Chapter 15: Records
Noong si Cheese ang nagsasabi sa aking naaawa siya sa pinsan niya dahil wala nga raw matinong bahay na tutuluyan, naawa talaga ako. Awang-awa ako sa idea na wala siyang matirhan kasi alam ko ang pakiramdam ng nagmamakaawa para lang sa kakarampot na espasyo sa bahay ng ibang tao.
Pero siguro nga, wired differently itong pinsan ng asawa ko kasi hindi siya nakakaawang kupal siya. Sa isang umaga lang,
nagawa niyang punuin ang lahat ng free space sa bahay namin. Ultimo kusina, puno.
Si Coco ang nagluto ng dinner namin at talagang feel na feel niyang bahay na niya ang bahay ng pinsan niya. Lahat ng awa ko sa kuwento ni Cheese, automatic na nadi-dissolve sa kawalan kada tingin ko sa pinsan niyang kawawa nga raw.
Ang hirap maawa sa gaya ni Connor Dardenne kasi parang kahit na tumira siya sa kalsada, hindi siya mukhang kawawa. Yung tipong kapag natulog siya sa kalsada, malamang kasi baka kanya ang kalsadang 'yon at dinadama lang niya ang lahat ng pagmamay-ari niya, gano'n.
Siguro kasi sa confidence? Ang bigat ng aura niya. Sa lakas ng dating niya, kaya niyang makakuha ng hotel room nang hindi pinagpapawisan. Pero tingin ko naman, may budget siya pang-hotel o kahit pang-condo pa nga. Baka lang talaga ayaw niyang tumira sa bahay na siya lang ang naroon.
"You like this, Charley?"
Siya ang nagpapakain sa anak ko ng baby food na siya rin ang gumawa. Hindi ko na kukuwestiyunin kung alam ba niya ang ginagawa niya kasi halata namang alam niya—baka nga dahil sa confidence na nabebentahan ako. Bati sila ng anak ko, kahit pa narinig ko kay Cheese na ipinam-blackmail nga raw niya ang anak ko kay Sir Clark para lang sa impormasyon.
Ayokong magsalita ng against doon sa ginawa niya. Gawain ko rin kasi, ha-ha.
Ang layo niya sa mesa habang kandong ang baby ko. Isang dakma lang niya ang katawan ng bata. Ganoon kalaki ang pagkakaiba ng sukat nila. Kapag nasa kanya si Charley, hindi talaga siya lumalapit sa mesa—'yong siguradong abot ng anak ko ang plato. Mahaba naman ang braso niya kaya hindi rin mahirap sumandok sa pagkaing nasa mesa.
Ewan ko kung pet peeve ba niya o maarte lang talaga siya o OC lang siguro, pero ayaw na ayaw niyang makalat ang mesa kapag kumakain, at hindi exempted ang baby ko sa kaartehan niyang 'yon.
Ako, ayoko lang ng makalat, kasi ang pagkain, isinusubo sa bibig, nakaka-trigger talaga para sa mga germophobe. Siya, ewan ko kung ano ang dahilan niya. Hindi naman siguro siya germophobe kung mahilig siyang mangalkal ng lupa sa hardin.
Nakikiramdam lang ako sa kanya, at in fairness sa kakapalan ng mukha niya, career na career talaga. Si Cheese, nakikita ko lang na topless kapag bagong ligo, maliban na lang kung gusto niyang mag-cuddle. Pero itong si Coco, boxers lang talaga ang suot niya.
Hindi ko masita habang nasa harap kami ng pagkain. Akala ko kasi kanina, magbibihis siya bago kumain dahil naligo nga matapos mag-ayos ng mga gamit niya. E, hindi.
Proud na proud sa mga muscle niya. Alam kong pinaghihirapan talagang ma-achieve ang ganda ng katawan, pero walang magnanasa rito sa bahay sa katawan niya. Maaalibadbaran, oo. Para namang mainit dito sa bahay, e sinusulit na nga ng electric bill namin ang bayad para lang hindi annex ng impiyerno ang temperatura dito sa loob.
"Akin na anak ko at kumain ka na," sabi ko kay Coco at kinuha ko na si Charley para siya naman ang makakain.
Sinusubukan kong i-digest ngayon itong setup namin sa bahay dahil parang naging lungga ng mga wanted ang lote namin na ready na para ambush-in any time.
Buong gabi akong gising at sinusulit ni Cheese ang tulog niya. Ang sabi ko, patulugin ang anak. Ayun, siya ang tulog. Ang anak ko, nagko-close-open mag-isa habang nag-e-enjoy sa lullaby na nagpe-play sa speaker malapit sa crib niya.
Tutok naman ako sa laptop kahahanap ng iba pang record ni Hades El-Sokkary na baka nasa public pa.
Ayokong isipin na may kinalaman si Lola Tessa sa pagkawala ng mga public record nitong Hades na 'to kasi nga raw, ito si Mr. Dardenne. Imposible kasi talagang may lumalabas na record sa Afitek pero wala sa government agencies.
Basically, ilegal 'yon kung talagang binura ang record. Kakailanganin ng matindi-tinding backer para lang ma-settle ang isang kaso—what more kung higit pa sa tatlo ang kasong mayroon ang isang tao. Although hindi naman directly affected si Mr. Dardenne dahil nga Dardenne siya, pero apelyido ni Lola ang gamit. Kailangan talagang aregluhin 'yon.
Sa public records, wala talaga. Nag-check na ako ng mga general record at filed cases pero wala akong makitang kaso na related kay Hades El-Sokkary. Pero sa Afitek, ang dami talagang nagre-reflect.
Nag-trace ako sa lumang system ng Afitek ng record dahil baka may nakatago pang ibang detalye sa archives na hindi na-carry over sa updated OS ng kompanya.
"Shet . . ." Napapahimas na lang ako ng bibig habang nakikita ang napakaraming related info tungkol sa pangalang gusto ni Coco.
Sunod-sunod na lumabas ang mga picture. Nakatukod ang siko ko sa study table habang himas-himas ang sentido.
Ewan ko kung matatawa ba ako, maiinis, mapapakamot ng ulo—hindi ko na alam.
Sa unang photo, may shot ng isang grupo ng mga lalaki na nasa abandonadong lugar yata. May mga damo sa paligid, may mga talahib na kakaunti lang naman. May mga lumang bus sa likuran at mga kotse sa background.
May nakalagay na caption sa ibaba lang ng photo. April 29 ang date at sobrang tagal na ng shot, 42 years ago pa. Pero hindi tungkol kay Hades ang focus ng shot. Hades & Zeus ang nakalagay at tungkol ang photo sa illegal racing na ginaganap doon sa Coastal area. May plus code na naka-note. Nagbukas ako ng bagong tab para hanapin ang eksaktong location na
nakalagay roon. Sa may seaside ang location pero iba na ang itsura nitong lugar ngayon kompara noon.
Occupied na ng napakahabang bus terminal itong lugar ngayon at imposibleng may makapagkarera pa rito sa sikip ng traffic sa area.
Nagsunod-sunod ang mga photo na may Hades tag. May mga naka-zoom na photo at ngayon ko masasabing may pagkakaiba ang itsura ng asawa ko sa nakikita ko ngayon—kung si Rico Dardenne man itong binatang 'to.
Base sa itsura niya sa closeup shots, nasa teenager pa siguro siya nito. Sobrang bata pa ng mukha niya at kahawig talaga niya si Cheese. Ang kaibahan lang siguro nila, kulay ng mata at kapal ng kilay. At mas prominent ang Cupid bow lips niya kaysa kay Cheese. Manipis lang kasi ang labi ng asawa ko hindi gaya sa kanya. Saka pareho sila ng aura ni Coco kahit sa photo lang. Halatang anak ng mayaman at makikita 'yon kahit sa simpleng posture lang. Mukha siyang teenage golfer na nagpapabango ng Dior at tumutungga ng The Godfather.
Nag-scroll pa ako sa ibang photo at nagsunod-sunod na ang hindi magagandang record. May naka-collate na tiglilimang shots at anim na frame 'yon na ang laman ay puro lang death threat. Sunod, mugshot na at kumawala ang biglang pagtawa ko kaya napatakip agad ako ng bibig.
Nag-full screen pa ako para lang makita nang mas malinaw ang mugshot. Para akong nakatingin sa asawa kong proud pang kakasuhan siya ng violation of RA 1084.
Yung nang-aasar na ngisi, yung titig sa camera na namba-bad trip ng photographer, kahit ang paghawak sa board gamit ang isang kamay—kung ako ang arresting officer nito, may sapak sa 'kin 'to kung ganito ang itsura ng mugshot niya. Forty years plus na 'tong photo pero kahit ako, napipika sa itsura ng tiyuhin ng asawa ko—kahit pa magkamukha naman sila.
Gawin ko kayang wallpaper 'to ng laptop ko? Hindi kaya lalo akong pag-initan ng pamilya ni Lola?
Pero i-credit ko na kay Mr. Dardenne na mukhang wala siyang pakialam sa mga death threat sa kanya. Tingin ko, siya ang klase ng tao na kapag tinutukan ng baril sa ulo, hahamunin ka pa nang deretso sa mata para iputok 'yon. Mukha namang hindi siya takot mamatay. O baka g na g lang talaga siyang mang-inis ng mga bumabangga sa kanya.
Nag-check ako ng mga record sa archive. Lumampas na ng 25 years ang record kaya sigurado akong pahirapan nang hanapin ito sa bagong system, unless personal silang dadayo sa opisina para mangalkal ng mga folder.
Ang nakalagay sa general record: illegal gambling, unjust vexation, tax evasion, at illegal detention ang mayroon itong Hades El-Sokkary.
May thirty-page report—
"'Tang inang thirty page 'to. Pa'no kaya 'to nilinis ni Lola?"
Natatawa ako habang nagsi-skim ng content.
May thirty-page report ng tungkol sa illegal gambling. Take note na illegal gambling pa lang. Wala pa sa ibang kaso. Involved si Hades El-Sokkary sa illegal racing sa may Coastal area noon. Dismissed na ang kaso at walang note kung paano 'yon nangyari. Involved din siya sa illegal gambling na connected sa Sixty-Niners Casino sa may Seaside Drive.
E, di search na naman ako ng Sixty-Niners Casino sa map.
Wala nang ganitong casino roon. Maliban sa mga bagong tayo lang na casino, sa PAGCOR, at sa mga casino na pagmamay-ari ng Red Lotus, wala nang ibang casino na lumalabas sa mapa.
May illegal transactions din na involved sa drag racing sa Laguna, mga random road gambling, at puro na poker ang naiwan sa ibang page. Ang nagpakapal lang sa thirty pages na 'yon ay ang audit report—na kagulat-gulat, dahil para sa ilegal na transactions, may masipag na nag-audit ng mga 'to.
Pagtingin ko sa notes sa ibaba, ang audit report ay galing sa isang noncomputerized ledger na manually reported nitong taong nagngangalang William Vergara at encoded ni Clark Mendoza. Hindi pamilyar si William Vergara sa 'kin pero sigurado akong si Sir Clark itong encoder.
Tinitingnan ko pa lang ang figures, napapangiwi na ako. Eight digits ang lumabas sa bawat report. 'Tang ina, eight digits? Sa casino? Sa poker?
Natatalo nila ang casino? Sa dami ng daya ng mga table doon, sobrang imposibleng manalo sila sa poker game—sa kahit anong card game. Ibang klase, ang tindi ng taong 'to.
Naging dealer din ako ng poker. Alam na alam ko kung paano mandadaya sa mesa. Nandadaya ba sila sa mga nandadaya ring casino? Nakaka-curious naman 'to. Paano kaya nila 'to ginawa?
Nag-check ako ng mga kasong related sa unjust vexation. Blotter reports lang ang mayroon, pero mga nai-file na case formally, wala.
Tatlong blotter reports na hindi naman exclusive sa kanya, pero dalawa silang nalapagan ng report. Si Zeus Deonida at si Hades El-Sokkary. Intimidation and aggressive behavior ang nakalagay sa report. Hindi sila na-summon sa barangay o sa police station kaya blotter lang ang mayroong record.
Kidnapping and illegal detention naman ang nabigyan siya ng mugshot. Dismissed ang kaso dahil inurong ng mga complainant, na dahilan ng pagtaas ng magkabila kong kilay.
Ang victim ay si Kyline Bellamy Chua—asawa ni Daddy Scott. Saka ko lang binasa nang buo ang report dahil ang weird na nangidnap sila ng kilalang personality.
Sikat si Kyline Chua, malamang! Kilalang-kilala ko siya kasi alcohol distributor sila sa bar. Sa kanila kami kumukuha ng ilan sa mga alak namin na for VIP kaya imposibleng wala akong i-react dito sa record.
Ang nakalagay sa statement ni Hades El-Sokkary, pumunta sila sa nightclub sa Parañaque. Nakalagay sa logbook ang pangalan niya bilang customer that night doon sa club. Grupo silang pumunta at hindi ko alam kung sino-sino ba itong mga pangalang kasama niya.
Napa-search na naman ako sa map para doon sa King's Nest nightclub pero wala na. Yung location na nabanggit, malaking food hub na ngayon na tambayan ng mga Koreano at Chinese nationals.
Puwersahan silang ikinulong sa isang private room na may stag party. Nandoon ang sinisingil nilang may utang dito kay Leopold Scott, a.k.a. Zeus Deonida. Bunny girl si Kyline Chua na tinutukan ng baril sa ulo nitong suspect na si Elton Corvito para puwersahing makipag-sex kay Daddy Scott sa harap nilang lahat.
"'Tang ina . . . seryoso ba 'to?" Na-caught off guard ako, shet!
Sa dami ng kasong nahawakan ko, nagulat ako rito, ha?
Nagkaroon ng entrapment operation that night at nahuli ang mga suspect. Nakatakas ang grupo nina Hades tangay si Kyline Chua. Doon sila nalapagan ng rescue operation para mahuli at mabawi itong Chua. Dismissed ang kaso dahil umamin ang biktima na iniligtas lang siya ng grupo. Sarado na ang kaso at tingin ko naman, naka-move on na silang lahat dito sa kidnapping case.
Huling record at pinakamakapal pang report. Umabot ng 64 pages ang report tungkol sa tax evasion case. Pero dito ako maraming tanong kasi . . . connected ang record sa Golden Seal. At ang Golden Seal, sa pagkakaalam ko, kina Daddy Scott at Sir Clark. Pero ang nakalagay rito sa record, si Hades El-Sokkary ang may hawak ng finance nito. Sa kapal nitong report, nakakarami na ako ng page na na-scan pero maliban sa listahan ng audited report sa loob ng sampung taon, wala na akong makitang explanation tungkol sa mismong tax evasion case.
Hinahanap ko talaga ang "discrepancies" dito para masabing may nalabag nga silang batas, pero maliban sa explanation na 19 years old lang itong mga involved na nagpapautang sa mga kaklase gamit ang sariling allowance, wala na akong makitang issue na related sa tax evasion.
Hindi ko ito forte para magsabing wala ngang nalabag at all. Legal na kasi ang 19 years old para magnegosyo. Pero valid bang i-apply sa BIR ang utang na galing sa school allowance? Kasi ang alam ko, dapat one million ang paid-up capital para magsimula nang ganito.
Na-hit ba nila ang one million na capital?
Balik na naman tuloy ako sa unang pages. Nag-check ako ng scanned handwritten ledger at mga record doon. Ang sipag naman ng William Vergara na 'to para isulat nang mano-mano ito sa logbook. May computer and spreadsheet naman na siguro 42 years ago.
"Ayun lang." Bumagsak ang magkabilang dulo ng labi ko. Nakaka-hit nga sila ng milyones sa pagpapautang lang. Ang yayaman ng mga umuutang sa kanila.
Pero hindi pa rin naging malinaw ang tax evasion case dito. Nailakad naman ang papeles at dokumento sa SEC. Medyo late nga lang, pero nailakad naman.
Kung konektado ang tax evasion case sa illegal gambling case, tingin ko, makakasuhan nga talaga siya. Baka nga pati ang casino, kasuhan din siya dahil dito sa pandarayang ginawa niya.
Mukhang kailangan ko munang kumausap ng CPA lawyer para klaruhin 'to. Ayokong ilakad ang pangalan na 'to para kay Coco kung marami palang sabit 'to. Baka lapagan siya ng warrant dito sa bahay namin, mahirap na.
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top