Chapter 4
Chapter 4: What's happening with us?
MONDAY'S POV
TULALA ako buong klase. Ni walang plano makinig dahil patuloy kong iniisip kung bakit ginagawa mo ito. Siguro ay may nangyari na hindi ko alam pero ano iyon? Magkaibigan tayo hindi ba? Kung may problema ka dapat ay sinasabi mo sa akin.
Isa pa, hindi ko kayang maatim na sinisira mo ang buhay mo. Kaibigan mo ako, magkasabay tayong lumaki at namulat sa mundo, paano kita hahayaang maligaw ng landas?
"May naka-perfect?" Sa kabila ng pagkatulala ko ay malinaw ko pa ring naririnig ang usapan ng mga kaklase ko o mas tamang sabihin na sigawan nila.
"Si Monday!" Sagot naman ni Klent dahilan para mapalingon ako sa kanya at tignan siya ng masama. "Seryoso ako!" Giit niya sabay lapit ng papel ko sa akin na ni hindi ko alam kung paano ko nagawang sagutan ang quiz. "Masyado mong sineryoso iyong quiz Monday! Ang tindi mo!" Natatawang sabi niya at hinampas pa ako sa braso, sa inis ko, ginantihan ko siya ng suntok sa braso pero tinawanan lang niya ako!
Napabuntong hininga ako bago agawin ang papel ko sa kanya at ipasa iyon sa harapan. "Ang ingay mo, Tulok. Hindi maingay sa klase iyong kambal mo."
"None of them will notice, Monday. These people doesn't care who they are talking to, ang importante lang naman sa kanila ay manguna sila sa klaseng ito. Unless isa ako sa manguna sa klase roon sila magkaroon ng pakialam."
Wala pa ako sa tamang huwistyo kakaisip sa kalagayan mo ngunit nagawa kong bigyang pansin si Klent dahil sa salitang binitawan niya. "Sinasabi mo bang papansinin ka lang ng isang tao oras na may gawin kang hindi pabor sa kanila?"
Napangiwi ako dahil sa bigla niyang pagkindat sa akin. "Woah! Na-gets mo!" Aniya sabay palakpak. "It is naturally occurring you know?" Sabay tawa niya.
"Eh paano kung... pabor naman sa kanila iyong ginagawa ko pero hindi pa rin nagbabago ang lahat...?"
"Oh! That's an easy question!" Sambit niya kaya umarko ang kilay ko. "Ayaw sa iyo ng taong iyon."
"A-ayaw sa akin?" Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko, iisang tao lang ang nasa isip ko sa mga oras na ito.
"Yep. Ayaw niyang pakialaman mo siya. Isa pa bakit mo nga naman kasi pagtutuunan ng pansin ang taong alam mo namang walang pakialam sa iyo?" Nakangisi niya akong inakbayan bago pisilin ang ilong ko. Sinubukan kong sanggiin ang braso ni Klent na nakapatong sa mga balikat ko, mamaya kung ano pang isipin ng mga kaklase namin ni Klint lalo na at hindi naman kami nagpapansinan ni Klint sa klase. "Lunes, tinatrato kita ng tama kaya huwag kang magpagago kung kani-kanino ah!"
"M-may point naman iyong sinasabi mo na ayaw niyang pakialaman ko siya pero hindi naman ibig sabihin niyon ay wala na siyang pakialam sa akin."
"Tungkol kay Srystian ito ano?" Doon nagawang alisin ni Klent ang braso niyang nakapatong sa akin. Nangalungbaba siya sa lamesa at pinaningkitan ako ng mga mata. "Kasasabi ko lang, tinatrato kita ng tama kaya bakit ka magpapagago?"
"Klent, si Drayton iyon. Si Drayton iyon na hindi ako basta-basta pinapabayaan."
"Tingin mo ba mapipigilan mo si Drayton sa mga kat-rantaduhan niya ngayon? Hindi na siya nakikinig sa iyo, Monday."
Mas dumiin ang pagkagat ko sa pang-ibabang labi ko. Naalala kong hindi pa natin nagagawang pag-usapan iyong pagtatalo natin. Naaalala ko pa lang iyong tingin na ipinukol mo sa akin kagabi ay naninikip na ang dibdib ko.
Kailangang makausap kaagad kita mamaya. Hindi ko alam kung kakayanin kong matiis na ganito ang sitwasyon natin, anuman ang mangyari ay siguraduhin ko na magkakaayos tayo.
"K-kailan ba hindi nakinig sa akin si D-Drayton?" Hindi ko alam kung para ba sa akin ang tanong na iyon o para kay Klent.
Bigla niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ko at pinisil iyon na para bang mochi ang pisngi ko. "Kailan nga ba nakinig si Srystian sa iyo? For all I know ikaw itong sunod nang sunod sa kanya kasi mas matured mag-isip si Srystian sa iyo. Iyon lang, nabagok ata ang ulo ng Kutong Lupa na iyon." Nginitian ako ni Klent bago tuluyang bitawan ang pisngi ko.
"May reason naman siguro kung bakit ginagawa ni Drayton ito." Naninikip na naman ang dibdib ko kaya kinuha ko ang water bottle ko para uminom ng tubig.
"Siguraduhin lang niyang matino ang dahilan niya. Sa oras na malaman kong kat-rantaduhan niya talaga ang pinapairal niya bahala na siya sa buhay niya at pasensyahan na lang kami kapag dinawit ka niya sa mga gulo niya."
"Klent, kahit naman siguro magkaganon si Drayton ay hindi niya ako basta-basta idadawit sa mga gulong papasukin niya."
"Tch! Hindi nga natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Drayton ngayon, hindi ba?"
Napakibit-balikat na lang ako bago lingunin mula sa loob ng classroom namin ang building ninyo at umaasang makikita kitang nasa labas ng room ninyo.
"Libre na kang kita ng ice scramble mamaya." Tinapik ni Klent ang balikat ko kaya napalingon ako sa kanya na ang lapad ng ngiti ngayon sa akin. Alam kong pinapagaan lang niya ang loob ko dahil kung anu-ano ang iniisip ko.
"G! Basta ba iyong nasa malaking cup, ah!"
"Sure. Sure." Pipisilin pa sana ulit ni Klent ang pisngi ko ng mapadaan ang kaklase naming si Yvienne at malisyosang tumingin sa aming dalawa ni Klent.
"Ay wow. Ang PDA ninyong dalawa huy! Doon na kayo maglambingan sa labas, masakit sa eyes mga 'teh!"
Ngumiwi ako sabay iwas agad kay Klent. Hindi ko alam kung kay Yvienne o kay Klent ako titingin ngunit malinaw na ang gusto kong sabihin ay "Eww."
ORAS ng Pre-Cal, lahat ay pare-parehong salubong ang kilay habang nakikinig sa teacher namin. Seryoso akong nakikinig habang sumusunod ang kamay ko sa pagsusulat sa bawat salitang binibitawan ng Pre Calculus teacher namin.
May quiz mamaya at ilang araw ng okupado ang utak ko ng tungkol sa pinaggagawa mo. Ngayong nag-re-recall kami para sa klase ay kailangan kong makinig kaagad dahil hindi naman ako makakaasang makakakopya ako kay Klent ganitong alam kong ibabagsak niya ang quiz ng kakambal niya.
Ang problema ay sumabay pa ang puson ko! Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko sa sobrang sakit. Hindi ko kayang tiisiin ito! Madali akong nagpaalam sa teacher namin dala ang heat pack ko, kailangan ko lang humingi ng hot water sa cafeteria, sasamahan pa sana ako ni Klent ngunit pinag-stay ko na lang siya sa room.
Umaasa akong kahit papaano ay may maiintindihan siya sa lessons at mapapakopya ako mamaya. Kahit three points lang!
Dire-diretso akong bumaba sa cafeteria, mabuti na lang at may available silang hot water, pagkaabot sa akin ng styrocup na may lamang hot water ay agad kong inilagay doon ang heat pack ko, nang ma-absorb na ng heat pack ko ang init ng tubig ay saka ko iyon ginamit. Hindi na ako nag-abalang umakyat sa classroom dala ang heat pack dahil puro babae rin naman ang tindera sa cafeteria.
Nang masiguro kong gumaan na ang pakiramdam ko ay dali-dali akong umakyat sa classroom. Kahit naman na valid ang reason ng pagbaba ko rito ay baka pagalitan pa rin ako ng teachers na makakakita sa akin.
Sa daan ko pabalik sa classroom ay doon kita nakita. Kusa akong napahinto sa paglalakad nang makita kitang tumawa kasama ang dalawang lalaki na hindi ko naman kilala. Bago mo sigurong mga kaibigan? Kaibigan o kasama sa gang?
Hindi mo suot ang blazer mo, wala rin sa tamang lugar ang pagkakabutones ng damit mo, ang necktie mo nakatabingi, ang ID mo ay hindi mo rin suot at puro alikabok ang itim mong pants. Napakaarte mo sa damit mo Drayton kaya anong itong nakikita ko? Para kang batang gusgusin. Pinapabayaan mo na ang sarili mo na maging ganito kadugyot ngayon?
Bago pa man ako makapag-isip pa ay namalayan ko na lang na naglalakad na ako papalapit sa inyo ng tropa mo. Tropa mo na agad akong napansin at inginuso ako sa iyo kaya napalingon ka sa akin.
"Anong hitsura iyan?" Nakangiwing tanong ko sa iyo habang tinitignan ka mula ulo hanggang paa.
"Fashion." Simpleng sagot mo at bahagyang tinapik ang ulo ko.
Pakiramdam ko ay napakatagal nating hindi nag-usap, ganoon na lang ang paglukso ng puso ko dala ng matinding tuwa, subalit nagdire-diretso ka na maglakad papalayo sa akin.
Naiwan akong tulala sa kinatatayuan ko. Fashion? Kailan pa naging fashion ang kadugyutan?! Paglingon ko sa iyo ay hahabulin pa sana kita ngunit mukhang hindi ka naman na interesadong kausapin ako. Hindi ko tuloy maisip kung galit ka pa ba sa akin o ayos na tayo?
Pero bakit ikaw ang magagalit sa akin? Ako dapat ang magagalit sa iyo hindi ba?!
Para tayong magkachat, ang dami kong sinabi tapos ang inireply mo lang sa akin ay K. Kunsabagay, sa tuwing magkausap naman tayo online ay palaging ikaw itong mabilis magmessage at panay ang chat sa akin samantalang ako naman iyong inaabot ng buong araw bago mag-reply sa iyo.
Kailangan ko ng bumalik sa classroom namin dahil may exam pa kami sa PreCal pero wala ng mas hihigit pa sa katotohanan na kailangan na nating mag-usap at ayusin itong hindi natin pagkakaunawaan. Kahit nahihirapan akong magtanong ay magtatanong ako.
Pero hindi pa man ako nakakahabol sa iyo ay siya nang pagpapaibabaw ng tunog ng fire alarm sa buong building. Hinila mo iyong fire alarm! Natatawa kayong kumaripas ng takbo ng mga kaibigan mo at ako na siyang lalapit sana iyo para kausapin ka ay naiwang natataranta ng sobra.
Kaya ba ako natataranta dahil sa nakakabinging tunog ng fire alarm o dahil sa nakita ko kung papano mo mismo hinila iyon?
Nasampal ko na lang ang sarili ko at tumakbo sa kinaroroonan ng fire alarm at pilit iyong ibinalik paitaas sa pag-asang hihinto iyon at mananahimik. Subalit nabigo akong patahimikin ang fire alarm at nagsunod-sunod na lang ang pagtunog ng fire alarm sa magkakatabing buildings!
"You! To The guidance office, now! Now!"
Mariin ko na lang na naipikit ang mga mata ko dahil may teacher na nakahuli sa akin na hawak ang fire alarm at pilit iyong ibinabalik. Ang tanga-tanga mo, Monday! Pero kung tatakbo ba ako palayo sa fire alarm ay hindi ba at ako rin ang mapagbibintangan?
Pinili kong itikom ang mga labi ko. Gusto kong magsalita subalit sa oras na magsalita ako ay mapapahamak ka naman. Pwede ko naman sigurong idahilan na may mga mga nakita akong naghila ng fire alarm kaso hindi ko kilala! Tama! Hangga't wala akong binibitawang pangalan, magiging maayos ang lahat.
Sunod-sunod na nagkagulo ang lahat. Ang teachers ay nagsimulang mataranta na palabasin ang bawat estudyante habang ito ako naglalakad na papuntang guidance, gusto ko mang tumakas ay nakabantay sa likod ko iyong teacher na nakahuli sa akin na hawak ang fire alarm.
Drayton, hangga't hindi ko alam kung para saan itong ginagawa mo hindi ako titigil sa pagpapabalik sa iyo. Huwag mo akong t*rantaduhin dahil sa ating dalawa ikaw itong may hinaharap pang naghihintay. Alam mong mga bata pa lang tayo ay patapon na ang buhay ko kahit gustuhin ko mang mangarap ay wala ring patutunguhan iyon.
Malalim ang naging pagbuntong hininga ko habang pinanonood ang mga estudyante ng bawat building na lumabas ng kanya-kanyang classrooms nila at pumila ayon sa sections nila.
"Lunes?!" Nagtatakang tanong ni Klent ng mapadaan ako sa pila ng section namin na papunta na sana sa evacuation center dahil sa fire alarm. "Saan ka nanggaling ba't hindi ka pumila sa likod?"
Alanganin akong napangiti sa kanya at nagpeace sign pero iyong mukha niya ay kitang-kita ang pinaghalong pagkadismaya at galit, sa palagay ko ay naiintindihan niya naman ang nangyari. "Guidance. Natupad pangarap ko Klent! Hehe."
"P*tangina, Monday!" Humarang sa daraanan ko si Klent, hinawakan niya ang kamay ko at salubong ang mga kilay na tinignan ako---mali, ang teacher na siyang maghahatid sa akin sa guidance ang tinitignan niya ng masama ngayon. "Ma'am Joy, walang kinalaman si Monday dito."
"Klent...!" Sinubukan kong alisin ang kamay niya sa pagkakahawak sa kamay ko. "Ano ka ba? Ayos lang ako."
Sa akin na nabaling ang atensyon niya. "Kakabitaw mo lang ng pangako mo kanina na hindi mo ipapahamak ang sarili mo, hindi ba?"
Tuluyan kong inalis ang kamay ko mula sa pagkakahawak sa akin ni Klent at bahagya siyang nginitian. "Ma-ga-guidance lang ako, hindi ako ma-ga-garrote. Huwag ka ngang OA!"
Kinawayan ko pa si Klent na para akong batang sinundo sa daycare center at siya ay maiiwan kasi wala pang susundo sa kanya.
Nang mapadaan ako sa pila ninyo at matapat sa iyo ay doon ko nakitang nakatingin ka sa akin "Mukha akong preso na haharap sa death penalty ano?" Iyon sana ang birong bibitawan ko sa iyo kung sakali mang pansinin mo ako matapos kong mapadaan sa kinatatayuan mo, ngunit bago pa man ako makapagsalita ay mabilis ka nang nag-iwas ng tingin sa akin na para bang hindi mo ako kilala.
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top