04: Friends
J A D E
present
"Good morning, Miss Claire," nakangiting bati ko sa nanay ni Darwin.
Halos linggo-linggo yata kung magkita silang dalawa. Minsan, siya ang pumupunta sa amin, pero madalas ay kami ang bumibisita sa kaniya.
"Sabi ko sa iyo, Tita Claire na lang." Yumakap siya sa akin. "Si Kyle?"
"Tulog pa po, Tita," sagot ko.
"Himala," aniya sabay upo sa bar stool sa may kitchen counter. "Nagpahinga ang boss."
Tumawa na lang ako bago dumiretso sa coffee maker upang ipagtimpla siya ng kape. Gaya kasi ni Darwin ay malakas din siya sa caffeine.
Bago pa ako matapos ay narinig ko nang bumukas ang pinto ng kuwarto ni Darwin. Lumingon ako sa direksyon nito at nakita siyang humihikab pang nakatayo sa may bandang pintuan.
Nakasuot lang siya ng puting t-shirt at asul na boxer shorts na hindi na kapanipanibago.
"Claire," nakangiting bati niya sa ina.
Kahit halatang inaantok pa ay lumapit siya upang yakapin ito. Nakakatuwa nga dahil bihira na lang ang tulad niya na hindi nahihiyang magpakita ng apeksyon sa magulang, lalo na at hindi naman niya tunay na kadugo si Tita Claire.
"Kyle," tugon nito. "How have you been? You look like you aged ten years since the last time I saw you!"
"We met the other day—"
"Exactly!" malakas na sagot ni Tita Claire. "But the circles under your eyes weren't this dark! Natutulog ka pa ba? Do you drink lots of water? Alam kong mahal mo ang trabaho mo pero hindi maganda ang—"
"It's fine, Claire," singit ni Darwin. "I can handle it."
"No, you listen to me, young man!" Pagtataray ni Tita Claire. "If you continue with your irregular sleep pattern, ako mismo mag-e-enroll sa iyo sa Sleep Center!"
"But I don't have Sleep Apnea—"
"I don't care!" ani Tita Claire. "As long as you get your required hours of sleep, I'm good."
"Claire—"
"Bakit kung kailan ka umedad nang ganiyan, saka ka naging pasaway?" usisa ni Tita Claire. "You were always so obedient and responsible! What happened? Is it because of Mads?"
"God, no—"
"Now, don't you start lying to me!"
Umupo si Darwin sa katabing bar stool ni Tita Claire at saka malakas na bumuntonghininga.
"Fine," anas niya.
"Fine, what?" may kasungitan pa ring tanong ni Tita.
Bahagyang umikot ang mga mata ni Darwin.
"I'm going to take the day off . . . to sleep."
Kitang-kita ko ang pagngiwi ng mukha niya dahil sa binitawang pangako. Ever since we moved here, he has never used any of his leaves. But now, he is going to cancel all of his meetings just to rest. I know just how much the idea pains him.
"Dapat lang! It's a Saturday! You should rest." Ngiti ni Tita Claire bago binalot sa mainit na yakap ang anak.
Darwin hugged her back, his face in my direction. Our eyes met, and he shook his head at me and smiled.
I felt my stomach flutter.
I quickly turned away and finished making Tita Claire's coffee.
"Coffee, Tita," bulong ko, bago inilapag ang mug sa harapan niya.
"Oh, Jade! You didn't have to."
"Okay lang—"
"She also makes my coffee," may pagmamalaking singit ni Darwin. "She's good."
"Wife material!" dagdag pa ni Tita Claire na nakangiting hinihigop ang kape niya. "Tell me, Jade. May boyfriend ka na ba?"
Nabilaukan ako sa narinig.
"A-Ako po?"
"Ilan bang Jade ang nandito?" biro ni Tita Claire. "Hindi kasi kita naririnig magkuwento tungkol sa love life mo. Mayroon ba?"
Napalunok ako.
Nagtaasan naman ang mga balahibo sa braso ko nang makita si Darwin na taimtim na nakatingin sa akin at mukhang interesado ring marinig ang isasagot ko.
"Uhm, hehe." Pumeke ako ng tawa. "Wala po, hindi ko priority."
"Talaga?" hindi makapaniwalang tanong ni Tita.
"O-Opo. Sa akin po kasi nakaasa ang mga magulang at kapatid ko. Wala pa po sa isip ko ang mga ganiyan—"
"I thought you dated a guy from Accounting," singit ni Darwin. "Marcus, right?"
"Ah, ilang buwan lang naman po 'yon," sagot ko. "Hindi na rin niya itinuloy ang panliligaw dahil nga hindi ko siya magawang priority—"
"Good for him," mabilis na singit ni Darwin.
Good for him?
Anong gusto niyang ipahiwatig? Na hindi ako worth it ligawan, gano'n ba?
Hindi ko napigilan ang bahagyang pagsalubong ng mga kilay ko dahil sa naging pahayag niya.
"You're way out of his league. He wouldn't be able to handle you," mahina niyang dagdag.
Ngingiti-ngiti lang si Tita Claire na nakikinig sa amin. Ako naman ay tila sasabog na ang mukha sa labis na pag-init ng mga pisngi ko.
Isang oras lang ay hinatid na ni Darwin si Tita kaya naiwan akong mag-isa sa penthouse. Siniguro ko muna na malinis ang kitchen, dining, at living area bago dumiretso sa kuwarto ko para tawagan sila Mama sa Skype.
"Oh, M-Ma!" Napaupo ako sa kama nang makitang umiiyak ang nanay ko. "Anong nangyari? Si Papa?"
Dahil hindi ko makita si Papa sa screen, ang unang pumasok sa isip ko ay baka may kung anong masamang nangyari sa kaniya.
Patuloy pa rin sa pag-iyak si Mama at hindi ako kinakausap. Pakiramdam ko tuloy ay malapit nang sumabog ang utak ko sa labis na pag-o-overthink.
"A-Ang kapatid mo." Hagulgol ni Mama.
"Sino, Ma?" Walo ang nakababata kong kapatid kaya hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya. "Sinong kapatid po?" kabado kong tanong.
"Si... R-Ruby!" ani Mama. "W-Wala na siya, Anak!"
Parang sandaling huminto ang pagtibok ng puso ko. Wala pang labingwalong taon si Ruby. Wala naman siyang sakit o kapansanan. Masyado pang maaga para mawala siya. Ni hindi pa nga siya nakakatuntong ng kolehiyo.
Anong nangyari?
"W-Wala na ang kapatid mo, Jade! Wala na!"
Nang makabalik si Darwin mula sa paghatid kay Tita Claire ay agad kong ibinalita sa kaniya ang nangyari.
"Book a flight. Take the month off," malumanay niyang sagot. Tapos na akong umiyak pero hindi ko pa rin siya magawang tingnan sa mga mata dahil ayaw kong makita niya ako sa ganitong estado.
"Pero—"
"Come on, Jade." Sinapo niya ang kaniyang noo. "Your loved one passed away. I don't need you as much as your family does. Take the month off. Take two if you want."
I looked up at him and saw nothing but pure determination in his eyes. He usually wears that look when he's trying to convince a client, but now, he's using the same piercing look on me.
As if anyone has the willpower to say no to that!
"Take a rest. Pack your stuff. I'll book an early morning flight for you."
Hindi na ako nakipagtalo at tumango na lang. Alam ko kasing kailangan din talaga ako ng pamilya ko sa Pilipinas. Hindi raw makausap si Papa dahil sa nangyari, at si Mama naman ay walang tigil sa pag-iyak. Bilang panganay, obligasyon kong asikasuhin sila at ang lamay ni Ruby.
Hindi pa rin klaro sa akin ang nangyari. Wala ako gaanong nakuhang impormasyon kay Mama dahil hindi ko siya makausap nang maayos. Ang bukod tanging kasiguraduhan lang ay wala na ang kapatid ko.
Wala na si Ruby.
Kaunti lang ang gamit na inempake ko dahil marami naman akong naiwang damit sa bahay namin sa Pateros. Isa pa, hindi na rin ako makapag-isip nang maayos kung ano ba ang mga dapat at kailangan kong dalhin.
Pasado alas-tres ng madaling-araw nang marinig ko ang mahinang pagkatok ni Darwin sa pinto ng kuwarto ko. "Are you ready?" mahinahon niyang tanong.
Hindi ako nakapagpahinga gaya ng ibinilin niya. Kahit anong pilit kong matulog ay hindi ko nagawa. Bumangon ako sa kama at binitbit ang duffel bag na siyang dadalhin ko pauwi ng Pinas.
"Good morning," bati ko, nang lumabas ako ng kuwarto at makitang nakatayo siya sa gilid at naghihintay sa akin.
Bagong ligo siya.
Bagong ahit.
Nakasuot siya ng itim na longsleeved polo at itim na pantalon.
"We should get going," aniya. "Let's just buy you something to eat on the road. Flight is in two hours and we are at least an hour away from the airport."
Tumango lang ako sa kaniya. Wala na akong lakas na magsalita. Mamaya na lang siguro ako magpapasalamat sa pagtulong niya na mai-book ako ng flight pauwi.
Habang nasa biyahe ay hindi kami nag-iimikang dalawa. Naka-off ang radyo ng kotse niya, kaya liban sa tunog ng sasakyan ay wala akong ibang marinig kung hindi ang mahinang paghinga naming dalawa.
Kumukulo na ang tiyan ko dahil sa labis na gutom. Sarado pa ang karamihan sa mga kainan na madalas naming pinupuntahan. Mabuti na lang at may nadaanan kaming coffee shop na bukas 24/7.
Bumili si Darwin ng dalawang kape, isa para sa kaniya at isa para sa akin. Bumili rin siya ng iba't ibang tinapay at pastries na sa sobrang dami ay halos hindi ko na malaman kung anong uunahin.
"Thank you, D-Darwin," nahihiya kong bulong habang nilalantakan 'yong isa sa mga pinamili niyang tinapay.
Tumango lang siya sa akin at nagpatuloy sa pagmamaneho. Wala pang isang oras ay nakarating na rin kami sa airport kaya agad na akong nagpaalam sa kaniya.
Laking gulat ko naman nang bumaba siya sa kotse at saka iniabot ang susi niya sa isang lalaking hindi pamilyar sa akin ang itsura na mukhang kanina pa nandoon at naghihintay sa amin.
"H-Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko. Naibaba niya na naman ako sa airport at kaya ko nang asikasuhin ang sarili ko.
Ngumisi siya sa naging reaksyon ko. "What do you mean?" tanong niya.
Pinanood ko lang 'yong lalaki na sumakay sa kotse niya at minaneho ito palayo.
Hindi ko maintindihan. Paano na siya uuwi ngayon? Magta-taxi na lang ba siya pabalik sa penthouse?
"I'm coming with you, Jade," bulong ni Darwin, bago maingat na hinawakan ang braso ko at kinabig ako patungo sa entrance. "I will only be staying a week because I still have a lot of work left to do. But I can't let you leave on your own."
Sandali akong natigilan sa sinabi niya. Buong akala ko ay nandito lang siya para ihatid ako. Wala naman siyang nabanggit sa akin na sasama rin siya pauwi ng Pinas.
"Salamat, Darwin," tila maiiyak kong sagot. Umiwas ako ng tingin sa kaniya dahil baka kapag nagtama muli ang mga mata namin ay hindi ko na mapigilan ang pagpatak ng luha ko.
"No worries," mabilis niyang sagot. "You are my friend, Jade."
Alam kong dapat akong maging masaya. Boss ko lang siya, pero itinatrato niya ako bilang isang kaibigan. Kaya hindi ko alam kung bakit bigla na lang nalaglag ang puso ko sa sinabi niya ngayon lang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top