Chapter 6

Chapter 6: You are in love
MONDAY'S POV

NAMUMUGTO pa ng sobra ang mga mata ko ng marinig ko ang sunod-sunod na pagkatok ng kung sino sa pintuan ng kwarto ko. Pagkauwi ko kagabi ay sandaling nanatili sina Klint at Klent dito sa bahay, nang makaalis sila ay doon lamang ako nagkaroon ng pagkakataong pumasok ng kwarto ko para ibuhos ang luha ko.

Laking pasasalamat ko na lang talaga sa sarili ko na napigilan ko ang pag-iyak ko dahil oras na makita ni Klent na umiiyak ako kahapon ay tiyak na aawayin ka na naman niya. Oras na awayin ka na naman ni Klent ay tiyak na hindi iyong palalampasin ni Klint na maaaring magbukas ng hidwaan nilang dalawa.

Kanina pa ako gising sadyang ayaw ko lang bumangon pero alam kong tirik na tirik na si Haring Araw dahil sa sinag nito na tumatagos na sa bintana ng kwarto ko. Hindi pa sana ako babangon ngunit dala ng katiting na pag-asa sa puso ko na baka ikaw na itong kumatok ay agad akong napabangon sa kinahihigaan ko.

Bubuksan ko na sana ang pintuan sa pag-aakalang ikaw iyon pero naalala kong hindi mo ugaling katukin ang pintuan ng kwarto ko para lamang gisingin ako. Mabilis tuloy na bumagsak ang mga balikat ko dala ng pagkadismaya ngunit sa huli ay binuksan ko pa rin ang pintuan.

"Klent..." Gulat na bungad ko kay Klent ng makita ko siya sa harap ng kwarto ko. "Good... morning?" Alanganing bati ko sa kanya dahil may mga sariwang sugat at pasa pa sa mukha niya, hindi ko alam kung dahil ba iyon sa pagbubuno ninyo kagabi o may ibang dahilan pa.

"Seems like you are expecting someone to be here."

"Hindi. Hindi ah, ano... uhm, hindi naman kasi ikaw iyong tipo ng kakatukin ako ng ganito kaaga, hindi ba...?" Nagsasabi ako ng totoo! Oo at nag-expect ako noong una na ikaw iyon pero—ipaliwanag mo nga sa akin kung bakit kailangan kong makipag-away sa sarili ko! "Bakit ka nga pala nandito?"

"Para kamustahin ka malamang."

"Nang ganito kaaga?!"

"Kanina pa iyang 'ganito kaaga' mo. Alas-otso na kaya, tss! Besides gusto ko lang naman alamin kung buhay ka pa."

"Buhay pa? Anong tingin mo sa akin magpapatiwakal?!"

"Knowing what happened last night..." sumunod ang paningin ko sa kamay niya na biglang pumaibabaw sa ulo ko. "... malaki ang chances."

Mabilis akong nag-iwas ng tingin sa kanya at bumaba sa sala nang hindi man lang naghihilamos—sanay naman na siyang makita akong ganito, worse pa nga noong mga bata pa tayo. Alam ko ang kahihinatnan ng usaping iyon kaya hangga't maaari ay iiwasan ko.

Hindi naman talaga sumagi sa isip ko ang bagay na iyon. Bakit ako magpapatiwakal ng hindi pa tayo nagkakaayos?

"Monday, humarap ka nga sa akin." Angil niya ng lumiko ako pakusina dahil nagbalak akong iwasan siya. "Monday..." Sa oras na tawagin akong Monday ni Klent at hindi Lunes, seryosong usapan na dapat iwasan ang naghihintay. "Monday!" Pinandilatan ko siya ng mata dahil kakasunod niya sa akin ay halos kasama ko na rin siyang pumasok sa CR.

"Ano? Sasama ka?" Nakapameywang na tanong ko sa kanya dahilan para kamutan lang niya ako ng ulo.

Napangiti na lang ako sa sarili ko bago maghilamos at magtagal sa CR ng mahigit dalawampung minuto. Akala ko ay uuwi na si Klent dahil sa paghihintay sa akin ngunit muntikan ko nang maikulong ang sarili ko papasok sa CR nang maabutan ko siya sa sala na naghihintay pa rin sa akin.

"Bakit hindi ka pumasok?" Paglilihis ko ng usapan bago maupo sa tapat niya.

"Tss! Ano na lang sasabihin nung babaeng balak kong ligawan oras na makita niya itong mga pasa ko. Manliligaw pa lang ako matu-turn off na agad siya?!"

Pasimple akong napahinga ng maluwag dahil nagawa kong ilihis ang atensyon niya. "Bakit nga ba... nadagdagan pa ata iyang mga pasa at sugat mo parang sariwang-sariwa pa iyong iba at... ang tindi ng pamamaga ng mata mo—"

"Ayos lang ako. Huwag ka ng mag-abalang gamutin ako."

"Klent—"

"Ayos nga lang ako."

Napahalukipkip ako at hindi na nakipagtalo pa. "Ano ba kasing nangyari sa iyo?"

"Nagbugbugan kami ni Klint."

Umamin din!

Nag-away silang dalawa ni Klint? Nagbibiruan pa silang dalawa bago lumabas ng bahay kagabi ah? "Anong pinag-awayan ninyo at umabot ng ganyan kalala ang lagay mo?" Iniwasan niya ako ng tingin dahilan upang maintindihan ko kaagad ang dahilan ng away nila ng kakambal niya na alam kong ako ang may kasalanan.

"Wala kang kasalanan sa nangyari Monday."

"May sinabi ba ako?!" Maagap na giit ko pero nginiwian lang niya ako.

"Alam kong iyan na ang nasa isip mo ngayon. Oo tungkol kay Srystian ang pag-aaway namin ni Klint pero labas ka na roon."

"Klent naman, kung hindi—"

"Magkakaayos din kami ni Klint at gagaling din itong mga sugat ko, okay? Wala ka ng kailangang alalahanin."

"Wala nga ba talaga?" Nag-aalangang tanong ko sa kanya.

Kahit saang anggulo ko tignan at kahit hindi man malinaw sa akin ang dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito ay hindi ko maiwasang sisihin ang sarii ko sa lahat.

Ako ang dahilan kung bakit nag-away si Klint at Klent, at higit sa lahat ako ang dahilan kung bakit nagkakaganito ka. Hindi ko alam kung anong nagawa ko ngunit malakas ang kutob ko na ako ang dahilan.

"Dito ba iyon?"

"Ang alin?" Tanong ko pabalik kay Klent.

"May kumakatok eh." Aniya kaya dali-dali akong sumilip sa labas ng bahay para kunutan lang ng noo ang babaeng siyang kumakatok sa gate ninyo ngayon. "Kilala mo?"

"Kilala mo?"

Nagkatinginan kaming dalawa dahil sa iisang tanong namin bago kami sabay na magkibit-balikat. Hindi ko kilala kung sino ang babaeng kumakatok sa inyo ngayon pero pamilyar ang mukha niya sa akin, mula junior high school ay schoolmate natin iyan. Hanggang beywang ang itim na itim na buhok, balingkinitan ang katawan at iyong boses niya babaeng-babae kumpara sa boses ko na akala mo ay aleng nag-aalok ng mga paninda niya sa palengke.

Babalik na sana ako sa loob pero napansin ako nung babaeng iyon, ako pa talaga at hindi si Klent!

"Hello, Monday!" Hindi naman kami magkakilala pero kung tawagin niya ako sa pangalan ko ay akala mo malapit siya sa akin.

Sa halip na tanungin kung anong pakay niya ay kinunutan ko lang siya ng noo, hindi ko nga alam kung anong isasagot ko sa kanya. Maliban doon dapat ay ipagpasalamat pa niya na hindi ko siya tinaasan ng kilay at pinili kong kunutan na lang siya ng noo.

"Bakit?" Tanong ko kaya napalingon sa akin si Klent dahil ang taray ng pagkakatanong ko.

"Ito ang bahay nina Srystian, hindi ba?" Itinuro niya iyong bahay ninyo at bahagya naman akong tumango ng nakakunot pa rin ang mga noo. "Nandyan ba siya?"

"Aba malay ko, dapat ba bantayan ko ang buhay ng kapitbahay ko?!"

Naguguluhan ako. Naiinis ako. Sa babaeng ito, sa iyo o sa sarili ko mismo, kanino nga ba ako naiinis?!

Iyong sakit na siyang dapat kong nararamdaman ay nauuwi lang sa inis kaya mas naiirita ako! Napairap na lang ako bago pumasok sa salas ng bahay, narinig ko pa iyong babaeng iyon na tinawag akong maldita pero hindi ko na siya pinansin at si Klent na ang kumausap sa kanya.

"Sino ba iyon?" Iritableng tanong ko kay Klent matapos niyang kausapin iyong babaeng naghahanap sa iyo.

"Srystian's girlfriend."

Dapat ba akong matulala o magtatalon sa tuwa? "Girlfriend... nino...?"

"Ni Srystian, ni Drayton mo."

"Ohhh..." Paulit-ulit lang akong napatango kasi hindi ko rin naman sigurado kung paano dapat mag-react. Hello?! ano ngayon kung may girlfriend ang kapitbahay ko na kasabay kong lumaki? Labas na ako doon lalo na at hindi naman kami magkaibigan... tayo! "Good for him, I guess." Kibit balikat na usal ko subalit iyong nanunuring tingin ni Klent ay hinahabol na ako.

I sound bitter, hindi ba?

Nakamot ko na lang ang ulo ko at pumunta ng kusina para i-check ang thermos kung may laman ba iyong mainit na tubig. Kaagad kong hinanda ang isang tasa at ang kape ng may maabutan akong mainit na tubig.

Umangat ang tingin ko kay Klent na nananatiling nakasunod sa akin. "Nag-almusal ka na ba?" Tanong ko ngunit ipinaling lang niya ang ulo niya habang pinagmamasdan ako. "Mukha kang zombie, tss!" Ipinagpatuloy ko na lang ang pagtitimpla ng kape.

"You are in love with Drayton."

"Aww!" Kagat-labi kong nahawakan ang kanang kamay ko na napaso sa mainit na tubig dahil sa gulat ko sa sinabi ni Klent. Nalilito akong nag-angat ng tingin sa kanya. "Anong pinagsasabi mo?"

"Ang obvious kaya na nagseselos ka doon sa babaeng iyon."

Selos? Selos nga siguro ang tamang salita para ipaliwanag kung anuman ang nararamdaman ko ngayon. Pero "hindi lahat ng selos ay in love ang dahilan."

"Sa sitwasyon na iyon?"

Tumango lang ako sa kanya at hinalo ang kape ko. Nagseselos ako sa kung sinoman ang babaeng iyon dahil alam kong malapit siya sa iyo habang ito ako, pinagtutulakan mo na palayo.

"Hindi ka ba papasok?" Kamot-kamot ni Klent ang ilong niya habang nananatili kaming nasa sala at binuksan ko ang TV para manood ng anime online.

Kumagat muna ako sa pandesal na siyang iniwan ni mama bilang agahan ko. "Kupal ka. Nakalimutan mo ata na wala pang haharap para sa akin sa guidance."

"Oo nga ano. Sayang, iyak ka na lang. Kidding, hindi rin naman ako papasok sa klase ngayon. Saka may errands kasi si Ate Yanna ngayon kaya hindi ka pa raw niya masasamahan, tiis-tiis ka muna, tamad ka naman ding pumasok." Aniya at tinawanan ako kaya nahampas ko ang braso niya.

Isinawsaw ko ang pandesal sa kape ko bago iyon isubo at kainin. Matapos kong maubos ang pagkain na nasa bibig ko ay nilingon ko ulit siya. "Ilang beses mo ng nababanggit sa akin na may crush ka sa room namin. Sino doon, ah?"

Nag-iwas ng tingin sa akin si Klent, kagat-kagat pa niya ang pang-ibabang labi niya, kinikilig ata si Kumag.

"Huy! Sino iyan?"

"Wala. Secret, walang clue. Bakit nga pala napunta sa akin ang usapan?!"

Napangiwi na lang tuloy ako. "Ang daya mo naman! Parang hindi ako mapagkakatiwalaan ah. Sabihin mo na kasi tapos ako na bahalang umalam ng whereabouts ng kung sinoman iyan. Basta hindi iyong taong kinamumuhian at binabackstab ko sa room ah."

Nginitian lang niya ako sabay iling na siyang nagpasimangot sa akin.

"Ang daya mo naman, Klent. Parang hindi kaibigan eh."

"Psh! Ang ingay-ingay mo kasi."

Itinaas ko ang hinliliit ko sa kanya. "Promise, hindi ako mag-iingay." Sabay tawa ko kaya pinaningkitan niya ako ng mga mata.

"Tignan mo, pinky promise pa lang lakas na ng tawa mo." Lumapit siya sa akin na naniningkit pa rin ang mga mata. "Eh ikaw? Wala ka talagang gusto kay Drayton mo?"

Pinitik ko siya sa noo sabay tawa. "Gago, wala."

"Pero nagseselos ka kay Trizia?"

Umarko ang kilay ko. "Sinong Trizia?"

"Iyong girlfriend ni Srystian. Tinanong kita kanina kung nagseselos ka ang sagot mo hindi lahat ng selos ay dahil sa in love ang isang tao."

"Hindi naman kasi talaga lahat ng selos ay dahil inggit ang isa tao. Pero oo, nagseselos ako kay Trizia. Ang lapit-lapit niya kay Drayton habang ito ako, pinagtutulakan palayo ng Kumag na iyon." Napabuntong hininga na lang ako bago inumin ang kape ko ng dire-diretso. Ni hindi ko na nagawang ituon ang atensyon ko sa pagre-rewatch namin ng My Hero Academia, nasa favorite scene ko pa naman ang eksena ngayon mula sa UA Sports Festival.

Walang sinabi si Klent sa inilahad ko ngunit marahan niyang tinapik ang ulo ko sabay ngiti sa akin. Ngiti na sinisiguro sa akin na magiging maayos din ang lahat.

Subalit kailan pa? Kailan pa magiging maayos ang lahat?

──────⊱◈◈◈⊰──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top