Chapter 23: Breadcrumb
Wala akong kain nang umaga at tanghali. At kahit naba-bad trip ako kay Coco, dumayo pa rin ako ng kusina para magkalkal ng ref kung may pagkain pa ba akong makakain.
Alas-kuwatro y medya na ng hapon. Wala pa rin akong phone. Sinubukan kong magbukas ng chat thread para malaman kung online si Cheese, pero last siyang nag-online, last year lang din. Last convo namin, last year din. Wala siyang active account ngayon—o mula nang umalis siya sa university kung saan siya dating nagtatrabaho.
Nagbukas ako ng rice cooker. Marami pang laman. Sa stove, may kaserola roon na may laman pang sinigang. Tahimik akong nagbukas ng cupboard para kumuha kahit maliit lang na plastic bowl para doon ilagay ang kalahating cup ng kanin at ang natitirang espasyo para naman sa sabaw at gulay.
Nasa second floor si Coco, nagtatrabaho sa desk niya—kung ano mang trabaho ang ginagawa niya roon. Para lang din hindi niya ako makita agad, lumabas pa ako ng bahay para doon sa porch kumain. Ayokong maabutan niya ako sa kusina na kumakain ng luto niya. Baka sumbatan pa ako na matapos kong tanggihan at sabihing baka malason ako, kakain din pala ako kalaunan.
Dito sa puwesto ng bahay namin sa West, sobrang isolated ng buong block namin. Nasa gitna talaga kami ng malaking blangkong espasyo habang nasa kabilang street na ang iba.
Gets ko naman kasi mahal din ang lote rito. Tapos wala pa masyadong tindahan. Kung may bibilhin man, kailangang dumayo pa sa labas ng subdivision.
Pero malamig ang hangin nang ganitong oras ng hapon dahil ang paglubog ng araw, nasa kabilang direksiyon namin natatapat. Bukas na bukas ang area para daluyan ng hangin.
Nakaupo ako sa wooden bench na katabi ng pintuan papasok sa sala at tahimik na kumakain. Iniisip ko kung kumusta na ba sina Charley sa Cebu kung bukas pa sila uuwi. Baka umiiyak na ang anak ko kasi hinahanap ako.
Ngayon ko lang naramdaman na parang wala ako sa bahay kahit nandito naman ako. Parang gusto ko ring umalis. May pera naman ako. Kung tutuusin, kaya ko namang dumayo sa Cebu kagabi kung gugustuhin ko lang. Pero naisip ko rin ang mga sinabi ni Coco.
Tingin ko naman, wala sa intensiyon ni Cheese na umalis. Baka may emergency lang. Pero totoo rin naman na hindi ako okay sa ginawa niya.
Kaso iniisip ko rin na napag-usapan na namin 'to. Wala naman akong karapatang magreklamo kung nasa agreement naman naming dalawa na malaya naman kaming gawin ang gusto naming dalawa kasi anak lang naman ang kailangan niya sa 'kin. Wala naman na si Lola para magkunwari pa siyang kailangan niya ng asawa.
Mabilis lang maubos ang isang mangkok sa 'kin pero inabot pa ako nang halos kalahating oras dahil sa sobrang pag-iisip. Tahimik akong nagbukas ng pinto at marahang bumalik sa kusina para sana kumuha ng panibagong sandok nang makita ko ang mesa na may nakahanda nang plato na may lamang kanin at mas malaking ceramic bowl na may lamang sabaw. May kasama ring tortang talong sa isang plato na may sawsawan sa gilid.
Napalingon ako sa likuran ko para malaman kung nasa paligid ba si Coco, pero wala. Pasimple akong umakyat sa hagdan at dahan-dahang sumilip sa parte ng sahig paakyat na siguradong makikita ko siya sa puwesto niya sa dulo ng hallway. Kung paano ko siya naabutan noong lumabas ako ng kuwarto, ganoon ko pa rin siya nasilip ngayon.
Bumalik na lang ako sa kusina para kainin ang nakahanda sa mesa. Bahala na kung ano ang sabihin niya, kaysa naman masayang ang pagkain.
• • •
Pagsapit ng gabi, mas lalo akong nawalan ng ganang kumain. Isang beses lang akong nakakain sa buong araw, at ang alanganin pa ng oras. Alas-kuwatro pasado ng hapon—alanganing tanghalian na alanganing hapunan.
Tumambay na lang uli ako sa labas ng bahay, hindi lang dahil malamig at presko kundi dahil mas maaga kong maaabutan sina Cheese pag-uwi kung tatambay ako sa labas.
Nakaupo na naman ako sa wooden bench, nakatupi ang mga binti at napakatong sa tuhod ang mga braso. Parang ang tagal ng oras kapag walang ginagawa.
Napahugot lang ako ng hangin nang labasin na ako ni Coco para lang ayain akong kumain. Hawak niya ang doorknob nang silipin ako mula sa bahagyang nakabukas na pinto.
"The dinner is ready."
"Wala akong ganang kumain."
"Gaano katagal mo gustong maging ganyan?"
"Uuwi naman na sila maya-maya."
"Tonight is not tomorrow morning, Kit. Marunong ka bang mag-calculate ng time?"
"Kakain ako pag-uwi nila."
"You're miserable." Saka niya isinara ang pinto at iniwan uli akong mag-isa.
Gusto ko na silang umuwi. Kahit kasama ko si Coco sa bahay, pakiramdam ko, wala rin akong kasama.
Mali. Pakiramdam ko, may kasama akong ayokong kasama kasi lalo lang akong bubuwisitin.
Hindi ko alam kung anong oras na at ilang oras na ang lumipas mula nang ayain akong kumain ni Coco, pero lumabas na naman siya at may dala nang pagkain. Nilapagan niya ako roon sa inuupuan ko ng kanin at ulam bago ako sinabihan.
"Eat." Sinundan ko siya ng tingin pagtayo niya nang deretso. "For sure, busog sila sa Cebu. Starving yourself won't solve anything. Dadagdagan mo lang ng sakit ang katawan mo."
Pumasok na rin siya sa loob pagkatapos n'on.
Sa totoo lang, nalulungkot ako. Kasi pakiramdam ko, sinasampal ako ng katotohanang hindi ako una at hindi rin pangalawa sa priorities ni Cheese.
Alam ko naman may guilt siya sa pagtatago kay Damaris sa kanilang lahat. Naipaliwanag na niya 'yon dating-dati pa.
Ayoko nang manghingi ng panibagong paliwanag sa isang bagay na matagal na niyang ipinaiintindi sa 'kin bago pa man kami magkaanak.
Saka ayokong humiling ng sobra sa kanya. Ipinagpapasalamat ko na ngang kahit paano, hindi niya ako tinitingnan bilang aanakan lang dahil naghahanap ng maanakan noon ang pinsan niya. Ano lang ba 'yong dalawang araw kasama si Damaris, e gabi-gabi naman kaming magkasama buong taon?
Ayokong maging madamot. Payag nga akong magtrabaho bilang katulong sa kanila, makasama lang sila ng anak ko. Ano lang ba ang dalawang araw na wala sila?
Buong gabi kong sinasabi sa sarili ko na kontento na ako sa ganito lang. Ang mahalaga, dito pa rin sila uuwi. Ang mahalaga, nandito pa rin ako. Naranasan kong maiwan nang ilang taon at magmakaawa kahit man lang sa kakaunting distansiyang puwedeng ibigay sa akin para lang makalapit pa rin sa pamilya ko. Ano lang ba ang dalawang araw kumpara sa kalahating dekada? Ano lang ba ang layo ng Las Piñas at Cebu kumpara sa layo ng Japan at Pilipinas?
Ayoko nang humiling ng kahit ano maliban sa umuwi na lang sila nang ligtas. Kahit ito na lang.
Umaandar ang oras na inuubos ko lang sa paghihintay sa labas ng bahay hanggang makauwi sina Cheese. Alam kong marami na sana akong ginawa o nagawa kung iba lang ang inatupag ko, pero hindi rin kasi ako makakakilos nang maayos kung oras-oras ko silang iisipin.
Kinain ko ang pagkaing inilabas ni Coco para sa 'kin bago pa ako lamunin ng mga langgam sa puwesto ko. Inilapag ko na rin sa ibaba ng wooden bench dahil ayoko namang langgamin ang upuan dahil sa mga tira-tirang nasa plato.
Paglabas ng buwan sa luminis na langit, saka ko lang natantiya ang oras. Ang taas na ng buwan kaya malamang na nasa pagitan ng alas-onse hanggang alas-dose pasado na ng hatinggabi.
Sa isip-isip ko, ilang oras na lang naman. Kung hindi anim, baka walo o kaya sampung oras na lang ang hihintayin ko. Mas mababa kaysa limang taon.
Nakatunganga pa rin ako sa kawalan nang lumabas na naman si Coco. Nakikita ko siya sa dulo ng mata ko. Mula sa 'kin, bumaba ang tingin niya sa sahig. Yumuko siya at kinuha ang pinagkainan ko roon nang hindi man lang nagrereklamo.
Kung ako siya, baka kanina ko pa binungangaan ang sarili ko. Umaasa rin naman akong pagagalitan niya 'ko kasi kagabi pa niya 'ko inaasikaso tapos ito akong hindi naman nakikipag-cooperate sa kanya.
Naiintindihan ko naman kung magagalit siya sa 'kin. Kahit din ako, magagalit din sa sarili ko dahil dito sa ginagawa ko. Pero kung kaya ko naman mentally at emotionally, hindi naman niya ako kailangang asikasuhin dahil nakakakilos naman ako.
Akala ko, kinuha lang niya ang pinagkainan ko. Bumalik din siya sa labas pagkatapos nang may dalang dalawang baso ng juice at inilapag niya sa tabi ko ang isa. Nakiupo rin siya sa bench kung nasaan ako nakapuwesto at sandali kaming natahimik.
Ang lalim ng buntonghininga ko nang sumandal sa sandalan ng upuan at tinitigan ang buwan na kitang-kita ang pagkabilog mula sa puwesto naming dalawa.
"So you really wanna stay here all night."
"Kung pagagalitan mo na naman ako, huwag ka nang mag-abala," depensa ko agad. "No'ng ten years old ako, iniwan kami ng papa ko para bumalik siya sa pamilya niya. Yung dalawang araw ni Cheese, wala lang 'yon sa paghihintay na ginawa ko para bumalik sa 'min ang papa ko."
"And you're fine with that?"
"Mas okay na 'yong dalawang araw kaysa hindi na siya bumalik kahit na kailan."
"I'm not okay with that."
Masama ang tingin ko nang lingunin siya sa kaliwang gilid. "Sa 'yo, hindi okay. Kompleto kasi pamilya mo. Sa 'kin, okay na 'yon kasi hindi naman ako pinakasalan ng pinsan mo dahil lang mahal niya 'ko."
"I don't, and I won't buy that. Mahal ka man niya o hindi, kung pinakasalan ka niya, mag-stick siya sa ipinangako niya sa harap ng altar."
"Wala naman kaming wedding vow. Naki-epal lang kami sa mga ikinakasal doon sa harap ng judge. Ang kapal naman ng mukha kong kontrolin siya, e wala naman 'yon sa usapan namin."
"I still won't buy that. Sana binuntis ka na lang niya at hindi ka na ibinahay. Mas matatanggap ko pa 'yon."
Lalong sumama ang tingin ko sa kanya dahil sa pamimilit niya. "Bakit ka ba nagagalit? Dalawang araw lang naman 'yon. Ako nga, hindi nagagalit, e."
"Hindi ka nagagalit? O ayaw mo lang magalit kasi inuuna mo ang nararamdaman ni Cali kaysa sa nararamdaman mo?" tanong niya na dahilan kaya hindi ako agad nakasagot. "Kasi ako? Nagagalit ako because what he did was something I'd never do to anyone na committed ako—mahal ko man o hindi."
"Hindi ka si Cheese—"
"And I'm thankful na hindi ako siya kasi hindi ko kaya 'yang ginagawa niya," putol niya agad sa 'kin. "Your dad left you when you were a kid? All the more na dapat hindi umalis si Cali for another girl while you were busy with your work. He just scraped an old wound without realizing it."
"Hindi naman niya alam ang tungkol doon."
"Then he has to know. Lalo mo lang akong binigyan ng rason para lakasan ang suntok ko sa kanya pag-uwi niya."
"Hindi mo kailangang magalit para sa 'kin. Wala siyang kasalanan."
"Hindi ako nagagalit para sa 'yo. Nagagalit ako because of all people, he's the last person na maiisip kong magiging insensitive sa ganitong bagay. And you know how disappointed I am because of this?"
Gusto kong sumagot sa rhetorical question niya, pinipigilan ko lang ang sarili ko.
"My granddad respected Mamila a lot. He stayed inside the house if he had no business going outdoors. My mom is a busy person. My dad would prefer to assist her in running her errands than to spend time with someone else. Friend man 'yan o pinsan o other relatives—we have to respect the decision of the other half. Basic decency lang 'yon, Kit."
"May mga bagay rin akong hindi puwedeng aminin sa kanya. Mas marami kaysa iniisip mo. Mas malala kaysa iniisip mo. Mas matindi pang sitwasyon kaysa pagbabakasyon niya kasama ang ibang babae."
"So, pang-compensate mo na lang ang mga bagay na 'yon para palampasin ang ginagawa niya?"
"Lahat naman ng tao, may itinatagong sekreto. Nag-update naman sa 'kin si Cheese kung nasaan siya at kung sino ang kasama niya. At least siya, kayang maging honest sa 'kin kasi hindi ko 'yon kayang gawin sa kanya."
Buntonghininga at pag-iling na lang ang naisagot sa 'kin ni Coco. Hindi na nadugtungan ang sermon niya. Nagpagpag siya ng tuhod at tumayo na.
"I've heard enough defenses for Cali's actions. If you're fine with that, then suit yourself. But I still want him to take accountability for his arrangements. They have to understand na hindi por que hindi ka umiimik, okay na lahat. This isn't the first time na ginaganito ka? Then, hindi okay sa 'kin ang okay mo, so deal with that."
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top