Fourteen: Apat na Sulok
Sa gitna ng isang malawak na kama ay nakahigang umiiyak ang isang batang lalaki. Paulit-ulit niyang tinatanong sa kanyang sarili kung siya ba ay mahal pa ng kanyang ama. Marami man silang pera ay alam ng bata na hindi nito mabibili ang pagmamahal at atensiyon ng kanyang ama.
Maituturing na isa sa mga matatalinong bata si Van Villacarte, lagi siyang nangunguna sa kanyang klase pagdating sa academiko at lagi siyang laman ng mga patimpalak sa matematika at siyensiya. Bukambibig ng mga guro, ng kanyang mga kaklase at ng ibang magulang ang kanyang katalinuhan, punong-puno ng mga papuri ang mga salitang nagmumula sa kanilang bibig sa tuwing siya ay kaninlang kausap. Nagagawang pasayahin ng mga salitang iyon si Van ngunit ito ay naglalaho rin na parang bula.
Sa bawat pag-uwi niya sa istrukturang itinuturing niyang tahanan ay tila ba parte siya ng hanging nararamdaman ng kanyang ama ngunit hindi niya magawang pansinin sapagkat ang kanyang atensiyon ay nakabaling sa iba.
Sa pagnanais niyang tignan siya ng kanyang ama kahit ilang segundo lang ay pinilit niya ang kanyang sarili na matuto sa larangan ng pagpipinta. Ang kanyang amang si Eduardo Henaro Villacarte ay isang kilalang alagad ng sining, kilala siya sa mga ipininta niyang larawan na puno ng buhay at emosyon. Nais niyang mapalapit sa kanyang ama gamit ang bagay na pinakagusto niya.
Masayang ipinakita ni Van kay Eduardo ang larawang kanyang ipininta na binigyan ng mataas na marka ng kanyang guro. Sigurado siya na sa pagkakataong ito ay maaasam na niya ang pagmamahal ng kanyang ama.
"Hmmm, maganda naman ang larawang ito pero kulang ito sa buhay. Gumamit ka nga ng mga matitingkad na kulay pero walang emosyong mararamdaman mula sa gawa mo. Kumpara sa gawa ni Anthony, mas maganda pa rin ang gawa niya pero kapag nag-ensayo ka pa, sigurado akong gagaling ka Van." Ito ang mga salitang nagmula kay Eduardo na nagbigay ng pag-asa kay Van.
Ipinagpatuloy niya ang pagpipinta ngunit kahit na anong gawin niya ay hindi niya pa rin maibigay ang hinihiling ng kanyang ama. Hindi niya magawang maging katulad ng pinsan niyang si Anthony, na magaling sa pagpinpinta at laging pinupuri ng kanyang ama.
Dumaan ang mga taon, sa edad na labing-lima ay marami na ring naipong sertipiko, medalya at tropeyo si Van ngunit sa kabila nito ay napagtanto niyang walang kwenta ang lahat ng pinaghirapan niya.
Tanging ang kanyang kama ang sumalo sa lahat ng luha niyang dala ng sakit na kanyang nadarama sa bawat araw na nakikita niya ang kanyang ama na nakikipagtawanan sa iba. Ang kanyang mesa, kwaderno at tinta ang naging sandalan niya sa mga panahong nais na niyang isigaw sa mundo kung gaano kasakit na hindi niya maramdaman ang pagmamahal ng kanyang ama. Ang kanyang salamin ang nagpapa-alala sa kanya kung paano siya binago ng bigat ng sakit na dala ng kanyang paunti-unting pagsuko. Ang silid na iyon ang naging saksi kung paanong si Van ay nagnais na siya ay maglaho nalang sana sa mundong kanyang ginagalawan.
Maagang umuwi si Eduardo mula sa isang 'Art Exhibit' na kanyang dinaluhan kasama si Anthony. Agad siyang nagtungo sa sala upang magpahinga at maupo sa tabi ng kanilang 'fireplace' nang mapansin niya ang isang sunog na 'canvas' sa may apoy. Linapitan niya ito, laking gulat niya nang makitang isa iyon sa mga larawang ipininta ng kanyang anak na si Van. Lalong nanlaki ang mga mata niya dahil nakita rin niya ang hindi nasunog na bahagi ng mga sertipiko at tunaw na mga medalya at tropeyo sa apoy. Tumakbo siya sa kusina at kumuha ng tubig na ibinuhos niya sa apoy. Ilang saglit pa ay patakbo na siyang pumanhik sa hagdan patungo sa kwarto ni Van. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang isang bakanteng silid, ni anino ng kanyang anak ay hindi niya mahagilap.
Malayo sa batong bahay kung saan ang apat na sulok ng kanyang kwarto ang kanyang naging kanlungan ay makikita si Van na nakatanaw mula sa isang tulay. Sa pagdaan ng isang sasakyan at paglubog ng araw ay hindi na rin muli pang nakita ang binatang nakatanaw mula sa tulay.
Makalipas ang tatlong taong pangungulila ni Eduardo sa anak ay hindi inaasahang naimbitahan siya sa isang 'Art Competition' bilang isang hurado. Sa pagnanais niyang makalayo-layo at makapag-isip-isip ay tinanggap niya ang alok, hindi niya inaasahang sa pagkakataon iyon ay mabibigyan siyang muli ng isa pang pagkakataon.
Isang sulyap palang niya sa larawang nasa harapan niya ay alam na niya kung sino ang may gawa ng painting na nasa harapan niya. Ang bawat linya, bawat kulay at ang emosyong nagmumula rito ay kilala niya. May pagbabago sa pagkakagawa, mayroon ng saya ang larawang nasa harap niya.
Gamit ang kanyang koneksiyon ay nagawa niyang matunton ang may-ari ng larawang pumukaw sa kanyang atensiyon. Mula sa malayo ay kitang-kita niya ang isang binatang nakangiti habang kausap ang isang lalaki. Makikita sa kanilang mukha ang kasiyahan dahil sa malalaking ngiti mula sa kanilang bibig.
Matagal na ring hindi nakita ni Eduardo ang mga ngiting iyon at alam niya sa sarili niyang kasalanan niya iyon. Mula sa pamilya ng mga pintor si Eduardo kayat nang makita niyang walang talent sa pagpipinta ang kanyang anak ay nakaramdam siya ng pagkabigo. Hindi niya namalayang dahil doon ay naging malayo na ang loob niya kay Van. Itinuon niya ang kanyang atensiyon sa kanyang pamangkin na si Anthony na minana ang kagalingan ng kanilang pamilya sa pagpipinta kayat kahit na nagpakita ng talent si Van sa pagpipinta ay wala pa rin itong nagawa para bawasan ang distansiyang namuo sa pagitan nilang dalawa. Ngayon nga ay masaya na ang kanyang anak na buong akala niya ay nawala na sa kanya.
Sa unti-unting paglapit ni Van at ng kasama niyang lalaki sa kinaroroonan ni Eduardo ay patuloy din ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Napansin ni Van ang lalaking nakatayo sa daanan, napahinto siya dahil nakilala niya kung sino ang lalaking ngayon ay kaharap na niya.
Nagtama ang tingin ng mag-ama ngunit walang nagsalita. Nabasag ang katahimikan sa biglang pagtikhim ng lalaking kasama ni Van.
"Mas mabuti pang maupo tayo para mas komportable ang maging pag-uusap niyong dalawa." Tahimik na tumango si Van at Eduardo sa suhestiyon ng lalaki.
Matapos nilang maupo sa isang cafe ay agad na nagpakilala ang lalaki. "Ako nga pala si Allen Rosario, kami ng asawa ko ang tumatayong tagapangalaga ni Van nitong nakalipas na tatlong taon."
Tumango naman si Eduardo bago siya nagpakilala. "Eduardo Henaro Villacarte." Maikling tugon niya.
"Kung ganoon ay maiwan ko na muna kayong dalawa." Ibinaling niya ang tingin kay Van bago siya muling nagsalita. "Bukas pa rin ang tahanan namin kung gusto mong bumisita." Ngumiti siya at yinakap si Van.
Sa tatlong taong inalagaan nina Allen at ng kanyang asawa si Van ay hindi nila maitatanggi na hindi kayang punan ng pagmamahal nila ang puso ni Van. Alam nilang umalis man si Van sa poder ni Eduardo ay nangungulila pa rin siya sa kanyang ama. Isa lang ang nais ni Van at iyon ay ang makapiling ang kanyang ama. Pinaghandaan na nila ang pagdating ng araw na ito at walang pinagsisisihan si Allen dahil ang bawat oras na nakasama nila si Van ay purong kasiyahan.
"Alam kong hindi mo ako mapapatawad pero hihingi pa rin ako ng tawad sa lahat ng pagkakamaling nagawa ko. Hindi ako naging mabuting ama sa iyo at kung nabubuhay pa ang iyong mama ngayon ay tiyak na masama rin ang loob niya sa akin. Marami akong naging pagkukulang sa'yo, marami akong nagawang mali kaya sana mapatawad mo ako at sana ay mabigyan mo ako ng isa pang pagkakataong maging ama muli sa'yo." Malungkot ngunit may halong pag-asang pahayag ni Eduardo.
Sa katahimikang namuo sa pagitan nilang dalawa ay inobserbahan ni Eduardo ang anak. Ito ang unang pagkakataon na talagang tinitigan niya ng mabuti ang kanyang anak, sa pagkakataong iyon ay napansin niyang malaki na ang pinagbago ng anak niya. Isa ng binata ang dati ay sanggol palang na si Van hindi na maipagkakailang mas kamukha na niya ngayon ang kanyang ina.
"Hindi niyo na po kailangang humingi ng tawad dahil hindi naman po ako galit sa inyo. Naging mahina ako kaya't nagawa kong umalis at takbuhan ang problema ko. Naging duwag ako dahil hindi ko man lang nasabi sa inyo kung ano ba ang nararamdaman ko. Tatlong taon ang nakaraan, aaminin kong natakot ako dahil kahit na anong gawin ko ay baka hindi mo na ako mamahalin pang muli. Natakot akong darating ang araw na baka iwan mo akong mag-isa kaya ang ginawa ko ay ang tumakbo at lumayo. Nawalan ako ng lakas ng loob na bumalik dahil ayokong makita ang 'disappointment' sa mga mata mo. Ayokong kamuhian mo ako, ayoko kong-" hindi na nagawang maituloy pa ni Van ang kanyang sasabihin dahil sa biglaang pag-agos ng kanyang mga luha.
Tumayo si Eduardo at yinakap ang anak. Unti-unti na rin siyang napaluha. Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso dahil hanggang ngayon ay siya pa rin ang iniisip ng kanyang anak kahit na siya ang dahilan ng pasakit na nararamdaman ng kanyang anak.
"Hinding-hindi kita kamumuhian, hinding-hindi ako madidisappoint sa'yo. Magsimula tayong muli Van, hindi man natin mabubura ang nakaraan ay ipinapangako kong magiging mabuti akong ama sa iyo. Gumawa tayo ng mga magagandang ala-ala para sa hinaharap." Lumuluhang pahayag ni Eduardo. Mga luhang dulot ng kagalakan.
Ang tatlong taong nagkahiwalay ang mag-ama ay naging daan upang marami silang mapagtanto at maaaring nakatulong din ito upang lalo pang mapagtibay ang noon ay marupok na relasyon nilang dalawa.
Masayang nakangiti si Van habang nakatingin sa kisame ng kanyang kwarto. Muli siyang nakabalik sa apat na sulok na naging saksi ng lahat ng hinanakit niya ngunit ngayon ang apat na sulok na iyon ang magiging saksi rin sa kagalakang nararamdaman niya ngayon.
"Van, ready ka na ba?" tanong ni Eduardo pagkapasok sa kwarto ni Van.
"Opo papa. Mag-enjoy po tayo sa camping na ito." Nakangiting pahayag ni Van. "Si Anthony po?" tanong niya.
"Nasa sasakyan na sila, kasama niya sina Allen. Kanina pa nga sila naghihintay ang bagal mo kasing kumilos," nakatawang pahayag ni Eduardo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top