Chapter 2
Chapter 2: Are you still with me?
MONDAY'S POV
NAIBATO ko ang cellphone ko sa sofa bago muling sumilip sa labas. Alas-tres ng hapon ang uwian natin at hindi ko maintindihan kung bakit alas-siete na ay hindi ka pa rin umuuwi. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses kong tinanong si Lola Solidad kung nakauwi ka na nga ba. Tinatawagan kita, nag-chat din ako, hindi ka naman din nagrereply.
"Monday." Umangat ang tingin ko kay Mama ng tawagin niya ako. Akala ko naman kung ano, may iniutos lang pala siya sa akin. Minadali kong tapusin ang dapat kong gawin dahil hindi ako mapakali.
Nang narinig ko ang ingay ng pagbukas ng gate ninyo ay hindi ako nag-atubiling tumakbo agad palabas, muntikan pa akong lumagapak sa sahig dahil kakabunot ko lang niyon.
Tila ba nabunutan ako ng tinik matapos kitang makita sa labas ng bahay ninyo na papasok pa lang.
Dali-dali akong lumabas at hinila ang bag mo, ngunit mabilis ko ring nabitawan ang bag mo dahil akala ko ay panda ang siyang nasa harapan ko!
"Napaaway ka ba?!" Pasigaw na tanong ko sa iyo ngunit mabilis mo akong sinenyasan na hinaan ang boses ko kung kaya't lalo akong nalinawan sa sitwasyon mo ngayon. "Drayton kinakausap kita. Saan nanggaling iyang mga pasa mo?" Inangat ko ang kamay ko upang ibaba sana ang hoodie mo pero mabilis kang kumilos para hatakin ako patungo sa bakuran ninyo. Dinaig mo pa ang kidnapper dahil sa nalalaman mong patakip-takip sa bibig ko. "Drayton!"
"Monday, huwag kang maingay, please."
Pinanlakihan kita ng mga mata sabay pameywang. "Anong nangyari sa iyo? Bakit late ka nang umuwi, ha?" Ibinulong ko na lang ang mga katagang iyon kahit gustong-gusto na kitang sigawan.
"Look, may inasika—"
"Nakipag-away ka." Giit ko at diretsong ibinaba ang hoodie mo kung kaya't lalong luminaw sa paningin ko ang mga sugat at pasang natamo mo. Gustong-gusto kitang sermunan at awayin ng mga oras na iyon subalit pinilit kong huminahon, kahit na gusto ng sumabog ng bibig ko para talakan ka, dahil ito ang kauna-unahang beses na napaaway ka ng ganito.
Mag-aargumento pa sana tayong dalawa pero pinili kong hilahin ka na lang muna papasok sa bahay namin, dahil oras na makita ni Lola Solidad ang kalagayan mo ay tiyak na aatakihin lang siya sa puso.
Sandali kong kinatok si Lola Solidad sa bahay ninyo at ipinagpaalam ka na sa amin ka muna matutulog. Dahil nasa bahay din naman si Mama at mababantayan naman daw tayo ay pinayagan ka rin naman niya.
"Pumasok ka na sa loob!" Pagpupumilit ko dahil patuloy ka lang tumatanggi. Alangan sa labas ka matulog hindi ba?! "Hindi ka naman niyan papansinin ni Mama plus hindi ka niyan isusumbong. Kung may magsusumbong man sa iyo rito, ako lang iyon!"
"Monday naman."
"Manahimik ka. Dito ka lang, pag-aalalahin mo lang si Lola Solidad oras na makita ka niya sa ganyang kalagayan!" Giit ko bago kuhain ang mga gamit na kailangan ko para gamutin ang mga sugat mo. "Kumain ka na ba?" Tanong ko habang iniisa-isa ang paghahanda ng bulak at alcohol para sa paggagamot ng mga sugat mo.
"Hindi pa—aww! Monday!"
"T×rantado ka kasi. Anong pinaggagawa mo at iyan ang sinapit mo?!"
"Nadawit lang ako sa gulo." Giit mo na hindi ako magawang tignan sa mga mata. Sinasabi ko na nga ba!
Muntikan ng mangalahati ang alcohol dahil diretso kong ibinuhos iyon sa sugat mo na siyang lalong nagpadaing sa iyo. "Umiwas ka ng tingin! Nagsisinungaling ka. Oo, kaibigan mo ako at hindi dapat ako manghimasok sa buhay mo pero kung alam kong wala ka naman sa tama, panghihimasukan ko talaga ang buhay mo!" Lintaya ko sa iyo bago ko ipinulupot ang gasa sa binti mo.
Umaray ka na naman kaya tumigil na ako. Sumagi muli sa isipan ko iyong nakita ko noong nakaraang linggo; noong unang araw ng klase kung saan nakita kita sa likod ng building ninyo at... naninigarilyo. Iyong mga kasama mo noon, may kinalaman ba sila sa sinapit mo ngayon?
Sinong nasa likod nitong mga pasa at sugat mo? Tumuntong lang tayo ng senior high school natuto ka ng makipag-away. Ikaw man ang nagpasimuno ng gulo o nadawait ka lang, nakipag-away ka pa rin.
"Wala akong ginagawang masama Monday."
"Wala?!" Padabog kong naibaba ang bulak at alcohol. Iyon ang unang beses na nag-away tayo ng ganoon kaseryoso. "Srystian, noong nakaraan nakita kitang naninigarilyo tapos ngayon ito...!" Mariin kong nakagat ang labi ko, naninikip ang dibdib ko at nagsisimula ng mamuo ang mga luha ko sa gilid ng mga mata ko. Alam mo naman iyakin ako pero anong ginagawa mo ngayon? Pinapaiyak mo ako. "...umuwi kang late puro pasa at sugat. Srystian, nandito ka pa lang, nagsisimula ka pa lang sa kat*rantaduhan mo pero pinipigilan na kita! Kung iniisip mong wala ka namang maapektuhan kaya mo ginagawa iyan, huwag mong kalilimutan na nandito ako!"
"Monday... tama na."
"Ako dapat ang nagsasabi niyan sa iyo. Dahil ba ito sa mga bago mong kaibigan? Hindi naman kita binabawalang makipagkaibigan eh, pero sana naman huwag kang makipagkaibigan sa mga taong sisira sa iyo." Pinunasan ko ang mga luha ko at muling pinulot ang bulak at alcohol. Ipagpapatuloy ko sana ang paglilinis sa mga sugat mo ngunit mabilis mong tinabig ang kamay ko. "Srystian..."
"Ako na ang maglilinis ng mga sugat ko. Salamat sa tulong."
Hindi ako nakapagsalita at napatitig na lang ako sa mga sumunod mong kilos. Kakatigil ko lang sa pag-iyak pero iyan ka na naman, pinapaiyak ako at ang lalong nakakapagpasikip ng damdamin ko ay iyong katotohanan na hindi ka man lang nag-abalang punasan ang luha ko, hindi mo ako pinatahan, hindi mo ako niyakap katulad ng siyang lagi mong ginagawa sa tuwing umiiyak ako.
Ano ba kasing nangyayari sa iyo?
Tama, hindi naman talaga masama na makipagkaibigan ka. Normal naman iyon eh. Ang problema, hindi ko alam kung ako ba ang may mali dito o ikaw? Posible bang nagkakaganito lang ako kasi iniisip kong baka kalimutan mo ako oras na magkaroon ka ng bagong mga kaibigan?
Sangkaterbang tanong ang siyang pumalibot sa isipan ko. Sa dami ng gusto kong itanong ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula.
Hindi kaya pinahihirapan ko lang talaga ang sarili ko sa pag-iisip ng kung anu-ano?
"Ihahanda ko muna ang makakain mo." Saad ko bago tumayo at dumiretso sa kusina. Napansin ni mama ang namumula kong mga mata nang magkasalubong kami subalit hindi naman siya nag-abalang magtanong.
Kung magtatagal pa ako sa harapan mo at tititigan ka lamang doon, tiyak na magtutuloy-tuloy lang ang pagtulo ng luha ko at tatanungin mo ako kung 'bakit' samantalang hindi naman kita direktang masasagot. Kung umiyak ba ako ulit sa harapan mo, tatanungin mo pa rin ba ako kung anong nangyayari sa akin?
Malapit na sigurong dumating ang dalaw ko kaya ako nagkakaganito!
"Pareho lang naman tayo ng assignment sa GenMath, 'di ba?" Saglit akong napatigil sa paghahanda ng pagkain mo ng biglang lumapit ka.
Napatingin ako sa hawak mong ice pack na ginagamit mo ngayon sa pisngi mo. Iniwas ko na lang ang tingin sa iyo at ipinagpatuloy ang pagsasandok.
"Natapos ko na kanina." Kahihintay sa iyo. "Nandoon sa kwarto ko, sa study table, i-check mo na lang naka-binder na kasi iyon."
"Thanks. Pakopya ako, ha?"
"Sure..."
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top