Chapter 10: Boys are Dumb
Patapos na ang term ko pero problemado pa rin ang board kung sino ang magiging bagong CEO at COO ng Afitek. Naging mas mahirap ngayon ang pagpili dahil . . . kasalanan ko rin naman.
Sa isang meeting, ilan silang namatay—pinatay ko. Hindi alam ni Cheese 'yon, at tingin ko rin, wala pang nagsasabi sa kanya tungkol sa ginawa ko kaya chill pa rin kami sa bahay.
Para sa mga ahente, wala lang ang ginawa ko kung ang topic ay idea ng pag-terminate ng mga threat sa area. Puwede ko namang sabihin na, "Threat sila sa security ng ibang board member." O kaya "May assassination order kina Mr. Dardenne na sila ang mastermind." Puwede ring "May order na itumba sila dahil may may inilapag na memo. Under pa rin ng policy ng Afitek ang shoot-to-kill before amending the by-laws and they were not exempted."
Sa akin, kung namatay man sila, ang ibig sabihin n'on, nag-terminate lang ako ng threats. Kakarguhin ba ng konsiyensiya ko 'yon? At this point, hindi. Nag-launch sila ng atake. Ang resolution ko ay permanent termination sa mga guilty at in-charge sa unforeseen attack sa end ko. Hindi sila ang una o pangalawa o kahit pansampung nalagutan ng hininga dahil sa akin. Parte ng protocol naming magprotekta para sa security ng kliyente kahit ibig sabihin pa n'on, may kailangan kaming patayin sa proseso.
Kaya nga inuunawa ko na lang si Sir Clark kung bakit ayaw niya sa gaya ko kasi matagal na akong tinanggalan ng kaluluwa. Kung gusto niya ng pa-tweetums na naka-long dress habang gumagawa ng sourdough sa maaliwalas na kusina bilang asawa ni Cheese, then hindi ako 'yon. Malayo ako sa ganoon.
Pero gusto ko sanang maging ganoon ako bilang asawa ni Cheese. Tamang linis at luto lang sa kusina. Mag-aalaga ng baby. Magduduyan kami sa hardin na maraming bulaklak at paruparo. Mamamasyal kami tuwing hapon ni Charley habang tulak-tulak ko ang stroller niya at magbabaon ako ng picnic set. Tatanaw kami sa malawak na lupain habang umiinom ako ng juice at kumakain ng homemade sandwich.
Kaso wala ako sa commercial ng croissant para mag-asam ng dreamy vibe setup. At mukhang hindi pa ako pakakawalan ng Afitek dahil napagtulungan na naman ako sa meeting.
"We're trying to encourage the managers to apply for the CEO position, pero hindi talaga sila interested," katwiran ni Eugene Scott na secretary na naman ng meeting. "Nag-adjust na kami sa salary, pero concern talaga nila ang safety nila sa workplace. And I think it has something to do with the previous killing incident within the company premises.
May isang member ng board na sinubukang tingnan ako, pero hindi pa man nagtatama ang mga mata namin, nag-iwas na agad siya ng tingin nang mapansing napansin ko siya.
"We've collected the votes, and the decision is still the same. Hindi bababa as OIC si Miss Kiro, but we will force Connor Dardenne and Carlisle Mendoza to take a position they need to fill. We'll have a separate meeting with them related to this matter."
May chance akong humindi, sa totoo lang. Marami akong rason para sabihin sa kanilang, "Wala sa Labor Code itong pagpipilit ninyong magtrabaho ako at dapat mag-agree ako dahil lang nag-agree na kayong lahat."
Pero noong bumanat ng "We will force . . ." 'Tang ina, force? Talagang sapilitan na nilang pahahawakin ng kompanya yung magpinsan?
Gusto kong umalis, pero ayokong umalis tapos maiiwan dito ang asawa kong walang bantay.
May sariling meeting yung magpinsang palaman. Kasama ako, malamang. Ayaw akong patakasin, e.
"All right, kids. Siguro naman, may idea na kayo sa meeting ngayon," panimula ni Eugene Scott.
At talagang tinawag niya kaming kids? Seryoso ba siya?
Nakaupo kaming lahat paikot sa medyo maliit na mesa na good for four lang. Nasa loob kami ng isang kuwarto sa satellite office sa West para lang i-huddle.
"I have no idea, Kuya," sagot ni Cheese.
"This is the case. Walang may gustong mag-handle ng executive positions because of some questionable repercussions regarding those blank positions."
Iba talaga ang nagagawa ng positive phrasing. Ayaw na lang sabihing "Ayaw nilang mag-handle ng mataas na position kasi takot silang mamatay sa loob ng HQ kapag nalapagan sila ng termination quest."
"Define questionable repercussions," utos ni Coco. "What covers that?"
"Hmm, something like unexpected job termination? Permanent removal inside the Afitek premises? Unwarranted elimination without proper warning?"
Napapatakip ako ng bibig para itago ang tawa ko. Para kaming naglalaro ng guess the synonym of "You're gonna die without notice."
"Are we supposed to read criminal cases again?" nakangiwing tanong ni Cheese. "I avoided law school because of these cases. Na-mention ko na 'yan before kay Pops, and he didn't listen."
"No, Carlisle. No criminal cases. Kailangan lang ng tao sa management. Kung wala kayong interes na tumuloy, ipapabenta na namin kina Tito Rico ang Afitek."
"We'll take the positions," mabilis na sagot ni Coco. "Hindi 'yon puwedeng ibenta ni Daddy."
"Bal . . ." saway ng asawa ko sa pinsan niyang desisyon palagi.
"Bal, puwede ka sa external meetings," maagap na sagot ni Coco. "Kung ayaw mong mag-handle ng cases inside Afitek, pursue the investors. Earn us money. Kaya mo 'yon."
"You're giving me a hard time, Bal."
"Do you want to let go of Mamila's company?"
"It's not—"
"Do you?"
Ang lalim ng pagbuga ng hangin ni Cheese at walang salitang nagkibit na lang para sabihing hindi niya alam. "Do whatever you want."
Ayaw ipabenta ni Coco ang Afitek. Ayoko rin naman, pero ayokong ma-stress sa management. Sino ba kasi'ng nangangarap maging CEO diyan? Malaki ba kitaan sa Afitek?
Siguro nga, malaki kung under the table.
Three days akong walang pasok kasi ipa-process na yata nang kusa ng HR ang mga document ko bilang current OIC na ayaw nilang patalsikin.
Anak ko na ang gusto kong asikasuhin, hindi kung anong papeles, Diyos ko.
Sabi ko, paglipat namin ng bahay, papabinyagan ko na si Charley kasi sure nang may sarili na kaming matutuluyan. E, paano pabibinyagan ngayon, maglalabas kami ng announcement? E, nagtatago nga kami bago pa kami itumbang mag-ina.
Karga-karga ko ang anak ko nang dayuhin namin ang bahay ng lolo at lola niya. Wala si Sir Clark doon dahil nasa trabaho yata. Ang naabutan na lang namin, itong mama ni Cheese na nagluluto ng tanghalian.
"Momsky," tawag ni Cheese.
Nakabusangot ang mukha ng mama ni Cheese nang lingunin kami mula sa kusina. "You're late. Akala ko ba, before lunch, nandito na? Lunch time na. Late na rin akong nakapagluto. I thought you'd help me."
"Nag-meeting pa nga kami nina Kuya Jijin diyan sa satellite office."
Iritang-irita ang mama ni Cheese nang balikan ang niluluto niya. Sinilip ko kung pangkanya lang ba iyon, pero mukhang marami siyang niluluto.
"Bal . . ." tawag ni Coco na sabay pa naming nilingon ni Cheese. "May nag-notify na invitation sa email ko." Nilingon niya ang kusina sa kanan ng bahay. "Tita Sab, may gathering next Saturday. Pupunta ka?"
"If that's connected to the Business Circle, I should."
"Do we need to attend?" mahinang tanong ni Cheese kay Coco.
"I think we have to. Mas lalo ka na, Bal. You need connections for Afitek. Kailangan ko ring bantayan si Daddy. Baka biglang ibenta ang company ni Mamila without our knowledge, mahirap na."
Gusto ko sanang mag-usisa kung kasama rin ba ako o aalagaan ko na lang sa bahay si Charley habang nasa gathering sila, pero hindi muna ako nagtanong lalo't nandito kami sa bahay ng mga magulang ng asawa ko.
Mula nang lumipat kami rito sa West, madalas sa madalas, dito naiiwan sa lola niya si Charley. Wala naman kaming magandang choice kasi madalas kaming wala sa bahay.
May ilang araw akong pahinga at ganoon din sina Cheese. Kakain kami ngayon dito ng lunch—na napagalitan pa kami dahil late na kaming nakarating galing sa kapitbahay.
Nakaupo ako sa itim na sofa sa sala ng bahay at nilalaro ko si Charley na dalawang buwan na lang, mag-iisang taon na. Kumukulit na rin at marunong nang sumagot kahit gibberish pa lang.
Tutok ang baby ko sa hawak niyang elephant plush at hindi ako pinapansin. Biglang bumukas ang speaker ng bahay kaya napatingin ako sa itaas.
Ang ganda nitong bahay ni Sir Clark. Parang museum na may floor to ceiling na library sa dulo ng sala. Ang office niya, nasa loft na makikita sa sala rin. Malamig din sa loob at hindi tinitipid ang AC. Kaya nga kapag alam naming magtatagal kami rito ni Charley, sinusuotan ko siya ng jacket kahit pa anong init sa labas.
"Got you in my place
So, I know you like it bad"
Halatang komportable rito ang magpinsan kahit ang sungit ng mama ni Cheese. Hindi sila matipid sa kilos kapag nandito kompara sa ibang lugar.
"You like it bad
Bae, I know you like it bad"
May bitbit na kung ano sina Cheese at Coco dahil tumutulong sa may-ari nitong bahay na nagluluto. Naunang bumalik sa akin si Cheese at kinumusta si Charley.
"Malamig dito, baby?" malambing na tanong ni Cheese at kinurot-kurot ang pisngi ng anak niya.
Biglang pinalo ni Charley ang kamay ng papa niya nang paulit-ulit gamit itong elepanteng laruan. "Aaahhh!" tili ng baby at nanggigigil na pinagdidiin ang dalawang katutubo pa lang na ngipin.
"Hahaha!" Ang lakas tuloy ng tawa ko dahil inaaway na naman ang papa niya.
"'Pakasungit naman ng batang 'yan."
"And I put you on my pace
'Cause I know you like to beg"
Saglit na huminto si Coco malapit sa sofa kung saan kami nakapuwesto ni Charley at nagulat-gulat na lang ako nang biglang gumiling ang hinayupak habang may kagat na loaf bread. Nanlalaki ang butas ng ilong ko nang sumabay pa itong asawa ko na tumalikod sabay twerk sunod sa beat. Magkasabay pa silang gumigiling sa harapan ko, shet!
"You like to beg
Bae, I know you like to beg"
"Hahaha! Ang lalandi!"
Pagtalikod sa akin ni Cheese para tutukan ako ng puwet niyang nagtu-twerk, hinampas ko agad ang pisngi ng puwet niya para ilayo sa amin ni Charley.
"Layo nga!"
Itong magpinsang 'to, hindi talaga 'to nakaka-survive nang hindi gumagawa ng random kalat sa kung saan.
"Table!" malakas na tawag ng mama ni Cheese. Sabay pang tumakbo ang magpinsan papuntang kusina para yata ayusin ang kakainan namin.
Kinarga ko na nang maayos si Charley dahil mukhang kakain na kami. Kapag nandito ang anak ko, lagi siyang pinakakain ng solid food na mas maganda ang halo at siguradong nababantayan. Kaya nga ang bigat-bigat nang kargahin.
Hindi pa ako nakakalapit sa bahagi ng bukas na dining area na karugtong ng kusina, kinuha na ni Cheese sa akin ang anak namin para kargahin.
"Sabi pala ni Momsky, after lunch, susukatan ka niya for your dress," mahinang sabi sa akin ni Cheese.
"Dress? Sa akin?" nalilitong tanong ko.
"Yep. May gathering next Saturday, and you're coming with us."
Shet, kasama ako? Seryoso ba?
♦♦♦
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top