Chapter 24

Chapter 24: Dear You
MONDAY'S POV

MGA bata pa tayo ng unang magtagpo ang mga landas natin sa hospital, kung saan dalawang linggo akong nanatili dahil walang sasapat na pera si mama para ilabas ako agad doon kahit magaling naman na ako.

"May sakit ka?" Tinatanggal ko pa ang tinga ko noong araw na iyon ng walang anu-ano ay may batang kalbo na lumapit sa akin.

Pitong taong gulang lang ako niyon, hindi pa hubog ang isip at napakamaldita. "Gusto mo hawaan kita?" Hanggang ngayon naman ata ay maldita pa rin ako hindi ba? "At least hindi ko kailangang pumasok ng school para makita iyong mga classmate kong pangit, hmpf!"

"Nagtatanong lang naman ako kung may sakit ka kasi gagamutin kita!"

"Alam mo classmate siguro kita."

"Eh? Hindi ah, hindi nga kita kilala."

"Ang pangit mo kasi kaya classmate nga siguro kita at sino ka ba? Hindi rin naman kita kilala. Saka gagamutin mo ako? Bakit doctor ka ba? Ang bata-bata mo pa nga!" Nagulat na lang ako ng biglang mag-posing iyong batang kalbo noon, nabalot ko pa nga ang sarili ko sa kumot dahil natakot ako na baka bigla niya akong saktan pero nginitian lang ako nung bata ng nakakaloko.

"Ako ang Avatar! At inaaral ko ngayon ang tatlong element para matalo ko si Firelord Ozai!" At muli siyang nagpalit ng fighting pose. "Air bending splash!" Bigla siyang tumalon na maging ang mga katabi kong pasyente ay napatalon pa sa gulat. "Kapag natutuhan kong mag-water bending at gumamot ng tao ikaw ang una kong gagamutin! Hi-yah!"

"Baliw ka!" Natatarantang sigaw ko, paiiyak na. Hinahanap ng paningin ko si mama pero hindi ko siya makita.

"Hindi baliw ang avatar!"

"Ang avatar hindi, ikaw oo!"

"Gusto ko lang namang makipagfriends eh, bakit ang sungit-sungit mo?!"

"Hindi kasi ako nakikipagfriends sa pangit na katulad mo!" Buwelta ko at humarap na lang sa kabilang gilid ng kama ngunit mabilis kang umikot para harapin ulit ako. "Ayaw kong makipag-usap sa pangit, alis nga!"

"Ang pogi-pogi ko daw kaya sabi ni Mommy!"

"Sabi ng mommy mo iyon eh! Dapat sa akin ka maniwala, kasi totoo ang sinasabi ko!"

"Bad ka! Liars go to hell daw, kaya bakit ka nagsisinungaling?"

Muli akong umikot sa kabilang gilid ng kama pero makulit ang tukmol at hinabol talaga ako ng tingin. "Panget go to hell din kaya, bleeeh!"

"Mabait ako paano ako mapupunta sa hell?"

"Kung mabait ka hindi mo ako guguluhin kasi kailangan kong magpahinga kasi may sakit ako!" Kahit na magaling na talaga ako sa sakit ko.

Nakamot niya ang ulo niya bago ako ngusuan. "Okay. Ayaw mong makipagfriends sa akin. Basta bata, sa susunod na magkikita tayo huwag na dito sa hospital ah?"

"At bakit naman?!"

"Kasi kung dito tayo ulit magkikita sa hospital ibig sabihin lang ‘nun may sakit ka pa rin gusto mo ba ‘nun? Hindi daw maganda ang may sakit sabi ni Mommy, kasi ang lolo ko namatay sa sakit at sa hospital din siya namatay! Pagaling ka ah!"

Mamatay sa hospital?!

Akala ko ay iyon na ang huling beses na makikita ko ang pasaway na Avatar pero hindi pala, dahil sa muli naming pagkikita ay hindi ko inaasahang magagawa na niyang ma-master ang waterbending.

"Bata!" Kakauwi ko lang niyon galing sa hospital ng mamataan ko iyong batang kalbo na nakikipaglaro ng tumbang preso kay Klent at Klint.

Sumigaw agad ako sa takot ‘nun at halos maglulupasay ng iyak dahil tumakbo ba naman siya papalapit sa akin na may hawak-hawak na malaking tsinelas, akala ko ay ipapalo niya sa akin pero huminto siya sa harapan ko na nawala na ang ngiti.

"Bakit umiiyak ka?" Inosenteng tanong niya sa akin.

Nahiya akong sabihin na natakot ako sa kanya dahil inakala kong hahampasin niya ako ng tsinelas na parang isang ipis noon kaya nagdahilan ako lalo na at mas nahihiya ako dahil nasa malapit lang ang crush kong si Klint. "Paanong hindi ako iiyak eh may panget na sumalubong sa akin. Saka bakit ba nandito ka?!" Sandali kong nilingon si Mama na pinapapasok na ako ng bahay noon.

"Eh dito na kami nakatira eh!" Proud na sambit niya sabay turo sa bahay nila na katapat lang ng bahay namin, sila pala ang nakabili ng bakanteng bahay sa tapat!

"Eww! May kapitbahay akong pangit?!"

"Mas pangit kaya si Klnt at Klint!" Giit niya sabay turo doon sa dalawa na wala namang malay sa pinagtatalunan naming dalawa.

"Luh, asa ka! Mas gwapo kaya si Klint sa iyo!" Nalilito silang napatingin sa akin kaya mabilis kong dinugtungan ang sinabi ko. "At syempre si Klent din, kambal kaya sila! Diyaan ka na nga, hindi dapat ako nakikipag-usap sa pangit!" Ani ko at nagmartsa na papasok ng bahay pero sa kagaslawan ng kilos ko ay nauntog ako papasok sa gate at narinig ko na lang ang magkakasunod na tawanan ng mga Kumag kaya isa-isa ko pa silang binelatan bago tuluyang pumasok, pati si Klent tinatawanan ako!

Pag-uwi ko sa bahay niyon ay isang linggo akong hindi pinalabas ng bahay ni mama dahil baka kung ano namang kabaliwan daw ang gawin ko. May mga kalaro naman daw ako kaya bakit sa mga kiti-kiti at lamok pa ako nakipaglaro.

Para tuloy akong preso noon kasi naglalaro kami nina Klint at Klent sa bintana lang ng bahay namin kasama si batang Kalbo. Iyon lang kapag habulan, taguan, langit at lupa o tumbang preso na ang laro nila hanggang nood na lang ako at halos mamatay na ako sa inggit. Kapag sinusubukan kong lumabas binabantaan agad ako ni mama na papaluin ako ng walis tambo kaya nananahimik na lang ako, masakit kayang mahampas ng walis tambo, lalo na at native ang walis tambo namin ‘nun, iyong kahoy talaga ang hawakan!

Minsang umalis si mama noon para mamalengke at dahil inggit na inggit na akong makalabas dahil hanggang school lang ang nararating ko ay tumakas ako noon para makipaglaro, iyon lang nahuli ako ni mama, hindi ko naman kasi alam na saglit lang pala siyang lalabas ng bahay noon, ayun, sa halip na isang linggo lang ako nakakulong sa bahay ay nadagdagan pa ng panibagong linggo!

SABADO ng umaga, kakatapos ko lang mag-almusal kaya binuksan ko ang TV para manood nang magulat ako dahil may kalbo na sumulpot sa bintana. Tumayo ako para sana saraduhan siya ng bintana pero mabilis niyang hinarang ang kamay niya.

"Wait, wait lang!"

"Bakit ba?!"

"Pwede pumasok?"

"At bakit?!"

"Hindi ba at bawal kang maglaro sa labas? Pero wala namang sinabi ang mama mo na bawal kang makipaglaro sa loob."

Napaisip ako noon at nang maintindihan ko ang sinasabi niya ay mabilis na nagningning ang mga mata ko. "Gusto mo bang maglaro o kaya manood ng cartoons? Marami akong CD!"

"CDs?"

"Oo!"

Gustong-gusto ko manood ng cartoons gamit ang CDs dahil nakakabitin ang panonood sa TV tapos puro commercial pa. "Pero wala kaming DVD." Nakasimangot na turan ko.

"May portable DVD ako!"

Muli na namang nagningning ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. "Talaga?"

"Oo! Pero payag ka ng manood tayo?"

Nakangiti akong tumango sa kanya na siyang mas lalong nagpalawak ng ngiti niya bago siya nagmamadaling tumakbo papasok sa bahay nila para kuhain ang DVD nila.

Sa tagpong iyon alam kong na-master na niya amg waterbending dahil natutunan niyan sundan ang agos ng tubig tulad kung papaano niya nagagawang sundan ang agos ng pag-uugali ko ng mga panahong iyon.

Natatawa na lang tuloy ako.

"Kalbo, bakit pala---"

"Alam mo malapit na talagang sumama ang loob ko sa iyo." Ngumuso siya sa akin kaya kumunot ang noo ko. "May pangalan ako, okay? Tinatawag nga kita sa pangalan mo tapos kalbo itatawag mo sa akin?!"

"Eh hindi ko naman kasi alam ang pangalan mo!"

"Seryoso?!"

"Oo, bakit, masama ba?!"

Salubong ang mga kilay niyang pinitik ang noo ko kaya naman nahimas ko ang noo ko dahil masakit ang pagkakapitik niya. "Srystian. Srystian Démios Clifton Calvert Drayton ang pangalan ko!"

"Ang haba naman ng pangalan mo! Ang hirap tandaan!"

"At least hindi ako basta pinangalan lang sa day of the week, Monday!" At ako na ang binelatan ni Kalbo ngayon!

"Hmpf, Drayton lang natandaan ko kaya Drayton itatawag ko sa iyo."

"Eh apelyido ko iyon eh."

"Nyehnyehnyeh~! Tatawagin kita sa anumang gusto ko itawag sa iyo, deal?! Huwag kang mag-alala hindi na kita tatawaging Kalbo!"

"Tss! Deal! Okay na ako sa Drayton."

"Cool~!"

At ang ikatlong elemento na natutuhan mo ay ang Earth; earthbending, kung saan natutuhan mong makinig at maghintay---tulad ng siya mismong ginamit ni Aang para matutuhan niya ang earthbending mula kay Toph. Simula ng matutuhan mo ang earthbending ay natuto kang maging maingat sa bawat kilos mo at mas nabigyang linaw sa iyo kung ano ang tama sa mali at mas lalong lumawak ang pandinig mo.

"BAKIT ako na naman ang taya?!" Angal ko at nagpapadyak sa inis, kaya ayaw ko ng langit lupa kasi ako lagi ang taya. "Madaya, ayaw ko na!" Nagdadabog na ako paalis ng laro pero bigla kang nagtaas ng kamay na akala mo naman ay recitation.

"Ako na lang ang taya!" Suhestyon mo kaya mabilis akong tumigil sa pagdadabog pero lahat naman ng kalaro natin ay napatingin sa iyo.

"Ayieee si Tantan may crush kay Lunes!" Si Klint ang pasimuno ng pang-aasar kaya muntikan na naman akong maglupasay noon.

Oo, aminado akong sobrang arte ko noong mga bata pa tayo.

Naiirita ka na sigurong basahin ito ano? Kahit naiirita ka, ituloy mo para malaman mo kung papaano nagsama ang kabaitan at kademonyuhan sa iyo!

"Ako may crush kay Monday? Kadiri kayo, hindi nga nagto-toothbrush iyan kaya mabaho ang hininga eh."

O siguro nga ay natutuhan mo ang earthbending---pero hindi ka pa bihisa! Bully!

At ang pinakamapinsala ngunit pinakamahalagang elemento, apoy; firebending na siyang natutuhan mo ilang taon matapos ang nangyaring trahedya noong graduation natin ng elementary.

"Drayton," abala ka sa panonood ng Fairy Tale noon ng i-pause mo ang pinapanood mo at lingunin ako.

"Bakit?"

"Napanood ko iyong A Walk to Remember, naiingit ako sa telescope ni Jaime. May pera ka ba? Bili tayo ng telescope, hati na lang tayo!"

Tinawanan mo lang ako sa sinabi ko at ginulo ang buhok ko. "Kahit pagsamahin pa natin ang pera natin hindi pa rin natin afford ang telescope."

Nakanguso akong napatango. Ako na mismo ang nag-play ng pinapanood mo at sumandal sa balikat mo para makinood na lang din.

Subalit sa sumunod na araw, mahimbing pa akong natutulog niyon ng pumasok ka sa kwarto ko para gisingin ako.

"Antuken! Antukeeennn!" Nararamdaman kong paulit-ulit mo akong niyuyugyog para magising pero tinatamad pa akong bumangon. "Monday, tumayo ka na diyaan!" Ngunit hindi pa rin ako tumayo, napabalikwas lang ako ng bangon ng maramdaman ko ang pagkabasa ng mukha ko dahil sa pag-s-spray mo ng tubig, tukmol ka talaga! "Babangon din pala. Psh!"

"Bakit ba?!" Naiiritang tanong ko bago punasan ang bibig kong natuyuan ng laway. "Ang aga-aga, nambubulabog ka! Gusto mong isumbong kita kay Lola Solidad?!"

"Gusto mong makakita ng affordable stars sa ceiling hindi ba?" Naniningkit ang mga mata mo kaya marahan akong tumango at halos magtatalon ako sa tuwa ng ipakita mo sa akin ang isang pakete ng luminous stars and moon na pupwedeng ilagay sa ceiling.

"Binili mo talaga ito para sa akin?!"

"Asa ka, utang 'to! Ililista ko 'to ah."

"Aish!" Napangiwi ako bago ka hampasin sa balikat. "Oo na nga! Tara na, ikabit na natin 'yan, baka ikaw ang isabit ko sa ceiling!"

"Opo..."

Lubhang mapanganib ang apoy kung kaya't dapat na matutuhan mo ang tamang pag-kontrol dito at nang mapanatili ang kontrol na iyon ay ginagamitan ng angkop na lugar at panahon ang paggamit nito, tulad kung kailan mo dapat ilahad ang damdamin mo sa maliliit mong kilos dahil mayroong kang mga kilos na maaaring magdulot ng panganib sa damdamin ng isang tao; sa nararamdaman ko.

Dahil sa mga panahong gumagamit ka ng apoy ay nagkakaroon ako ng kalituhan sa napakaraming bagay na siyang nag-uudyok sa akin para isiping higit pa sa kaibigan ang turing mo sa akin.

Subalit sa pagdaan ng bawat araw ay hindi ko na inabala pa ang sarili ko na isipin kung anuman ang siyang nararamdaman mo tungo sa akin. Sa huli ay hinayaan ko na lang ang sarili ko hanggang sa hindi ko namamalayan, lumalalim na pala ang siyang nararamdaman ko sa iyo tulad kung papaano lumalaki ang kabilis na lumaki ang apoy.

Gayunpaman, hindi ko alam kung anong panganib ang maidudulot ng nararamdaman ko sa iyo na lalo lang lumalim sa paglipas ng panahon.

Pero dapat ko pa bang alalahanin kung matutugunan mo ang nararamdaman ko para sa iyo? Masaya na ako kung anuman ang mayroon tayo ngayon at itong nararamdaman ko pa rin sa iyo ay pananatilihin ko tulad kung paano ko sisiguruhin na magagawa kong mapanatili ang mga memorya mo kasama ang mahahalagang tao sa buhay mo.

Patuloy akong magsusulat para masigurong wala akong makakaligtaan na maipaalala sa iyo oras na mabura na ang mga alaala mo. Kahit maubos ang lahat ng papel sa mundo, ang tanging mahalaga sa akin ay ang manatili kang kasama ko...

Paulit-ulit-ulit-ulit akong babalik at lilingon sa nakaraan para sa iyo.

Lagi't lagi akong nandito, Drayton at ililigtas kita.

──────⊱◈◈◈⊰──────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top