Chapter Seven - The Proposal
Dahil nakita na ng mga kapitbahay ko si Phil, natigil na ang pangangantyaw nila sa akin tungkol sa pagiging matandang dalaga. Akala ko tapos na ang isyu tungkol sa akin at magmo-move on na sila. Pero may ibang tsismis na namang kumakalat. Kung kelan daw ako tumanda, tsaka ko naman daw naisip maglandi. Marami daw ang nakakita sa mga halikan namin ni Phil. Wala raw kaming patawad. Kahit sa kalye ay naglalampungan. Ni hindi na raw kami nahiya sa mga edad namin.
"May kutob ako. Tiyak si Mang Tisay ang may pakana niyan. Napahiya kasi dun sa unang pinagkalat kaya hayan bumabawi," naaasar na komento ni Mariz nang makarating sa kanya ang tsismis.
"Minamanmanan niya ba kami? Anong problema nun?"
"Siyempre, inggit. Ano pa ba?" Sinenyasan ako ni Mariz na lumapit sa kanya. Nagbulong ito. "May nasagap akong tsismis kamakailan tungkol kay Manang Tisay. Ang sabi, nagkaroon daw ng penpal na German yan noong araw. Dumating daw si lalaki dito sa Vigan para magkita sila. Naipakilala na nga raw kina Tiyong at Tiyang. Parang okay naman daw ang lahat kaya nga iniskedyul na ang kasal nila ng Aleman. A week after umuwi daw si lalaki sa kanila sa Germany. Ang paalam niya, kukunin lang doon ang mga magulang para sumaksi sa kasal. Pero hindi na bumalik ang German Shepherd."
"Ay, ang saklap naman nun," komento ko. Nalungkot ako para kay Manag Tisay. Si Mariz naman ay napahagikhik. Hindi apektado.
"Naku, bagay lang sa kanya. Maldita siya, e."
"Bruha, ang pagkakaalala ko, hindi naman yan ganyan dati. Baka dahil lang dun sa nangyari sa kanya kaya siya naging bitter. Buti at sinabi mo. Naiintindihan ko na siya ngayon."
"Nakow, nagpadala ka naman sa Maalala-Mo-Kaya story niya. She deserves it. Ever since, maldita na talaga yan, no. Naalala ko pa dati kapag may pagtitipon ang buong clan natin, lagi niya akong pinapauwi sa bahay."
Tumawa ako. Naalala ko rin yon.
"Papano kasi noong bata ka, pumupunta ka sa mga ganung okasyon nang hindi man lang nakatsinelas. Minsan nga, ni wala ka pang panty. Five years old ka na nun," pagpapaalala ko sa kanya. "Kaya huwag ka nang magsintemyento. She meant well."
Tumulis lang ang nguso ni Mariz.
Nang makita ko nang padating si Phil, kinawayan ko siya. Napatingin tuloy sa akin ang mga kababaihang naglalakad sa kalye. Nakita ko silang nagbulungan pa. Lihim akong natuwa. Manigas kayo sa inggit!
Proud na proud ako kay Phil. Hindi mo iisiping ilang taon na lang ay sixty na. Parang nasa edad kuwarenta lang kung kumilos. Matikas pa rin kasi manamit at maganda pa ang postura. Kagaya ng anak niya, mahilig ding mag-sunglasses. Nakadagdag din yon ng appeal niya. Mukha kasing modelo ng Ray-Ban.
"O siya, saan ba ang lakad natin ngayon, Ateng?" tanong sa akin ni Mariz.
"Di ko alam. Gusto niyang tumikim ng authentic Vigan dishes. Nahiya naman akong sa karinderya namin pakainin. Alam mo naman yan. Mukhang sosyal. Baka sumakit pa ang tiyan niya at murahin ako ng anak niya."
Napahagikhik si Mariz. "Authentic Vigan dishes? Baka iba ang ipatikim mo diyan, ha? Kung sa bagay, yong ang talagang authentic Vigan dish."
Kinurot ko siya sa tagiliran. Siya namang lapit ni Phil. Binati nito si Mariz.
"Nice to see you again, Phil. Okay, I'm leaving my cousin in your arms ----" kinurot ko siya, "I mean ---I'm leaving you now, guys. Have fun."
"Oh, aren't you coming with us?" nakangiti namang sagot ni Phil.
"No. I still have to pick up my youngest son in school, plus, I'm pretty sure, I will just be a nuisance. Three is a crowd, you know," nakangising sagot naman ni Mariz. Palihim ko siyang sinentasan na umalis na baka kung ano pang sasabihin kay Phil.
"Too bad. Okay, take care. Thanks for keeping Laura company while she was waiting for me."
Kumaway lang si Mariz at tuluyan nang umalis. Nakahinga ako nang maluwag. Ang bunganga talaga ng babaeng yon, walang pigil.
Dinala ko si Phil sa Crisologo Street para makita naman niya ang mga sinaunang istruktura. Sumakay pa kami sa kalesa para maikot namin ang kabuuan ng kalye. Mukhang na-appreciate niya naman ang mga old Spanish houses pero mukhang hindi naman namangha gaya ng inaasahan ko.
"Actually, I've been here before," kuwento niya. Oo nga pala. Nakalimutan kong taga-Vigan din ang dati niyang asawa. Ang engot ko. "This was the first place I visited when I cam here almost three decades ago," nakangiting sabi niya. Inakbayan niya ako at pinisil-pisil ang balikat ko. Nakita niya sigurong medyo na-disappoint ako sa reaksyon niya.
Nang mapagod kami sa pamamasyal, dinala ko siya sa kainan dun. Nasabi kasi ng tour guide namin na masarap daw ang bagnet ng restaurant na yon. Nag-order ako para sa aming dalawa. Pagdating ng pagkain, nakita ko siyang natigilan sandali. Nabahala na naman ako.
"Oh, I forgot to ask you. Do you eat pork?"
"I do. But ----," hindi niya natuloy ang sasabihin. Napakamot siya sa ulo.
Ang tanga ko na naman! Ba't ba hindi ko muna siya tinanong. Sa hitsura niya mukhang sobrang health buff. Baka hindi siya kumakain ng karne.
"I'm sorry. I'll just order another dish," nahihiya kong sabi at kinuha ang isang plato ng bagnet sa harapan niya. Pinigilan naman niya ako. Titikman na rin daw niya.
Nang hindi na ako kumibo, hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. "Don't worry. It's okay. I'm not vegetarian. I also eat meat. It's just that ---- I'm not used to this kind. It looks like it has too much cholesterol in it. But don't worry. I'll still try ---- just for you."
Tumangu-tango ako. Mayamaya pa, may lumapit sa aming waitress. May gusto pa daw ba kaming orderin? Kay Phil ito nakatingin. Nahalata kong nagpapa-cute ang babae. Parang hantarang hindi ako pinapansin. Nagpapakahirap pang umingles kay Phil nandoon naman akong marunong mag-Ilokano. Pambihira.
Nag-order si Phil ng vegetable salad. Sumulyap siya sa akin at nagtanong kung anong gusto ko. Paalisin mo ang malanding to sa harap ko. Yan ang gusto ko. Sa halip, ngumiti ako, pati na rin sa babae at nag-order ng banana shake.
"That's all. Thank you."
Umalis na ang waitress pero ni minsan hindi ako tinapunan ng pansin. Anong problema nun? I just prayed na hindi na siya ang magdadala ng mga inorder namin. Asan na kaya yong waiter na nag-served ng bagnet? Mas gusto ko yon, e.
"Here's your order, Sir." Ang malanding waitress pa rin. Napabuntong-hininga ako. Ang tagal pa niyang umalis. Tsumitsika pa kay Phil! My God!
"That's all for now. Thank you." Tumingin na sa akin si Phil pero si girl nandun pa rin. Nakaramdam na ako ng inis. Sinisikap ko lang maging pasensyosa.
"Hindi na kami oorder, Miss," mahinahon kong sabi. Sumulyap siya sa akin at ngumiti. Iyong plastik na ngiti. Napaka-obvious niya. Umalis siya sa table namin pero nakita ko pa nang umirap siya sa akin. Napaka-gutsy ng babaeng yon, a! Hindi ko na lang pinansin.
Nang matapos kaming kumain at makapagbayad, hinatid pa kami ng girl sa pintuan. Nagsuhestyon pa kay Phil kung saan magandang pumunta. Atribida!
"Salamat Miss pero okay na kaming dalawa," sabi ko. Di na rin nakapagpigil. Bakit ba may mga taong sobrang presko? Makakita lang ng foreigner ay nagkukumahog na.
"Hindi naman ikaw Ate ang kausap ko," sabi nito at tumalikod na. Pero kumaway pa kay Phil bago lumayo. I just couldn't belive her guts!
Nag-ikot-ikot pa kami ni Phil sa paligid kung kaya hapon na nang nagpahatid kami sa hotel niya. Dun na kami nag-dinner. Nang bandang alas otso na, nagpaalam na akong umuwi.
"Why don't you stay here for the night?"
Natigilan ako. Hindi agad ako nakasagot.
"I'll get you your own room. I'm not going to ask you to share mine," sabi pa nito.
"I-I actually told my mother that I will be home by nine tonight," nahihiya kong sagot.
"Do your parents still expect you to ask permission from them for everything?"
Parang na-sense ko na medyo hindi niya yon nagustuhan. Yong sinagot ko sa kanya.
"That's our culture here. No matter how old we are, if we live with our parents, we abide by their rules. I'm sorry, Phil. I have to go now."
Hindi ko na siya hinintay na sumagot. Medyo nainis din ako sa kanya. Ano ang gusto niyang gawin ko? May iba yata siyang balak, e.
Hinabol niya ako.
"Hey, don't be mad. What I mean was ----," napakamot-kamot ito sa ulo. "I'm sorry. I just want to spend more time with you, that's all."
"We already spent the whole day together," sagot ko naman.
"It's not enough. I can't get enough of your presence. I want you beside me all the time. I hate saying goodbye to you in the evening."
"I can't stay here for the night. You've been with a Filipina before. I guess you know our culture."
"I know," at hinawakan niya ang kamay ko. Dinala niya yon sa kanyang labi at hinagkan. "I know, we've just known each other for barely two weeks but --- I'm already sure of myself. I want to spend the rest of my life with you."
Bago ko pa mahulaan ang gagawin niya, lumuhod siya sa harapan ko at dumukot sa bulsa. Napaawang ang mga labi ko nang ipakita niya sa akin ang maliit na kahon na may lamang singsing. I gasped. Hindi ako nakapagsalita.
"Will you marry me?"
"This is too fast," nasabi ko at napalunok nang ilang beses. Naninikip ang dibdib ko. Hindi ko alam kung anong gagawin. Palagi ko itong pinagpapantasyahan simula nang makilala ko siya pero hindi ko sukat akalain na it will happen soon.
Parang nalungkot si Phil sa sagot ko. "Are you saying ---- no?" tanong niya sa mahinang boses.
God, what should I do? Napapikit ako at napausal nang maikling dasal. Bahala na. Mabilis na kung mabilis. Napadilat ako at tumango sa kanya. Nakita kong nalaglag ang balikat niya at sinara na ang maliit na kahon.
"I said, yes!" sabi ko. Ipapasok na kasi niya uli sa bulsa ang kahon. Napatingin siya sa akin. Halos di makapaniwala. Pinaulit niya sa akin ang sinabi ko. "Yeah, I'll marry you."
Tumayo siya at hinagkan ako sa labi.
"Ang haba ng hair ni Ate," narinig kong sabi ng isang bading sa di kalayuan. Tinulak ko nang bahagya si Phil. Nang mapatingin ako sa paligid, nakita kong marami nang tao. Karamihan sa kanila ay nakangiti. Nakikisaya sa amin. May kumukuha pa ng picture namin. Pero meron ding nagtaas ng kilay. Nagparinig pa sa akin na with Phil's looks daw, he can do better. Naghanap na lang daw sana ng bata, ba't pa daw nagtyaga sa gurang? Hindi ko na lang sila pinansin dahil ako naman ang nagwagi.
Hindi muna ako pinauwi ni Phil. Tinawagan niya si Brian at binalita na sinagot ko na siya. Magpapakasal na kami. Narinig kong napa-'what' with an exclamation point ang anak niya. Narinig ko yon dahil ni-loudspeaker niya ang phone para iparinig din sa akin. He was thinking kasi na matutuwa ang anak sa binalita niya. Pero kabaliktaran ang nangyari. Huli na nang i-turn off niya ang loudspeaker. Narinig ko na ang sinabi ni Brian.
"You're insane, Dad! You don't know her that well. You should have waited! What are you thinking?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top