Pang labing dalawang patak

SANA
Dedicated to Mr_Bimow

Noong una kitang nakilala tanging ang salitang "Sana"
Ang palaging bukam-bibig at sigaw ng isipan.
Hindi ako mapakali kapag hindi ka kita ng mata
O makarinig man lang ng balitang ikaw ang paksa.

Katulad na lamang ng ilang mga sana;
Sana malapitan kita nang hindi ako kinakabahan,
Sana makausap kita at mapatawa sa aking kwelang mga banat,
Sana makasabay kita sa pag-uwi habang nagku-kwentuhan.

Sana maging magkaibigan tayong dalawa,
Pero kung gusto mo ng higit pa, sa akin ay walang problema.
Sana makilala kita at malaman ang mga hilig mo't pangarap sa buhay,
Simpleng mga sana na hindi ko alam na matutupad ba.

Pero umaayon sa atin si tadhana,
Pinaglapit ang landas nating dalawa.
Natupad ang aking mga sana na minsan ay mga pangarap lang.
Napakabait niya kasi naging matalik tayong magkaibigan.

Nakaapak rin ako sa pintuan ng inyong bahay
At nakilala ang iyong pamilya.
Palagi rin kitang kasama sa lahat ng bagay
Kahit sa mga kalokohan ikaw ang aking kapareha.

Heto na naman tayo sa sumunod kong mga "Sana";
Sana malaman mo itong aking nararamdaman,
Sana maniwala kang higit pa ito sa pagkakaibigan,
Sana hindi mo ako iwasan o layuan,

Sana parehas tayo mg pagtingin sa isa't-isa,
Sana iniisip mo rin ako kapag lumilitaw ang buwan,
Sana humihiling ka rin sa mga talang nahuhulog mula sa kalangitan,
Panibagong mga sana na magsisilbing pangarap lang.

Nasabi ko ang lahat ng sana ko sa iyo,
Batid kong rinig mo ang bawat salitang matagal ko ng tinatago.
Hindi na lihim ang pagtingin ko sa iyo
Dahil nasabi ko ang nilalaman ng aking puso.

Ngunit nakalimutan kong tayo ay may linya pala,
Linya na hanggang pagkakaibigan lang ang tayong dalawa,
Nagawa kong lumagpas sa ginawang linya.
At nagkamali ako sa aking sana—

Dahil hindi mo kayang humakbang dito sa kabilang bahagi ng linya.
Tumalikod ka at umalis sa aking harapan.
At nabigkas ko ang mga sana,
Sana hindi ko nalang pinagbigay alam

Ang nararamdaman kong sa una pa lang ay alam ko ng hindi masusuklian
Sana hindi ko nalang pinilit ang sariling magpakatatag at gawin ang makakapagpagaan sa aking kalooban,
Sana hindi nalang ako naging makasarili at inisip ka,
Edi sana kasama parin kita sa kabilang bahagi ng linya.

Linyang dati nating kinatatayuan,
Linyang magkasama tayong dalawa,
Linyang nakamarka ang kaibigan lang ang turingan,
Linyang hindi ko nalang dapat nilisan.

—Writer_Lhey✍️

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top