03: First Day Shenanigans
J A D E
six years ago
"Good morning!" bati ko kay Bianca pagkababang pagkababa ko sa elevator.
"Wahhh!" Tili niya. Pasado alas-sais pa lang ng umaga at wala pa gaanong tao sa opisina liban sa aming dalawa at sa isang staff ng maintenance na kasalukuyang naglilinis ng lobby. "First day!"
Tumayo siya mula sa reception area at saka lumapit sa akin upang yakapin ako.
Simula nang natanggap ako last week sa trabaho ay parati na kaming magka-text na dalawa. In-add na rin namin ang isa't isa sa Facebook, Twitter, at Instagram.
"We're practically best friends!" sabi niya pa sa akin kagabi.
"I thought you were gonna wear the beige dress," salubong ang kilay na komento niya nang makita ang ternong suot ko.
Sinend ko kasi sa kaniya no'ng isang araw iyong litrato ng bestida na sana ay susuotin ko ngayon. Sabi niya ay maganda raw at bagay sa akin kaya sigurado akong iyon ang inasahan niyang makita sa akin ngayon.
"May mantsa pala sa likod, eh," sagot ko. "Hindi ko napansin kasi ang tagal na no'ng nakasampay."
Napahawak siya sa pisngi niya habang naglalakad paikot sa akin upang tingnan nang mas maigi ang suot ko.
"Hmm," bulong niya. "Okay naman." Humawak siya sa baba niya at mukhang namroblema. "But it doesn't scream Secretary Ako Ni Darwin Kyle Romero. Gets mo ba?"
Napaambi na lang ako.
Wala na akong ibang dress.
"You know what? You can borrow some of my clothes," ani Bianca. "Mayroon akong mga damit sa locker. Same size lang naman tayo. Mamayang lunch, punta tayo sa Mall tapos bili tayo ng mga damit mo."
"W-Wala akong pera." Iyon ang agad kong naisip. Isang libo lang ang laman ng pitaka ko at budget ko na iyon hanggang sa makasahod ako.
"Pahiramin na muna kita. Bayaran mo na lang sa a-kinse!"
Umiling ako.
Mahirap lang kami pero hangga't maaari ay hindi ako umuutang maliban na lang kung sobrang kailangan.
"Ano ka ba!" Reaksyon ni Bianca. "Think of it as an investment. Kailangang maging presentable ka. Gusto mo bang matanggal sa trabaho dahil mukha kang gusgusin?" Tinaasan niya ako ng isang kilay. "Hindi naman tayo gagastos nang sobra. Mga limang libo lang. Maraming murang damit na mukhang shala. Kasama mo naman ako, akong bahala! Stylist ako sa past life ko."
Malaking bagay na para sa akin ang limang libo. Iniisip ko pa lang na gagastos ako ng gano'ng halaga para lang sa damit... pakiramdam ko ay pinipihit na ang sikmura ko.
Pero tama si Bianca.
Investment iyon.
Gagawin ko iyon para sa sarili ko at para kay Mr. Romero dahil siya ang nagbigay sa akin ng trabahong ito. Sino ba namang Vice President ang gugustuhing magkaroon ng sekretarya na mukhang palaboy, 'di ba?
Malapit lang sa lobby iyong employee lounge. Sa loob no'n ay nando'n ang locker area na tinutukoy ni Bianca. Mamaya pa ako mabibigyan ng tour sa buong building ng Romero, kaya siguro ay mamaya pa rin ako mabibigyan ng locker.
"Here!" ani Bianca sabay hila sa akin papunta sa locker niya.
Madali niya iyong binuksan at bumungad sa akin ang samo't saring mga naka-hanger na damit sa loob. Dress, blouse, blazer, cardigan, mayroon ding iba't ibang mga heels at sandals na nasa ibaba.
"Ang laki naman nitong locker," manghang bulong ko. "Parang Orocan na namin 'to sa bahay."
"Haha. Sa true lang!" Tawa ni Bianca na namimili na ng damit na ipapahiram sa akin. "Maliit din dito lagayan ko ng damit dati. Pero nakabili na ako ng bago three months ago. In no time, makakabili ka na rin ng sa iyo."
Napangiti na lang ako.
Maliit na bagay lang, pero gusto ko rin talagang makabili ng bagong Orocan. Hindi lang para sa akin kung hindi para kanila Mama at Papa, at sa mga kapatid ko. Naghahati-hati pa kasi kami hanggang ngayon sa dalawang lagayan ng damit. Iyong mga wala namang mapaglagyan at hindi gaanong sinusuot ay nakakarton lang at nakalagay sa isang tabi.
"Here." Nakangiting inabot sa akin ni Bianca ang isang puting blouse na may kaunting puff sleeves at may pa-pusong neckline. "Pair it with this pants," aniya, sabay abot naman sa akin ng itim na pantalon na may pagka-fitted ang design. "And these heels," dagdag niya pa, sabay angat naman ng itim niyang stilettos na sa totoo lang ay kanina ko pa minamata dahil talagang nagandahan ako.
Sinamahan niya akong magpunta sa banyo at doon magbihis. Mayroong sampung cubicle sa loob at saka dalawang shower. Liban do'n ay mayroon ding isang malawak na dressing room na may maliwanag na ilaw at nakapalaking salamin.
Tinulak ako ni Bianca papasok do'n at saka isinabit sa pinto ang mga ipapahiram niya sa aking damit.
"Hurry up! Walang naiwan sa reception. Baka biglang may dumating," aniya.
"Bumalik ka na muna ro'n," sagot ko. "Pupuntahan na lang kita kapag nakabihis na ako."
"No way! I want to be the one to see you first!"
Natawa na lang ako sa kaniya dahil parang mas excited pa siya sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay manika ako na binibihisan niya.
Madali kong hinubad ang suot kong damit at saka isinuot iyong mga binigay ni Bianca.
Magkasukat na magkasukat nga kaming dalawa. Saktong-sakto lang sa akin iyong size ng mga damit niya, at nang humarap ako sa salamin ay hindi ko mapigilang mapangiti.
Pormal na akong tingnan.
Disente.
Karespe-respeto.
Mukha na akong legit na empleyado ng Romero.
Nang lumabas ako mula sa dressing room ay pumapalakpak na sinalubong ako ni Bianca.
"See! 800 lang 'yan! 150 iyong top, 350 iyong pants, 300 iyong heels!"
"H-Ha?" Ganoon lang kamura?" tanong ko.
Kumindat naman siya sa akin. "I told you I have a good eye!" Ngiti niya. "Akong bahala sa iyo mamaya."
Magkasabay kaming lumabas ng banyo, at nang makabalik kami sa reception ay saktong kararating lang din doon ni Mr. Romero.
Lalapit sana ako para batiin siya pero hinawakan ako ni Bianca sa braso at pinigilan. "Huwag ka munang magpakita, maaga pa!"
Hinila niya ako sa isang sulok at saka pinandilatan.
Nakapasok na sa loob ng opisina niya si Mr. Romero bago lumuwag ang kapit sa akin ni Bianca.
"Bakit?" agad kong tanong habang hinihilot ang braso ko.
Wala ba sa mood si Mr. Romero kapag umaga?
"Ayaw ni Sir Darwin nang masyadong maagang pumapasok. Imbes daw kasi na nagpapahinga tayo o kasama natin ang pamilya natin ay nandito tayo sa opisina," ani Bianca. "Kaya ako, kapag medyo napaaga ako sa shift ko, natutulog muna ako sa sleeping quarters."
"H-Hindi naman ako masyadong maaga, ah?"
"Alas-nuwebe pa ang ang pasok mo. Quarter to seven pa lang." Pabirong irap niya. "Matulog ka na muna."
Nilingon ko ang opisina ni Mr. Romero ngunit nakasarado lang ang pinto no'n at hindi ko siya makita sa loob.
"Sure ka bang okay lang?" tanong ko kay Bianca. Hindi rin kasi talaga ako gaanong nakapagpahinga kagabi dala ng pinaghalong excitement at kaba.
"Oo. Okay lang 'yan. Mag-alarm ka na lang ng 08:30 o 08:45."
Gano'n na nga ang ginawa ko. Inilabas ko ang cellphone ko at saka dumiretso sa alarm.
08:30
08:35
08:40
08:45
08:50
08:55
Anim na alarm ang inilagay ko para masigurong magigising ako bago ang oras ng pasok ko.
"Saan ba iyong sleeping quarters?" tanong ko.
"Doon lang din sa employee lounge," sagot ni Bianca. "Hanapin mo na lang. Hindi na kita masasamahan kasi nagdaratingan na iyong mga boss, eh," aniya nang saktong bumaba naman si Miss Belle mula sa elevator, kausap ang ilan pa siguro sa mga boss sa Romero.
"Thanks, B!" paalam ko bago nagmamadaling naglakad papunta sa employee lounge gaya ng sabi niya.
Bago umalis ay napansin ko pa ang suot na heels ni Miss Belle na katulad na katulad ng suot ko ngayon.
Imposible namang mag-suot siya ng tag-300 na takong?
Hindi siguro totoo ang sinabi ni Bianca na presyo nitong sapatos niya. Baka sinabi niya lang iyon para makumbinsi ako kanina na mamili ng mga bagong damit.
Hay!
Hindi bale na nga. Saka ko na iisipin iyon kapag nahanap ko na ang sleeping quarters at nakapagpahinga na ako.
Bumalik ako sa employee lounge, at hindi ko alam kung ganito ba sa lahat ng kumpanya, pero tingin ko ay mas malaki pa iyong tambayan ng mga empleyado kaysa sa mismong lobby sa labas. Bukod sa locker area, sleeping quarters, at napakagandang rest room, mayroon ding mga lazy boy, massage chairs, at bean bags na puwedeng tambayan doon. Naroon na rin ang pantry na puno ng mga libreng inumin at merienda para sa mga empleyado. Binuksan ko pa nga iyong ref at nakitang puno iyon ng mga inumin gaya ng Chuckie, C2, Gatorade, at iba't ibang softdrinks.
Napakasuwerte ko talaga at natanggap ako rito sa Romero. Ngayon pa lang, malakas na ang kutob ko na ito na ang magiging una at huling kumpanyang papasukan ko.
Walang ibang tao sa lounge nang makarating ako ro'n pero madali ko namang nakita iyong sleeping quarters na tinutukoy ni Bianca. Dumiretso ako ro'n at pagkapasok na pagkapasok pa lang ay sinalubong na ako ng nasa sampung triple deck na higaan.
Floor to ceiling iyong bintana ro'n ngunit hindi pa naman gaanong nakatirik iyong araw kaya't hinayaan ko na lang na nakabukas iyong mga kurtina at saka iginala ang mata ko sa paligid.
Hanggang dito ay mapaghahalataang puro engineers at architects ang nagtatrabaho sa Romero. Halata kasing napag-isipan talaga iyong layout at construction ng buong opisina, kabilang na itong sleeping quarters.
Bakante ang lahat ng kama ngunit tinawag ang pansin ko ng bunk bed na nasa pinakadulo sa gawing kanan. Iyon kasi ang pinakamalayo sa pintuan pero siyang pinakamalapit sa air-con. May pasobra ring unan do'n kumpara sa ibang mga kama na mayroon lang na tag-isa.
Dumiretso ako ro'n at saka hinubad ang heels ko bago humiga.
Maski ang kutson nila ay napakalambot.
Kung ganito siguro ang kutson namin sa bahay ay mahihirapan akong bumangon at pipiliin na lang matulog buong araw.
Hay.
Wala pang isang minuto pero napapapikit na ako at nararamdaman na ang antok. Isinarado ko iyong maliit na kurtina na nakapalibot sa bunk bed upang magkaroon ako ng privacy, tapos ay binalot ko ng kumot ang buo kong katawan bago tuluyan na ngang nagpakuha sa liwanag.
Napakasarap talagang matulog kapag may air-con ka. Sa sobrang sarap nga ay hindi ko namalayan ang napakabilis na pagtakbo ng oras.
Halos murahin ko na ang cellphone ko nang magising ako sa tunog ng unang alarm. Madali ko iyong pinatay pero nanatili pa rin akong nakahiga sa kama at nakapikit.
May alarm pa naman ako ng 08:35, kaya pinili kong huwag munang bumangon.
Bumalik ako sa pagtulog at nang tumunog ang pangalawang alarm ay muli ko iyong pinatay.
Kung hindi ko lang iyon cellphone ay baka binato ko na iyon sa labas ng bintana.
"Last na talaga," bulong ko sa sarili bago muling bumalik sa pagtulog.
Masyado akong marupok pagdating sa kama na ito.
Nang tumunog ang alarm ko sa ikatlong pagkakataon ay wala na akong nagawa kung hindi patayin iyon at idilat na ang mga mata ko.
08:40 na.
Dadaan muna siguro ako sa banyo para magmumog at ayusin ang sarili ko bago ako dumiretso sa opisina ni Mr. Romero. Magtitimpla na rin siguro ako ng kape para kahit papaano ay magising naman ang kaluluwa ko.
"Stop snoozing your alarm, Belle."
Nanaas ang mga balahibo sa braso ko nang marinig ang malamig na boses ni Sir Darwin.
Unti-unti kong tinanggal ang kumot ko at halos mahimatay nang makitang nakahiga siya sa tabi ko at nakapikit.
Kanina pa ba siya ro'n?
Tinawag niya akong Belle.
Hindi kaya higaan nilang dalawa ito ni Miss Belle at nang makita niya ako rito na nakabalot ng kumot ay inakala niyang ako ang girlfriend niya?
Kaya ba dalawa ang unan dito, hindi tulad sa ibang mga kama na tag-isa lang?
Pinasadahan ko siya ng mabilis na tingin.
Nakahubad na ang coat niya at nakasuot na lang siya ng puting long sleeves na naka-tuck in sa suot niyang pantalon.
Mukhang himbing na himbing din ang tulog niya at kalmado ang paghinga.
Napalunok na lang ako habang tinititigan siya. Ano mang oras ay puwede siyang dumilat at kapag nakita niya ako rito ay baka sisantihin niya pa ako sa trabaho.
Hindi pa ako nakakapagsimula, pero mapapatalsik na ako.
Hindi niya ako puwedeng makita.
Binalot ko muli ng kumot ang sarili ko bago maingat na bumangon mula sa kama. Dahan-dahan din akong umusod upang masiguro na hindi ko siya masasagi.
Patayo na sana ako nang maramdamang kumapit siya sa braso ko.
Napapikit na lang tuloy ako nang marinig ang malamig niyang boses na mahinang bumulong,
"You're gonna leave without kissing me?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top