. Wrong move 'yon sa 'kin lalo't sa kanila ako nakikitira ngayon.
Kapag inamin ko o inamin ni Cheese na Lauchengco ang nagpasundo sa kanila sa bahay, magkaka-violation ang LCC Asia at kasalanan namin 'yon. So, panibagong issue na naman.
Pumasok si Coco sa trabaho sa Afitek na ang hinawakan at inasikaso lang niya ay tungkol sa mga Torralba. Ibinigay ko na 'yon sa kanya, manahimik lang siya sa pambubuwisit niya sa 'kin.
Tinitingnan ko rin kung bakit mga Torralba ang hawak niya ngayon, at interesante rin naman ang kaso nila dahil related sa isang ongoing smuggling case ang tinututukan ni Coco.
Siguro kung hindi ko lang focus itong pamilya ko, makikiepal ako sa ginagawa ngayon ni Coco. 'Yon lang, mas dapat kong unahin itong kaso namin ni Cheese.
Alas-tres nang sunduin ako ng car service ng mga Lauchengco—silver na Prado na heavily tinted. Take note na may plaka ang sasakyan at naka-report sa security—bagay na hinahanap din nila sa sumundo kina Cheese pero hindi nga nila makita.
Sa isip-isip ko, pinase-service na ako ngayon ng mga Lauchengco. Ibig sabihin, bantay-sarado talaga ako. Mas lalong hindi ako puwedeng dumikit-dikit kay Coco ngayon kung may mga lakad pala siyang delikado rin.
Dumeretso kami sa farm para makauwi na ako sa anak ko. Kahit paano naman, nahihiya na rin ako sa mga Lauchengco kasi may bata akong kasama, lalo pa't hindi ko naman sila kamag-anak para pag-iwanan ng bata.
Naabutan ko sa veranda si Sir Pat na karga-karga ang anak ko. Kapag sila talaga ang kumakarga sa kanya, nagmumukha lang siyang manikang pagkaliit-liit. Mukhang nag-uusap sila ni Charley—kung nagkakaintindihan man silang dalawa. Sa isang banda, mukhang kaya nilang maging mabait sa anak ko nang walang judgment dahil lang ako ang nanay ni Charley.
Nakahanda sa maliit na pabilog na mesa sa tabi nila ang baso at bote ng gatas. May mga biskuwit din sa isang plato at cake na tinatakpan ng maliit na kulambo para sa pagkain.
Nakapambahay na T-shirt at maluwag na pantalon si Sir Pat. Naka-slides lang din at nakasuot siya ng salamin sa mata kaya mukhang wala siyang trabaho ngayon. Galing daw sila ni Mrs. Lauchengco sa Ilocos kahapon. Mukhang ngayon lang nakauwi.
"Magandang araw ho, Sir Pat," walang ganang pagbati ko.
"Mama's here. Say hi to Mama," utos ni Sir Pat sa anak ko.
Nginitian naman ako ni Charley at nag-close-open. "Mama!"
"Cute-cute mo, anak." Pinisil ko ang pisngi niya bago ako naupo sa upuang katabi ng mesang may pagkain.
Ang lalim ng buntonghininga ko nang mapahinga kahit saglit dahil kahit hapon pa lang, parang ang dami nang nangyari buong araw.
"I didn't expect na dadalhin ka nila rito," sabi ni Sir Pat sa 'kin, pero tutok lang siya sa anak kong nagko-close-open ng kamay.
"Hinahanap daw kasi nila yung babae ng asawa ko." Sumandal ako sa upuan at tumanaw sa malawak na rice farm na kaharap ko. Kasalukuyang inaaro ang lupa at pinatutubigan ang ilang parte.
"But that's not the news I heard."
Sa sobrang gulat ko, napaurong ako paatras saka nandidilat nang may pagdududa kay Sir Pat. "May iba pang news, Sir Pat?"
Sinilip niya 'ko mula sa gilid ng ulo ng anak ko para lang ipakita sa reaksiyon niya na bakit ba ako nagugulat.
"If it's only about Cali's mistress, kaya na 'tong ayusin nina Rico. But you see? You're here. Hindi ka naman nila dadalhin dito dahil lang may kabit ang asawa mo."
"'Yan nga rin ang isa sa mga iniisip ko, Sir Pat. Bakit dito sa inyo?"
"So, walang nagsabi kung bakit nandito ka?"
"Pinipiga yata nila ang asawa ko para sumagot kung sino yung kabit niya. E, ayaw magsalita ni Cheese."
"And that's the problem."
Pagtingala ko kay Sir Pat, sinasayaw-sayaw na niya ang anak kong mukhang nag-e-enjoy na kinakarga siya.
"You're here kasi iniisip nilang delikado ang lagay n'yo. Hindi ka mapupunta rito kung safe kayo sa labas."
"Dahil ba 'to sa kotseng sumundo kina Cheese noong isang araw?" tanong ko agad, at nagdududa na sa nangyayari. Siguro
kasi alam ko namang safe ang naging gala ng mag-ama ko—na hindi pala safe sa tingin ng mga nasa paligid namin.
"I don't know about that car, pero hindi umaamin si Cali kung sino ang kasama niya noong umalis siya."
"Kung kabit niya 'yon, Sir Pat, di ba, mas delikadong aminin kung sino ang babae?" hamon ko pa sa sitwasyon. "Ibig kong sabihin . . . for safety ba? Kasi baka saktan nila o i-bully, gano'n."
"Naniniwala kang may kabit ang asawa mo?" hamon din sa akin ni Sir Pat nang sulyapan niya 'ko.
Hindi tuloy ako makasagot.
"Kasi kami . . ." Dahan-dahan siyang umiling. "Walang naniniwala sa 'min. You know why?" Inilipat niya ang atensiyon sa anak kong may sinasabi na namang kung ano, akala yata siya ang kausap. "Cali won't risk losing you and his child to a mistress. Especially kung out of the blue ang pagkakaroon niya ng kabit. Na sa tagal niyang inactive sa field at hindi pa siya masyadong na-e-expose sa labas at sa ibang tao, bigla na lang siyang magkakaroon ng unknown relationship sa babaeng ayaw niyang pangalanan?"
"Pero kaibigan niya 'yon, Sir Pat."
"Walang ibang kaibigang babae si Cali maliban sa anak ko." Hinarap ako ni Sir Pat para lang ngitian nang matipid. "And Cali's not allowed to talk to her—o kahit sino sa mga Dardenne."
"Galit pa rin ba kayo sa mga Dardenne?"
"My anger toward that family has a deeper reason than you know." Sinuklay-suklay niya ang buhok ni Charley na ginugulo ng hanging dumadaan sa veranda. "Their side is more barbaric than anyone has perceived. Hindi sila pinalaki ni Lola Tessa para lang maging mahihina."
Alam ko naman. Nakikita ko rin.
"You're more exposed to their tougher angle because you're just matching that energy," paliwanag niyang naiintindihan ko rin naman. "If you singlehandedly brought them down, then don't expect them to be soft or gentle on you. They don't bow down to anyone. You expect them to be tougher and harsher."
Gets ko rin. Mula yata nang hindi ako magpatangay sa kanila, parang hindi na nila ako kayang kausapin nang hindi sila laging aatake o dedepensa. Si Cheese nga lang yata at si Luan ang nakakausap ko na hindi ako nagmumukhang kalaban ng lahat.
"Connor and Carlisle are dangerous kids, Kit. Hindi lang sila basta anak ng kung sinong mayaman lang. They're conditioned and trained. And there's a reason why your husband is slightly more controlled externally than his cousin."
Naghahanap na ng gatas si Charley at inaabot na ng dede niyang nasa mesang katabi ko. Inabot ko na lang 'yon sa anak ko bago pa umiyak habang karga ni Sir Pat.
Matipid ang ngiti sa akin ni Sir Pat na hindi ko alam kung paano susuklian. Hindi ko rin alam kung bakit ba kami napunta sa ganitong sitwasyon.
"Cali has a vengeful spirit, Kit. You're here, not because he didn't choose you. You're here because he's going to do something they'll never like, and they have no capacity to control it."
• • •
Ayokong takutin ako ng mga nasa paligid ko sa pamamagitan ng asawa ko.
Isa sa mga dahilan kaya rin hindi ko masabi kay Cheese ang nangyari sa amin ng anak niya, kasi ayokong may gawin siyang hindi maganda. Kasi kung nagawa niya akong pakasalan at anakan ako without a second thought and without remorse and without kung ano pa 'yan, malakas ang kutob kong kaya niya talagang gumawa ng mga bagay na ikagugulantang naming lahat.
Halos lahat sila, sinasabing hindi mambababae ang asawa ko nang biglaan lang. Na hindi ako isusuko ni Cheese dahil lang mas pipiliin niya ang babae niya.
Natatakot ako, hindi dahil pinabayaan kami ni Cheese sa mga Lauchengco. Natatakot ako, kasi ibig sabihin, walang magbabantay sa kanya sa kung ano man ang balak niyang gawin sa labas.
Kahit paano, kilala ko naman siya. Kapag alam niyang unreasonable na paghiwalayin kami, makikipagbungangaan siya sa kanilang lahat buong maghapon para lang patunayang nasa mali sila.
Inabot na ng gabi ang pag-aalala ko kasi pinadala raw si Cheese sa mansiyon. Hindi kina Sir Clark, hindi sa bahay lang namin. Hindi naman siya dadalhin sa mansiyon kung hindi emergency, kasi ibig sabihin lang n'on, compromised ang security niya kaya kailangan na siyang pabantayan sa mas secured na area gaya noong na-kidnap ako ng mga taga-Afitek.
Kahit paano, nasusundan ko naman ang pattern ng security measures nila kasi ganito rin sila sa 'kin noong nalaman nilang buntis ako. Ang kaibahan lang siguro ngayon, wala na si Lola Tessa kaya inaasa na nila sa mga Lauchengco ang security.
Katatapos lang ng hapunan nang dayuhin ako ni Mrs. Lauchengco sa kuwarto namin ng anak ko sa bahay nila. Nakasuot siya ng maluwang na floral blouse at maikling cotton shorts. Hindi ko siya narinig na dumaan sa pasilyo dahil nakasuot ng bedroom slippers na may design na kuneho. May suot-suot pa siyang fluffy headband at nakapusod ang buhok na gulo-gulo sa pagkakabilog.
"Ano yung nakarating sa 'kin na nambabae raw asawa mo?"
Napangiwi na lang ako sa bungad niya. Iba talaga ang talak ni Mrs. Lauchengco. Sobrang layo sa kung paano nagsasalita ang mga Dardenne.
"Ano ba naman 'tong kaartehan ni Calvin Dy?! Diyos ko."
Sa kuwarto na ibinigay nila sa amin, bago makarating sa kama, may mini-gate pang bubuksan. Parang pinto ng crib papasok sa bed area. Mukha kaming nasa loob ng farm sa loob lang din ng kuwarto.
Inirereklamo ni Mrs. Lauchengco ang gate ng bed area kung saan sumabit sa lock ang laylayan ng blouse niya.
"Ipatatanggal ko na talaga 'tong bakod na 'to. Nasa kuwarto ka na, babakuran ka pa?" Inambahan pa niya ng sipa ang malambot na bakod ng crib sa sobrang inis.
Naalala ko tuloy ang bakod namin sa West na ganito rin ang design. Ang kaibahan lang siguro, may balot na fluffy cushion itong bakod para kahit mauntog ang bata, hindi delikado.
Ibinagsak niya ang katawan sa tabi ng anak kong nakahiga at dumedede sa malaking bote.
"Ayun na nga," pagpapatuloy niya. "Nambabae raw ang Carlisle Arjeantine."
"Wala naman sa 'kin kung mambabae siya."
"Ay, sa 'min hindi 'yan wala-wala lang," sagot agad niya at tiningala ako mula sa sinasandalan kong headboard. "Kasi 'yang asawa mo, madali kausap 'yan. Walang maniniwalang nangangabit 'yan, dahil kung talagang may kabit 'yan, dapat hindi na 'yan humihinga ngayon."
Agad? Hindi agad humihinga?
"Pinaderetso ka rito ng Rico Dardenne," dugtong ni Mrs. Lauchengco. "Kung si Clark ang nag-utos, kebs ang beauty ko. Ipatapon na lang kita sa Dasma, mangatulong ka roon. Pero iba ang usapan 'pag galing kay Rico ang pakisuyo. Ibig sabihin . . . may emergency situation."
Gusto ko sanang sumagot kaso baka sabunutan ako ni Mrs. Lauchengco. Sabihin pa nito, imbes na makinig na lang ako, makikipagsagutan pa 'ko.
Kinampay-kampay niya ang kamay sa hangin habang nakahilata siya, para lang masabayan ang buka ng bibig niya habang nagmo-monologue.
"Kung naniniwala kang nambabae ang asawa mo. Puwes, dito, wala siyang mauuto. Pumayag ang Cali na ipatapon kayo rito ng anak mo nang hindi siya nagrereklamo?" Tinuro-turo niya ako ng daliri niya. "Diyan pa lang, nagtataka na kaming lahat. Kasi 'yang asawa mo, reklamador 'yan. Hindi 'yan nakaka-survive nang isang araw nang hindi 'yan nang-aaway ng mga nasa paligid niya lalo kung may inaagaw sa kanyang mahalaga sa kanya."
"A—" Pabuka pa lang ako ng bibig para sana magpaliwanag pero naunahan na agad ako.
"Hindi sa sinasabi kong hindi kayo mahalaga ng baby niya. Kasi kung inilaban ka niyan kahit kampon ka pa ng demonyong willing pumatay any time of the day, ibig sabihin, mahal ka talaga niyan."
"'Yon nga—"
"Ang sinasabi ko lang, nandito ka kasi . . . may emergency. At controlled ang mga Mendoza para umiwas sa mga emergency situation. So, naiintindihan mo ba . . ." Inikot-ikot pa niya ang kamay niya sa hangin na parang may inilalabas siya sa utak niya na kung ano.
"Si Cheese nama—"
"Ang asawa mo, record-keeper. So kapag may record siyang sobrang importante, ilalaban niya 'yon nang patayan. Gets mo ba?"
"Sabi nga—"
"At kung inilalaban niya 'yon ng patayan, ibig sabihin, importanteng-importante ang info." Itinuro pa niya ako. "Hindi sa sinasabi kong hindi ka niya kayang ilaban nang patayan. Ang sinasabi ko, mahalaga ang info na hawak niya ngayon para lang i-compromise ang lahat."
"Pero nag—"
"Nangalkal na raw sila ng bank statement ni Cali. Walang nag-reflect na kaduda-duda. E, kaduda-duda nga 'yon. Sinundo siya ng unidentified carlalu, huminto sa isang unknown computer shop chenes, tapos biglang wala nang nakitang trace niya. All of a sudden, nakapunta siya sa Cebu nang walang ginagastos at nakabalik lang dito after two days, and take note na umalis siya nang wala kayong dalawa ni Coco sa bahay."
"Birthday nga raw ni Coco no'ng umalis sila ni Charley."
Nangangasim ang mukha ni Mrs. Lauchengco nang lingunin ako. "Birthday pala ni Coco, e bakit siya ang nag-celebrate? Siya ba may birthday?"
Oo nga naman. Ang tanga rin ng tanong ko.
"Pero friend niya raw ang nagpa-book ng flight," kuwento ko na.
"Sino si Friend?"
Si Damaris.
"Baka si Damaris?" parinig ko. "Siya lang daw ang friend ni Cheese, e."
"Eh?" nandidiring sagot ni Mrs. Lauchengco nang simangutan ako. "Paano siya mako-contact ni Damaris, e pinabura nga namin ang lahat ng contact dito sa Pilipinas? Ano 'yon? Nag-mental telepathy silang dalawa?"
"Bakit pinabura? Nasa abroad na nga siya, di ba?" pagtsismis ko agad.
"Nasa abroad nga! Lakwatsa naman nang lakwatsa 'tong anak kong tamad! Nakuuu! Papa lang niya ang may karapatang maging tamad sa pamilya namin. Mas okay na 'yang wala siyang contact dito at nang makapag-focus siya sa pag-aaral niya."
Ah . . . so hindi pala dapat nakakausap ni Cheese si Damaris.
"Sino yung friend ni Cheese kung hindi si Damaris?" tanong ko kay Mrs. Lauchengco.
Imbes na sagutin ako, pinanliitan lang niya ako ng mata at nagdududa na ang tingin sa 'kin. "Ang sabi, kilala mo raw. Ako dapat ang nagtatanong niyan sa 'yo. Sino si Friend?"
Ay, shet. Nadale ako roon, a. Wrong move.
Idinaan ako ni Mrs. Lauchengco sa chika, nakalimutan kong mautak nga rin pala 'to.
"Ayaw mo raw sumagot kay Eugene. Dinaanan ka sa Afitek, brinaso mo rin yata," dugtong niya, at nanunukat na ng tingin para paaminin ako.
Na-corner ako, 'tang ina. Dapat talaga hindi na 'ko nagsalita, e. Haaaay.
"Alam mo kung bakit hindi kami naniniwalang babae ni Cali ang pinuntahan niya?" nakangising hamon sa akin ni Mrs. Lauchengco. "Kasi hindi ka rin umaamin. At hangga't hindi klaro na simpleng kabit issue lang 'to, hindi namin 'to titingnan bilang simpleng marriage issue lang."
Bumangon na si Mrs. Lauchengco sa tabi ng anak ko at saka tumayo paalis sa higaan namin.
"Kung hindi mo pa kilala nang lubos ang asawa mo, bibigyan kita ng idea kung bakit big deal sa 'min 'to." Itinuro niya ang anak kong nananahimik sa kama. "Last time na tumahimik si Cali, napunta sa batang 'to ang lahat ng importanteng bagay na pinag-aawayan nila."
May kung ano sa ngiti ni Mrs. Lauchengco na halatang hindi dahil sa tuwa kundi dahil sina-sarcasm na lang ako.
"Not just because tahimik ang asawa mo tungkol dito sa so-called punishment niya, ibig sabihin, sumusunod siya. We're afraid of calm water because, at this point . . . we don't know what we're dealing with. So sana naiintindihan mo kung bakit kami nagpa-panic."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top