Epilogue (Part 2)
Epilogue (Part 2)
MONDAY'S POV
KAUNTING-KAUNTI na lang ay lalandas na ang mga luha ko subalit marahan mong pinisil ang ilong ko dahilan upang mapawi lahat ang negatibong nararamdaman ko. "Psh! Anong klaseng tanong iyan? Paano ko makakalimutan iyong babaeng walang ginawa kundi ang matulog, bungangaan ako at lagi akong inaaway?!"
Literal na aawayin na sana kita ngunit sa huli ay pinili kong ngitian ka na lang. Iyong makausap lang kita ng ganito ay sapat na sa akin, wala na akong ibang mahihiling pa bukod dito. Masiguro ko lang na maayos ka at naaalala pa ako ay panatag na ako.
Kinahapunan lang din ay pinayagan ka naman ng lumabas ng doctor mo, ang sabi sa akin ni Klent na siyang kasama mo na nagpuntang hospital ay kumirot daw ng matindi ang ulo mo kanina na kahit anong ointment at gamot ay wala ng epekto.
Hanggang sa mga oras na ito ay araw mo pa ring buksan ang usapin tungkol sa lagay mo sa akin. Kung hindi ko pa kinulit si Klint ay paniguradong wala akong malalaman. Iyon nga lang, hanggang sa makarating tayo sa bahay ay tikom ang bibig ko kahit gustong-gusto ko ng ipaalam kay Lola Solidad ang lagay mo, ngunit sadyang mas malaki ang takot ko na hindi mo ako pansinin oras na sabihin ko kay Lola ang sitwasyon mo, isa pa, baka atakihin pala sa puso si Lola kaya huwag na lang talaga.
"HUWAG MONG ubusin iyong gatas!" Bulyaw ni Klint kay Klent na sinundan pa niya ng pambabatok matapos halos ibuhos ni Klent iyong lata ng gatas sa champorado niya, lumulutang pa ang isip ko habang nakatitig sa iyo kaya hindi ko napansin iyong kalokohan ni Klent, kung ako lang ang nakapansin niyon ay tiyak na hindi lang batok ang aabutin ni Klent sa akin.
Napangiwi na lang ako bago sumandok ng panibagong mangkok ng champorado, bisperas ng pasko, alas nuebe na ng gabi pero champorado pa rin ang nilalantakan nating apat habang naririto tayo sa balkonahe ng bahay nila Klent. Umuwi ng Bulacan si Lola Solidad at nagpaiwan ka naman dito para makasama kami.
Inilabas nung kambal iyong TV at speakers nila kaya nagvivideoke lang tayo. Nag-a-aaya ng inom si Klent kanina pero dahil mabilis kayong tumutol ni Klint ay wala siyang nagawa kung hindi ang kainin na lang natin ang inihandang champorado ni Ate Yanna para sa ating lahat, may carbonara, graham, salad, keso de bola at palabok sa loob pero champorado pa lang ang pinapakain sa atin ni ate Yanna, mamayang noche buena na daw iyong iba, kung kailan busog na tayo sa Champorado!
Saglit akong napatigil sa pagsubo kasi nagtatalo na iyong kambal dahil lang sa gatas hanggang sa magsimula silang maghabulan paikot sa bahay nila, napafacepalm na lang ako. Damay iyong pagkain ko na nawalan ng gatas!
"Huy?!" Gulat na wika ko ng may bumubuhos ng gatas sa mangkok ko ng champorado. Inangat ko ang tingin ko sa iyo, may hawak kang isang lata ng gatas na hindi ko mawari kung saan mo nakuha. "Saan galing iyan?"
"Kay Klent." Simpleng ngiti mo bago ipagpatuloy ang pagpapaligo ng gatas sa champorado ko.
"Tama na iyan!" Saway ko sa iyo dahil plano mo talagang lunurin sa gatas na evaporada ang champorado ko!
Ngumisi ka bago mo ilapag sa lamesita ang lata ng gatas ngunit nakaiwas na ako ng tingin at tanging sa peripheral vision na lang kita nakikita. Kinginang ngisi iyan! At oo, pinagagalitan ko ang sarili ko. Kakalimutan mo na dapat ang nararamdaman mo kay Drayton hindi ba?! Kailan pa ba ako nagsimulang maapektuhan sa bawat kilos mo? Simpleng ngiti at ngisi mo lang halos humiwalay na ang kaluluwa ko mula sa katawan ko.
"Saan mo gustong magdate bukas?" Biglang tanong mo kaya napatingin ako sa iyo.
Lalo mo lang akong pinahihirapan!
Teka, anong date?!
Ilang ulit akong napakurap bago ituro ang sarili ko. "Ako ba ang tinatanong mo?"
"Mhmm." Tugon mo. Seryoso ka! Hindi mo ipinamukha pagiging lutang ko eh!
"B-bakit?" Ang hirap maging normal ngayon. Paano ba kumilos ng normal?! Ayain daw ba naman ako ng date ng taong gusto ko?!
"What do you mean bakit? Pasko na bukas. Aalis sila Klint para bisitahin ang relatives nila sa Montalban bukas, obviously tayong dalawa ang maiiwan dito. Alam mo naman na naging tradition na nating dalawa na i-celebrate lahat ng okasyon ng magkasama."
H-hotdog! Lumalabas pagiging assumera ko, dapat ko na talagang itigil anuman ang nararamdaman ko.
"A-ah... h-hindi pa natin natutuloy iyong dapat na marathon natin noong y-year party..." Shuta! Bakit nauutal ako?! "Kailan kong tipirin iyong budget na iniwan sa akin ni Mama, manood na lang tayo maghapon bukas."
"Ayaw mo manood sa mall? Kahit libre ko iyong movie tickets?"
Gusto mong manood tayo ng cine? Tayong dalawa lang?! Gusto kong umoo pero kailangan ko talagang ayusin ang mindset ko, hindi ako pupwedeng pumayag kaya mabilis akong tumanggi. Best friend kita, hanggang doon lang iyon. Hanggang doon lang dapat iyon.
"Fine, fine. Ako na sa snacks, ikaw ng bahala sa papanoorin natin, siguruhin mo lang na manonood ka at hindi mo ako tutulugan."
"Tss! Hindi ako matutulog ano! Ako na pipili ng papanoorin natin, ang boring kasi ng genre mo kaya inaantok ako! Christmas theme panoorin natin bukas, iyong mga bata ang bida na i-se-save ang Christmas kasi nawawala na iyong diwa ng pasko!"
Laglag ang panga mo dahil sa sinabi ko ngunit ngumiti lang ako ng pagkalapad-lapad bago magtaas baba ang mga kilay ko. "Sino ang pangit ang taste ngayon?"
"Aba, kung pangit ang taste ko, ibig sabihin lang 'nun ay pangit ka rin." Saad ko pero pasimple akong napaiwas ng tingin sabay kagat sa pang-ibabang labi ko, hindi ko kasi dapat sinabi iyon!
"Wow ah! Ako pa talaga ang pangit ngayon? Pinag-aagawan nga ako ng mga babae sa school."
Para namang wala akong ideya tungkol doon! "Tch! May budget ka pa, hindi ba? Regaluhan mo silang lahat ng salamin tutal pasko naman, ako na ang aalam ng grado ng mga nata nila para sa iyo!"
"Eh ikaw ba?"
"Anong ako?! Hoy!" Lakas loob kitang hinarap para lang maisalba ang sarili ko. "Tingin mo ba magkakagusto ako sa iyo?! Lakas mo namang magbuhat ng bangko."
"Hindi naman iyon ang tinatanong ko. Alam na alam mo iyong dark side ko kaya hindi ka pwedeng magkagusto sa akin, iyong tinatanong ko ay kung may nagugustuhan ka ba ngayon."
Sunod-sunod akong napalunok ngayon. Tangina mo naman. Ako pa talaga tatanungin mo kung sino ang nagugustuhan ko?! Hindi ko tuloy alam kung maasar ako sa iyo o ano eh. Sabagay, kahit naman magparamdam pa ako sa iyo na gusto kita ay paniguradong iisipin mo na ginagawa ko lang lahat ng iyon dahil nga kaibigan kita.
Ekis sa friends to lovers trope!
"Meron. Normal lang sa edad natin 'to kaya huwag mo akong maasar-asar na alien ako, okay?!" Dumidepensang pahayag ko pero nginitian mo lang ako na para bang alam na alam mo na iyon ang isasagot ko.
Napatitig ako ng hindi oras sa mga labi mo, ngayon ko lang naalala na itong mga labi ko ay minsan ng dumampi sa mapupula mong labi. Sana lang talaga ay hindi mo na naaalala iyon! Kasi kung naaalala mo man iisipin mo na ang tindi ng pagiging hopeless romantic ko para kuhain ko ang first kiss ko mula sa iyo.
"Iyong tao bang nagugustuhan mo, gusto ka rin?" Tanong mo at saka ka uminom ng tubig.
Ano bang dapat kong isagot? Sabagay, hindi lang naman ang sagot, bakit nga ba nag-iisip pa ako o umaasa ako na baka posibleng oo ang sagot. "Hindi."
Bahagyang kumunot ang noo mo dahil sa itinugon ko, ibinaba mo ang basong hawak mo bago mo ayusin ang pagkakaupo mo. "Paano mo nalamang hindi? Umamin ka na ba?"
"Wala akong plano umamin, nararamdaman ko lang talaga na hindi ako iyong tipo ng babae na gugustuhin niya."
"Monday," naramdaman ko ang malalim mong pagbuntong hininga bago mo ipatong ang braso mo sa noo mo. "Hindi ko alam kung paano ko i-e-explain ito, hindi ko rin maisip iyong tamang word na dapat kong gamitin, pero gusto kong malaman mo..." bahagya mong ibinaba ang tingin mo sa akin. "...na hindi ko hahayaan ang sinomang lalaki na lalapit sa iyo na paglaruan ka, kasi ganoon ka ka-espesyal, iyon lang, hindi ko pa rin talaga maisip iyong tamang term para i-describe ko kung gaano kaimportante. Priceless...? Ugh! Who knows?"
Bahagya na lang akong natawa dahil hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon ko. Gusto ko ng kiligin pero alam ko namang sinasabi mo lang iyan bilang kaibigan ko.
"Kung makakaboyfriend ka man, siguraduhin mo na ipakikilala mo sa amin nina Klint at Klent." Dagdag mo pa kaya napangiti na lang ako. "Gusto kong masiguro na mapupunta ka sa tamang tao Monday. Bago ang kasiyahan ko ay higit na mas mahalaga ang sa iyo, huwag mong kakalimutan iyon, huwag mo rin sanang kakalimutan na lumingon kung saan nagsimula ang lahat."
Dahil sa mga binitawan mong salita ng gabing iyon ay mas naging malinaw sa akin na hanggang magkaibigan lang talaga tayo. Wala na akong dapat pang hintayin o asahan. Tama na iyong makuntento ako na kasama na ulit kita ngayon, na bumalik ka na sa akin.
Dahil hindi ko alam kung ano pa ang patutunguhan ko sa oras na mawala ka sa akin.
Kayong tatlo na lang nina Klint at Klent ang mayroon ako ngayon, paano pa kapag nawala kayo? Si Mama hindi ko alam kung may plano pa siyang balikan ako dahilan simula ng makalapag siya sa Italy at kumustahin ko ay hindi man lang siya nag-abalang reply-an ako samantalang ang dami niyang post na mga kuha mula sa Italy habang si Papa naman hanggang ngayon ay wala na akong balita pero kanina lang ay nakita kong may post siya ng family picture na kasama sina Izele.
Alam ko namang bunga lang ako ng pagkakamali pero may karapatan pa rin naman akong masaktan hindi ba?
KINABUKASAN, araw ng pasko. Tinanghali na ako ng gising pero naabutan na lang kita na nasa salas, mag-isang kumakain ng coffee jelly. Naknang! Saan galing iyong coffee jelly?! Kaagad akong tumabi sa iyo bago agawin ang hawak mong coffee jelly at makisubo.
"Ano? May galit ka dahil inagaw ko coffee jelly mo?" Ngiwi ko.
"Kagigising mo lang 'di ba?" Tanong mo at mukhang galit ka nga. "Nagtoothbrush ka na ba? Naninigas na iyang laway sa gilid ng labi mo oh!"
Umikot na lang sa ere ang mga mata ko bago mapahawak sa gilid ng labi ko. Langya! Napasarap tulog ko! Dali-dali tuloy akong napatakbo papunta sa banyo para linisan ang sarili ko. Hindi naman ako na-co-conscious, medyo lang, mga fifty percent lang at iyong fifty percent ng consciousness na nararamdaman ko ay dahil iyon ang alter ego ko na inlababo sa iyo!
"Nasaan na iyong akin?" Ngawa ko matapos kong malinis ang sarili ko.
"Ang aga-aga pa coffee jelly agad lalantakan mo?! Nagluto ako ng ham, nasa lamesa. Mag-almusal ka muna---tanghali na pala! Napaka-antukin mo talaga kahit kailan!"
"Nginang 'to. Wala atang araw na hindi mo sinasampal sa akin iyong pagiging antukin ko eh!" Padabog akong pumunta ng kusina para kuhain ang pagkain ko at dalhin iyon sa sala para tabihan kang kumain. "Ikaw ba? Kumain ka na?"
"Mhmm..."
"Umalis na ba sila Klent? Hindi ko pa pala nababati ng Merry Christmas iyong kumag na iyon."
"Madaling araw pa ata sila umalis." Simpleng sagot mo kaya napangiwi ako bago sumilip sa cellphone mo dahil hindi mo man lang inaangat ang tingin mo sa akin kakatipa mo.
"Sino ba iyang ka-chat mo?"
"Huh? Ano... nangangamusta kasi si Trizia."
"Bakit mas mahalaga pa ba si Trizia sa akin?" At sa mga oras na iyon ay hindi ko alam kung paano ko babawiin ang mga salitang lumabas mula sa akin, naninigbuho ako. Nagseselos ako ng sobra kahit hindi naman dapat. Hindi ko gusto itong nararamdaman ko pero hindi ko mapigilan.
Maling-mali ang binitawan kong salita, gusto kong bawiin ngunit sumisigaw ang kabilang parte ng sarili ko na huwag kong bawiin anuman ang sinabi ko ngayon.
Alam ko naman na may pagkatoxic ang ugali ko pero hindi ganito kalala. Hindi ko maintindihan kung bakit nagkakaganito ako, kaibigan mo lang ako eh, wala akong karapatan na diktahan kung anuman ang nararamdaman mo.
Mabilis akong umiwas ng tingin bago kuhain ang isang basong tubig at diretso iyong inumin. Kita ko sa peripheral vision ko kung paano mo kaagad na ibinaba ang cellphone mo at tahimik na tinitignan ako.
Kumalma ka Monday! Kasi kung hindi ako kakalma ngayon baka masabi ko ang mga bagay na tiyak na pagsisisihan ko.
"Ayos ka lang?" Narinig kong tanong mo subalit kahit ang simpleng pagsagot lang ng oo o kaya naman pagtango ay pahirapan pa para sa akin.
Sa isang iglap ay nagtayo ako ng napakalaking pader sa pagitan nating dalawa. Paskong-pasko. Magkasama man tayo buong maghapon habang tumatawa sa pinapanood natin at kumakain ng ice cream at coffee jelly ay hindi naman tayo nag-iimikan. Sa tuwing nagsasalubong ang mga mata natin ay nag-uunahan tayong umiwas ng tingin sa isa't isa.
Alam kong gusto mo akong kausapin ngunit ako ang umiiwas. Dahil isang pagkakamali pa ay tiyak na mawawala ka sa akin.
"Hindi mo pa napapanood iyong Enola Holmes hindi ba?" Tanong mo sa akin bago mo kuhain ang remote, tango lang ang itinugon ko at walang sali-salita na tumayo papuntang kusina para kuhain ang popcorn na inihanda ko. "Bakit ayaw mo akong kausapin Monday?" Sa huli ay ikaw itong hindi nakatiis na magtanong sa akin.
Akala ko ay kumalma na ako ngunit ito na naman iyong sarili ko na gusto at nagtatangkang umamin sa iyo.
Pero mas lalalim lang itong nararamdaman ko kung hindi ako magsasabi hindi ba? Ang tanong handa ba ako sa rejection mo? Iyon nga lang, lalo akong hindi makakamove on kung hindi ako aamin sa iyo at hindi mo isasampal iyong rejection sa akin. "Naiinis ako, okay?" Diretsong wika ko. "Hindi ko naman kasi dapat na nararamdaman ito pero tangina---" naikuyom ko na lang ang mga kamao ko, sasabihin ko na sana ang kaso hindi ko magawang sabihin!
Sinasalubong mo ang mga tingin ko ngunit pakiramdam ko ay ang bigat-bigat ng tingin na ipinupukol mo sa akin kaya pinili kong umiwas ng tingin sa iyo.
"May gusto ka sa akin." Nadinig kong sabi mo kaya mabilis na bumalik ang tingin ko sa iyo. Sinabi mo iyon. Sinabi mo ng tuwid at hindi man lang isang tanong.
Itanggi mo, Monday! Please, itanggi mo! Pero hindi ko kaya!
"Kailan pa?" Tanong mo pa.
Naninikip ng sobra ang dibdib ko sa takot ngayon, nahihirapan akong mag-isip at hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Kailangan ko lang na maging honest hindi ba? Pero paano? "Hindi ko alam, hindi ko rin planong alamin!" Sambit ko at wala akong ideya kung tama ba na iyon ang isinagot ko o mas tamang sabihin na mali ang naging sagot ko dahil wala ka ng sinabi pa.
Nagpanggap ka na wala kang narinig at diretso mo ng ibinaling sa TV iyong paningin mo. Rejection iyon hindi ba? Rejected ako hindi ba?! Nagbilang pa ako ng ilang segundo, umaasa na muli kang lilingon sa akin at sasabihin na ayos lang kasi pareho naman tayo ng nararamdaman ngunit hindi ka lumingon. Inabot mo lang iyong mangkok ng coffee jelly at kinain iyon na para bang wala lang iyong sinabi ko!
Ngayon, naninikip na ang dibdib ko dahil nasasaktan ako kaya tumakbo ako paakyat sa kwarto ko at doon nagtago, diretso akong tumalon sa kama ko at nagtago sa ilalim ng kumot ko bago ko ibuhos lahat ng iyak ko roon.
Akala ko tanggap ko na! Wala rin naman akong ibang inaasahan hindi ba? Kaya bakit ako nasasaktan ng ganito? Bakit umiiyak na naman ako dahil sa iyo?
Imposibleng hindi mo alam na umiiyak ako ngayon kaya bakit hindi ka pa umaakyat dito sa second floor para katukin ang kwarto ko at tanungin ako kung kumusta ang lagay ko!
Ano ba itong ginawa mo sa akin Drayton?!
Mula ng mangyari ang tagpong iyon ay hindi na kita nakausap pa. Bumibisita ka pa sa bahay pero hindi mo na itinatanong kung kumusta ako, nagluluto ka lang ng pagkain para sa akin pero hindi naman din ako kumakain, wala akong kagana-ganang kumain, isa hanggang dalawang kutsara lang ang nakakain ko. Kahit anong pilit ko sa sarili ko na kumain ay wala namang nangyayari.
Ilang araw na ring hindi maayos ang tulog ko, kakatulog ko lang pero makaraan lang ang ilang minuto ay magigising din agad ako at matutulala na lang ulit sa kawalan.
Tinawagan at chinat ko na rin ng paulit-ulit si Klent, kailangan ko ng makakausap ngayon. Iyon nga lang ay pahirapan ang signal kung nasaan siya at hindi rin naman niya agad magawang umuwi dito para lang i-comfort ako.
Sino ba kasi sa ibang personalities ko ang bumulong sa akin na mag-confess ako ng hindi hinahanda ang sarili ko sa rejection?
Ano ng gagawin ko ngayon? Ano ng gagawin natin? Hanggang sa bisperas ng bagong taon ay hindi tayo magpapansinan?
December 28, kakababa ko lang ng sala, iyon lang ata ang araw na bumaba ako ng sala dahil simula ng umakyat ako sa kwarto ng araw na iyon ay hindi na ako muling bumaba pa, wala akong maayos na kain, wala akong maayos na tulog at hanggang ngayon ay wala akong ligo, iyong mga mata ko animo'y kinagat ng ipis.
"Kumain ka na." Bungad mo sa akin pagkababa ko.
Napatitig lang ako sa iyo, bagong ligo ka, amoy na amoy ko rin iyong nakakahalina mong pabango. Paano mo nagagawnag kumilos ng normal?! Ni wala ka talagang plano na i-console ako kahit bilang best friend mo?!
"Sinabihan mo na nga pala ako noon na hindi mo matatanggap iyong nararamdaman ko ano?" Natatawang sabi ko bago katukin ang ulo ko. Tangina, naiiyak na naman ako! "Pasensya na ah, umiral katangahan ko eh." Kingina! Napakaiyakin ko talaga kahit kailan! Bumuhos na naman ang luha ko kaya tumakbo ulit ako paakyat sa kwarto ko.
Pagod na akong umiyak, ano ba?!
Magang-maga na iyong mata ko, hindi lang puso ko nahihirapan eh, pisikal na katawan ko mismo apektado na, ayaw ko na nito. Sobrang saya sa pakiramdam nung ma-in love, ang kaso sobrang sakit pala oras na hindi masuklian.
Ayaw ko na talaga nitong nararamdaman ko. Ang sakit-sakit na.
Narinig kong kumatok ka sa pintuan ko makalipas ang tatlong araw at itong taksil kong puso na nasasaktan na daw ay umasa, umasa na sasabihin mo na rin sa akin sa wakas na nagkamali lang ako ng akala sa tugon mo, na nagulat ka lang pero hindi.
Ikaw na ang nagbukas ng pintuan ng hindi kita pinagbuksan, saglit mo lang akong tinapunan ng tingin bago mo ilapag sa gilid ang mangkok na naglalaman ng yelo.
"Idampi mo sa mga mata mo ito para mabawasan iyong pananakit." Wika mo at isinarado na iyong pintuan.
"Uubra ba iyong yelo para sa puso ko?!" Tanong ko sa kawalan dahil alam kong bumaba ka na para ipagpatuloy kung anuman ang pinagkakaabahalan mo, malamang sa mga oras na ito ay ka-chat mo si Trizia.
Iniisip ko pa lang na baka matagal na kayong nay relasyon at hindi mo lang masabi sa akin ay mas lalo lang na kumikirot itong gago kong puso. Bakit ba kasi sarili ko mismo ang nagtataksil sa akin?
Napatitig lang ako sa mangkok ng yelo at hindi man lang nag-abalang kuhain ang mga iyon, kahit naman maibsan ang pamamaga ng mga mata ko ay hindi ko alam kung kailan ako titigil kakaiyak. Kasi kahit hindi ko aminin sa sarili ko ay mayroong parte ko na umasa na tatanggapin mo itong nararamdaman ko pero nagkamali ako.
Hinang-hina akong napatingin sa cellphone ko na nagriring, hindi ko alam kung dapat ko bang sagutin ang tawag na iyon o hindi ngunit sa pagkakaalala ko ay si Klent lang ang tanging mag-aabala na tawagan ako sa mga oras na ito.
Kailangan ko ng makakausap, kailangan ko ng mapagsasabihan ng nararamdaman ko ngayon kaya kahit wala akong gana kumilos at kahit nanghihina ako ay inabot ko pa rin ang cellphone ko. Tama nga ako, si Klent ang tumatawag.
"K-Klent..." hindi ko siya naririnig na nagsasalita mula sa kabilang linya, naiintindihan ko naman na siya mismo ay hindi alam ang sasabihin sa akin kaya hinahayaan na lang niya ako na ilabas ng ilabas lahat ng hinaing ko sa kanya. "D-dinalhan niya ako ng yelo, para sa mata ko. Eh anong gagawin ko sa puso ko? H-hindi m-mawawala itong pamamaga ng mga mata ko h-hanggang hindi ko nagagawang makamove on, ang kaso hindi ko alam kung paano ako makakamove on, g-gusto ko ng makalimutan iyong nararamdaman ko, ayaw ko na nito!
Anong gagawin ko? Ayaw ko ng masaktan. Kahit anong pilit ko sa sarili ko na k-kumilos ay hindi ko magawa. Saka hindi ko maintindihan, bakit nagagawa n-niyang kumilos ng normal na para bang wala lang sa kanya iyong n-nararamdaman ko? Klent, kaibigan ko pa rin naman si D-Drayton hindi ba? D-Dapat kahit papaano ay n-naiintindihan niya iyong sitwasyon ko, a-ang k-kaso parang wala lang sa kanya lahat. Ni hindi nga niya kinakamusta iyong lagay ko, paano kung magbigti na lang ako dito sa kwarto ko wala pa rin sa kanya?!
Iyong i-reject niya ako ay kahit p-papaano ay tanggap ko pa, kasi hindi ko naman mapipilit iyong nararamdaman ko ang kaso iyong ipamukha niya sa akin na gusto niya si Trizia ang hindi ko kaya." Marahas kong napunasan ang mga mata ko dahil nag-uunahan na naman ang luha ko sa pagtulo. "Hindi ko naman pwedeng diktahan iyong nararamdaman niya ang kaso ang hirap talagang tanggapin na may iba siyang gusto samantalang kakatapos ko lang aminin sa kanya iyong nararamdaman ko! Napakagago niya kahit kailan Klent, pero anong ginagawa ko? Paulit-ulit akong nagpapagago sa kanya. Tangina kasi, nagtataksil din itong puso ko sa akin eh, ayaw ko lang aminin sa sarili ko pero kahit anong pilit ko na kamuhian siya ay hindi ko magawa!" Dala ng frustrations ko ay nasipa ko lahat ng bagay na malapit sa akin ngunit hindi pa rin gumagaan kung ano man itong nararamdaman ko ngayon. "Klent, pasensya na, ah? Alam kong halos paulit-ulit na lang iyong sinasabi ko..."
["Wala akong gusto kay Trizia, wala ring kami."]
Nanlalabo na ata ang pandinig ko, bahagya kong ibinaba ang cellphone ko at timignan ang pangalan na nasa screen, pangalan naman ni Klent ang naroroon pero bakit boses mo ang narinig ko? Nahihibang na ba talaga ako?
Naibato ko na lang sa kabilang bahagi ng kama ko ang cellphone ko at idinukdok ang mukha ko sa unan ko, narinig ko ang pagbukas ng pintuan ng kwarto ko, iyon, alam kong ikaw na iyon pero bahala ka diyan. Hindi kita haharapin hangga't hindi ako nakakamove on sa iyo.
"Monday," pero boses ni Klent ang naririnig ko ngayon.
Nilayuan ko ang unan ko bago iangat ang tingin ko at nang makita kong si Klent nga ang naririto ay hindi ko nagdalawang isip na yumakap ng napakahigpit sa kanya kahit na ilang araw na akong walang ligo.
"H-hindi ko na kaya..."
"Hindi mo mapipilit iyong sarili mo na magmove on kaagad. Hindi mo kailangang ipilit iyon." Marahang hinahagod ni Klent ang likuran ko kaya lalo lang akong naiyak at ibinuhos lahat ng nararamdaman ko sa kanya.
Wala na akong sinabi pa, iniyak ko na lang lahat kay Klent hanggang sa tuluyan akong makatulog at nang magising ako ay wala na ako sa sarili kong kwarto ko, iba na rin ang damit na suot ko, hindi na rin masyadong nanlalagkit ang buhok ko.
Salubong ang mga kilay ko ng lumabas ako ng kwartong iyon, sa pagkakatanda ko ay kwarto iyon ni Ate Yanna. Posibleng dinala ako ni Klent dito sa bahay nila ng makatulog ako at si ate Yanna ang nag-ayos sa akin.
"Monday, mabuti naman at gising ka na, kumain ka na muna dito."
Tama nga ako, nandito nga ako sa bahay nila Klent. Alanganin akong napatango kay Ate Yanna ng maabutan ko siyang nasa kusina at naghahanda pa lang ng pagkain. Tatanggi sana ako ngunit matindi na ang pagkalam ng sikmura ko, kung ganito ako kagutom ay baka makakain na ako ng maayos ngunit ng pakiramdaman ko ang sarili ko ay wala pa rin talaga akong gana na kumain.
"May pinuntahan lang sila Klent at Klint, sila Mama naman nasa Montalban pa." Paliwanag sa akin ni Ate Yanna ng mapansin niyang hinahanap ko sila Klent. Naupo na lang ako sa katapat kong upuan at sasandukan ko na sana ang sarili ko ngunit naabutan na ako ni Ate Yanna ng plato na may isang sandok ng kanin at sabaw ng adobo. "Kailangan mong kumain, Monday. Maraming bagay ang hindi natin pupwedeng ipilit pero ang pagkain, kailangan ng katawan natin, kaya kahit hindi mo kaya ay dapat mong pilitin ang sarili mo na kumain..." Bahagyang ngumiti sa akin si Ate Yanna.
May laman iyong pananalita niya, ramdam ko na may gusto siyang iparating sa akin at gusto ko siyang awayin dahil doon. Duda ako na wala siyang alam ngunit malinaw sa akin na kulang ang nalalaman niya sa sitwasyon ko.
Hindi ako nasasaktan ngayon dahil sa hindi mo kayang suklian o ibalik iyong nararamdaman ko. Nasasaktan ako ngayon dahil umaarte ka na ayos lang lahat, balewala sa iyo kung anuman ang siyang nararamdaman ko at iyon ang pinakamasakit sa lahat para sa akin.
Sa huli ay pinili kong takpan na lang ang tainga ko, hindi ko nga naman talaga dapat pilitin lahat ng tao sa paligid ko na maintindihan kung ano ang nararamdaman ko ngayon. Dahil walang sinoman ang makakaintindi sa nararamdaman ko hangga't hindi sila napupunta sa posisyon kung nasaan ako ngayon.
"Lunes ko!" Sambit ni Klent pagkadating niya, patakbo pa siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Kung nasa tamang huwistyo lang ako ay tiyak na natulak ko na siya palayo at nginiwian subalit hinayaan ko lang siya ngayon. "Bilisan mong kumain, may dala akong ice cream at french fries, gala din tayo. Libre ko na ticket mo sa Skyranch."
"Tinatamad ako."
"Kahit libre ko ang ticket?"
"Kahit libre mo ang ticket."
Kahit hindi ko lingunin si Klent ay alam kong ngumiwi siya dahil sa pagtanggi ko sa pag-aya niya sa akin, alam ko naman na sinusubukan lang niyang pagaanin ang loob ko ngunit hindi iyon nakakatulong ngayon kahit na anong subok niya o sadyang ayaw ko lang kalabanin ang sarili ko na sumubok katunggaliin ang mga agam-agam ko.
"Tch! Bakit hindi ka man lang nagsabi na bibili ka ng sundae?" Tila ba napantig ang tainga ko matapos kong marinig ang boses mo, napako ako sa kinatatayuan ko at hindi ko alam kung iaangat ko ang tingin ko sa iyo o pilit na lang akong iiwas ng tingin.
Ngunit ganoon na lang ang paglunok ko ng sunod-sunod matapos mong kumuha ng french fries mula sa bitbit na pagkain ni Klent na inilapag niya sa harapan ko, ayan tuloy, ang lapit-lapit mo lang sa akin ngayon at ito na naman iyong kagagahan ko, umaasa na baka sakaling kausapin mo ako kahit papaano. Ni hindi mo nga ako nagawang batiin noong Pasko ng Merry Christmas!
"G×go, kay Monday iyan." Dinig kong saway ni Klent sa iyo ngunit kumuha ka pa rin ng tatlong fries at sinawsaw iyon sa ice cream bago mo ibaba ang tingin mo sa akin na siyang ikinagulat ko.
Pakiramdam ko ay lumundag ang puso ko dahil sa pagbaba mo ng tingin sa akin sabay ngiti at "Thank you,"
Hindi naman ako umimik, nagsalin lang ako ng tubig sa baso at diretso iyong ininom dahil tapos na akong kumain.
Anong tingin mo? Okay na lahat matapos kong magkulong sa kwarto ko ng tatlong araw? Tingin mo makakamove on agad ako? Samantalang itong puso ko lumulundag pa sa tuwa isang ngiti mo lang.
"Ano bang ginagawa mo dito? Nanggugulo ka lang dito, bakit hindi mo na lang puntahan iyong jowa mo at siya ang guluhin mo doon?" Narinig kong tanong ni Klent sa iyo ng magsimula akong lantakan iyong binili niyang fries at ice cream para sa akin, ayaw ko sanang kainin kaso natukso ako sa amoy ng french fries.
Hindi ko alam kung sarcasm ba iyong binitawang tanong ni Klent subalit naghihintay ako kung anuman ang siyang itutugon mo; hinihintay ko ang palasong makakapanakit sa akin at hindi ang palaso ni Kupido na siyang lalong magpapahulog sa akin sa iyo.
"Mhmm? What do you mean jowa?"
"Si Trizia."
"G×go, bakit ako magkakagusto kay Trizia?!" Sambit mo na para bang anumang oras ay masasaktan mo na si Klent dahil tila ba sinabi niya ang pinakawalang kwentang bagay sa lahat. "Kaibigan ko lang iyon."
"Pero may babae kang nagugustuhan?" Boses iyon ni Klint na kararating lang din.
Ipinagpatuloy ako ang pagkain at nagpanggap na walang naririnig kahit malinaw ko namang naririnig ang lahat dahil ang lapit-lapit niyo lang sa akin. Umangat ang tingin ko kay Klint na nasa kaliwa ko ngayon at inilapag ang isang supot. Sinenyasan niya ako na para sa akin iyon, nagtataka man at naguguluhan ay binuksan ko pa rin ang laman ng supot, tatlong naglalakihang bote ng Delights!
Kumikinang ang mga mata ko na tumingin kay Klint bilang pasasalamat, iyon lang, kahit laklakin ko agad ang mga iyon ay paniguradong sa banyo ako tatambay hanggang bagong taon. Hindi ganoon kalapit si Klint sa akin kaya hindi ko inaasahan itong ibinili niya para lang gumaan ang pakiramdam ko.
"Hindi ko alam." Sagot mo dahilan upang mapatingin kaming lahat sa iyo, pati si Ate Yanna na busy sa pag-s-scroll sa Social Media account niya ay napalingon sa iyo.
Nagpapanggap dapat akong walang alam pero iyong sagot mo nagawa akong utusan na tapunan ka ng tingin at hindi ko naman inaasahang nakatingin ka rin pala sa akin, kung paano tayo magpaunahang tumakbo sa base kapag nagtataguan tayo noong mga bata pa tayo ay ganoon din tayo nagpaunahan sa pag-iwas ng tingin.
Matindi ang pagkawindang na naramdaman ko dahil sa tingin mo. Hindi mo naman ako kailangang tignan ng ganoon lalo na at ang tindi ng epekto ng mga tingin mo sa akin.
"Wala ka namang gusto kay Monday, hindi ba?" Paniniguro ni Klint sa iyo.
Mayroong laman iyong sinasabi ni Klint, nakukuha ko kung ano ang tinutukoy niya ngunit ko kayang tanggapin. Sinilip ko si Klent na nasa tabi mo, nasa kaliwa ko si Klint, gusto ko siyang angatan ng tingin pero hindi ko magawa, naiiling at hindi makapaniwalang nakatingin sa akin si Klent, maging siya ay walang ideya kung ano ang tumatakbo sa isip ni Klint ngayon.
Ngunit may gusto akong malaman, anong sagot mo sa tanong ni Klint?
Alam kong nakatingin ka na sa akin ngayon ngunit nananatili ako nakatingin kay Klent habang marahan kong nginunguya ang french fries na kanina pa nasa bibig ko. Si Klent mismo ay hindi alam kung hihilahin ba ako palayo sa pagitan ninyo ng kakambal niya o hindi.
Nananatili kang nakatingin sa akin habang patuloy ako sa pag-iwas ng tingin sa iyo, wala pa rin kaming natatanggap na sagot mula sa iyo ng magsalita si Klint at ang sunod niyang sinabi ang dahilan kung bakit hindi ko na malunok ang fries na nasa bibig ko ngayon.
"Kung wala kang gusto kay Monday ayos lang naman sa iyo na ligawan ko siya hindi ba?"
Gulat ang siyang nakapaskil sa mukha ng bawat isa, lalong-lalo na ako. Hindi ko alam kung seryoso ba si Klint sa sinasabi niya o talagang may gusto lang siyang iparating na hindi ko matukoy kung ano.
Ngunit higit pa lang nakakagimbal ang mga salitang bibitawan mo kung saan hiniling ko na lang sana na nabingi ako ng mga oras na iyon.
"Kung ikaw lang din naman ang manliligaw kay Monday bakit pa kita pipigilan?" Kumikirot ang puso ko ngayon, Drayton! Tangina mo naman. Kung i-re-reject mo ako, i-reject mo na, hindi iyong kailangan mo pa akong saktan ng ganito, ipinamimigay mo pa talaga ako. Doon ko lang nalunok ang fries na nasa bibig ko ng ipatong mo ang kamay mo sa ulo ko at bahagyang ginulo ang buhok ko. "Alam ko namang matagal ka ng may gusto kay Monday at malinaw kong naiintindihan na nasa tamang tao ang best friend ko."
Sa huli pala ay best friend lang talaga ang tingin mo sa akin.
Wala akong dapat na sisihin sa anumang nangyari, kasalanan ko naman lahat ito. Nilagpasan ko ang linyang pumapagitna sa atin samantalang hindi ko naman dapat ginawa iyon.
Ako ang may mali dito, sino ba ang nagsabing hayaan ko ang sarili ko na ma-in-love sa iyo?
Pero talaga bang may gusto sa akin si Klint?!
Lumipas pa ang ilang araw, tila ba naging normal na lang ang lahat o mas tamang sabihin na itinago ko sa sarili ko lahat ng sakit na nararamdaman ko dahil ayaw ko ng maapektuhan at maabala pa ang mga taong nasa paligid ko.
Ayaw kong magdala ng negatibong bagay sa pagsapit ng bagong taon. Tama naman na iyong itago ko sa sarili ko ang lahat.
Matapos ang araw na iyon ay hindi naman din basta-basta lumapit sa akin si Klint para manligaw. Wala talaga akong ideya kung seryoso ba siya o hindi dahil kahit tanungin ko si Klent ay wala naman siyang maibigay na sagot sa akin patungkol sa kakambal niya.
Paano kung may gusto nga talaga si Klint sa akin at binibigyan lang muna niya ako ng oras ngayon?
Si Klint iyong tipo ng tao na gagawin lahat para lang protektahan ang mga taong nasa paligid niya. Minsan ko siyang nakausap noon matapos iyong insidente sa pagitan natin nila Marc, humingi siya sa akin ng tawad lalo na at hindi naman daw niya intensyon na saktan ako, iyon lang talaga ang naiisip niyang paraan para palayuin ako sa iyo. Hindi niya mabago ang isip mo noon sa mga kagaguhan mo kaya ako na kang ang inilayo niya mula sa iyo, iyon nga lang ay sadyang pasaway ako tulad kung paano ako tumatakas kay Mama noon para lang makalaro kayo sa labas at ito ako ngayon, bitbit pa rin ang pagiging pasaway ko noon.
Nilinaw mo na nga na hindi mo matutugunan ang nararamdaman ko pero umaasa pa rin ako.
BISPERAS ng Bagong Taon, hindi na bumalik ng Montalban sina Klent, Klint at Ate Yanna subalit hindi pa rin umuuwi sila Auntie at Uncle kaya naman magkakasama tayong lima na sasalubong sa bagong taon.
"Patayin niyo nga muna iyang speakers!" Sigaw ni Ate Yanna doon sa kambal na nagtatalo na kung ano ang music na papatugtugin. Nagagalit si Ate kasi inuutusan niya iyong dalawa pero hindi sumusunod sa kanya, pati ikaw inuutusan ni Ate pero hindi ka rin nakikinig.
"Nandyan naman si Monday!" Sigaw pabalik ni Klent kay Ate Yanna kaya mabilis kong itinaas ang gitnang daliri ko sa kanya.
"Ah ganoon? Walang gagamit ng mga paputok at walang mag-iinom sa inyong dalawa mamaya ha!" Banta ni Ate Yanna sa kanilang dalawa kahit na nandito naman na ako sa kusina at tumutulong maghiwa ng mga rekado kay Ate Yanna.
Dahil sa sinabi ni Ate Yanna ay nagpaunahan pa silang tumakbo papunta dito sa kusina habang ikaw, hindi ko mahanap kung saan naroroon.
Umaarte nga tayo na normal lang ang lahat sa pagitan nating dalawa ay hindi naman tayo nagpapasinan, sa tuwing magkakasalubong tayo ay ni isa sa atin ay walang umiimik.
Gusto ko ng matapos itong hindi natin pagpapansinan kaya lilinawin ko sayo lahat bago matapos ang taong ito.
"Takteng tugtugan iyan, Klint! Pangit ng music taste mo!" Inaaway na naman ni Klent si Klint matapos naming maayos ang mga pagkain para sa media noche, doon lang din kita nakita na kakarating lang, galing kang labas, gusto kong magtanong kung anong ginawa mo doon subalit hindi ko alam kung paano ako magtatanong.
Kung kakausapin kita, saan nga ba dapat ako magsimula? Ano ang una kong dapat na sabihin? Paano ko masisiguro na hindi mo ako iiwasan oras na lapitan kita at sabihin ko na mayroon tayong dapat na pag-usapan?
Bahala na. Anuman ang mangyari, pilit mo man ulit akong iwasan ay kakausapin pa rin kita at oras na malinaw mong masabi sa akin ang lahat ay doon na ako titigil.
Mag-a-alas dose na ng madaling araw noong tinignan ko ang oras, wala ng katitigil si Klent sa pagkanta sa videoke, magbabagong taon pero pangbroken ang kinakanta ni Kumag, mas broken pa ata siya sa akin, hindi ko tuloy alam kung totoo bang broken siya, trip lang o para sa akin iyong mga kinakanta niya! Si Ate Yanna kasama si Klint na inaayos iyong mga kuwitis, fountain at iba pang pampaingay mamaya.
Habang ikaw, naroroon sa balkonahe at tahimik na kumakain ng barbeque.
Kumuha ako ng dalawang platito ng graham cake sa refrigerator, isa sa akin at isa iyo. Nang madaanan ko si Klent ay kinalabit ko pa siya sabay sabing "Pahingi ng goodluck."
"Goodluck, Lunes ko!" Sambit naman niya nang hindi man lang ibinababa ang microphone!
Natampal ko na lang ang sarili kong noo. Sunod-sunod ang paghinga ko ng malalim habang naglalakad ako papalapit sa iyo.
Dapat kong gawin ito ng matino!
"Drayton," tawag ko sa iyo at ikaw mismo ay nagulat dahil sa paglapit ko. Kingina, nanginginig ako sa kaba! Dumagdag pa iyong malamig na simoy ng hangin, may kaingayan ang paligid dahil gising na gising ang bawat kabahayan subalit higit na malakas ang tibok ng puso ko na handa ng kumawala sa dibdib ko anumang oras. Napalunok ako sabay abot ng platito ng graham cake sa iyo. "Oh---w-wala pa akong nakuhang k-kutsara, w-wait lang!" Saad ko at natatarantang kumuha ng kutsara pabalik.
Ka-engotan mo Monday!
"Thanks." Ngiti mo pagkatanggap mo ng kutsara sa akin sabay subo ng graham habang ito ako tahimik at tulalang nakatitig sa graham na para sa akin.
Saan ba dapat ako magsimula?!Bumalik na lang kaya ako sa loob?!
"Ikaw ang gumawa nito, hindi ba?" Tanong mo at mabilis naman akong tumango. "Sa sobrang sarap ng graham mo imposibleng makalimutan ko lasa nito." Ngiti mo at napatango-tango naman ako.
"Sabihin mo lang kung gusto mo pa, kukuhaan kita sa loob. Ako na ang kukuha at baka bigla kang awayin ni ate Yanna hehe."
"Sure, basta isang Tupperware ibibigay mo sa akin."
"Tch! Bakit naman hindi? Huwag kang mag-alala, marami pa doon. Nasa limang Tupperware ata ang ginawa namin ni Ate Yanna."
"Psh! Tapos iyong dalawa o tatlong Tupperware ay iyo lang?"
"Bakit hindi? Ako naman ang gumawa niyon eh." Tinawanan mo lang ako bago mo ubusin ang natitirang graham sa platito mo, kinain ko na rin ang akin habang iniisip ko kung saan ko dapat sisimulan ang sasabihin ko.
"Naaalala mo pa ba iyong unang beses na nagcelebrate tayo ng Bagong Taon na magkasama?" Biglang tanong mo sa gitna ng pag-iisip ko kaya marahan akong napatango.
"Oo. Paano ko hindi makakalimutan eh g×go ka, bigla mo ba namang ibinato iyong pop pop sa akin noon?!"
"At kahit hindi ka naman talaga natamaan umiyak ka ng umiyak, mas malakas pa palahaw mo kaysa sa ingay ng mga paputok noon."
"Wow ah! Talaga lang?! Ano bang malay ko kung natamaan talaga ako noon?!"
"Psh! Para namang babatuhin talaga kita ng paputok. Ang bait-bait ko kaya noon! Ako pa itong nag-a-approach sa iyo at hindi ka nakakalimutang itakas sa inyo makapaglaro ka lang kasama namin kaya bakit kita basta-basta babatuhin ng paputok, hmm?!"
"Eh kung bumawi kaya ako sa iyo ngayon? Kumag na ito, mabait, kailan ka naging mabait huy?!"
"Araw-araw kaya." Ngisi mo kaya napalingon ako sayo, aawayin pa sana kita subalit natulala na ako ng mapagtanto ko na sobrang lapit ko sa iyo. Natutulog pa nga tayo ng magkatabi noon tapos ngayon ilag na ilag ako sa iyo?! Ako talaga ang may problema dito eh.
"Oo, araw-araw na masama ugali mo." Giit ko bago kuhain ang pinagkainan mo para medyo makaatras ako palayo sa iyo dahil nawiwindang na ako ng malala. Ano ba itong ginagawa ko? Dapat nagpapaliwanag na ako sa iyo eh, dapat nililinaw ko na ang dapat kong linawin. Huminga ako ng malalim bago kagatin ang pang-ibabang labi ko. "Sorry."
"Sorry."
Umangat ang tingin ko sa iyo dahil sa parehong salita na binanggit natin, maging ikaw ay gulat at puno ng pagtataka na nakatingin sa akin. May sasabihin ka pa sana subalit mabilis kitang inunahan. "G-gusto kong mag-sorry kasi hindi ko naman dapat nararamdaman ito. Magkaibigan tayo at dapat hindi ko nilagpasan iyong linyang pumapagitna sa atin eh, pero anong katangahan iyong ginawa ko?"
"Monday,"
"Pwede bang huwag mo ng ipamukha sa akin iyong katangahan ko?" Kagat-labing tanong ko habang nakakrus ang hintuturo at gitnang daliri ng kamay ko. "Ako ang may mali dito kaya naman bigyan mo muna ako ng ilang araw, linggo o buwan para pag-isipan lahat at ng magawa kong ayusin i-itong pag-iisip ko pero hindi ko sinasabing iwasan mo ako."
"Monday,"
"Ang gusto ko lang naman kasi---" napatigil ako ng ipatong mo ang hintuturo mo sa mga labi ko. What... the hell? What the hell, Drayton?! Mabilis mo ring ibinaba ang daliri mo matapos mong mapagtanto ang ginawa mo at ito ako, literal na natahimik na.
Natatakot ako sa sasabihin mo kaya hindi kita pinapakinggan.
"Wala kang mali." Sabi mo habang hinuhuli mo ang paningin ko na patuloy sa pag-iwas sa mga mata mo, ayaw kong tignan ang mga mata mo, natatakot ako na baka malunod na naman ako sa agos na hindi ko dapat sabayan. "Hindi naman dahil sa na-in love ka sa akin ay hindi ka na normal, na dapat ka ng iwasan ng lahat, na dapat na kitang iwasan..."
Hindi mo naman pala ako dapat na iniwasan pero bakit ginawa mo? Ni isang kumusta ay hindi mo man lang naitanong sa akin. Bakit hinayaan mo akong umiyak ng umiyak? Alam mo ba na iyon ang unang beses na umiyak ako ng ganoon katindi? Kung normal lang pala na ma-in-love ako sa iyo ay bakit ganoon ang naging reaksyon mo matapos mong makumpirma ang katotohanan mula sa akin?
Nakakainis.
Ang dami kong tanong sa iyo pero hindi ko magawang ibuka man lang ang mga labi ko at sabihin sa iyo ang dapat ko talagang sabihin.
Kahit nang hawakan mo ang mga kamay ko ay hindi ko pa rin nagawang magsalita, ipinatong mo ang noo mo sa kaliwang balikat ko kasabay ng paghigpit ng pagkakahawak mo sa mga kamay ko. "Ako dapat ang mag-sorry sa iyo. Sabi ko hindi na kita sasaktan pero ano naman itong ginagawa ko? Kapag nalaman ito ni Mama paniguradong hahabulin ako ng hanger noon, sasabihin niya inaaway na naman kita, pinapaiyak na naman kita..."
"Kasalanan ko naman talaga itong nangyayari ngayon." Usal ko, sa wakas ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob na magsalita. "Hindi ko maintindihan kung bakit sinisisi mo ang sarili mo. Magkaibigan tayo, oo, best friend kita pero hindi mo obligasyon na suklian iyong nararamdaman ko sa iyo, pagkakamali ko na nahulog ako sa iyo."
Wala na akong narinig pang salita mula sa iyo, sa isang hakbang ay yakap mo na ako, sobrang higpit ng yakap mo, pakiramdam ko ay ayaw mo na akong binatawan, hanggang sa naramdaman ko ang pagkabasa ng balikat ko, umiiyak ka ngunit bakit? Gusto kong itanong iyon gayunpaman ay pinili kong yakapin ka na lang pabalik.
Iyon nga lang ay mayroong tanong na nagising sa akin... sa iyo ba ito o sa akin?
Ramdam na ramdam ko ang malakas na tibok ng puso ko ngunit higit na mas malakas ang sa iyo.
Hindi na ako nagtanong pa at lalong hindi na ako nag-isip ng kung anu-ano. Tama, hindi mo naman nga kailangang tugunan ang nararamdaman ko sa iyo, ang mahalaga lang sa akin ay hindi ka mawala at palagi kang manatili sa tabi ko anuman ang mangyari.
"Drayton, huwag mo na akong masyadong alalahanin. Magiging maayos din ako." Usal ko habang marahan kong nilalaro ang buhok mo. "Pero gusto kong malaman mo na... ikaw at ikaw ang bituin na hahanap-hanapin ko sa dinami-rami ng bituin sa kalangitan, tanging sa iyo lang tutuon itong mga mata ko. Maghari man ang kadiliman, takpan ka man ng kaulapan sa paningin ko ay patuloy kitang hahanapin at anuman ang mangyari ay patuloy akong lilingon sa pinanggalingan ko, pinanggalingan natin..."
Kasabay ng pagbitaw ng mga salitang iyon ay wala akong kamalay-malay na bumibitaw ka na pala sa akin.
"Oo na, ang corny ko na. Kasalanan mo 'to, ano!"
Higit na nakakabingi na ang ingay sa paligid, dumoble ang tugtugan mula sa mga speakers, naghalo ang magkakaibang usok sa paligid dulot ng magkakaibang ilaw at paputok, ang mga bata ay tuwang-tuwa iniihipan ang kani-kanilang mga torotot, ang ibang matatanda naman ay kanya-kanya sa pag-iingay gamit ang kanilang mga kaldero, kasirola at iba pang kagamitan sa pagluluto habang ang mga may-ari ng motor ay kanya-kanya rin sa pagpapaingay gamit ang kanilang mga motor habang naglalaro sa kalangitan ang makulay na fireworks display.
Lumuwag ang pagkakayakap mo sa akin kung kaya't niluwagan ko na rin ang pagkakayakap ko sa iyo hanggang sa tuluyan ka ng bumitaw sa pagkakayakap sa akin upang harapin ako.
Namumugto at namumula ang mga mata mo ng harapin mo ako ngunit malinaw kong nakikita ang pagkalitong nasa mga mata mo.
Tila ba hindi mo alam kung saan ka naroroon; nawala ka sa daang tinatahak mo at pilit mong hinahanap sa mga mata ko ang daan mo pabalik.
"D-Drayton..." nanginginig na usal ko habang natatakot at kinakabahan akong nakatingin sa iyo. "A-alam mo ba kung---" subalit bago ko pa man matapos ang linyang itatanong ko sa iyo ay nabitawan mo na ang mga katagang mas malakas pa ang epekto sa ingay na siyang pumapalibot sa atin.
"N-N-Nasaan ako? S-Sino ka?"
At sa paglisan ng nagdaang taon ay siya ring paglisan mo ng tuluyan sa buhay ko, sa buhay naming lahat.
Iyon ba? Iyon ba ang dahilan kung bakit patuloy ka sa paghingi ng tawad sa akin? Dahil alam mo na anumang oras ay aalis ka ng walang paalam.
Nakakaasar ka talaga kahit kailan, ni hindi ko pa nga naipapaintindi sa iyo kung gaano kita kamahal tapos aalis ka na lang ng basta-basta?
"Ang daya mo Drayton," hindi ko maintindihan kung bakit natatawa na lang ako habang nagsisimulang mag-unahan muli ang mga luha ko. "Sabi mo walang iwanan. Bakit iniwan mo ako ngayon? Paano pa ako lilingon sa nakaraan kung wala ka na roon?"
Sa huli ay natalo pa rin ako, kahit na sinubukan ko ng bumalik sa nakaraan ay hindi pa rin kita nailigtas. Sa ikalawang pagkakataon ay nasaksihan ko kung papaano ka nawalan muli ng buhay.
THE END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top