Epilogue
MONDAY'S POV
"SA mga regalo ba na binabalot mo ngayon kasama ang akin?" Salubong ang mga kilay na tanong sa akin ni Klent ngunit mabilis ko siyang inilingan, mayroon naman akong regalo para sa kanya pero sa pasko ko na ibibigay iyon. "FO talaga tayo kapag nalaman kong wala ako diyan."
"E'di mabuti para sa akin."
"Lunes!"
"Friday ngayon." Kibit-balikat na saad ko at tinapos ang pagbabalot sa ipanreregalo ko para sa Year-End party mamaya.
Wala naman akong plano na umattend ng year-end party ang kaso pinilit ako ni Yvienne pero kahit na umattend ako ay hindi naman ibig sabihin niyon ay makikisama ako sa mga kaklase ko. Kakain na lang ako ng kakain lalo na at nagbayad naman ako para sa pagkain, hindi ko kailangan na magparticipate sa mga palaro nila, labas na ako doon.
"Ay hindi!" Salubong ang mga kilay na nilingon ko si Klent sa biglaan niyang pagsigaw, ang lapit pa naman niya sa akin, pakiramdam ko ay nabasag ang eardrums ko. "F.O pala tayo oras na malaman kong may regalo ka kay Srystian tapos sa akin wala."
Mabilis akong ngumiwi at itinabi ang binalot kong regalo. "Tss! Wala akong pambili ng regalo para sa inyo kaya manahimik ka na lang, saka, iyong existence ko? Hindi pa ba regalo sa iyo?!"
"Existence? Huy! Kaya ka nag-e-exist para bigyan ako ng regalo sa lahat ng occasion!"
"Kapal mo naman!"
"Pero teka nga, Monday."
Nawala ang pagkakakunot ng noo ko matapos niya akong tawaging 'Monday'. "Bakit?"
"Speaking of Srystian, alam na ba niya?"
"Alam ang ano?"
"Iyong tungkol sa ano mo," nagtaas baba ang mga kilay niya habang nakangiti siya sa akin na abot tainga samantalang hindi ko naman alam kung ano ang tinutukoy niya. "Iyong sa ano mo..."
"Anong ano? Subukan mong hindi magtino wala ka talagang matatanggap na regalo sa akin sa pasko."
"Psh! Iyong nararamdaman mo. Alam na ba ni Srytian? Alam na ba niya na may gusto ka sa kanya?"
At doon ako mabilis na nag-iwas ng tingin. Hindi mo naman na kailangang malaman ang tungkol doon hindi ba? "Hmm... alam na."
"O anong sabi?"
"Hindi ako pinansin." Pagsisinungaling ko. Hindi naman kasi dapat ako nagsisinungaling patungkol sa bagay na ito kaso ayaw kong ungkatin pa ni Klent, dahil kahit sabihin kong huwag na naming pag-usapan ang tungkol dito ay paniguradong ipipilit pa rin niya.
"Ows? Ano bang sinabi mo? Malakas ba ang pagkakasabi mo? Paano mo sinabi? Jeez! Sa dami ng itinanong ko ang dapat ko lang pa lang itanong sa iyo ay kung nag-confess ka ba talaga?"
Okay. Mangungulit pa rin pala siya kahit hindi ko sabihin ang totoo!
"Wala akong kailangang aminin." Giit ko sabay dakot ng caramel popcorn sa mangkok at dire-diretso ko iyong kinain para lamang iwasan ang tanong sa akin ni Klent.
"Bakit ayaw mong umamin?"
Itong lalaki ito! Sa paraan ng pagtatanong niya para namang may malaki akong kasalanan na nagawa, na para bang nagsinungaling ako sa napakalaking bagay at wala akong balak na aminin ang ginawa ko. Itinuon ko na lang sa screen ng TV ang mga mata ko para ipagpatuloy ang pinanonood namin ngunit kahit nasa TV screen ang mga mata ko ay unti-unti ng naglalakbay ang utak ko sa kasagutan para sa tanong ni Klent.
Bakit nga ba ayaw kong aminin sa iyo kung anuman ang nararamdaman ko?
Ano bang mapapala ko kung sasabihin ko sa iyo ang totoo? Mayroon bang mababago? Ngunit para ba sa ikabubuti nating dalawa ang pagbabago para sa pagsasabi ko ng totoo?
"Magkaibigan lang kami ni Drayton, Klent. Hanggang doon na lang iyon, sana maintindihan mo. Ay, sabagay, may ubo ka pala sa utak, hindi mo rin maiintindihan."
"The fvck?" Tinignan niya ako ng masama subalit inirapan ko lang siya. "Magagawa mo bang harapin siya bilang kaibigan mo kung alam mo na may nararamdaman ka para sa kanya?"
Hindi ko alam kung dapat ko bang lingunin si Klent o hindi kaya naman mabilis kong binuksan ang in-can soda at mabilis iyong ininom. "Alam ko naman sa sarili ko na magkaibigan lang kami kaya hindi naman na problema iyon."
"Paano kung pareho pala kayo ng nararamdaman at hindi lang niya masabi sa iyo dahil pareho kayo ng mindset?"
Dahil sa sinabi ni Klent ay napalingon ako ng hindi oras sa kanya.
"Psh! Kahit tanggapin mo na hanggang magkaibigan lang kayo ay hindi mo rin kakayanin, hindi ba? Isa pa, sa ginawa mong paglingon sa akin nahuli na agad kita Monday, may parte sa sarili mo na umaasa na higit pa roon ang lahat."
Anong pinagsasabi ni Klent? Kilala ko ang sarili ko at pagsinabi kong kuntento na ako na magkaibigan tayo ay ayos na ako roon pero siguro nga ay niloloko ko lang ang sarili ko dahil natatakot ako sa posibleng kahinatnan ng lahat.
"Monday, may gusto si Srystian sa iyo."
Doon na napantig ang tainga ko, mabilis akong niyakap ng kaba, bigla akong pinagpawisan samantalang nakabukas naman ang electric fan at nakatapat pa sa amin.
Muli akong nag-iwas ng tingin kay Klent kahit na nasa magandang arc na ang pinanonood namin ngayon ay wala na ako sa tamang huwistyo at inaaway na ang sarili ko dahil hindi ko naman dapat nararamdaman ito ngayon, hindi dapat. Hindi dapat ako umaasa sa kung anuman. Magkaibigan lang tayo.
"B-bakit naman magkakagusto sa akin ang tukmol na iyon?" Tanong ko kay Klent habang pilit akong nagpapatay malisya na ayos lang ang lahat ngayon.
"Ano bang malay ko? Ako ba nagkagusto sa iyo? Kaya kung ako sa iyo tanungin mo na ang kumag na iyon. Alam mo kung ano ang dapat mong gawin, Monday Dorian."
Napahilamos na lang ako sa sarili ko, buo naman na ang desisyon ko, hindi ko kailangang makinig kaninoman patungkol dito kahit na si Klent pa ang nagsabi. Iyon na nga, si Klent ang may sabi, bakit ako maniniwala? Higit sa lahat ay hindi dapat kami ang nag-uusap patungkol dito, usapin ito patungkol sa atin, tayo dapat ang nag-uusap dito kahit na kailanman ay alam kong hindi mabubuksan ang usapin na ito subalit kung magkataon man na bubuksan ko ang usapin na ito tungo sa iyo ay ano ang siyang gagawin ko?
HINDI pa man tumitilaok ang mga manok ay nagising na ako sa ingay mula ng labas ng kwarto ko, alam kong tao ang gumagawa ng ingay, wala mang boses ay ilang gamit ata ang nasasanggi ng kung sinoman.
Hindi na pumasok pa sa isip ko na baka akyat-bahay iyon, dali-dali akong lumabas ng kwarto para silipin ang komosyon sa labas.
"Ma?" Salubong ang mga kilay ko ng makita ko si Mama na may dalang maleta at nakasuot ng French Coat, ayos na ayos siya ngayon, may suot pang itim na beret na kumikinang sa beads na nakakabit doon. "Saan ang punta... mo?"
"Sinabi ko na sa iyo noong nakaraan hindi ba?" Sinagot niya ako ng tanong kaya kahit iniisip ko pa kung ano sinabi niya sa akin ay tinulungan ko pa rin siya sa pagbaba ng maleta niya at nang mapansin niyang hindi ko pa rin naaalala ang lahat ay doon na niya ipinaalala sa akin. "May offer na trabaho sa akin sa Italy, dalawang taon ang kontrata ko roon, iniwan ko na ang magiging budget mo para sa isang buwan sa bank account mo, padadalhan na lang ulit kita oras na makuha ko ang sahod ko."
Gaano ba karami ang bagay na iniisip ko nitong mga nakaraan at nawala sa isip ko na mag-a-abroad si Mama. Gusto ko na lang magface palm ngayon pero hindi ko magawa.
Maliban doon ay hindi ko alam kung dapat ba akong maasar sa sarili ko o hindi. Dapat ay nalulungkot ako na aalis si Mama at dalawang taon kaming hindi magkikita pero sa totoo lang ay wala akong maramdaman na kung anuman.
Siguro iyon ay dahil nasanay naman na ako na wala siya sa buhay ko simula paglaki ko. Sa pinansyal na usapin ay naririyan siya subalit kung ang usapan ay tungkol sa pagsuporta sa paglaki ko at mga desisyon ko sa buhay ay tiyak na hindi siya maaasahan.
"O'sige na, i-lock mo itong gate at bumalik ka sa pagtulog." Iyon ang huling bilin sa akin ni mama nang maihatid ko siya sa gate ng bahay subalit hindi naman din kaagad ako pumasok sa loob ng bahay dahil tinanaw ko pa siyang makalabas ng eskinita namin.
Iyon lang ang sinabi niya, wala man lang maayos na paalam, ni hindi ko man lang siya nagawang yakapin. Napailing na lang ako bago mapasandal sa gate ng bahay subalit may isang bagay na sumagi sa isip ko.
Pasakay na si Mama ng tricycle ng tumakbo ako palabas ng bahay at dali-dali siyang hinabol bago pa man siya tuluyang makasakay ng tricycle.
"Ma!" Sigaw ko kahit alam kong kalagitnaan pa ng gabi at natutulog pa ang mga tao sa paligid. Kakapasok pa lang niya ng maleta sa tricycle ng gulat siyang mapalingon sa akin.
"Bakit? May naiwanan ba ako?"
Mabilis akong umiling. Hinihingal pa ako dahil sa pagtakbo ko ngunit pinilit ko pa ring sabihin ang kailangan kong sabihin. "S-sa... graduation ko next year, makakauwi ka naman hindi ba?"
"Sinabi ko ng dalawang taon ang kontrata ko, Monday." Giit ni Mama bago ako patabihin para makasakay na siya sa tricycle.
Humakbang naman ako patalikod at marahang tumango habang kagat-kagat ko ang labi ko dahil ito lang ang tanging paraan para mapigilan ko ang sarili ko sa pagtulo ng mga luha ko.
"Susubukan kong umuwi." Iyon ang huling salita na narinig ko mula kay Mama bago tuluyang umandar ang tricycle na siyang sasakyan niya at iwanan ako sa kinatatayuan ko na tulala.
Susubukan niyang umuwi? Maaari ko bang ituring iyon bilang isang pangako o dapat lang na hindi na ako umasa sa napaka-imposibleng bagay?
Malalim na lamang akong napabuntong hininga bago maglakad pabalik sa bahay. Papasok pa lamang ako noon ng mapansin kitang nakadungaw sa bintana ng bahay ninyo at nakapangalungbaba na nakatingin sa akin, bahagyang nakangiti sa akin.
Lalo akong natulala matapos kitang makita sa hindi ko malamang dahilan ay nataranta ako na para bang nakakita ako ng multo kung kaya't mabilis akong pumasok sa bahay.
Pagkasarado ko ng pintuan ay sapo-sapo ko ang dibdib ko dahil sa lakas ng tibok ng puso ko. Nakagat ko na lang ang labi ko dahil paulit-ulit kong nakikita iyong posisyon mo kanina habang nakatingin sa akin ng nakangiti. Binilinan pa ako ni mama na bumalik na ako sa pagtulog subalit pumatak na lang ang alas-nuebe ng umaga ay ikaw pa rin ang laman ng isip ko kasama ang mga tagpo sa makitid kong utak na alam kong kailanman ay hindi magkakatotoo.
Ano nga ba kasi itong pinag-iisip ko?
Kinahapunan, alas-dose ng tanghali, oras kung kailan gaganapin ang year-end party natin. Nagmadali ako kakaayos ng sarili ko, ilang beses pa akong gumamit ng yelo para lang linisin ang mukha ko na kitang-kita ang dark circles ko, hindi ko pa nga alam na yelo lang ang katapat nito, dala ng pagkatranta ko ay natawagan ko pa si Ate Nomi kung ano ba ang dapat kong gawin para dito.
Nang makuntento ako sa hitsura ko pinili ko ng lumabas bitbit ang paper bag na siyang naglalaman ng dala kong regalo ngunit ng mapadaan ako sa salamin na nasa salas ay muli ko pang sinulyapan ang sarili ko. Maayos naman ang suot ko kaya bakit ako na-co-conscious ng malala?!
"Alam mo ba kung anong oras na?"
Halos mapatalon ako sa gulat ng makita kong hinihintay mo pala ako sa labas ng gate. Plain white t-shirt lang ang suot mo na pinatungan mo ng black button polo long sleeves habang nakaiwang bukas lahat ng buttones, sa madaling salita ay tipikal na pormahan mo pero hindi ko alam kung bakit manghang-mangha akong nakatingin sa iyo ngayon na para bang gusto na lang kitang pagkatitigan buong araw.
Ang lala mo na Monday! Best friend mo iyan!
"Hinihintay mo ako?" Patay malisyang tanong ko kaya mahina mo akong nabatukan.
"Tatanungin ba kita sarcastically kung hindi kita hinihintay? Ang kupad mo talagang kumilos kahit kailan."
Napairap na lang ako bago maunang magmartsa palayo ngunit sa haba ng biyas mo ay mabilis kang nakahabol sa akin.
"Maglalakad tayo." Desisyon mo na siyang nagpagulat sa akin.
"Huy! Ayos ka lang? Anong lakad, tanghaling tapat. Tirik na tirik ang araw."
"E'di magpayong." Sabi mo na para bang wala lang ang lahat dahil dire-diretso mong binuksan ang payong mo at pinayungan ako.
Malapit lang naman ang campus pero sa sobrang init ngayon ay hindi ko pipiliin na maglakad, iyon nga lang ay may parte ko na nagsasabing maglakad na lang tayo dahil gusto ko pang makipag-usap sa iyo tungkol sa mga walang kabuluhang bagay.
"Iyan pa lang palda mo," narinig kong usal mo dahilan upang mapaangat ang tingin ko sa iyo. "Masyadong maiksi para sayo. Ang gaslaw mo pa namang kumilos."
"Eh?" Bigla tuloy akong na-conscious sa palda ko pero kung susumahin ay kasing haba lang naman ito ng skirt ng school uniform ko. "Tama lang naman ah, isa pa binili ni mama para sa akin ito kaya sinuot ko."
"Binili ni Auntie?" Tanong mo sa akin na namimilog pa ang mga mata.
Sabi na at hindi lang ako ang magugulat oras na malaman mo.
"Mhmm... malamang binili niya bago siya lumipad ng Italy." Napabuntong hininga na lang ako bago muling sulyapan ang suot ko. "Hindi naman niya direktang inabot sa akin, nakita ko na lang ito na nakalagay sa paper bag at nasa kama ko, nakakagulat nga ng sobra eh pero alam mo kung anong mas nakakagulat?"
"Ano?"
"Branded itong damit!"
"Branded?!"
"Uhuh. Tignan mo!" Saglit akong huminto para ipakita sana ang logo ng brand ng damit na suot ko na nasa kaliwang parte ng dibdib ko ngunit mabilis akong tumalikod dahil naalala ko ang tag na nasa likod. Hinawi ko ang buhok ko bago ipakita ang tag ng brand ng damit na nasa ibabaw na parte sa likuran ng damit ng maipakita ko na sa iyo ay saka ako muling humarap sa kalsada. "Ayaw kong umasa ah pero... tingin mo ba nakokonsensya si Mama na iwanan ako dahil sa biglaan niyang paglipad sa Italy?"
"Hindi ka ba sinabihan ni Auntie about doon?"
"Sa pagkakaalala ko sinabi ata niya sa akin three days bago siya lumipad." Nasapo ko na lang ang noo ko, masyado ata akong maraming iniisip kaya nawala sa isip ko ang tungkol doon.
SINERYOSO mo ang sinabi mong maglalakad tayong dalawa sa gitna ng initan. Hindi ko alam kung papaano ako umarte ng normal sa harapan mo dahil kung sakaling may hindi kaaya-ayang lumabas sa mga labi ko kanina ay paniguradong gumitna na agad ako sa kalsada para lang magpasagasa.
Pinakamatalik kitang kaibigan at hanggang doon lang dapat tayo, hindi na kailangang mahigitan pa iyon, kung anuman ang siyang nararamdaman ko ngayon ay sisiguruhin ko na hindi na iyon lalo pang lalalim.
"See you later, Monday. Marathon tayo mamaya ah." Iyon ang paalam mo sa akin bago mo ako maihatid sa room namin.
Marahang tango lang ang naitugon ko bago ako pumasok sa classroom namin na nakatodo ang dalawang malaking speakers sa loob ng classroom subalit mas malakas pa rin ata ang pagtibok ng puso ko na gustong-gusto ng kumawala sa dibdib ko. Ayos naman ako kanina kaya bakit biglaan akong nagkaganito?
Nagkakaganito ba ako dahil sa sinabi mo na mag-ma-marathon tayo mamaya? Normal naman sa atin na magmarathon pero bakit ganito na lang ang kaba ko? Nasasabik ako na kinakabahan. Hindi ko alam kung ano ang una kong dapat na maramdaman ngayon.
"Omg! Thank you, Monday!" Tuwang-tuwa sambit ni Yvienne matapos niyang matanggap ang regalo ko sa kanya, bahagya lang akong ngumiti at humakbang patalikod dahil alam kong yayakapin niya ako. "Thank you talaga!" Aniya at agad na isinuot ang kuwintas na iniregalo ko, tutulungan ko pa sana siya na isuot iyon pero madali lang niyang naisuot sa sarili niya. "By the way, sasali ka sa parlor games?"
Mabilis akong umiling. "Hindi, hindi. Nahihiya akong makisali sa kanila, kakain na lang ako."
"Ay bet ko iyan!" Ngiti niya sabay sulyap sa mga pagkain na nasa tables."May kanya-kanyang coffee jellies na nandoon para sa atin, okay naman na sigurong kumuha, what do you think?" Sunod-sunod lang na pagtango ang itinugon ko sa kanya bago niya hawakan ang kamay ko at hilahin ako kung nasaan ang mga pagkain, kumuha siya ng isa para sa akin at isa para sa kanya bago kami maupo sa bakanteng mga upuan para lang kumain ng coffee jelly.
Tahimik lang kaming kumakain ni Yvienne ng coffee jelly pero napapansin ko na palingon-lingon siya sa pintuan ng classroom, mukhang may hinahanap tatanungin ko na sana ang lagay niya nang mapansin ko ang isa sa mga kaklase namin na hirap na hirap ayusin ang beret na suot niya, dinukot ko ang bobby pins na baon ko at inabot sa kanya, gulat naman siyang napatingin sa akin dahil sa pag-abot ko niyon sa kanya, nginitian ko lang siya bago ko iwanan sa ibabaw ng table niya ang bobby pins.
"Monday," napalingon ako kay Yvienne ng tawagin niya ako. "May gusto ka kay Srystian hindi ba?"
Nabulunan ako dahil sa biglaan niyang itinanong, mabuti na lamang at mabilis niya akong naabutan ng tubig. Hindi ko tuloy alam kung paano ko lilingunin si Yvienne ngayon, napakabiglaan naman kasi ng tanong niya.
"B-bakit?" Sinagot ko siya ng tanong sa halip na diretsa siyang sagutin ng oo. Maagap akong napaiwas ng tingin sa kanya ng mapagtanto ko na may gusto nga rin pala siya sa iyo.
"Hindi pala dapat ako nagtanong ano?" Tawa niya na lalong nagpalito sa akin. "May gusto ka kay Srystian at may gusto rin ako sa kanya pero hindi ko gusto na pagtalunan natin ang bagay na iyon."
"Wala naman akong plano na umamin." Pero para ko na ring inamin kay Yvienne na may nararamdaman nga ako tungo sa iyo.
"Umamin ka kay Srystian, Monday." Ngiti sa akin ni Yvienne kaya ganoon na lang katindi ang naging pagkunot ng noo ko. "Halata namang may gusto rin sa iyo si Srystian. Hindi na masama kung aamin ka."
Si Yvienne na ang pangalawang nagsabi sa akin ng bagay na ito. Hindi rin nagkakalayo ang mga salitang binitawan nila ni Klent sa akin ngunit hindi sasapat iyon para umamin ako, hindi ko naman nga kasi kailangang umamin.
Dahil natatakot ako na tuluyan kang mawala oras na umamin ako sa iyo patungkol sa nararamdaman ko subalit napagtanto ko lamang ang lahat ngayon, hindi naman na masama kung aamin ako sa iyo at sasabihin ko ang totoo. Anuman ang maging tugon at desisyon mo ay tatanggapin ko ngunit hindi ko hahayaang mawala ang pagkakaibigan natin anuman ang mangyari.
Tumigil lang kami ni Yvienne sa pag-uusap tungkol sa nararamdaman ko tungo sa iyo ng lapitan ako ni Klint. Nakakatuwa lang isipin na kahit may nararamdaman si Yvienne sa iyo ay bukas pa rin siyang makinig sa akin at itulak pa ako lalo papalapit sa iyo.
"Bakit?" Tanong ko kay Klint pagkalapit niya sa akin.
"Kuhain mo na iyong mga gamit mo, pupunta tayo ng hospital. Diretsong pahayag sa akin ni Klint kaya nagsalubong ang mga kilay ko, muli lang niya akong tinapunan ng tingin at hindi ako binigyan ng paliwanag.
Sa mga oras na iyon ay alam kong walang ibang dahilan si Klint para lapitan ako at sabihin na magtungo kami sa hospital kung walang nangyaring masama kay Klent, Lola Solidad o sa iyo.
Basta ko na lang kinuha ang bag ko, sa kamamadali ko ay natapon pa ang pagkain na siyang nasa lamesa ko, natataranta na ako at hindi ko alam kung lilinisan ko pa ba iyon o hindi na ngunit nang sinabi ni Yvienne na siya na ang bahala ay mabilis akong tumakbo palabas para habulin si Klint na nagmamadali sa paglalakad.
"Klint, Klint!" Habol ko sa kanya, hinihingal na ako dahil sa bilis niya. "Anong nangyari? Sinong nasa hospital?!"
"Si Srystian." Sagot niya na para bang wala lang iyon.
Anong...?
Nakarating kami sa parking space ng campus bago niya iabot sa akin ang helmet niya, nagtataka pa akong nakatingin sa helmet dahil iisa lang ito, magtatanong pa lang sana ako ngunit mukhang alam na niya kung ano ang itatanong ko.
"Isa lang ang helmet ko, ikaw na ang magsuot niyan at baka mapatay ako ni Srystian kapag nalaman niyang hindi kita pinaghelmet." Aniya at sumakay sa motor niya, kaagad naman akong umangkas sa likuran niya.
Ang dami ko pang gusto itanong kay Klint, paanong nasa hospital ka na ngayon? Magkasabay lang tayo kaninang umaga na pumasok habang nagkukwentuhan ng walang kabuluhang mga bagay kaya bakit nasa hospital ka na ngayon? Anong nangyari?!
Hindi ako mapakali habang nakasakay ako sa motor ni Klint. Masyado akong nag-aalala sa sitwasyon mo. Inataki at ginulo ka ba ng mga kaibigan ni Marc kaya ka na-hospital ngayon?! Subalit bakit at paano?
O maaaring mas nakakatakot pa doon ang nangyari?
Nakabig ni Klint ang braso ko payakap sa kanya ng muntikan na akong mahulog sa motor dahil nawawala na ako sa tamang huwistyo kakaisip sa iyo.
Nang makarating kami ni Klint sa tapat ng hospital ay mabilis na nanikip ang dibdib ko, ang huling beses na nagpunta ako sa hospital ay noong naaksidente kayo ni Auntie Freya at simula noon ay hindi ko na ulit ginustong magtungo sa hospital kaya siniguro kong laging maayos ang kalagayan ko para wala akong dahilan para ma-hospital ngunit ngayon ay kailangan ko muling umapak papasok dahil alam kong kailangan mo ako.
Malalim ang naging paghinga ko bago humakbang papasok sa hospital.
Wala na talaga ako sa tamang huwistyo habang naglalakad kaya hawak-hawak ni Klint ang braso ko. Nang huminto kami sa tapat ng isang kwarto ay mabilis kong hinatak ang braso ko mula kay Klint dahil alam kong sa likod ng pintuang nasa harapan ko ngayon ay ikaw ang naroroon.
"Drayton!" Sambit ko sa pangalan mo matapos kong buksan ang pintuan kung nasaan ka. Naabutan kitang kausap ang doctor mo habang nakahiga ka sa hospital bed.
Sandali pang nagpapalit-palit ang tingin ko sa iyo at sa doctor mo bago ako tumakbo patungo sa iyo at yakapin ka ng sobrang higpit, iyon nga lang ay sumunod sa pagbuhos ang luha ko matapos kitang yakapin.
Mabuti na lamang at maayos lang ang lagay mo ngayo---natigilan ako at may napagtanto bago kita bitawan mula sa pagkakayakap ko at hinarap ka ng maayos.
"D-Drayton... kilala mo pa naman ako, hindi ba...?" Kinakabahang tanong ko, saglit mo akong pinagkatitigan kaya ganoon na lang ang pagtagaktak ng pawis ko mula sa noo ko.
Nililibot mo ng tingin ang mukha ko, tila ba inaalam mo kung sino ako o iyon talaga ang siyang ginagawa mo ngayon? Hindi. Hindi. Hindi! Ayaw kong dumating ang araw na ito. Hindi maaari, hindi pupwede! Naninikip na ng sobra ang dibdib ko, nagsimula na ring manginig ang mga kamay ko, nangangatog na ako sa takot, walang salita na namumutawi sa mga labi ko kahit napakaraming bagay ang gusto kong itanong sa iyo.
Ramdam ko ang pag-init ng mga mata ko at ang pagbabadyad sa pagbuhos ng mga luha ko.
Dumating na ang araw na pinakakinatatakutan ko.
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top