Chapter 18: Planned


Hindi bago sa akin ang event ni Derrick Torralba. Ganitong event ang gustong-gusto kong tinatambayan noon, lalo kung bartender ako. Ang kaso nga kasi, hindi ako bartender ngayon.

Formal welcome party nga raw. Pero duda ako sa "formal party" kasi may mga naka-set na poker table, French roulette, saka mah jong table sa iba't ibang parte ng buong hall. Medyo madilim at nakaka-trigger ng vertigo ang blue, red, at green na strobe lights.

Hindi na ako nagulat kung bakit tinawag itong "formal party" kasi baka gusto lang ng organizer na exclusive ang front nila kaysa tawagin 'tong rave party na may kaunting sugalan.

May apat na magkakahiwalay na mini stage na may pole dancers na gumigiling. Mga nakasuot lang ng panty at pumps ang dalawang babae sa kabila. Ang dalawang lalaki naman sa kabila ay naka-bow tie lang at black briefs.

DJ ang nasa main stage. Pero hindi dance beat ang music. Sensual music na nakaka-trigger ng libog ng kahit sinong narito. Tingin ko, mind-conditioning din para mabenta ng organizers ang mga escort nila. Mukhang mangunguha talaga ng komisyon si Jomar ngayong gabi rito.

Binibilang ko kung ilan ang babaeng dumalo. Hindi ganoon karami. Lampas naman sa kamay ko, pero kung nasa fifty o sixty lang kami rito sa loob, malamang na nasa twenty o mas mababa pa ang babaeng dumalo. At itong mga babae, mukhang hindi sila basta date. Tingin ko, mga VIP rin sila.

Nakakailang babae na ang nakakasabay namin ni Coco sa daan. Nakakaurat maglakad na halos lahat sila, parang nakasuot lang ng kulambo at T-back samantalang ako, mukhang mangangampanya sa burol ng gobernador.

"Puwede ba tayong maghiwalay?" bulong ko kay Coco.

"That can't be."

"Walang mangyayaring masama sa 'kin."

"You're not Kit tonight, huwag kang masyadong confident. Dree's not as daring as you."

Ay, wow. Hindi ako na-inform nang maaga na kailangan palang dalagang Pilipina ang atake ko ngayong gabi.

Dahil sa tanong ko siguro kaya inilagay na ni Coco ang kamay niya sa baywang ko para lang idikit ako sa kanya. Kung pupulas siguro ako, deretso hook siya sa baywang ko para bitbitin akong parang manika rito.

In fairness naman sa pabango ni Coco, amoy ng lalaking nakikipag-make out kahit nasa elevator o kahit saang sulok kung kailan siya mainitan. Mabango, pero nakakabuwisit.

Dumeretso kami sa gilid ng isang roulette table na pinagkukumpulan ng mga lalaking naka-phantom mask. Hindi ko sila madaling makilala, naba-bad trip ako. Pero okay na rin siguro kasi baka ako naman ang makilala nila kung wala kaming mga maskara.

Lumapit si Coco sa bandang tainga ko at nagtindigan ang mga balahibo ko pagdama ko ng mainit na hininga niya.

"I'll try this table. Huwag kang lalayo sa 'kin," paalala niya at saka sumingit sa isang maluwag na tabi ng mesang may anim na lalaking nakaupo sa high stool para maglaro.

Gusto ko nga sanang umalis, pero ayokong pabayaan dito si Coco. Baka kasi magkalat, yari talaga kami kapag nalaman ni Mr. Dardenne ang tungkol dito.

Inilabas ni Coco ang mga chip na ibinigay sa kanya kanina sa entrance.

Noong nasa entrance kami, kahit may invitation man, required kaming bumili ng gaming tokens. At hindi ako na-inform.

Tingin ko, ayos lang kay Coco na hindi niya ako sinabihan, dahil kung maaga ko itong nalaman, hindi talaga ako tutuloy.

Naglabas siya ng two hundred thousand, isang bagsak. Debit card ni Audree Sioco ang gamit niyang card—card ko raw kuno kaya wala akong gastos—pero sinabi naman niyang pera niya 'yon. Nakatago lang daw sa account ni Audree habang hindi pa legal ang Hades niya. Isa rin sa mga dahilan kaya gusto niyang ilakad ang pangalan. Ayaw niyang gamitin ang bangko na nakapangalan sa Connor Dardenne niya.

Sa akin, wala namang problema kasi two hundred thousand pesos lang 'yon. LANG. Sa iba kasi, naka-encounter na 'ko ng milyones ang inilalabas talaga nila sa sugalan.

Pero siyempre, kilala ko kasi ang susugal. Sa amin pa nga nakatira, so nakakaasiwang malaman na nakikitira siya sa 'min tapos kaya naman pala niyang maglabas ng pera na puwede nang pan-downpayment sa house and lot unit sa isang magandang subdivision.

May nakatutok na white LED light sa ibabaw ng mesa, para lang talaga sa mesa na 'yon. Inalok si Coco ng upuan matapos niyang magpakita ng tokens na gagamitin sa pagsugal.

Ayoko siyang magsugal, pero ayoko ring gumawa ng eksena kasi one hundred percent sure akong may daya ang bawat mesa rito.

Malamang alam ko. Kalahating taon akong naging dealer sa casino para sa inside job ko.

Hindi ko mabalaan si Coco kasi nakaupo na siya. Hindi magandang paalisin siya roon para lang sabihing dadayain lang siya ng laro.

"Gentlemen?" sabi ng lalaking dealer na nakasuot din ng white phantom mask na kita lang ang labi.

Inilapag ng isang lalaki ang tatlong token niya sa number 20. Nagsunod-sunod na sila. Inilapag ni Coco ang dalawang token niyang nagkakahalaga ng fifty thousand in total sa number 31.

Nagsimula nang pakawalan ang bola. Umiikot ang roulette. Inaabangan naming lahat kung saan hihinto ang bola.

Napalalim ang paghinga ko nang huminto 'yon sa number 17. Wala ni isa sa mga player ang nakakuha sa number na 'yon.

Kung dealer ako, mapapangiti na lang ako sa ginagastos ng mga player. Kaso player kasi si Coco, at ganoon lang kabilis niyang winaldas ang singkuwenta mil.

Gusto ko na siyang patayuin pero nakuha pang maglapag ng dalawa na namang token na fifty thousand na naman ang halaga.

Panibagong rolyo ng bola. Panibagong paghihintay sa numerong mananalo. Panibagong talo na naman. Isandaang libo, putang ina, naiiyak ako sa dalawang roleta na nagastos sa wala.

Wala pa kaming limang minuto sa mesa, isandaang libo na agad ang naglahong parang bula sa ere.

Maglalapag pa sana si Coco ng token sa mesa nang kalabitin ko siya. "Aalis na 'ko."

Pagtayo ko nang deretso, lahat silang nasa mesa na ang nakatingin sa 'kin—klase ng tingin na parang may sinabi akong hindi ko dapat sinabi.

Tumayo na si Coco at dismayado akong tiningnan.

"Mag-usap nga muna tayo," mahigpit na sabi ko at hinatak ko siya sa kung saang pasilyo na wala masyadong tao. Mas maliwanag din doon pero mukhang dead end nga lang. Wala na kasing ibang malulusutan sa dulo maliban sa nakabukas na bintana na may end table sa ibaba.

"Ano ba'ng ginagawa—" Bigla akong natigilan at napaatras hanggang tumama ang likod ko sa matigas na pader matapos niyang ibagsak ang palad niya sa gilid ng mukha ko.

"Lower your voice," bulong niya.

Gusto kong i-lower ang voice ko pero nawala na lang bigla ang boses ko matapos ang ginawa niya! Ano ba 'to? Naghahamon ba 'to ng away? Bugbugan na lang kami rito, game ako!

Gumilid sa kaliwa ang tingin ko nang makitang iniikot-ikot niya o parang ipinapaling-paling ang kamay niyang nakatukod

sa gilid ng mukha ko. Nalipat sa mukha niya ang atensiyon ko. Nangunot ang noo ko nang makitang doon siya nakatingin sa kamay niya. Bumalik sa kamay niya ang tingin ko, at saka ko lang napansin ang ginagawa niya.

"May camera sa corner," bulong niya. "Huwag mong masyadong ibubuka ang bibig mo, babasahin nila 'yan."

Putang ina, ako dapat ang nagsasabi niyan sa kanya!

"Hoyp—" Pigil ang tili ko nang hapitin niya ako sa baywang para ilapit ako sa katawan niya. Naitukod ko tuloy ang mga palad ko sa balikat niya habang alanganin akong nakatingkayad. Lalong nanlaki ang mga mata ko nang dalhin niya ang mukha niya sa leeg ko at naramdaman ko agad ang init ng hininga niya roon.

"Nababaliw ka na ba?!" gigil na bulong ko.

"They're watching us," sagot niya, at naninindig ang balahibo ko dahil sa hininga niyang tumatama sa leeg ko. "You're my girlfriend, don't forget."

"Mapapalayas ka talaga ni Cheese dahil dito sa ginagawa mo. Bakit ka gumastos sa wala? May daya yung mesa nila rito."

Naramdaman kong kumilos siya at umangat hanggang sa tainga ko ang labi niya. "I know what I'm doing."

"Tingin ko, hindi. Isandaang libo? Alam mo ba kung magkano 'yon?"

"I said . . . I know what I'm doing!" pilit niya at lalo akong nandilat nang bigla niya akong sakalin para lang patingalain sa kanya.

Putang ina! Namemersonal na ba siya? Gusto niyang bayagan ko siya ngayon?!

Inilapit niya ang labi niya sa 'kin, pero sapat na ang layo para magkatamaan kami ng hininga pero hindi aabot sa dampi.

Pakiramdam ko, pumipintig ang buong ulo ko at dibdib dahil sa ginagawa niya.

"You know how to read Morse Code?"

Nangunot ang noo ko nang iginilid ang tingin para lang habulin ang tingin niya. "Bakit?"

"I'll let you play. You decide if you wanna win or not."

Dahan-dahang bumaba ang tingin ko at para bang hinahabol pataas ang hininga ko nang gumapang ang kamay niya sa slit ng dress ko. Napandilatan ko na naman siya nang ipasok niya sa loob ng damit ko ang kamay niya.

Putang ina talaga, gusto ko na 'tong gulpihin dito, mapapatay talaga siya ng pinsan niya dahil sa ginagawa niya!

Natigilan lang ako nang may inipit siya sa garter ng panty ko. Manipis na kung ano 'yon na medyo mainit nang kaunti. Lumabas na rin ang kamay niya sa dress ko at saka siya seryosong lumayo sa 'kin.

"You play," malakas nang sabi niya sa normal na boses at kinuha ang kamay ko para makipag-holding hands.

O hindi naman talaga para lang makipag-holding hands. Nakaipit sa kamay naming dalawa ang natitira niyang dalawang token na nagkakahalaga ng isandaang libo saka kami nakisingit sa isa pang roulette game. Ako na ang pinaupo niya sa isang libreng upuan habang nasa kanang gilid ko siya at binabantayan ako.

"My girl wants to play," simpleng sabi ni Coco sa kanilang lahat na nasa mesa at ipinatong niya ang kanang palad sa kanto ng mesa habang ang kaliwa ay sa buhok ko naman na hinahagod niya mula tuktok pababa.

Nakikiramdam ako sa nangyayari. Ako lang ang nag-iisang babae sa mesa na 'yon. Ako lang din ang nakasuot ng sobrang formal at simpleng black dress kompara sa lahat ng babaeng dumalo rin ngayong gabi.

"Good evening, Miss Lee," bati ng dealer, na himalang ako lang ang binati sa lahat ng nasa mesa niya.

"Hmm," simpleng sagot ko sabay kibit. Kilala ba niya ako o ang syota ni Coco? Paano niya nasabing Miss Lee ako?

Wala namang ibang malaking galaw ang dealer, pero napaupo ako nang deretso nang may maramdaman sa garter ng panty ko.

Isang short vibration at apat na mas mahahabang vibration. Sunod naman ay limang magkakasunod na short vibration.

15?

Napalunok ako nang gamitin ang isang token na halagang singkuwenta mil. Diskumpiyado pa akong inilapag 'yon sa number 15 at hinintay ang ibang matapos sa paglalapag ng token nila.

Umikot na ang roleta. Sinusundan ko ng tingin ang bola. Kanina, parang ang bilis lang ng andar ng bola, pero bakit parang ang bagal naman ngayon?

Dahan-dahang bumabagal ang ikot hanggang sa kinailangan ko nang itago ang pagkabigla dahil huminto ang bola sa number 15.

"You're lucky," sabi ng isang lalaking kasama ko sa mesa.

Inurong sa akin ng dealer ang pitong token na nadagdag sa pusta ko at natulala na lang ako nang mapagtantong hindi talaga ako dapat nangialam kanina.

"Wow," simpleng sabi ko para lang hindi ako mukhang kaduda-duda. "That's my birthday," paliwanag ko na lang sa mga kasama ko sa mesa para hindi ako halatang nandadaya.

Tinawanan lang nila ako nang mahina at saka nagsimula ang dealer ng bagong pag-ikot ng bola.

No'ng naramdaman ko na naman ang vibration na 'yon sa garter ng panty ko, hindi ko na 'yon pinansin. Number 21 ang bagsak ng roleta, pero inurong ko lahat ng napanalunan kong token sa number 3, maliban sa token na bili ni Coco.

Pag-ikot at paghinto ng roleta, sa number 21 nga tumigil ang maliit na bola.

Pumeke ako ng lungkot kahit hindi masyadong kita dahil sa mask ko. "Not lucky enough. Sayang."

Tumayo na ako para umalis doon. Ang sama agad ng tingin ko kay Coco nang maintindihan ang pandarayang ginagawa niya.

Hindi ako makaimik. Apat na mesa ang dinayo naming dalawa na ako ang player dahil nakaipit sa panty ko ang device na gamit ni Coco para mandaya. Ang siste, mananalo ako nang isang beses o dalawa, at saka ko ipapatalo ang lahat ng napanalunan ko. Ayokong kumuha ng token na siguradong hahabulin ako ng organizer nitong party.

Hinihintay kong may kausapin si Coco sa kahit sino sa mga dinayo naming mesa, pero nagtataka naman ako na wala siyang interaction sa kanila.

Sa panlimang mesa na dinayo namin, saka lang niya ako binulungan. "Ipatalo mo 'yang dalawang token para makauwi na tayo."

"Akala ko ba, may kakausapin ka?"

"I'll explain pagbaba."

Saglit pa akong nakipagtagisan sa kanya ng tingin bago ako sumuko. Naglaro ako ng panibagong roulette at ipinatalo ang panibagong isandaang libo nang ganoon lang kadali.

Nanghihinayang ako sa pera. Puwede nang pambayad 'yon sa pag-aaral ng anak ko.

Nang matalo, dumeretso na agad kami ni Coco sa pinanggalingang entrance para doon lumabas.

"Kindly surrender your tokens," paalala ng bantay sa lobby.

"We lose all our tokens," pag-amin ni Coco at saka kami hinayaan ng guwardiyang lumabas na.

Tahimik lang kami nang sumakay sa elevator. Nakikiramdam pa rin ako dahil hindi ganito ang inaasahan kong mangyayari ngayong gabi.

Pagderetso namin sa basement parking, sumakay na agad ako sa Landcruiser at sunod na sumakay sa driver's seat si Coco.

Saka lang ako nagsalita at kumilos nang makalayo kami sa vicinity ng Marina.

"Ano'ng kalokohan na naman 'to, Connor Dardenne, ha?' sermon ko agad at dinukot mula sa panty ko ang kanina pa nagba-vibrate doon na kung anong bagay.

Pagkuha ko, maliit lang 'yon. Sinlaki lang ng Band-Aid na gawa sa kung anong metal.

"Ano 'to? Bakit may ganito ka?" Itinutok ko pa sa muha niya ang device na nakuha ko sa panty ko.

"I know they're cheating, okay?" kunot-noong sagot niya. "Some legal casinos have good security measures regarding those cheating cases. And I'm not saying na sigurado akong cheater sila kanina. The point of that device is to trace any electromagnets na kung controlled ang bola, magre-react ang device. Pero kung hindi, wala kang mare-receive na kahit anong code diyan kasi wala siyang babasahing response."

Ang dami kong gustong sabihin, pero naiwan na lang akong nakanganga habang nakatingin sa kanya.

'Tang inang 'to, seryoso ba siya sa ginagawa niya? Talagang may detector siya ng cheating device sa ganoong klaseng lugar?

"Alam mo, nagsayang ka lang ng pera," dismayadong sermon ko sa kanya. "Tapos ang aga pa nating umalis."

"That's not a waste of money. That's our investment."

"Investment?! Nagsugal lang tayo sa wala, investment na 'yon sa 'yo?!"

"Secured ang buong area kanina. Maraming security cameras sa loob. For sure, ite-trace nila lahat ng naglabas ng pusta sa kanila ngayong gabi na walang nailabas na token galing

sa kanila. Since we lost all our tokens tonight, sure nang entry 'yon para ma-invite tayo sa susunod to spend more money na ipapatalo lang sa kanila."

Saglit niya akong nilingon bago ibinalik ang tingin sa kalsada. "Walang party ngayon diyan sa Marina. I also thought na wala sila diyan ngayon. They should've announced that earlier after makapasok ng lahat ng invited. But see? After an hour, wala pa ring emcee na nag-a-announce ng agenda ng party. Even the Torralbas were nowhere near the stage to announce the purpose of that event. Probably, that setup was only to filter the next batch of guests na makakasama ng mga Torralba sa mas intimate party na plano nila."

Nakikinig lang ako sa bawat paliwanag ni Coco, pero wala na sa Marina o sa roulette o sa event ang utak ko. Tumatalon agad ang utak ko sa mga tanong na paano niya nalalaman itong mga ganitong scheme ng mga gaya nina Derrick Torralba?

Na-experience na ba niya ito noon? May nakapagsabi ba sa kanya ng setup? Paano niya naiisip ang mga ganito?

Kasi ako, kung gaya ko lang na laking pusali o laking Afitek, wala akong duda, e. Pero si Connor Dardenne?

Itinaas ko na naman ang device na ginamit niya para i-track ang results ng roulette kanina. "Saan mo nakuha 'tong device?"

Sinulyapan niya 'ko saka ibinalik ang tingin sa kalsada. "I made that."

"ETO?!" gulat ko pang tanong, taas-taas ang maliit na bagay na hawak ko. "Gawa mo 'to?!"

"Isang set 'yan. Isang electromagnet tracker at isang reader. Reader lang 'yang hawak mo. This is the tracker." Ipinakita niya ang relo niya sa 'kin na nasa kanang galang-galangan niya. "Ram used to do something like this when she was in college, ni-reverse engineer ko lang. And I think she can do a better version of that kasi 'yang device ko, kapag wala sa 'kin ang reader, useless ang tracker, or vice versa. But anyway, it's still working accurately."

"Madalas mo ba 'tong gamitin sa casino?"

"I tried that sa legal casino. It wasn't working, especially sa mga dice and ball na may manual detector ng irregularities sa weight and appearance ng gagamiting pegs. Once ko lang nasubukan sa low-class casino, and the response is almost a hundred percent accurate."

"Kailan mo pa 'to ginagawa, ha? Alam ba 'to ng pamilya mo?"

"Why would I tell that to them?"

Sira-ulo 'tong Coco na 'to. Ano'ng balak nitong mangyari?

"By the way, I'm totally sure na ite-trace nila si Dree because of you. Ikaw lang ang naka-decent black gown kanina sa event."

"Kailangan ko na bang dalhin sa ligtas na lugar sina Cheese?"

Ngumiwi lang siya sa sinabi ko. "You're Audree Lee tonight. Siya naman ang pakay nila, not you."

"Ah, so kaya mo 'ko inaya kasi kailangan mo ng proxy para sa syota mong fake kasi siya ang VIP sa event."

"Ang tagal naman ng pickup." Nginisihan lang niya ako kaya nahampas ko agad siya sa braso.

"Sira-ulo ka talaga! Dapat talaga, hindi na 'ko sumama sa 'yo! Ni wala man lang akong nahita sa pinuntahan natin!"

"I thought you did your research. Wala ka bang nakitang familiar faces kanina sa area?"

Natigil ang akmang hampas ko sa hangin at naisip agad 'yon. Iba ang DJ. Wala sina Patcho sa area. Kahit ang catering nina Tommy, wala rin. Nakalimutan ko pa ang tungkol sa kanila dahil dito sa pakulo ni Coco na pandaraya sa roulette.

"'Tang ina, oo nga." Nalipat tuloy ang tingin ko sa kanya. "Tingin mo, natuloy yung event?"

"For sure, natuloy 'yon. Ang hindi lang ako sure, kung saan ang exact na location ng formal party."

Ayun lang. Napunta pala kami sa sugalan na venue. Bakit kaya? Dahil ba shady rin si Coco at hindi katiwa-tiwala?

Ayokong tawagan sina Patcho ngayon. Baka ma-trace ang tawag ko habang nasa trabaho sila. Hindi ko susugalan ang security ko ngayon para lang sa tsismis.

Dumeretso kami ni Coco sa West, at mukhang dito siya sa bahay namin ngayon uuwi kahit Sabado pa lang ng madaling-araw. Inabutan na kami ng alas-dose y medya sa daan at patay na ang main light sa kuwarto ni Charley. Bukas naman ang lampshade na hindi ganoon kaliwanag mula sa labas.

Bubuksan ko na sana ang gate habang ipinaparada ni Coco ang kotse sa gilid ng kalsada sa tapat ng bahay namin kaso napansin kong may kandado na 'yon.

"Kailan pa 'to nagkaroon ng kandado?"

Tinutukan ko pa ng flashlight ng phone ang lock para malaman kung anong lock 'yon at baka may susi ako.

Kaso naningkit lang ang mga mata ko nang makitang lock 'yon na hugis kuting na kulay black and white.

"Diyos ko, Carlisle. Ano na naman 'tong trip mong kay bangis?"

"Can't open the gate?" usisa ni Coco paglapit sa 'kin.

"May lock," sabi ko at ipinakita ang bagong lock ng gate naming parang joke na naman.

Ang baba na nga ng bakod, ang lock pa namin, hugis kuting! 'Tang inang 'yan, naturingang mga executive manager ng pinakasikat na security agency sa bansa. Hindi kaya minumura na kami ni Lola Tessa nito sa kung nasaan man siya naroroon ngayon?

"Don't break that. Malulungkot si Cali," paalala ni Coco, na wala rin naman akong planong gawin dahil baka iyabang pa ito sa 'kin ni Cheese kinabukasan.

Walang kahirap-hirap na tinawid ni Coco ang bakod sa isang hakbangan lang.

Paano naman ako? Mababa lang ang bakod namin, pero kapag sinampahan ko 'to, plakda talaga ako sa lupa.

"Pakuha nga ng dalawang upuan sa loob," utos ko kay Coco.

Umungot lang siya at pinaikutan ako ng mga mata. Pagbuntonghininga niya, walang pasabi niyang ibinalot ang kanang braso mula sa kilikili ko payakap sa katawan ko.

"MMM!" Takip-takip ko ang bibig nang tumili.

Brinaso lang niya ako para buhatin patawid sa kabila. Pagbaba niya sa 'kin, parang wala lang na naglakad siya papasok sa pinto ng bahay.

"Nagpapakuha lang ako ng upuan! Ang tamad-tamad mo talaga!" pigil na sigaw ko sa kanya at akmang ibabato sa kanya ang isang pump na suot ko.

"Whatever." Sinusian na niya ang pinto ng bahay at nauna nang pumasok sa loob kahit nakasara pa ang mga ilaw.


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top