Chapter 22: Left
Tumatawag si Cheese, pero hindi ko masagot dahil nga low battery ang phone ko. Kapipilit niyang tumawag, na-empty na lang nang hindi ko man lang nasasagot ni isa sa tawag niya.
Paano ko naman kasi sasagutin, nagmamaneho ako ng motor? Wala naman akong dalang earpiece dahil saling-pusa lang naman ako sa party na pinuntahan namin.
Kung tutuusin nga, ayaw ko ring magdala ng earpiece dahil ayokong ma-breach ang personal phone ko.
Nakauwi kami sa West na dala-dala ko ang motor ng Afitek. Namomroblema pa lang ako kung saan ko 'yon ipa-park nang kunin sa 'kin ni Coco ang susi.
"Ipa-park ko kina Ninong Leo, akin na."
Napabuntonghininga pa muna ako nang iabot sa kanya ang susi ng motor. Nauna na akong pumasok sa bahay. Kahit ang gate namin, hindi rin naka-lock. Isinara lang ang pinaka-handle na puwedeng mabuksan kahit ng sinong may utak na dadaan.
Pagpasok sa bahay, sa sobrang tahimik, lalo kong naramdaman ang lungkot.
Parang hindi rin ako nakauwi kahit nasa bahay na 'ko.
Nagtanggal na lang ako ng sapatos at medyas saka dumeretso sa kusina. Kumuha ako ng baso at nagsalin ng grape juice saka naglagay ng ice cubes bago naupo sa isang upuan sa dining table.
Sinasabi ng utak ko na mag-charge na 'ko ng phone kasi baka kanina pa tumatawag si Cheese, pero ang katawan ko, tamad na tamad kumilos.
Yumukyok ako sa mesa habang nakatitig sa namamawis na baso ng juice. Kinuha at isinalin ko lang pero hindi ko naman ininom kahit nauuhaw ako. Bawat segundong lumilipas, dahan-dahang tumutunog ang pagbubungguan ng yelo dahil natutunaw sa tumataas na temperatura.
Mula sa tunog ng yelo, narinig ko ang tunog ng pintong kasasara lang. Patay ang ilaw sa sala pero bumukas pagpasok ni Coco. Paakyat na sana siya nang lingunin ako sa puwesto ko.
Akala ko, may sasabihin pa. Saglit lang na huminto pero dumeretso rin sa second floor.
Hindi ko alam kung paano ako matutulog. Ganitong oras kasi, nagigising ako dahil naglilikot si Charley gawa ng ingay ng hilik ng papa niya. Kaso wala kasi siya ngayon. Sana ipinaiwan na lang siya kina Sir Clark para kahit paano, may uuwian akong aasikasuhin dito sa bahay.
Pinanonood ko pa rin ang dahan-dahang pagtunaw ng yelo sa baso nang makita ko sa reflection si Coco. Tigas din talaga ng apog nito. Kapag nandito siya sa bahay, wala siyang pakialam kung ano'ng suot niya. Wala siyang pakialam kahit naka-boxer shorts lang siya at palakad-lakad dito kahit nandito ako. Asawa ko nga, hindi nagba-boxers bilang pambahay. Kung mag-boxers man 'yon, laging nakailalim sa cotton o satin shorts.
Nakayukyok pa rin ako sa mesa nang mag-utos. "Hoy, Coco. Charge mo nga phone ko. Baka tumatawag na naman si Cheese."
"Hayaan mo siyang mag-overthink. If he wants to talk to you, uwian ka niya rito. Kaya niyang puntahan ang babae niya sa Cebu, pero ikaw, hindi? Shut up."
Wala talagang puso 'tong Coco na 'to.
"Mag-aalala 'yon, hindi ako sumasagot sa call."
"E, di mag-alala siya. Who cares?"
Nilingon ko siya hanggang mabuksan niya ang ref sa bandang likuran ko. "Asawa ko 'yon, ha? Hindi kung sino lang!"
"Wala naman akong sinasabing hindi mo siya asawa, right? And besides, kung asawa mo siya, magpakaasawa siya sa 'yo. Gaano kaimportante ang babaeng 'yon para unahin niya, hmm?"
"Close friend nga kasi niya! Saka kilala ako n'on!"
"Kung close friend pala niya at kilala ka, at least have a decency man lang na dumistansiya. Wala ba siyang ibang friend na matatawagan?"
"Ikaw nga, naka-boxers nga lang dito sa bahay namin. May decency ka rin ba?"
"Bakit ba lagi kang nagre-resort sa ad hominem, ha? You even went to the men's room and watched me take a piss habang pinagagalitan ako, what makes my boxers offend you? The math is not mathing, Kit."
Ang sama ng tingin ko sa kanya nang sundan ko siya ng tingin hanggang huminto siya sa tabi ko. Paglahad niya ng kamay, saka siya nagsalita. "Akin na phone mo."
"Tingnan mo 'yan!" Susunod din naman pala, ang dami pang kuda.
Inabot ko naman ang phone ko sa kanyang nakapatay na dahil walang battery.
Nakakadalawang hakbang pa lang siya palayo nang magpasabi siya.
"I'll return this to you once nakabalik na si Cali rito."
Putang ina! "HOY! NAGPAPA-CHARGE LANG AKO!"
"Uuwi siya rito, whether he likes to or not. Kung mag-away kayo because of this goddamn phone, blame it on me. Makikipagsapakan ako sa kanya. Simple."
"CONNOR!"
Hindi na nga ako makatulog, lalo pa akong hindi patutulugin ng Coco na 'to!
Hinabol ko agad siya papunta sa kuwarto niyang walang pinto para lang bawiin ang phone ko.
"Ibalik mo sa 'kin 'yang phone ko."
"Nope."
"Isa."
"Kahit magbilang ka pa hanggang one million, I don't care."
"Matagal na niyang sinasamahan yung pinuntahan niya sa Cebu, hindi pa kami kasal."
"Hindi pa siya kasal during those times. Kasal na kayo ngayon. Hindi 'yon valid reason para i-tolerate mo ang ginagawa niya, Kit."
"Hindi ko tino-tolerate—"
"Bullshit. Hindi raw, pero hinahayaan mo? Hindi raw pero kahit alam mong guilty siya, hindi mo siya binibigyan ng accountability sa fault niya?"
"Hindi naman niya fault kung biglang umuwi ang kaibigan niya sa Cebu."
"Hindi nga. Kasi ang fault niya, pumunta siya sa Cebu without permission mo. Babae man 'yon o lalaki o kahit anong gender man, the fault is that he didn't respect you as his wife."
Mula sa pagkakahiga niya sa folding bed, bumangon pa siya para lang sunod-sunurin ang sermon.
"What? 'Yan ang ituturo niya kay Charley paglaki ng baby niya? My dad never did that to my mom. Before he leaves the house, my mom will know his whereabouts. He even reminds her to open her tracker para alam ng mama ko kung saan siya nagpupunta. Was that hard to do? Tapos dala pa si Charley. Mahiya naman 'yong girl, tumatawag siya sa pamilyado na."
'Tang ina, puwede bang aminin na si Damaris ang pinupuntahan ng asawa ko para lang matahimik na 'tong taong 'to?
"If Cali can last a day without you, then hindi kawalan ang reply mo. If he wants to talk to you, umuwi siya. End of discussion."
Ang tigas talaga. Sanay na sanay talaga 'tong nakikipagmatigasan sa mga nasa paligid niya.
"Hindi ka ba naaawa sa pinsan mo? Alam mo nang sensitive 'yan si Cheese—"
"So dahil lang sensitive siya, hindi na niya iisipin ang feelings mo?"
"Ano bang pakialam mo sa feelings ko? Hindi naman ang ikaw ang asawa niya."
"Pero kung ikaw ang asawa ko, if I do some shit, I do those shit with you. For better, for worse, 'til death do us part. That's the point of marriage, Kit. Kung nasa work ka, either sasamahan kita sa work o mag-stay ako sa bahay para hintayin kang umuwi. Hindi ako pupunta sa kung saan nang wala ka habang dala ko ang baby ko."
"Pero hindi—"
"I don't want to hear another defense sa ginawa ni Cali dahil lang hindi ka nagpaalam na umalis ka kasama ako. Alam na niya ngayon na umalis ka papuntang Marina. You're even."
"Kapag pinalayas ka niya—"
"Palayasin niya 'ko! He has all the right to do so. But let's see kung mapalayas niya 'ko. Go back to your room. You can't change my mind."
• • •
Kakakilala pa lang namin ni Cheese nang maipaliwanag niya na matigas talaga ang loob ng pinsan niya. Na gumaganti si Coco sa lahat kaya nito ginagawa ang mga ginagawa nito.
Nakilala ko naman si Coco na parang si Cheese din, pero hindi sa ganitong klaseng higpit na ginagawa niya ngayon.
Nakakaidlip ako pero hanggang doon lang. Inabot ng umaga na wala sa akin ang phone ko. Ayaw isauli ni Coco kaya inisip ko na lang na i-consider ang gusto niya. Pagdating dito ni Cheese, saka kami mag-usap-usap.
Sa isang banda, naisip ko pang baka nagmamadali na ang asawa ko sa pag-uwi dahil hindi ako sumasagot sa call niya. Nag-check pa ako ng earliest flight na CEB-MNL sa iba't ibang airlines para malaman kung mga anong oras makakauwi ang mag-ama ko.
May morning flight ng 4 AM hanggang 6 AM sa tatlong airlines na maganda ang service. Tinantiya ko agad ang oras na baka alas-otso ng umaga, nasa bahay na sila. Kahit pa may delay, kung alas-kuwatro naman ang alis nila, baka nasa Manila na sila kahit bago mag-alas-nuwebe man lang.
Pero alas-dose na ng tanghali. Nakatulala ako sa niluto ni Coco na sinigang na hipon. Siya pa ang nagsandok sa 'kin para lang kumain ako nang walang isinusumbat, pero wala talaga akong gana.
"Tawagan mo nga si Cheese. Baka na-traffic kasi 'yon."
"Nasa Cebu pa rin siya. Two-way daw ang ticket niya. Hihintayin na lang nila ang return flight tomorrow morning."
Tomorrow morning? Bukas pa?
Nilingon ko si Coco na naglilinis ng kitchen counter. "Sinabi niya sa 'yo?"
"I asked. You're safe naman daw dito. Wala ka namang work today, so ipahinga mo na lang daw ang araw mo ngayon."
"Sinabi niya talaga o gawa-gawa mo lang 'yan?"
"If I were to make up some stories about Cali, I'd rather tell you na hindi na muna siya babalik dito because you're fine with that bullshit." Saglit siyang tumigil sa paglilinis at namamaywang na nilingon din ako. "His red flags are waving, and you're a color-blind and forgiving bitch, Kit. Suck that up."
"Buwisit ka talaga!" Hinatak ko ang plastic apple na display sa gitna ng mesa para lang ibato sa kanya. "Kaya ka iniwan ni Damaris, e!"
"Ah, yeah! Of course, we're here again with your ad hom rebuttal. Ram left because everyone expects more from us, and your marriage to my cousin has nothing to do with that. Nabubuwisit ka lang kasi tama ako at mali ka, and you can't accept that kaya inaatake mo na lang ako. Come on, Kit. You're smarter than me. Use that fucking brain."
Padabog akong tumayo sa upuan at tiningnan siya nang masama. "Ayoko nang kumain. Baka malason pa 'ko."
"Uh-huh? At least, I can cook for you. Something na hindi kayang gawin ng asawa mo ngayon sa 'yo."
"Grrr!" Dinampot ko ang isa pang plastic banana sa mesa at saka ibinato sa kanya. "Buwisit ka talaga! Palayasin ka sana ni Cheese pag-uwi niya rito!"
♦ ♦ ♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top