Chapter 26: Firm
Gaya ng sabi ni Cheese, ihahatid daw kami ni Sir Clark sa mga Lauchengco. Pero ito ang umiikot na tanong sa utak ko: Bakit sa mga Lauchengco?
Kasi kung aalisin ang inis ni Coco sa picture, wala akong problema sa amin ni Cali. Okay ako. Safe sila, nagtampo ako nang kaunti, pero okay ako. Hindi ko lang malaman ngayon kung bakit pinalaki 'to na kailangan pa naming maghiwa-hiwalay ngayon dahil lang sa nangyari.
Nakahanda na ang Land Cruiser ni Sir Clark sa labas ng bahay nila nang matanaw namin ni Cheese.
"Mag-isa ka na lang ba sa bahay?" malungkot na tanong ko nang tingalain siya.
"Doon daw muna ako sa mansiyon. Hindi raw muna nila ako pauuwiin dito."
Mansiyon? Bakit doon?
Malungkot ang mukha ni Cheese nang ilagay sa backseat ang mga bagahe namin ng anak niya. Nasa toddler seat na si Charley nang mabuksan ko ang backseat sa kabilang side.
Dumako ang tingin ko kay Sir Clark na seryoso lang ang tingin sa amin ng anak niya.
"Take care of yourself and Charley," huling paalam ni Cheese at hinalikan ako sa noo. "I love you."
Nakikiusap ang tingin ko sa kanya para sabihing huwag siyang pumayag na paghiwalayin kami, pero nauna na siyang tumalikod at hindi na ako hinintay pang sumakay sa sasakyan. Pinanood ko lang siyang tahakin ang kalsada pauwi sa bahay namin.
Kagat ko ang labi para pigilan ang sariling maluha. Sumakay na rin ako sa sasakyan at inalis ko si Charley sa toddler seat para kandungin ko. Isinuot ko ang seatbelt para sa aming dalawa at tahimik na nagmaneho si Sir Clark paalis ng West.
Kuyom-kuyom ng buong kamay ni Charley ang hintuturo ko habang nakatanaw sa labas ng bintana. Hindi ko kahit kailan inasahan na aabot kami sa ganito. O, siguro, inasahan ko noong bagong kasal kami ni Cheese dahil anak lang naman ang habol niya sa 'kin. Ngayon lang nag-sink in sa 'kin na posible pala talagang mangyari ang inasahan ko noon sa 'ming dalawa.
"Sir Clark . . ."
"O?"
"Hindi naman ako galit sa anak mo. Puwede naman naming pag-usapan 'to. Wala naman sa 'kin kung magbakasyon siya kasama ang iba, e. Okay nga 'yon, di ba? Nakakaalis siya nang ligtas."
"Umalis siya nang walang paalam."
"Pero ayos lang sa 'kin 'yon. Wala namang nagbago sa 'min. Ang mahalaga naman, nag-enjoy siya sa pinuntahan niya, nakauwi siya nang ligtas."
"Hindi . . ." Saglit na natagalan ang karugtong ng sinasabi ni Sir Clark kaya natahimik ako. "Hindi basta-basta nagsasapakan 'yang magpinsan nang walang matinong rason, mas lalo kung babae ang dahilan."
"Pinalaki lang naman kasi 'yan ni Coco."
"Kaya nga!"
Natigilan ako at napahinga nang malalim.
"Kaya rin tinatanong ko ang anak ko, bakit 'yan kailangang palakihin ni Connor? Bakit kailangang pagtalunan 'yan? Kasi kung babae 'yan, hindi ito ang unang beses na may na-involve na babae sa anak ko pero ito ang unang beses na may inilihim siyang ganyan. Si Cali, hindi 'yan basta-basta umaalis dahil lang sa babae maliban na lang kung si Rex ang kasama o si Ramram."
'Yon lang. Nabanggit na ang dahilan.
"Sige, isama ka na natin. Hindi 'yan aalis nang hindi ka kasama. E, hindi rin kasama ang kapatid niya. So, sino ang babae? Si Damaris?"
"Kaibigan lang naman niya 'yon, Sir Clark—"
"Wala akong pakialam kung kaibigan man 'yan o katrabaho o kung sino pa. Ang gusto naming malaman, sino ang babae na kasama niya at bakit ayaw niyang sabihin ang pangalan—na mas pipiliin pa ng anak kong sabihing nambababae siya kaysa aminin kung sino 'yang kasama niya. Bakit? Sino ba 'yan para unahin niya?"
Hindi pala talaga inamin ni Cheese sa kanila na si Damaris ang kasama niya sa Cebu?
"Sa ngayon, doon ka muna at ang apo ko sa mga Lauchengco. Hindi siya lalapit sa 'yo hangga't hindi niya inaamin kung sino ang babae niya."
Ilang taon nang issue 'to—sa akin at sa pamilya ng asawa ko—na hanggang ngayon, hindi pa rin nareresolba. Ang hirap ng setup kasi nadadamay kami na hindi naman dapat madamay dahil lang may underperformance na nangyayari sa mga anak ng mayayamang 'to.
Matagal na kaming damay ni Cheese at lalo lang lumala ngayon dahil hindi maamin ng asawa ko na si Damaris ang kasama niya sa Cebu.
Dinala kami ng anak ko sa mga Lauchengco at ang unang-unang pumasok sa utak ko—banned si Cheese para makita ako.
Kaya akong itago ng mga Lauchengco sa kanya na walang maaawa sa kanya kahit lumuha pa siya ng dugo. Mabigat sa 'kin 'yon kasi hindi na ito tungkol sa nambabae siya. Kasi tingin ko, kayang ayusin ito ng mga Dardenne kung mambababae lang siya gaya ng ibang babaero sa paligid naming dalawa.
Iniisip ko agad na bakit ganito sila kahigpit ngayon? Ano'ng mayroon at bakit parang ang laking bagay kung umamin ang asawa ko na may kabit siya?
Galing ako sa broken family. Kabit ang mama ko. Hindi sa normalized ito sa akin, pero tinitingnan ko ang sitwasyon namin ni Cheese sa anggulo na hindi niya aanakan si Damaris. Hindi 'yon naghahabol ng ibang pamilya sa asawa ko. Masama ang loob ko na pumunta si Cheese sa Cebu nang walang paalam, pero hindi ko naman hihilingin na ganito ang abutin naming pamilya.
Pagdating sa main house, nakaabang na sa amin sina Mother Shin at Zhi—silang dalawa lang.
"Si Mel?" tanong ni Sir Clark.
"May meeting sila ni Patrick sa Ilocos," sagot ni Mother Shin.
Umaasa ako ng iba pang detalye kung bakit ba kailangang dito muna ako tumuloy o kung hanggang kailan ba ako rito, pero maliban sa tinanong ni Sir Clark kung nasaan si Mrs. Lauchengco, wala na akong ibang narinig na detalye sa usapan nila.
Kinakalkula ko ang mga nangyayari at kung bakit kailangan nilang mag-resort sa ganitong resolution. Kasi kung ako lang at si Cheese ang mag-uusap, palalampasin ko lang 'to agad.
Si Zhi ang naghatid sa amin habang naiwan sa ibaba si Mother Shin kasama si Sir Clark.
"Hanggang kailan ako rito?" tanong ko kay Zhi.
"Until Kuya Cali revealed the name of that girl he was with."
"Bakit n'yo ba pinalalaki 'to, e kung ako nga, hindi naman ako nagagalit sa asawa ko?" naiirita nang tanong ko.
"Hindi 'to lalaki kung umpisa pa lang, umamin na si Kuya Cali kung sino ba ang kasama niya."
"Ano naman sa inyo kung sino ang kasama niya? Baka naghahanap lang siya ng side chick. Ayos lang 'yon sa 'kin."
"Sa 'min, hindi," mabilis na sagot ni Zhi nang lingunin ako. "Above all, Kuya Cali has the lowest probability of having a wife and even fewer of having a mistress. Kaya namin tinatanong kung sino ang girl, to solve this issue. But he'd rather not say anything and choose the distance between him and his family over the answer to our question."
Nagtagal ang pagtitig ko kay Zhi.
Ibig sabihin, mas pinili pa ni Cheese na mahiwalay sa 'min ng anak niya kaysa aminin na si Ram ang kasama niya sa Cebu?
"Kung malalaman n'yo kung sino ang babae niya, ano'ng gagawin n'yo?" tanong ko agad.
"It depends kung sino ang babae niya."
"Paanong it depends?"
"We need to know who the girl is before we decide kung ano ba ang dapat gawin sa kanya. May consequences ang lahat ng bagay. She has to deal with those consequences, like Kuya Cali."
Binigyan kami ng kuwarto ng anak ko—kuwarto na malapit sa kuwarto nina Mother Shin sa second floor. Kompara sa ibang kuwarto sa bahay na Spanish vintage theme ang itsura, modern room ang kuwartong ibinigay sa amin ni Charley at may nakahanda pang mga gamit ng baby roon. Mukha ngang kuwarto roon ng baby boy. Mas cute kaysa sa kuwarto ng anak ko sa West. Ang daming laruan sa loob at sobrang aliwalas. Mukha ring mamahalin ang lahat ng bagay sa paligid.
"Anyway, this was my room when I was a kid," pakilala ni Zhi sa kuwartong pinasukan namin. "Papa decorated the whole room kaya baka manibago ka sa theme nito compared sa ibang room namin dito."
Sobrang naninibago ako. Sa dilim ng mga kuwarto at pasilyo sa labas na parang may lalabas na multo, dito lang sa kuwarto na ito ako sigurado na mahihiya ang multo sa aliwalas ng loob.
"Pumayag naman si Mama na gamitin 'to ni Chan-Chan in the meantime basta walang masisirang importanteng laman dito sa loob."
"Wala kaming sisirain. Kung may masira man, babayaran ko agad," paalala ko kay Zhi.
"Let's hope na umamin na si Kuya Cali sa kasama niya sa Cebu para makauwi kayo agad."
Sinundan ko na lang siya ng tingin palabas ng bagong kuwarto namin ng anak ko. At isa lang ang nasa utak ko sa mga sandaling ito: ginagamit lang nila kami ng anak ko para may pigain silang impormasyon ngayon kay Cheese.
Buong araw na 'yon, panibagong pakiramdam na sampid kami sa bahay ng iba. Hindi ko pa nakikita si Mother Shin. Wala rin si Zhi. Kahit sino sa mga Lauchengco, hindi ko makita.
Dinalhan kami ng anak ko ng pagkain sa kuwarto namin para sa hapunan. Nakakakain na ng solid food si Charley na mas matigas kaysa sa dinurog na kung ano-anong prutas at gulay. Plano ko sanang pabinyagan siya sa birthday daddy niya sa susunod na buwan para kompleto kaming pamilya, pero mukhang malabo na 'yong mangyari ngayon.
Panibagong gabi na hindi na naman ako makatulog nang maayos. Wala akong phone na magagamit dahil na kay Connor. Kaso wala nga siya kaya wala rin akong mai-surrender kina Sir Clark na gamit ko para ma-contact ang asawa ko.
Iniisip ko na lang na mas ligtas ang asawa ko roon sa pamilya niya. Ligtas din naman kami rito ni Charley sa farm—mas ligtas kaysa sa bahay naming sobrang baba ng bakod.
Wala akong matinong tulog at nagigising sa gabi si Charley dahil hinahanap ang papa niya. Kahit lagi niyang sinasapok 'yon tuwing natutulog, nami-miss din naman pala niya kahit paano.
Hindi ko matandaan kung minsan ba, pinalo rin ako ng anak ko sa mukha habang tulog ako. O baka dahil mabilis lang akong magising tuwing gumagalaw siya kaya imposibleng mangyari 'yon.
"Wala si Papa Cheese ngayon, anak. Dito ka muna kay Mama, ha? Kapag okay na, uuwi rin tayo agad." Yakap-yakap ko ang anak ko habang kandong-kandong dahil hindi rin makatulog at hinahanap ang papa niya. Makaidlip man, magigising din agad kahit wala pang ilang oras.
May trabaho na 'ko ngayon. Gusto ko sanang mag-leave pero mukhang magiging dagdag na problema pa 'yon kung hindi ako papasok sa trabaho.
Ang farm ng mga Lauchengco, 24 hours bukas. Kung may matulog man sa gabi, marami rin namang gising. Halinhinan ng oras ang mga tao roon dahil ang mga tagabukid, alas-tres pa lang ng madaling-araw, nag-aasikaso na.
Kaya nga pagbaba ko sa kusina para sana manghingi ng almusal, abala na ang mga nagluluto sa pag-aasikaso.
"Magandang umaga ho," matamlay na bati ko.
"O! May trabaho ka ba ngayong araw?" tanong ng isang may-edad na babae roon na nagtanong sa akin.
"Oho. Alas-siyete ho ang pasok ko."
"Bumalik ka na sa kuwarto, dadalhan ka na lang namin ng pagkain."
Sa totoo lang, wala akong ganang pumasok ngayon sa trabaho. Pero kung hindi rin naman ako magtatrabaho, lalong wala kaming kakainin ng anak ko. Ayoko namang masabihan dito na palamunin lang.
Pagbalik ko sa kuwarto, naabutan ko si Zhi na karga-karga ang anak kong gusot ang mukha, namumula ang mga mata, ilong, at pisngi at mukhang kagagaling lang sa pag-iyak na hindi pa natatapos.
"He's crying."
"Aw, umiyak si Charley? Bakit umiyak ang baby ko?"
Kinuha ko siya kay Zhi at nagsalita na naman ng hindi ko maintindihang bagay. Nagrereklamo siguro, may paduro-duro pa kasi sa hangin at saka ako titingnan na para bang nagsusumbong.
Tumango-tango naman ako para sabihing naiintindihan ko siya kahit hindi naman. "Opo. Hindi na iiyak, ha? Tulog ka na ulit, anak."
Naaawa ako sa anak ko. Hindi ko alam kung paano siya aalagaan nang hindi ako nagkakaproblema. Lahat ng kilos ko, limitado. Hindi ako puwedeng gumalaw dahil lang trip kong may gawin na gusto ko. Kasi kapag ginawa ko 'yon, hindi ko rin alam kung huli na ba ang pag-ambush sa aming mag-ina o masusundan pa. Ayokong sugalan kung masusundan pa ba 'yon o hindi na.
Buong umaga na 'yon, hirap akong mag-asikaso kasi iyak nang iyak ang anak ko. Si Zhi ang kumakarga, na kahit paano naman, tumatahimik basta nilalaro o inaabala ng ibang laruang nasa kuwarto.
"We'll take care of him. He's safe with us," huling paalala ni Zhi bago ako ipa-service papuntang Afitek.
Ang bigat ng loob ko. Kung ako lang, wala naman sanang problema. Pero nadadamay na rin ang anak ko sa issue kaya mas lalong mahirap i-handle. Mabuti sana kung may kakampi ako . . . kaso wala. Si Coco, hindi ko masasabing kakampi 'to kasi ito talaga ang ugat ng reklamo mula pa noong isang araw.
Pagtapak ko sa Afitek, may sumalubong agad na memo sa 'kin. Dumeretso raw ako sa conference room. Walang general meeting pero may kailangan akong kausaping board member.
Akala ko pa kung sino, si Eugene Scott lang pala. Naka-corporate suit pa siya at mukhang may mahalagang meeting ngayon.
Pagdating ko sa conference room, nakaupo na siya sa kabiserang upuan at itinuro ang kanang upuan para sabihing doon ako maupo. Lalong lumalamig sa loob dahil kaming dalawa lang ang narito ngayon.
"Good morning, Miss Kiro."
"May emergency ba?" tanong ko na lang imbes na bumati rin.
"Okay ka lang ba sa farm?"
"Eyebags ko ang tanungin mo kung okay ba 'ko."
Matipid ang naging ngiti niya sa 'kin. Halatang hindi binili ang sarcasm ko.
"I didn't expect the news about Carlisle," pagbabago niya ng topic.
"Wala ako sa mood manghula ng agenda ngayong araw. Puwede n'yo namang deretsuhin na lang."
Ang lalim ng paghinga niya nang tumango. Pinagsalikop niya ang mga palad at ipinatong sa mesa. "Nag-away sina Connor dahil nagbakasyon si Cali sa Cebu kasama ang ibang babae."
"Hindi ako galit sa asawa ko. Kayo lang ang nagpapalaki nito."
"All right, Miss Kiro, tell you what . . ." Umurong siya paharap sa mesa at natitigan ko agad siya nang masama. "I raised the two of them, along with their parents and our grandparents. And I knew, hundred percent, na hindi sila magsasapakan dahil lang sa 'yo o dahil lang nambabae si Cali."
Sinusubukan kong basahin ang mga tingin niya sa 'kin, pero wala akong ibang mabasang kahit na ano roon maliban sa parang ang saya ng topic namin ngayon.
"All their lives, kambal ang tingin nila sa isa't isa. Tingin mo, sisirain nila ang isa't isa dahil lang sa 'yo?" Marahan siyang umiling. "No. That's not the case here. It's not even about you."
"Kung hindi pala tungkol sa 'kin, bakit pa tayo nag-uusap?" masungit na tanong ko.
"Because you knew that girl he was with, at hindi gustong umamin ni Cali kung sino ba ang babaeng kasama niya."
"Friend nga raw niya—"
"At kilala mo."
Nangunot agad ang noo ko. "Ano naman kung kilala ko? Hindi ba puwedeng magbakasyon ang asawa ko kasama ang mga kaibigan niya—"
"Hindi," mabilis niyang putol sa sinasabi ko at tinitigan ako nang deretso para magbantang mag-ingat sa susunod kong sasabihin. "Because first of all, walang ibang kaibigang babae si Cali maliban kay Ram."
Lumapit din ako sa mesa para makipagtapatan sa kanya. "Kaibigan ba niya 'ko? Hindi, di ba? Pero nagpakasal kami."
"You're not getting the point, are you?"
"E, di deretsahin mo 'ko sa point para matapos na 'to. Bakit paligoy-ligoy ka pa?"
"Who's the girl? Kung kilala mo, sino 'yon at tatapusin na natin ang meeting na 'to."
"Ha!" Ang pait ng tawa ko nang mapaiwas ng tingin. Ibang klase talaga 'tong mga taong 'to. Maangas akong bumaling uli sa kanya para magsalita. "Ano ba'ng meron sa babaeng 'yon at kating-kati kayong malaman, ha?"
"Because Cali's hiding something from us, and he resorted to admitting he's cheating rather than telling us who he was with."
"Pakialam n'yo naman kung may itago sa inyo ang asawa ko? Sino'ng bobo ang aamin kung sino ang babae niya?"
"Alam mo sa sarili mong hindi nambababae si Cali." Dinuro niya ang mesang nakapagitan sa 'min. "We've checked his bank accounts and other records. Wala siyang inilalabas na pera for the past three months hanggang kahapon. Imposibleng makakuha siya ng plane ticket out of the blue kung talaga ngang may babae siyang itinatago sa 'yo. We're still tracking kung saan niya nakuha ang ticket at kung kailan siya nakaalis sa Manila. He just compromised the security of your family, at hindi niya kayang aminin kung sino ang kasama niya sa Cebu."
Napahugot ako ng hininga nang maisip na naman ang tungol sa security ng anak ko at kahit ni Cheese na lang mismo. Naisandal ko ang likod sa upuan habang iniisip nang maigi ang tungkol sa ginawa na pag-book ng flight ni Damaris para sa aming pamilya.
"Magkasundo tayo ngayon, Miss Kiro. Sabihin mo sa 'kin kung sino ang kasama ni Cali sa Cebu at ibabalik kita sa asawa mo ngayon na mismo."
Ang talim ng tingin ko nang sulyapan siya sa gilid ng mga mata ko.
"I have all the means to control this situation. Isang pangalan lang ang hihingin ko sa 'yo. At kung talagang simpleng pambababae lang 'to, palalampasin na namin 'tong lahat. Makipag-cooperate ka lang."
"I have all the means to control this situation."
Wow, so inaamin pala nilang may pinipiga silang impormasyon sa asawa ko na ayaw aminin ni Cheese kaya bina-blackmail na lang nila kami.
Tumayo na ako sa upuan ko at hindi inalis ang matalim na tingin sa kanya.
"Kung ayaw sabihin ng asawa ko, wala akong karapatang magsalita. Mambabae siya hangga't gusto niya. Hanapin n'yo ang babaeng 'yon hangga't gusto n'yo."
Nagdere-deretso ako sa pintuan ng conference room para umalis na. Ayoko nang palawigin pa ang usapan na 'to.
"You'll regret not cooperating with us, Miss Kiro."
Hawak ko ang handle bar ng pinto nang huminto at nilingon siya. "You have all the means to control this situation?" Ngumisi ako para mang-asar. "Prove it."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top