Chapter 19: Stressed Out
"Ayoko nang maulit 'tong ginawa mo ngayong gabi, Connor. Hindi ka nakakatuwa."
"This is not something you should laugh at, though. Hindi ko naman sinabing matuwa ka. I was there to have a connection."
Sinabi ko na sa sarili kong hindi ko na uulitin ang ginawa namin ni Coco.
Una, hindi ako naging komportable sa naging setup namin. Nabanggit naman niya na ang invitation ay para sa girlfriend kuno niyang nasa ospital. Pero ang disclaimer nga kasi, plus one lang ako. Kumbaga, kung wala ang syota niya, ako ang sasama.
Pagdating lang sa event, saka ko nalaman na ang original na plus one ay siya pala at hindi ang syota niya. At hindi na baleng wala siya sa event, basta nandoon ang babae kasi 'yon naman pala talaga ang invited, hindi siya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakapag-adjust sa kung paano ba nag-iisip ang Connor na 'to. Napaka-manipulative ng punyetang 'to.
Nandoon ako sa event para sana kumuha ng info, pero maliban sa may ilegal na pasugalan doon na nag-aanyong "formal party," wala na akong ibang nahita.
Useless din. Halatang ginamit lang ako ni Coco para makapasok siya sa event na 'yon dahil kailangan niya ng proxy para sa Audree Lee na 'yon.
Umuwi siya sa bahay kasabay ko, pero nagising akong wala na naman siya. Pero nagluto siya ng almusal na tinakpan niya naman.
Sa totoo lang, gusto ko nang i-request kay Cheese na palipatin na niya ng bahay itong pinsan niya tutal may pera naman pala 'to para kumuha ng sariling lugar. Mabuti sana kung walang-wala, e nagwaldas nga ng dalawandaang libo sa iisang oras lang.
Doon si Coco nakapuwesto sa dating libreng espasyo sa dulo ng hallway sa second floor. Hindi niya 'yon ginawang kuwarto na may pinto. Mukha lang 'yong tambayan at working area.
Dumaan ako roon para ma-check kung ano-ano ba ang tinatrabaho niya na baka puwede nang ipahakot anumang oras kung kaya namang ipahakot.
Nagbukas ako ng ilaw roon sa space na 'yon. Walang pinto kaya puwedeng dumeretso sa loob.
May folding bed siya sa gilid na nakatupi na para magmukhang upuan. Doon ang lagayan niya ng tinuping kumot at unan.
Nakalatag ang drafting table niya na may blangkong vellum plotter paper. Nakaipon sa isang maliit na balde ng biskuwit ang mga lagayan ng blueprint. Kumuha ako ng isa para i-check kung importante ba 'yon at baka puwedeng ipalipat na lang sa mansiyon kung kaya namang hindi itambak doon sa isang sulok.
Inilabas ko ang blueprint para ma-check ang content. Inisip ko pa na baka nga trabaho kasi interior designer daw siya, ganito, ganyan. Binabayaran siya para mag-design, eme-eme.
Binasa ko ang pangalan ng project sa ibaba nang dahan-dahan. "Proposed bank building . . . Santiago . . . Bankers . . ." Bigla kong naibagsak ang blueprint at napatingin sa harapan nang nag-iisip.
Bank building?
Itinaas ko uli ang blueprint para makita ang floor plan.
"Gumagawa ba siya ng blueprint para sa bangko?"
Pinagkukuha ko ang ibang blueprint tubes para matingnan kung puro ba bank floor plan ang ginagawa niya. Pero nang mailadlad ko na lahat, nanliit agad ang mga mata ko saka namaywang nang makitang magkakaibang floor plan 'yon.
Sa loob ng utak ko, kino-convince ko pa ang sarili ko na baka sa work lang niya o ano.
Magkakaibang floor plan 'yon na siguradong naglalaman 'yong lahat ng iba't ibang vault na may lamang pera o ginto o importanteng mga dokumento.
May bank floor plan, may floor plan ng mansiyon, may floor plan sa penthouse, may floor plan sa isang villa sa isang isla—para akong nakatingin sa mga planong akyatin ng magnanakaw.
Pinagbabalik ko 'yong lahat sa tube at dumeretso ako sa kuwarto ni Charley.
Naabutan ko roon si Cheese na nakanganga pang matulog habang nakabalagbag ng higa. Ang anak naman namin, gising na at nakaupo habang hawak ang dede niya.
"Gising ka na, mahal?" Binuhat ko agad si Charley at dinala sa harap ng study table na malapit sa direksiyon ng pintuan.
"Tulog pa si Papa Cheese. Wala pang nakabantay sa 'yo." Kinandong ko ang anak ko saka ako nagbukas ng laptop.
Nag-search agad ako ng archives ng Afitek tungkol kay Connor Dardenne. Nase-search ko lang siya sa public search engines, pero hindi ko pa ina-attempt na hanapin siya sa Afitek. Maliban naman kasi sa alam kong anak siya ni Rico Dardenne, mukha lang siyang spoiled brat na nagrerebelde ngayon dahil hindi nasusunod ang gusto.
Paglabas ng mga result, napahimas na lang ako ng bibig at nakailang buntonghininga.
May lumalabas sa system na incident record na suspect siya.
Connor Rosenthal Dardenne, 15 years old, charged with violation of Article 265 of the RPC.
Pero 15 years old? Babagsak siya as juvenile offender lang. Exempted pa siya sa criminal liability nito.
Tiningnan ko pa ang ibang record. May report sa kanya ng public scandal, harassment, at falsification of documents dahil nameke rin pala ng ID para palabasing 18 years old na siya.
Karamihan, violation lang ng local ordinance ang mayroon. Walang mabigat-bigat na kaso laban sa kanya. Counseling lang kina Mr. Dardenne ang nakalagay sa record at community service bilang punishment kay Coco dahil sa ginawa niya.
May naka-attach pang CCTV recording bilang ebidensiya. May umiiyak na babae sa tabi niya at hatak-hatak ang damit niya mula sa likod. Pinalilibutan siya ng limang lalaki na may dalang mga pamalo. Ang hawak lang niya, isang monobloc chair.
Pinabilis ko ang pag-play n'on at nakita kung paano niya pinagbubugbog ang lahat ng kaaway niya nang wala man lang kahirap-hirap.
Kinse anyos, 'tang ina. Kahit ako man na lapagan niya ng pekeng ID na nagsasabing 18 na siya, maniniwala agad ako, e. Ang laki niyang tao kahit fifteen pa lang.
Ayokong masyadong mag-usisa kay Coco dahil maliban sa demanding siya at gustong nasusunod, siguradong mag-aaway sila ni Cheese kapag nalaman ng asawa kong pinapatulan ko ang mga trip niya.
Buong araw na namang wala si Coco at wala ring idea ang asawa ko sa ginagawa ng pinsan niya.
Nakatambay kami ni Cheese sa clubhouse ng subdivision dahil doon may mga puno. Nagpapahangin lang kami habang pinapasyal si Charley nang hindi namin kailangang lumabas ng West.
"Cheese?"
"Hmm?"
"Okay lang ba talaga sa 'yong nasa bahay yung pinsan mo? Parang may pera naman yata siya para kumuha ng sarili niyang bahay."
Nilingon ako ng asawa ko, nagtatanong ang tingin.
"Kit . . ." nang-aamong tawag niya. "Di ba, we talked about this na?"
"Oo nga. Pero ang shady kasi ng pinsan mo."
Natawa nang mahina si Cheese at inayos ang pagkandong sa anak namin. "Coco's like that after Ram left. Pero friendly talaga siya saka makulit. Di ba nga, like I told you, maraming may crush sa kanya."
"Pero hindi naman 'yon ang point ko. Nakulong siya dati, sabi mo, di ba?"
"He did that naman kasi may girl na muntik nang ma-rape at ipinagtanggol lang niya. He's safe naman. Medyo mahirap lang siyang kausap, but maybe, Tito Rico's genes are kicking so hard lang siguro."
Gusto ko nang palayasin si Coco sa bahay namin, pero ito namang asawa ko, lahat na yata ng depensa para sa pinsan niya, inilatag na sa 'kin para lang sabihing ayaw niyang paalisin ang pinsan niya kasi "kawawa" nga raw.
Putang ina, hindi ko talaga kayang lunukin na kawawa ang Coco na 'to kahit anong pakain sa akin ng salita ng asawa ko, grrr!
Hapon nang tawagan ako ni Snow White mula sa office. Si Snow White ang isa sa mga baklang agent sa opisina ko sa Afitek na sobrang daldal kapag may nalalamang mainit na balita.
"Good news? Bad news?" bungad ko agad bago pa siya magsalita.
"Mamsh, sorry na agad, hindi ko alam kung saang category ang lapag ng bulong for today. But anyway, here's the tea. Are you familiar sa event last night sa Marina?"
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa opening ni Snow White sa 'kin. Malamang, alam ko! Nandoon ako, e.
Namawis bigla ang palad ko dahil sa topic.
"Naitawag ko 'yan kahapon kung confirmed bang may event sa Marina. Sabi nila, may event nga. Bakit?"
"Day 2 ng event tonight. Tumawag si Dennis Torralba sa lower division para sa security ng panganay niya."
"'Yong Derrick ba 'to?"
"Confirmed, mamsh. Pero nagpapa-escalate si Dennis. Gusto raw makausap ang officer in charge."
"Officer in charge? Sa dami ng supervisor diyan, bakit OIC agad?"
"Kaya nga sabi ni Sir Bowie, sila na mag-handle kasi out of town eme ang OIC. Hindi pumayag ang client. Pina-forward namin kay Sir Clark, pero nag-pass ang mga Torralba. Hindi raw sila makikipag-coordinate sa mga may direct connection kay Mother Shin."
"Oh . . . e, paano 'to? Ano'ng resolution ng office?"
"Pina-forward namin sa office ni Connor."
Putang ina.
"Bakit kay Connor?!" pigil na sigaw ko.
"Wala kaming ibang choice, mamsh! Saka nag-agree na si Connor sa client, as in ASAP! Kaya nga nagre-ready na kami ng team of five ngayon since personal na sasama si Connor sa mga Torralba para magbantay."
Diyos ko, Lord. Kaya pala MIA ang hinayupak na 'to ngayon. Dumirekta na pala sa pakay namin kagabi!
"Pakisabi sasama ako sa magbabantay."
"Mamsh? True ba?"
"Oo nga! Magpapaalam lang ako sa mga kasama ko sa bahay. Dadaan ako ngayon diyan sa office. Huwag muna silang aalis hangga't hindi ako dumarating."
Letseng Connor 'to, nagsasariling mundo na naman.
Napabihis agad ako ng itim na T-shirt, denim jeans, at running shoes para makapunta agad sa Afitek.
"Cheese?" tawag ko sa kanya paglabas ko sa banyo.
"Yep?" Napalingon naman siya sa 'kin habang busy sila ni Charley sa panonood ng cartoon. "Aalis ka?"
Tumingin siya sa digital clock sa itaas lang nila ng anak ko: 2:51 PM.
"May urgent meeting ngayon sa Afitek. May in-escalate na security team sa office ko para magbantay sa Marina. Kailangan kong mag-supervise."
"Really? What time ka uuwi?"
Nagmamadali akong nagsuot ng sling bag dala ang iba kong mahahalagang gamit na kasya sa maliit na lagayan.
"Hindi pa ako sure, pero baka aabutin kami ng madaling-araw. Security kasi 'yon. Nagpa-request ang client, VIP kasi. Na-forward na raw 'yon sa office ng daddy mo kaso ayaw nila
kay Sir Clark gawa ng connection niya sa Red Lotus. Business conflict siguro."
"Oh . . . okay. We can wait here naman ni Charley. Di ba, baby?" Iniharap niya sa akin ang anak ko at hawak-kamay silang kumaway sa 'kin para magpaalam. "Magwo-work muna si Mommy, anak. Ba-bye ka muna."
"Uwi agad si Mama nang maaga, ha? Dito muna kayo ni Papa Cheese sa bahay." Hinalikan ko sa noo si Charley saka ko sinapo ang pisngi ni Cheese para siya naman ang halikan sa labi. "Call ako mamaya kapag may free time ako. Love you."
Day 2 raw ng event ng mga Torralba at hindi ko na naman alam. Ewan ko kung alam ba ni Coco dahil ang aga niyang wala sa bahay, kaya nang sunduin ako ng motor na service ko papuntang Afitek, inis na inis agad ako nang makitang naka-ready na ang five-man team ng Afitek Security Aide para sa mga Torralba.
"Nasaan si Connor?" tanong ko agad sa kanila.
Paglingon ko sa kanan, nakasuot na naman siya ng black formal suit, pero may coat na siya ngayon hindi gaya kagabi. Minata naman niya ako mula ulo hanggang paa.
"Are you sure you're going tonight?" tanong pa nya, naghahamon.
"Pahingi nga ng jacket diyan," nakasimangot na utos ko sa kahit sinong ahente sa paligid. Ilang saglit pa, inabutan ako ng isa sa kanila ng windbreaker na may logo ng Afitek sa kanang dibdib.
"Let's go, team," utos ni Coco, eksaktong pagsara ko ng zipper ng jacket.
Ang bitbit niyang mga tao, hindi galing sa opisina ko. So, tingin ko, nasa division 'to na hawak niya ngayon sa security training center.
Nangangati ang utak kong basahin ang plano nito ni Coco dahil kahit alin dito sa mga ginagawa niya, hindi ko talaga makuha-kuha ang puno't dulo. Sanay naman akong bumabasa ng tao, pero nabubuwisit ako sa kanya kasi ang hirap basahin ng galaw niya.
Ganito ba talaga kapag full-blooded Dardenne? 'Tang ina, akala ko, si Cheese lang ang nakakabigla mag-isip.
Naka-van sila. Naka-motor naman ako na hiwalay. Ang motor, property pa ng Afitek at ako lang ang rider.
Risky 'yon para sa 'kin kasi kung may bumaril man sa 'kin, siguradong patay ako. OIC pa nga, pakshet.
Sinusundan ko ang van na sakay ang buong team. May pinuntahan silang hotel at dumistansiya muna ako kasi delikado ang status ko. Wala akong bulletproof vest. Five hundred meters ang tinantiya kong layo sa van habang sinusundo nila ang kliyente.
Si Connor ang nag-a-assist doon sa binatang kalalabas lang. Tingin ko, nasa treynta anyos na ang edad at bigotilyo. Nakasuot ng formal suit na kulay pula, taas-baba, at ang daming gintong alahas sa leeg at ibabang braso.
Ako ang OIC, sa office ko in-escalate ang client, pero hayun si Coco at nangunguha ng kliyenteng hindi naman dapat niya kinukuha.
Sa totoo lang, ayokong ma-bad trip dahil hindi naman 'to kailangang palakihin. After all, candidate siya para maging CEO ng Afitek. Napupulitika lang siya dahil nga sa kaso niya sa mga Lauchengco. Pero nakakabuwisit pa rin dahil sa nangyari kagabi. Parang gusto ko na rin tuloy siyang pulitikahin dahil dito sa pagbibida-bida niya.
Parang ang tagal na niya 'tong pinaghandaan at siguradong-sigurado siyang Afitek ang tatawagan ng mga Torralba para sa security.
Pag-andar ng van, sumunod na agad ako sa kanila papuntang Marina—pero hindi sa Seaview!
Marina sa Casino Filipino!
Pagdating tuloy sa basement parking, kinailangan ko nang sumunod sa kanila dahil kung hindi, malamang na hindi ako papapasukin dahil hindi ako kasama sa convoy.
Si Coco lang ang kinakausap ng mga Torralba. Nakabuntot lang ako sa likod na para bang extra lang ako sa five-man team na nakuha nila.
Nagba-vibrate ang phone ko habang naglalakad kami sa lobby. Pinindot ko ang Bluetooth earpiece ko para sagutin ang tawag.
"Hi, this is Kit of Afitek Security, how can I help?"
"Hi, Kit!"
Nangunot agad ang noo ko nang marinig ang boses ni Cheese. Napasilip ako sa relo ko. Alas-sais pasado pa lang ng gabi. Wala pang apat na oras nang umalis ako sa bahay.
"Nag-dinner na kayo ni baby?" tanong ko. Nakisabay ako sa pagliko sa kanang gilid kung saan maraming naka-formal dress na nakaabang sa elevator.
'Tang ina, shet. Tingin ko, ito talaga dapat ang pupuntahan namin kagabi. Kung dito sa event na ito ako pinagbihis ni Coco ng black dress, matatanggap ko agad!
Ang daming VIP, pakingshet talaga. Tapos itong ayos ko, mukha lang akong mamumundok.
"Cheese?" mahinang tawag ko, nagtakip pa ako ng bibig para makabulong sa call.
"Sorry talaga, sobrang unexpected nito. Sorry talaga, Kit."
Kinabahan agad ako sa pagso-sorry niya.
"Bakit nga? Ano'ng nangyari?"
Bahagya pa akong lumayo habang naghihintay kaming lahat sa elevator na bubukas sa ground floor.
"Tumawag kasi si Ram."
"O, tapos?"
"Nasa Cebu siya ngayon. Vacation lang naman."
"Tapos?"
"Ayun . . . nasa Cebu na kami ni Charley ngayon."
"Put—" Nakagat ko agad ang labi habang mariing nakapikit, pigil-pigil magmura. "Cebu?! Bakit mo dinala sa Cebu ang anak ko?!"
"Wala kasi si Momsky sa house, so I bring Charley na lang with me. Kalalapag lang namin sa airport. Like, right now, kaya tumawag ako agad to inform you. Okay naman si baby, we're good. In-allow naman kami sa business flex."
"Diyos ko naman, Carlisle. Bakit sa Cebu pa? Ang layo niyan!" Napahimas ako ng bibig at noo habang nalilito na kung sino ang unang iisipin. Ito bang mga Torralba o itong mag-ama kong nasa Cebu na pala.
My god, ang utak ko, sasabog na.
"Kasama n'yo si Rex?" tanong ko na lang.
"Nope. Kami lang ni Ram saka ni Charley. Magkakasama naman kami sa iisang room sa hotel, so may kasama akong mag-alaga kay baby. Magdi-dinner na pala kami. Dinner ka na rin, ha? Ingat ka diyan. Call ko muna si Ram, nandito na raw siya. Di muna kita istorbohin. Love you! Muwah!"
Napisil ko na lang nang mariin ang bridge ng ilong ko dahil sa stress.
Haay, nakuuu! Bakit ba ako binibigyan ng sakit ng ulo ng magpinsang 'to?!
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top