Chapter Nine - Small and slow steps

Tumagal ng isang buwan na wala kaming komunikasyon ni Phil. Napagtanto ko na hindi ganun ka lalim ang feelings niya sa akin. Palagay ko, nadala lang siya siguro ng kagustuhang magkaroon din ng sariling pamilya dahil nakita niya kung gaano na kasaya ang dating asawa sa piling ng iba. Masakit mang isipin, dapat tanggapin ko na walang pinagkaiba ang kapalaran namin ni Manang Tisay.

"Ang dali mo namang sumuko," komento ni Mariz nang sabihin ko sa kanya ang lahat ng sama ng loob ko kay Phil at kay Brian. "Hindi natin alam, baka may inaayos lang ang tao. Maghintay-hintay ka lang muna. Huwag nega agad, okay?"

"Thank you sa encouragement pero napi-feel ko na tama ang kutob ko this time. He has a change of heart. Baka na-realized niya na tama ang kanyang anak."

"Bakit? Ano ba ang sinabi ng Brian na yon, ha?"

Nagkibit-balikat ako. Hindi agad nakasagot. Naiinis kasi ako sa tuwing maalala ko yon. Ang sabi kasi ng damuho, nababaliw ang daddy niya sa pagtitiwala sa akin gayong kelan lang ako nakilala. Para na ring sinabi na hindi ako mapagkakatiwalaan. Para pagsabihan ako ng ganun na tiyahin din ako sa pinsan ng kanyang asawa ay hindi ko talaga lubos na naiintindihan.  Ano ang problema nun sa akin?

Nang sabihin ko yon kay Mariz, imbes na sa akin kumampi ang bruha parang pinagtanggol pa si Brian. Ano ang nakain ng babaeng ito at sa kalaban pa pumapanig?

"Hindi mo maaalis kay Brian yan. Daddy niya yong tao, e. Tsaka kung titingnan mo ang development ng love story nyo ni Papa Phil, talagang ang bilis! Parang tornado," at napahagikhik ito.  "Kaya siyempre, mag-aalala ang anak niya."

Umismid ako.

"Sus, ito naman. Para yon lang ang sinabi ni Brian, nagtampo agad. intindihin mo na lang ang tao. O siya, mauuna na ako at mamamalengke pa ako."

Kumaway na lang ako at pumasok na uli sa simbahan para sa meeting ng religious group ko. Nang ilang dipa na lamang ang layo ko sa mga kasamahan, biglang natahimik ang mga ito. Napatingin tuloy ako sa kanila. Ang sama agad ng kutob ko. Pinag-usapan ba nila ako? Tumikhim ang pinakalider ng grupo. Magsisimula na raw ang meeting.  Naupo ako sa pinakalikuran. Masama na ang loob sa mga kasama. Palagay ko pinagtsismisan nila ako. 

Nang pauwi na ako galing simbahan, napansin ko rin sa kumpol ng mga kababaihan sa tindahan ni Aling Marta na bigla na lang silang natahimik paglapit ko. May iba pang kunwari ay bumati sa akin para pagtakpan ang pagkaasiwa. Pero naramdaman ko agad na may tsismis na naman tungkol sa akin. Hindi ko lang sila masita dahil wala akong pruweba na ako nga ang pinag-uusapan nila.

"Mukhang hiyang ka ata sa panahon, Laura. Napansin naming tumataba ka na," komento ng isa sa mga kapitbahay kong matabil ang dila.

Awtomatiko akong napatingin sa katawan. Tumataba na ba ako? Baka ito na ang resulta ng kawalan ko ng sapat na ehersisyo in the past few weeks dahil mga tatlong linggo ko ding pinagmukmok ang di pag-kontak sa akin ni Phil.

"Oo nga naman, Laura. Tsaka, gumaganda ang kutis mo," sabi pa ng isa habang nagpapasuso ng anak. "Ano ba ang sikreto mo at habang tumataba ka ay gumaganda ka naman."

Ang pa-plastik. Ngiti lang ang sagot ko at bumili na ako ng napkin kay Aling Marta. Nahagip ng tingin ko ang pagtinginan nila nang makita kung ano ang binili ko. Kumunot naman ang noo ko. Ano ang deperensya sa pagbili ko ng napkin? Bakit, akala ba nila nag-menopause na ako at di na dinadatnan? Ang mga bruhang ito! Hindi ko na lang sila pinatulan.

Habang naglalakad pauwi, inisip ko ang mga sinabi nila sa akin at ang huling ekspresyon sa kanilang mga mukha. Napatigil ako sa paglalakad nang ma-realized kung ano ang pinapahiwatig nila. Nanggalaiti kaagad ako sa galit. Pakiramdam ko nagsitayuan ang lahat na buhok sa ulo ko pati sa kilikili. Padabog akong bumalik sa tindahan pero wala na ang mga tsismosa.

"May nakalimutan ka, Laura?" tanong ni Aling Marta.

"W-wala p-po."

Pagdating ko ng bahay, imbes na maibsan ang pighating pinagdadaanan ko lalo lamang itong sumidhi. Ikaw ba naman ang salubungin ng nanay mo ng ganito:

"Hindi ka na ba babalikan ng Briton na yon? Aba, nasabihan ko na ang lahat ng mga kamag-anak natin na maghanda na ng ireregalo sa kasal mo tapos hindi na naman pala matutuloy. Lagi na lang ba ganyan? Dati, na-ambush ang nobyo mo, hindi natuloy ang pinaghirapan nating paghahanda sa kasal mo. Ngayon naman, hindi pa nagsisimula ang paghahanda, nag-back out na agad ang groom? Ano bang kamalasan yang dala-dala mo? Dapat siguro, mag-iba ka na ng santong hinihingan ng tulong. Hindi ka kasi naniniwala sa akin, e. Dapt kay St. Jude ka nagdadasal. Santo ng mga desperada yon, e."

Imbes na sagutin siya, dumeretso na lang ako sa loob ng bahay. Nilampasan ko siya. Nadatnan ko sa sala si Papa. Sa kanya na lang ako nagmano. Hindi ito kumibo. Pero dama ko ang lungkot niya para sa akin. Pumasok na ako sa kuwarto at natulog muli. Ang planong ilang oras na pag-idlip ay humaba. Paggising ko, madilim na sa labas ng bintana. Paglabas ko ng kuwarto, nasa sala na ang mga magulang ko at nanonood ng 24 oras.

"Hindi ka na namin ginising dahil mukhang pagod na pagod ka. Kung gusto mo nang maghapunan, initin mo na lang ang pagkaing tinakpan ko sa mesa," salubong sa akin ni Mama. Hindi ako sumagot. Sa halip ay dumeretso na lang ako sa komedor. Pagkatapos kumain, nagsepilyo lang ako at bumalik na uli sa kuwarto. Ayaw kong makipanood ng balita kasama ang mga magulang ko dahil natitiyak kong uuriratin na naman ako ng mga magulang tungkol kay Phil.

Umiyak na naman ako buong magdamag. Kaya ang resulta, halos mag-uumaga na nang ako'y makatulog. Dahil doon, tinanghali na naman ako ng gising. Kung hindi dahil sa pagtutungayaw ni Mariz sa sala, hindi sana ako bumangon pa. Bago pa ako makababa ng kama ko, bumukas na ang kuwarto ko at hinila na ako nito para maligo.

"Teka, teka, ano ba?" protesta ko.

"May pupuntahan tayong babae ka. Puro ka na lang drama dito sa sa bahay nyo. Dalian mo pinaghintay ko ang taxi sa labas."

"Ha? Ba't di mo paalisin muna? Kumuha na lang tayo ng iba pagkatapos kung maghanda."

"Dalian mo na kasi. Wala na tayong oras."

Walang nangyari ang pagpoprotesta ko. Naipasok ako nito sa banyo kaya napilitan na lang akong maligo. Nang tumagal ako ng more than five minutes, kinatok ako ng bruha at pinagmadali. Kahit naiinis, tumalima din ako matigil lang ang eskandalosa kong pinsan sa pagtutungayaw.

Paglabas ko ng banyo, nakahanda na ang isusuot ko. Isang mahabang damit na mapusyaw na pink ang kulay, halos puti na ang dating. Para itong damit pang-sagala.

"Ito ba ang isusuot ko?" nagtataka kong tanong.

"Oo. Maganda ba? Sorry, yan lang ang nakuha kong pwede mong isuot sa boutique ni Cristy." Si Cristy ay baklang kilala sa lugar namin bilang designer ng damit ng mga sumasali sa beauty pageant.

"Ba't ganito ang isusuot ko?" At nun ko lang din napansin na pormal din ang suot ng bruha. Hindi nga lang kasing haba nung sa akin.

"Wala nang masyadong tanong. May pupuntahan tayong party. Naisip kitang isama para makalimutan mo for a while ang pinagsisintir mo dyan."

Hindi na ako nagreklamo. Tahimik ko na lang na sinuot ang damit. Inayusan niya ako. Paglabas ko ng bahay, nakabihis na rin ang mga magulang ko. Pati sila, sasama?  

Nagmadali kaming apat, sa pangunguna ni Mariz, na sumakay sa inarkilahan nitong taxi. Nagtanong ang mga magulang ko kung saan kami pupunta. Hindi sumasagot ng klaro ang bruha. Meron daw pa-party ang isang kamag-anak at naimbitahan kaming lahat. Nang-usisa pa si Mama kung sino naman itong kamag-anak na ito. Hindi na sumagot ang bruha.

Pinanlamigan ako nang huminto ang taxi sa harap ng simbahan. Pati mga magulang ko ay nagulat. Pero bago pa kami maka-react, minadali na naman kami ni Mariz na umibis at pumasok na sa simbahan. Kumunot ang noo ko nang makita ang dekorasyon sa loob. Sinong kamag-anak namin ang ikakasal? Pambihira namang Mariz to! Ni hindi man lang kami nakapaghanda ng regalo.

Sinalubong kami ni Sabel at humalik ito sa pisngi ko. Ganun din ang pamangkin kong si Yannie. Lalo akong naguluhan. Pero at the same time, natuwa ako na mukhang magkasundo na ang mag-ina.

Tumugtog na ang wedding march at dali-dali kaming naglakad papunta sa mga inuupuan ng guests pero hinarangan kami ni Mariz. Binigay niya sa akin ang buoquet ng bride at inayos ang mga magulang ko sa magkabilang gilid ko. Tinulungan rin niya si Papa na maupong muli sa wheel chair niya. Siya na ang nagtulak nito.

"Teka! Anong nangyayari?" tanong ko pero grabe na ang kabog ng dibdib ko. Naiiyak na ako sa magkahalong kaba, excitement, at pagtataka.

"Maglakad ka na. Hinihintay ka na ng groom mo sa altar," seryosong sagot nito sa akin.

Hindi ko napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa pisngi. Hindi ko alam kung matutuwa o magagalit. Pagkatapos ng ginawa niya sa akin, akala niya makukuha niya akong muli sa surprise wedding na to? Bwisit siya!  Tumanggi akong magmartsa. Niyakap ako ni Mariz habang shocked na nakamasid ang mga amgulang ko.

"Pasensya na. Nilihim talaga namin to sa yo dahil we would like to surprise you. Ipapaliwanag namin sa yo ang lahat pagkatapos ng seremonyang ito."

Tumanggi pa rin akong mag-martsa. Mayamaya ay lumapit sa amin si Brian. Lalo akong nainis. Tumalikod ako sa kanya habang nagpupunas ng tisyu sa mukha.

"Tumigl ka na sa kaiiyak diyan. Ano ka ba? Buti na lang at waterproof ang nilagay ko sa yong mascara. Tama nga ang kutob ni Phil. You will bawl like a child."

"Tita Laura," mahinang tawag sa akin ni Brian. Hindi ako kumilos agad. Inulit niya. Inayos uli ni Mariz ang make up ko at pinakiusapan akong harapin na ang anak ni Phil. Nakita ko siyang ngumiti sa akin. Lumapit pa siya at niyakap ako nang mahigpit.  "Welcome to the family, Tita Laura. I am entrusting Dad to your care now. I hope that you will love him as much as he loves you."  Hinagkan ako ni Brian sa pisngi pagkatapos at nagmano ito sa mga magulang ko. Napilitan din akong ipakilala siya kina Mama at Papa.

"Ano pa ba ang hinihintay natin? Laura, umayos ka na. Nakakahiya kay Father Miguel. Naghihintay na siya sa atin," sabi sa akin ni Mama. Pasinghal.

Nang balingan ko si Papa ang tamis ng ngiti nito. Kinuha niya ang isa kong kamay at pinisil. Kahit grabe ang tampo ko kay Phil, I have to admit na kinilig din ako sa mga pangyayari. Nang masulyapan ko siyang naghihintay sa unahan, awtomatikong nagdagundong ang puso ko sa antisipasyon at pananabik na rin sa kanya. Dahan-dahan, paunti-unti, humakbang ako. Nagpalakpakan ang mga tao. Dali-daling bumalik sa tabi ng ama si Brian. Siya pala ang best man ni Phil.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top