Sixteen: Natagpuang Tahanan
Sa mga panahong nagdaan ay maraming kuwento na ang nagsalin-salin tungkol sa mga kakaibang bagay lalo na ang mga kuwento tungkol sa mga kakaibang nilalang mula sa kalawakan. Marami ang nagsasabi na bumibisita raw sila sa ating mundo upang kumuha ng mga taong gagamitin nila sa kanilang mga eksperimento o di naman kaya ay nandito sila para magdulot ng pagkawasak at pagkasira.
Mula pa pagkabata ay mahilig nang makinig sa mga kuwentong kababalaghan ang kambal na si Aise at Saiah. Halos lumaki silang nawiwili sa mga kuwento patungkol sa mga multo, mga bampira, mga aswang, mga alien at kung anu-ano pang kakaiba. Itinuring silang kakatuwa ng mga tao sa paligid nila ngunit hindi nila ito pinagtuunang pansin dahil sa simula pa man ay pinangingilagan na sila ng mga tao sa hindi nila malamang kadahilanan.
Mula pagkabata ay lagi nalang silang pinagtatabuyan at pinagtatawanan. Ulila, mga walang magulang, mga walang kwenta, patay-gutom at kung anu-ano pang masasakit na salita ang sa kanila ay ibinabato. Hindi tumagal ay natutunan din nilang magbingi-bingihan sa mga madudumi nilang salita.
Ngayon nga na kaya na nilang tumayo sa kanilang mga sariling paa ay hindi na sila umaasa pa sa mga pekeng pagmamalasakit na ibinibigay ng mga tao sa kanila.
"Kuya A!!!!" Sigaw ni Saiah sa kanyang kapatid na hanggang ngayon ay tulog pa rin.
Kambal man sila ay itinuturing ni Saiah na kuya si Aise kahit na hindi nila alam kung sino sa kanila ang mas naunang lumabas sa mundo.
"Ano ba Saiah, hinaan mo nga iyang boses mo," ungol ni Aise bago nito sinamaan ng tingin ang kanyang kapatid. "Hindi mo naman kailangang sumigaw."
"Pwede ba Kuya A, kanina pa kita ginigising pero ayaw mo pa ring magising pasalamat ka nga hindi ako gumamit ng palayok at batsa para mag-ingay para lang magising ka." Nakangiting pahayag lamang niya sa kapatid niyang ngayon ay papasok na banyo.
Hindi na umimik pa si Aise, dumeretso na lang siya sa banyo ng kanyang kwarto at naghanda para sa kanyang trabaho. Pagbaba niya sa kusina ay agad siyang kumain kasama si Saiah.
Simula nang nakapagtrabaho si Aise sa isang kompanyang gumagawa ng gamot ay nagawa niyang makapagpatayo ng sarili nilang bahay. Isang simpleng dalawang palapag na bahay, mayroon itong tatlong silid-tulugan, isang maliit na opisina, katamtamang laking kusina at sala.
"Anong oras ka makakauwi mamaya kuya A?" Tanong ni Saiah sa kapatid.
"Hindi ko sigurado dahil may bagong proyekto ang Bio-Pharmaceuticals, kaya baka gabihin ako. Hindi mo na rin kailangang pang mag-iwan ng pagkain para sa akin." Seryosong sagot ni Aise na nagpabuntong-hininga kay Saiah.
"Alam mo naman kuya na wala ka nang dapat pang patunayan hindi ba? Maayos na ang buhay natin ngayon at malayo na tayo sa mga taong nangutya at nakasakit sa atin." May lungkot na pahayag na Saiah, alam niyang kahit na naging tahimik lang si Aise sa mga panahong inaapi sila ay nagdulot ito ng malaking pagbabago sa pagkatao ni Aise.
Nawala na ang dating masayahin at masiglang Aise na kilala niya, ang pumalit sa kanya ay ang seryoso at halos walang reaksiyong kapatid na nasa harap niya ngayon.
Bago tumalikod si Aise ay sinagot muna niya si Saiah. "Alam ko, pero kailangan ko pa ring gawin ang trabaho ko. Ayokong dumating ang panahon na mamaliitin uli tayo ng ibang tao."
Hindi na nagsalitang muli si Saiah at hinayaan nalang ang kapatid. Hindi niya masisisi si Aise, sa dami ba naman ng kanilang pinagdaanan ay hinding imposibleng walang pagbabagong mangyayari.
Aalis na sana si Aise nang makarinig sila ng mga sigawan at ingay sa labas bago pa makalapit sa pintuan si Saiah ay agad siyang hinila ni Aise at sinenyasang tumahimik muna. Hindi gusto ni Aise ang nangyayaring kaguluhan sa labas at malakas ang kutob niyang may hindi magandang mangyayari.
Dahan-dahan siyang lumapit sa kanilang bintana at sumilip sa labas, doon niya nakita ang mga lalaking naka-itim at may hawak silang mga kakaibang baril na ngayon lang nakita ni Aise. Nakita niya kung paano pinapasok ng sapilitan ang bawat bahay at kung paano nila kaladkarin palabas ang mga tao. Napaatras si Aise sa nakita agad siyang bumalik sa kinatatayuan ni Saiah at hinila siya papunta sa likurang pintuan ng kanilang bahay.
"Kuya Aise, a-anong nangyayari?" Kinakabahang tanong ni Saiah sa kapatid ngunit hindi siya sinagot nito. Tuloy-tuloy lang siya sa paghila kay Saiah sa kakahuyan sa likod ng kanilang bahay."Kuya na-natatakot na ako? Ano bang nangyayari?" Muling tanong nito.
"Hindi ko rin alam Saiah pero ang mahalaga ngayon ay makaalis tayo rito." Sagot ni Aise sa kapatid.
Ilang sandali pa ay naramdaman ni Aise na may mga sumusunod na sa kanila at alam niyang kailangan na nilang magmadali kung ayaw nilang mahuli tulad ng iba.
"Saiah makinig ka sa akin, gusto kong pakiramdaman mo ang paligid mo at sabihin mo sa akin ang lokasyon ng mga taong sumusunod sa atin." Ginawa ni Saiah ang sinabi ni Aise. Saglit niyang ipinikit ang kanyang mga mata habang patuloy pa rin siyang hinihila ni Aise.
"May dalawa direkta sa likuran natin, dalawa rin sa kanan at sa gilid, mas mabilis silang gumalaw balak ata nila tayong harangin mula sa harapan." Pagpapaalam ni Saiah.
"Mga ilang minuto bago nila tayo maharang?" Kalmadong tanong ni Aise.
Alam na ni Saiah ang balak ng kanyang kapatid kaya't hinanda na niya ang kaniyang sarili bago siya sumagot. "Sa bilis natin mga sampung minuto, pero kung mas bibilisan pa natin ay hindi nila tayo mahahabol."
"Pasensiya na Saiah alam kong ayaw mong ginagamit ang kakayahan mo pero kailangan nating gumawa ng paraan para makalayo."
"Alam ko kuya A." Pagkatapos sabihin ni Saiah iyon ay nagsimulang mabalot ng hamog ang buong gubat.
Binilisan pa ng magkapatid ang kanilang pagtakbo habang umiiwas sa mga kahoy, damo, bato at kung ano pang balakid sa kanilang daan. Makakatakas na sana sila ngunit pagkalampas nila mula sa kagubatan ay sumalubong sa kanila ang mas marami pang armadong nakaitim na mga kalalakihan o kababaihan dahil hindi nila masabi. Ang mga taong nasa harapan nila ay nakasuot rin ng mga maskara na tumatakip sa kanilang buong mukha. Napatigil si Saiah at Aise, sa sitwasyon nilang iyon ay alam nilang mahihirapan silang makatakas.
Lilituhin na sana ni Aise ang mga tao sa harapan niya para makatakas si Saiah pero bago pa siya makagalaw ay nakaramdam siya ng sakit sa kanyang leeg na naging dahilan para agad siyang mawalan ng malay. Napasigaw si Saiah sa pagbagsak ng kanyang kapatid sa lupa at bago pa niya maabot ang kanyang kapatid ay nawalan na rin siya ng malay.
Sa muling pag-gising ni Aise ay puting kisame ang bumungad sa kanya. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang mawala ang panlalabo ng kanyang paningin. Sa muli niyang pagmulat ay iginala na niya ang kaniyang paningin sa kinaroroonan niya. Ang buong silid ay kulay puti, walang bintana at pintuan. Sinubukan ni Aise na tumayo pero doon niya napagtanto na hindi niya maigalaw ang kanyang katawan at ramdam niya ang mga tali na pumipigil sa kanyang paggalaw.
"Saiah! Saiah! Saiah!" Sigaw niya ng paulit-ulit habang pinipilit niyang kalagan ang kanyang sarili mula sa pagkakatali.
Sa kabilang kwarto naman ay ganoon din ang kalagayan ni Saiah. Tulad ng kanyang kapatid, nakatali rin siya sa isang kama ang kaibahan nga lang ay hindi pa siya nagigising.
Sa labas ng kanilang kwarto ay may mga nilalang na sila ay pinapanood habang sila ay nag-uusap. Sa unang tingin ay kamukha sila ng mga tao ang pinagkaiba nga lang ay mayroon silang mga patulis na tenga, mga matang parang sa pusa, kulay pilak na buhok at ginintuang balat.
"Prinsipe Malik, anong masasabi mo?" Tanong ng isa sa kanila sa lalaking tahimik na pinagmamasdan sina Aise at Saiah.
"Kailangan pa ng mga karagdagang pagsusuri bago ako magdedesisyon." Sagot ni Malik. Binigyan niya ng huling sulyap sina Aise at Saiah bago siya tuluyang lumabas mula sa roon.
Hindi alam ni Aise kung ilang oras o araw na ba siyang naroon sa lugar na iyon. Ang tanging natatandaan niya lamang ay ang pagpasok ng mga nakaputing tao sa loob ng kwarto at kung paanong wala siyang maalala sa mga sumunod na pangyayari. Magigising na lamang siya na hindi man lang niya namamalayang nakatulog na pala siya. Sinubukan na rin niyang magtanong ngunit hindi sila sumagot.
Sa muli niyang paggising ay hindi puting kisame ang sumalubong sa kanya kundi kulay gintong kisame at kumot ang nakita niya. Sinubukan niyang igalaw ang kanyang katawan ngunit sa kanyang gulat ay hindi man lang siya nakaramdam ng sakit, kabaliktaran pa nga dahil parang mas gumaan ang pakiramdam niya.
Bumukas ang isang pinto sa kanyang kanan, mula roon ay pumasok si Saiah. "Gising ka na pala Kuya A!" Masayang pahayag nito bago niya dinamba sa isang malaking yakap ang kanyang kapatid.
"Saiah?" Hindi makapaniwalang bulalas ni Aise. Ngiti lamang ang isinagot sa kanya ni Saiah.
"Wala kang dapat ipag-alala Kuya A, maayos na ang lahat. Hindi mo na kailangang mag-alala pa sa kung ano man ang sasabihin ng iba dahil nandito na tayo sa lugar kung saan tayo nabibilang." Malumanay na sagot ni Saiah sa katanungang gumuhit sa mukha ng kanyang kapatid.
"Hindi ko maintindihan Saiah?" Naguguluhan pa rin si Aise sa lahat ng nangyayari.
"Hindi tayo nabibilang sa mga tao kuya Aise, iyong mga pakiramdam natin na mas matalas pa kaysa sa mga normal na tao, iyong kakayahan kong makapag-sabi ng lokasyon ng ibang tao at iyong kakahan mong kontrolin ang mga nasa paligid mo, lahat iyon ay natural sa atin. Hindi tayo kakaiba kuya dahil iyon talaga tayo, dahil hindi tayo tao. Ikaw at ako ay Ishtar at nandito na tayo sa lugar kung saan pwede nating ipakita kung sino tayo." Nakangiting paliwanag ni Saiah at mababanaagan sa kanyang mga mata ang sayang hindi maikukumpara sa iba.
"Ang ibig lamang sabihin ni Saiah ay narito na kayo sa inyong tahanan, maligayang pagbabalik mahal kong mga kapatid." Bungad ni Malik sa dalawang Ishtar na lubos niyang minahal kahit na sila ay nawala sa poder ng kanilang tunay na pamilya dahil sa kasakimang muntik ng sumira sa kanilang planeta. Masaya siyang nakita niyang muli ang kanyang mga kapatid na nawalay sa kanila, hindi niya inaakalang sa planetang Earth itinago ng mga rebelde ang kanyang mga kapatid.
Iwinaksi ni Malik ang mga masasamang alaala dahil ngayon ay tapos na ang rebelyon, patay na ang lahat ng mga nag-aklas laban sa kanila. Isang kasiyahan ang kanilang ihinanda upang ipagdiwang ang muling pagkakumpleto ng kanilang pamilya.
"Ano nga palang nangyari sa ibang mga tao na hinuli nila?" Tanong ni Aise nang maalala niya ang mga nangyari sa Earth.
"Ayos lang sila, pinalaya namin sila at binura ang kanilang mga ala-ala para wala silang maalala sa lahat ng nangyari." Gumaan ang loob ni Aise sa nalaman at binigyan niya ng ngiti ang Ishtar.
"Ano nga palang pangalan mo?" Sumunod nitong tinanong.
"Malik."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top