Chapter 14
Chapter 14: Yonder
MONDAY'S POV
"GRABE, buhay pa ako?"
"Iyan ba dapat ang reaksyon matapos magising mula sa pagkakasaksak?"
Marahan kong pinihit ang ulo ko para lingunin ka. Umarko kaagad ang kilay ko habang nakatingin sa iyo na nakaupo at diretsong nakatingin sa akin, may kung ano na naman sa tingin mo sa akin ngayon kaya mabilis akong nag-iwas ng tingin at tinignan ang swerong nakakabit sa akin.
Shems! Nasa hospital nga ako!
Wait---hala gagi nasa hospital nga ako!
"M-may---Drayton! May pinagsabihan ka na ba ng... nangyari?!" Natatarantang tanong ko at halos hindi na ako mapakali sa kinahihigaan ko ngayon.
"Stop worrying. Wala akong pinagsabihan, kahit kay papa ay hindi ko pa binabanggit."
"Ibig sabihin..."
"This is going to be a secret." Dahan-dahan akong lumingon sa kanya. "Between you and I, like the old times, Monday. Iyan ba talaga ang dapat na inaalala mo ngayon? Hindi ka ba nag-aalala sa kalagayan mo? Tss! You almost die!"
Like the old times? Tulad ng dati... Iyon lang ang nasa isip ko, ni hindi ko pinansin ang sinabi mo na halos mamatay na ako kasi inaasahan ko talagang hindi na ako magigising matapos kong mawalan ng malay.
Hindi ko alam kung anong itutugon. Parang isang maling sagot bigla mo na lang paduduguin ang sugat ko. Nasilip ko tuloy mula sa ilalim ng hospital gown na suot ko ang sugat ko na nakabenda na ngayon. "Uhm... ano... gaano ba kalala ang natamo kong saksak at nawalan ako ng malay? Gaano katagal din pala akong walang malay?"
"Maiintindihan mo ba kung ipapaliwanag ko?"
Hindi ako sigurado kung pangungusap o tanong ba ang sinabi mo ngunit naiintindihan kong inaasar mo na naman ako kaya inis kong naitaas ang middle finger ko sa iyo. Namali ako ng galaw kaya naramdaman ko ang pagkirot ng sugat ko. "E'di sabihin mo sa pinakamababaw na paraan, hmpf!"
"Malala ang natamo mong saksak. Maraming dugo rin ang nawala sa iyo, kung hindi lang tayo pareho ng blood type baka hindi ka pa agad masasalinan ng dugo."
Kaya naman pa lang ipaliwanag sa madaling paraan. "Ganoon kalala?" Napakagat na lang ako sa pang-ibabang labi ko, akala ko talaga mamamatay na ako. Sayang! "Kagigising ko lang..." Napatingin ako sa nurse na dumating na siyang tinawag mo kanina saktong pagmulat ng mga mata ko na chinecheck ang vitals ko ngayon. "Gaano ako katagal na walang malay?"
"Almost three days."
"Almost three days?! Eh ang hospital bills? Wala akong pambayad dito sa hospital, Drayton! Isa pa... iyong..." Abala pa rin ang nurse sa pagcheck ng vitals ko, wala pa siyang kasamang doctor kaya hindi ko alam kung gaano pa katagal ang ilalagi ko dito. "Iyong salarin sa pagkakasaksak ko, nasaan na? Saka three days? Hindi man lang ba ako hinanap ni mama? Si Klent?"
Nakamot mo ang kilay mo habang nakatingin ka sa akin. "Monday, why don't you calm yourself first? You see, ako ang dahilan kung bakit ka nasaksak. Just leave everything to me at magpagaling ka na lang. Ako na ang bahala sa lahat."
"Eh ikaw?" Inangat ko ng tingin ang ulo mong may benda. "Kamusta ang lagay mo?"
"I'm fine, kumpara sa iyo ay mababaw lang naman ang tinamo kong sugat."
"Sigurado ka? Ulo iyang sa'yo ah." Tanong ko at tangkang lalapit sana sa iyo ngunit nagalaw ko ang sugat ko kaya napadaing ako sa sakit. Nasaway din ako ng nurse na siyang nagbabantay sa atin dahil ang kulit ko.
"Yeah."
"Kunsabagay," napangiwi ako. "Matigas nga pala ang ulo mo. Hindi madadaan sa isang basagan ng bote, ano?!"
Naningkit ang mga mata mong nakatingin sa akin kaya alanganin akong napangiti bago mag-peace sign.
"Stay put. May i-che-check lang ako sa labas."
Magtatanong pa sana ako pero bago ko pa man magawang ibuka ang bibig ko ay mabilis ka nang nakalabas ng ward. Napahinga na lang ako ng malalim at kinapa ang sugat ko. "Aray." Sino ba kasing nagsabing hawakan ko ang sugat ko?! Shemay! Malapit sa bituka, paniguradong hindi ako okay.
Wala pang ilang minuto ay nakabalik ka naman. Kasama mo na ang doctor, sinubukan kong makinig sa usapan ninyo pero wala naman akong naintindihan, ang tanging naintindihan ko lang ay okay naman na daw ang lagay ko at ang importante ay wala ako sa bingit ng kamatayan basta at tuloy-tuloy kong maiinom ang mga gamot ko at ang paglilinis sa sugat ko ay dapat tuloy-tuloy din.
Pagkaalis ng doctor at nusre ay natahimik ka na naman habang ito ako pilit inaalala iyong mga gusto kong itanong sa iyo. Sa dami nang naudlot kong tanong hindi ko na maalala kung ano ang uunahin ko.
Ang tanging tanong lang na hindi ko magawang makalimutan ay kung bakit ang bait mo na naman sa akin. Subalit, hindi na ako mag-aabalang itanong pa iyon at baka ipagtulakan mo na naman ako palayo.
"Drayton," May naalala akong itanong, ang kaso, abala ka sa cellphone mo.
"Hmm?" Muntikan na kitang mabato ng unan dahil tutok na tutok ka sa cellphone mo. Samantalang dati naman ay mabilis mong ibinababa at pinapatay ang cellphone mo para lang kausapin ako ng harapan at nakangiti.
Ikinalma ko na lang ang sarili ko at itinanong ang pinakanakakabobong tanong na alam ko sa ngayon. "Tungkol sa sugat na natamo ko, maraming dugo raw ang nawala sa akin..."
"Yeah."
"Ibig bang sabihin niyon ay ikaw ang nagsalin ng dugo sa akin?"
"No."
No? Okay, hindi ito ang pinakabobong tanong, kasi ang inaasahan ko ay siya---na obvious naman na para sa aming dalawa. "Ohhh! Akala ko kasi ikaw, lalo na at pareho tayo ng blood type, bukod doon noong nagkasakit ka last last year ay ako ang naging blood donor mo."
"Tss! Why don't you recall your question earlier?"
Umarko ang kilay ko bago ipaling ang ulo ko. "Tinatanong kita kung ikaw ba ang nagsalin ng dugo sa akin---shutanginamers!" Umiwas na lang ako ng tingin sa iyo matapos ang realization. "Pero ikaw nga ang... naging blood donor ko."
"Yes, after ng lahat ng katarantaduhan ko sino mag-aakalang okay pa ang dugo ko? Hmm?! Saglit nga," naibaba mo rin ang cellphone mo ngayon, tsk. "Nabanggit ko na iyan kanina pagkagising mo ah. Hindi ka na naman nakikinig ng maayos, tsk, tsk, tsk."
"Mabuti at alam mong tarantado ka! Saka, hindi agad nakikinig, hindi ba pwedeng occupied lang utak ko kaya nakalimutan ko agad!" Singhal ko sayo. Matutulog na sana ulit ako. Isa pa, bakit ba wala pa si Klent?! May naalala akong itanong kaya muli tuloy kitang nilingon. "Oo nga pala!" Sa wakas ay naalala ko na rin ang itatanong ko. "Sino iyong mga lalaking iyon?" May ideya naman na ako kung sino ang mga taong iyon at kung ano ang kailangan nila sa iyo pero gusto ko pa ring humingi ng kompirmasyon. Ngunit magagawa ko bang matanggap sa oras na makuha ko ang sagot na gusto ko?
Tulad ng inaasahan, umiwas ka ng tingin sa akin bilang tugon kung kaya't nakumpirma ang hinala ko na kaaway ng gang ninyo ang mga g×gong iyon, hindi ba?
"Kung sakali bang hindi mo ako kasama ay mas malala pa doon ang aabutin mo?"
Inasahan ko na hindi mo ulit ako tutugunin ngunit nagkamali ako ng akala. Diretso mo akong tinignan sa mga mata at sinagot. "Kung wala ka, sa mga oras na ito paniguradong nasa morgue na tayong dalawa." Nakakainis ka! Nakakainis ka ng sobrang hindi ka man lang nag-alinlangang bitawan ang mga salitang iyan! "Wala akong buhay... habang pilit mo akong ginigising."
Bago ka pa man sumali sa gang nila Marc ay alam mong ito ang kahinatnan mo!
Pero bakit tumuloy ka pa rin? Bakit pumasok ka pa rin sa gang nila kung alam mong maaaring buhay mo ang maging kapalit?
Gusto kong itanong sa iyo ang mga bagay na iyon pero mas maganda atang itikom ko na muna ang bibig ko ngayon sa usaping iyan dahil paniguradong magsisimula ka na namang bulyawan ako at nakakatiyak akong iiwanan mo akong mag-isa ngayon oras na magtanong pa ako tungkol sa bagay na iyon.
"Yay! E'di ang labas ay naging superhero mo ako niyan?" Sapilitang biro ko at hinihiling ko na lamang ngayon na sana ay makatotohanan ang tawa ko. "What do you think? Mas maganda siguro kung mag-law na lang ako ano? Para kahit ano pang katarantaduhan mo ay lagi akong nasa tabi mo para ipaglaban ka." Akala ko ay may nasabi na naman akong hindi maganda dahil sa hindi mo agad ako sinagot.
"Ikaw? Mag-la-law? Funny. Bakit nasa STEM ka ngayon?"
"At sino kaya itong tukmol na mag-a-aerospace engineering pero nasa HUMSS, uh?"
"Psh!"
"Ganyan ka ka-abnormal eh ano?"
"Mas abnormal ka sa akin."
"Nyehnyehnyehnyeh~!"
Hanggang ang simpleng mga asaran natin ay hindi ko namalayang nauwi na sa magkakasunod nating tawanan. Sa nagdaang mahigit isang buwan ay hindi ko inaasahang magagawa ko pa uling tumawa ng ganito... na kasama ka. Subalit hanggang kailan tatagal ito? Dapat ba ay palagi akong malagay sa bingit ng kamatayan nang sa gayon ay palagi ka ng manatili sa tabi ko?
Siguro nga ay mabuting ideya na araw-araw akong magpasaksak, hindi ba?
"Ano nga pa lang sinabi mo kay Uncle dahil hindi agad tayo nakauwi?" Tanong ko sa iyo bago mo ako alalayang makatayo mula sa kama ko dahol kailangan kong magbanyo. Pasimple kong nakagat ang labi ko dahil nagawa mo akong alalayan sa simpleng pagbaba lang.
"Sinabi ko lang na gumawa tayo ng milagro."
Muntikan na akong mawalan ng balanse dahil sa sinabi mo. Kumag ka talaga kahit kailan!
Ni wala ka man lang pahabol na ‘kidding’, ‘just joking’ o ‘ang seryoso mo naman!’. Talagang wala.
Nahampas ko na lang ang kamay mo at saka ako pumasok sa banyo mag-isa. Ngunit mas lalo akong hindi mapakali nang nasa loob na ako. Bakit kasi ganyan ka?! Nahilamusan ko na lang ng 'di oras ang sarili ko pero dahil sa kagaslawan kong kumilos ay kumirot na naman ang sugat ko na nasanggi ko.
Kagat-labi akong napahawak sa lababo habang ang isa kong kamay ay naka-alalay sa stand ng swero ko. Paulit-ulit akong huminga ng malalim hanggang sa humupa ang tensyon sa kanang bahagi ng dibdib ko.
Kung susumahin ay hindi pa nga dapat ako lakad ng lakad pero parang lalala ang lagay ko oras na manatili lang ako sa kama ko. Iyon lang, kailangan ko na agad bumalik kung gusto ko pang humaba ang buhay ko.
Mas kailangan ko tuloy mag-ingat at magpagaling agad dahil nahihiya ako sa hospital bills na binayaran mo. Iyong gastos mo sa mga gamot ko ay ibang resibo pa. Maliban doon, kailangan ko rin magpaka-good girl sa iyo kasi mamaya kapag nairita ka na naman sa akin pabayaran mo lahat, lalo na at hindi rin naman lingid sa kaalaman ko na maging sarili mong ipon ay nagamit mo para sa akin.
Ilang test at pagbabantay pa sa lagay ko ang isinagaw ng doctor ko bago ako tuluyang palabasin sa ikalimang araw ko sa hospital.
"May extra ka pa ba?" Tanong ko habang nasa elevator tayo pababa. Nakokonsensya ako sa dami ng nagastos mo para sa akin pero ang tiyan ko, walang konsensya. "Nagugutom kasi ako."
"Gutom o cravings?"
"Cravings." Sabi ko habang pinalolobo ang pisngi ko. Alam ko namang bawal iyong gusto kong kainin sa akin ngayon eh! "Nevermind. Hmpf!"
Habang papalabas tayo ng hospital at palapit nang palapit sa mga bahay natin ay damang-dama ko ang patuloy na pagbigat ng bagay na dumadagan sa dibdib ko dahil hindi na mawala sa nararamdaman ko ngayon ang takot ko.
Takot na maiwawala na naman kita pagkatapos ng lahat ng ito.
Gulat akong napatingin sa iyo matapos mong ipatong sa akin ang jacket mo pagkasakay natin ng e-jeep.
"Baka nilalamig ka."
Kasabay ng pagdadag ng bigat na nararamdaman ko sa dibdib ko ay naramdaman ko rin ang ilang patalim na tumama sa puso ko nang sabay-sabay kung kaya't napahawak ako ng sobrang higpit sa mga kamay mo habang pinipigilan ko ang pagbuhos ng luha ko.
Siguro nga ay hindi ko lang basta biro sa sarili ko iyong araw-araw kong ilalagay sa bingit ng kamatayan ang sarili ko. Siguro nga ay dapat kong totohanin iyon nang sa ganoon ay hindi mo na ako iwanan kailanman.
"Sa tabi lang po."
Matindi kong nakagat ang labi ko matapos mong pumara. Nauna kang tumayo sa akin at para bang gustong-gusto na kitang hilahin para maupo ulit. Gusto kong tumakbo na lang palayo kasama ka, tumakbo nang wala ng balikan pa, tumakbo ng hindi na nating kinakailangang lumingon pa sa pinanggalingan natin.
Subalit sa dami ng gusto kong gawin ay nagpatianod na ng kusa ang sarili ko sa bawat kilos mo.
Hanggang sa pagsakay natin sa tricycle ay inaalalayan mo ako pero wala na iyon sa isip ko dahil ang tanging tumatakbo na lang sa isip ko ngayon ay maaaring ito na ang huling pagkakataon na malalapitan kita ng ganito kalapit.
"Here's your medicine." Saad mo matapos mong iabot sa akin ang isang paper bag na naglalaman ng lahat ng gamot na kailangan kong inumin. "Nag-iwan na rin ako ng note sa loob, iyan ang pagkakasunod-sunod ng gamot mo, huwag mong kakaligtaan ah. Pumasok ka na sa inyo, hindi pupwedeng mahamugan ka pa rito, magpahinga ka na lang sa kwarto mo. Bye..."
Nakangiti kang kumaway sa akin at hinintay akong makapasok sa bahay namin ngunit hindi ko magawang ihakbang palayo sa iyo ang mga paa ko.
Alam kong ito na ang huli pero anong maaari kong gawin? Dito mo na talaga tatapusin ang pagkakaibigang binuo natin? Paano na lang lahat ng taong iyon? Paano na lang iyong nararamdaman ko para sa iyo, Drayton?
Kaya mo lang naman ako inalagaan ngayon dahil sa konsensya mo hindi ba? Konsensya na nadamay ako sa alitan ninyo ng kalaban niyong gang.
"Monday, mabuti pa ay pumasok ka na."
Siguro nga ay tama si Trizia. Siguro nga ay may paraan pa para mailigtas kita sa kahibangan mong ito.
Humakbang ako patalikod at hinarap ka, hinawakan ko pababa ang kwelyo mo bago ko abutin ang batok mo para lang halikan ka. Ito lang ang alam kong paraan para masiguro kong manatili ka sa tabi ko nang hindi ko na magagawang ilagay sa hindi magandang sitwasyon ang sarili ko, ito lang ang alam kong paraan para iligtas ang lahat ng bagay na namamagitan sa atin.
Hindi ko naramdamang tumugon ka sa ginawa ko ngunit malinaw kong nasaksihan ang pagsasalo ng kalituhan at gulat sa mga mata mo matapos kong bumitaw.
"Drayton... handa na akong sirain ang prinsipyo ko alang-ala sa iyo."
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top