Fifteen: Ang Lumang Daan
Makikita sa di kalayuan ang isang batang babae na nagmamasid sa paglubog ng araw. Kasabay ng hangin ay ang kanyang mahabang buhok na sumasayaw sa awit na dala ng ihip ng hangin. Ang kanyang lumang kulay asul na bestida ay sumasabay na rin sa musika ng hangin. Makikita sa kanyang mga mata ang pangungulila at determinasyon ngunit pilitin mang alamin ang nasa kanyang isip ay hindi magagawa. Sa bawat araw na dumadaan ay naging ugali na ang tumayo sa daang naglalayo sa kanya sa pangarap na tiyak na nasa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Lagi siyang dinadala ng kanyang walang saplot na paa sa lugar na iyon at sa bawat paglubog ng araw ay umaalis siyang nasa malalim na pag-iisip.
"Nakatayo ka nanaman diyan Leah, ano bang tinitignan mo diyan ha?" tanong ng isang batang babae sa kanyang kaibigan.
"Pinagmamasdan ko lang naman ang paglubog ng araw Ana," sagot nito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa papalubog na araw.
"Ano bang maganda sa paglubog ng araw at lagi mo nalang iyang tinititigan?" muling tanong ni Ana, lalo pa't hindi niya talaga maintindihan ang hilig ng kanyang kaibigan.
"Hindi ko rin alam, basta ang alam ko lang ay gusto kong titigan ang paglubog ng araw," tinitigan ni Leah ang kanyang kaibigan ng may seryosong emosyon.
"Hindi talaga kita maintindihan, araw-araw ka nalang nakatayo riyan sa daang papunta sa sentro habang nakatitig sa araw ng walang dahilan, nagmumukha ka tuloy may sira sa ulo," napahinga nalang ng malalim si Ana pero tinitigan lang siya ni Leah kaya't nagsimula na siyang maglakad pauwi.
"Magsisimula nanaman ang bagong araw..." biglang bulong ni Leah sa sarili bago siya sumunod sa kaibigan.
Nakarating si Leah sa isang maliit na kubo na itinuturing niyang bahay. Hindi man ito kasinlaki ng mga bahay na nakikita niya sa mga larawang mula sa sentro ay mahal niya pa rin ito. Sinalubong siya ng isang mainit na yakap mula sa kanyang mapagmahal na ina. Agad din naman niyang yinakap ang kanyang ina bago sila pumasok sa kubo kung saan nakahanda na ang kanilang hapunan. Isang simpleng hapunan ng gulay at kanin lamang ngunit para kay Leah ay wala ng mas hihigit pa sa hapunang iyon dahil kasama niya ang kanyang ina.
"Kumusta naman ang naging araw mo anak?" nakangiting tanong ng kanyang ina.
"Maayos naman po, may mga natutunan nanaman po akong bago mula sa eskwelahan, kayo po kumusta po ang naging araw niyo?" nakangiti ring sagot at tanong ni Leah bago niya isubo ang kanyang pagkain.
"Mabuti naman kung ganoon, wala namang masyadong nangyari sa araw ko," matapos iyon ay tahimik na silang kumain.
Tulad ng mga nakalipas na araw ay ganoon ang naging takbo ng buhay ni Leah. Pumasok sa maliit nilang eskwelahan at panoorin ang paglubog ng araw ngunit sa partikular na araw na iyon ay biglaang nag-iba ang lahat.
Ang tahimik na bayang iyon ay linamon ng apoy. Ang kalangitan ay binalot ng kadiliman. Maaamoy sa hangin ang kasangsangan ng kamatayan. Maririnig sa kapaligiran ang pagmamakaawa ng bawat buhay na unti-unting nawawala. Sa pagsalakay ng mga armadong kalalakihan ay kasabay nito ang pagkawasak ng napakaraming tahanan.
Isang batang babae ang tumatakbo sa daang naglalayo sa kanya mula sa kanyang mga pangarap. Sira-sira ang kanyang damit, sugat-sugat ang kanyang maliit na katawan, puno ng luha ang kanyang mga mata ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay ang kanyang durog-durog na puso. Hindi niya inaakalang ang pangyayaring iyon ang magtutulak sa kanyang tahakin ang daang nagsilbing balakid sa kanyang mga nais.
Walang tigil siyang tumakbo hanggang sa naging tuldok nalang mula sa kanyang kinaroroonan ang maliit na bayang kanyang kinalakihan at kinagisnan. Hindi siya tumigil sa pagtakbo hanggang sa hindi na niya muling nakita pa ang mapagmahal na mukha ng kanyang ina at ang masayahing katauhan ng kanyang kaibigan. Hindi na siya muling lumingon pa hanggang sa hindi na niya maramdaman ang init ng pagmamahal at pag-aaruga ng mga taong naging malapit sa kanya.
"Aaaaaaaaaahhhhh," isang sigaw ang umalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Sigaw na puno ng lungkot, pighati at sakit na pumupunit sa puso ng bawat taong nakaririnig nito. Isang sigaw ng taong napakabigat ng pinagdaraanan.
"Leah kumusta ka na?" tanong ng doktor sa napakagandang dalagang kaharap niya.
"Maayos naman po," mahinang sagot niya.
"Nagkaroon ka ba ng masamang panaginip?" tanong muli ng doktor matapos niyang mapansin ang panginginig ng dalaga.
Agad na napaiyak si Leah, matapos niyang mapanaginipan ang mga nangyari limang taon na ang nakalilipas. Sampung taong gulang lamang siya nang mamatay ang kanyang ina at mawasak ang bayan kung saan siya lumaki, kung saan siya lamang ang nakaligtas. Pagkakita ni Kristine, ang babaeng nakakita, nagligtas at tumayong ina ni Leah sa loob ng limang taon, sa mga luha ng kanyang anak ay agad niya itong ibanaon sa isang mainit na yakap.
Sa mga unang araw na tumira si Leah sa poder ni Kristine ay walang tigil sa pag-iyak ang bata kaya't nakapagdesisyon siyang ipatingin ang bata sa doktor. Simula noon ay naging gawain na nila ang bumisita sa doktor upang maibsan ang 'trauma' na nararanasan ni Leah.
"Ayos lang anak, nandito ako hinding-hindi kita papabayaan. Walang mananakit sa'yo rito," pang-aalo si Kristine sa kanyang anak. Hindi na ito bago sa kanya dahil sa tuwing mapapanaginipan ni Leah ang masalimoot na alaalang iyon ay agad niyang tinatabihan si Leah sa pagtulog habang bumubulong ng mga pampakalmang salita.
Hindi inakala ni Kristine na noong mga panahong gusto na niyang mamatay at tatalon na sana siya sa tulay ay makikita niya si Leah na nakahandusay at walang malay sa gilid ng daan. Hindi rin niya inakalang ituturing niyang anak ang batang napulot niya lang sa daan. Marahil siguro ay tadhana na rin ang nagdala sa kanya sa lugar na iyon, na may dahilan kung bakit siya ang nakatagpo kay Leah. Minahal at inalagaan niya si Leah kahit na tila ba walang pag-asang ngumiti muli ang bata ngunit hindi siya sumuko, hindi niya sinukuan ang taong naging dahilan upang magpatuloy siya sa buhay. Hindi niya pinabayaan ang taong nagpakita sa kanya na ang pinagdaanan niya ay hindi maikukumpara sa pinagdaan ni Leah, na sa ibang lugar ay may mga taong mas mabigat pa ang pinagdaraan pero patuloy pa rin sila sa pagtayo at pagharap sa kanilang mga problema.
"Okay ka na ba Leah?" may pag-aalalang tanong ni Kristine sa dalaga.
"Okay na po ako, maraming salamat po dahil lagi kayong nandiyan para sa akin kahit na hindi niyo ako kaano-ano," sagot niya habang nakatitig sa inuming hawak niya.
"Leah, anak na ang turing ako sa iyo kaya normal lang sa akin ang mag-alala at ang damayan ka. Iyon naman di ba ang tungkulin ng isang ina ang suportahan at ibuhos ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak," nakangiting sambit ni Kristine.
Unti-unting sumilay ang isang maliit na ngiti mula sa mga labi ni Leah. Hindi niya lubos akalain na may mga taong totoong mabubuti ang kanilang mga puso at napakablessed niya na nakatagpo siya ng isa. Sa pagtira niya kasama si Kristine ay unti-unti siyang nakabangon, may mga pagkakataon man na napapanaginipan niya ang nangyaring patayan at paglamon ng apoy sa dati niyang tahanan ay alam niyang nandiyan si Kristine, ang kanyang pangalawang ina, para ibsan ang sakit na kanyang nararamdaman.
"Gusto mo bang maglakad-lakad muna?" itinuon niya ang kanyang tingin sa kanyang ina nang magtanong ito.
"Tara po," masiglang sagot niya sabay hila sa kanya. Naging masaya ang mga sumunod na araw na silang dalawa ay magkasama at alam ni Leah sa kanyang sarili na wala siyang pinagsisihan.
Dumaan ang mga araw, makikita na sa buhay ni Leah ang kasiyahan at kasiglahan. Hindi man ito tulad noong siya ay bata pa pero malaki na itong pagbabago sa buhay niya. Tulad ng ibang mga dalagang kaedad niya ay nagsimula na rin siyang pumasok muli at matuto, nagsimula na rin siyang makihalubilo sa iba at bumuo ng mga bago at masasayang alaala.
"Opo ma, pauwi na po ako. 'Wag po kayong mag-alala dahil mag-iingat ako. Mahal ko din po kayo," ibinaba ni Leah ang telepono at patuloy na naglakad pauwi.
Tahimik ang paligid, mainit at kalmado ang ihip ng hangin. Sa kanyang paglalakad ay muli siyang nabighani sa kagandahan ng paglubog ng araw. 'Isang araw nanaman ang nakalipas, bagong araw naman ang muli kong mararanasan,' mahinang pahayag niya sa kanyang sarili.
Isang matinis na sigaw ang gumulat kay Leah. Bumilis ang tibok ng kanyang puso dahil pamilyar sa kanya ang sigaw na iyon, ganoon mismo ang sigaw na nagmula sa bibig niya noong ramdam pa niya ang lahat ng sakit at pait na pinagdaanan niya ngunit alam din niyang may halong takot ang sigaw na iyon. Napako siya sa kanyang kinatatayuan, hindi niya alam ang gagawin, kung siya ba ay makikialam at tutulong o di kaya ay ang tumakbo at kalimutan ang kanyang narinig. Sa huli ay nanalo pa rin ang kanyang pagiging makatao, dali-dali siyang nagtungo sa direksiyong pinagmulan ng sigaw.
Doon nakita ni Leah ang isang batang lalaki na nakahandusah at duguan. Doon niya natunghayan ang isang lalaking may hawak na baril na nakatutok sa walang malay na bata. Doon niya nakita ang unti-unting pagtaas at pagtutok ng baril sa kanya. Doon muling nagbalik sa kanya ang mga alaalang pinilit niyang kalimutan at ibaon sa limot. Putok ng baril. Dugo't kamatayan. Apoy at pagkawasak. Muling umalingawngaw ang putok ng baril sa madilim at abandonadong eskinitang iyon maging ang paghandusay ng isang katawan ay dinig na dinig sa buong lugar.
"Ayos ka lang ba?" may pag-aalalang tanong ng isang boses kay Leah na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
"A-ayos lang ako," pautal na sagot niya. "Iyong bata!" sambit niya nang maalala niya ang dahilan kaung bakit ba siya nasa lugar na iyon.
"Huwag kang mag-alala iha, tumawag na ako ng ambulansiya at police," sagot ng lalaking nasa harapan, saka lamang niya napansin na may taong kumakausap sa kanya. "Bilib ako sa iyo iha dahil itinaya mo ang buhay mo para lang iligtas ang bata, habang ang iba dadaan lang ng paraang walang nangyayari," dagdag ng lalaki.
"Kayo rin naman po, kayo nga ho ang pumigil sa lalaki habang ako ay natulala lang din dito," nahihiyang pahayag ni Leah dahil totoo naman, naduwag siya dahil nakita niya ang baril.
"Nakikita kong marami ka ng napagdaanan iha at normal lang sa tao ang matakot. Kung hindi dahil sa iyo ay hindi siguro ako magkakaroon ng pagkakataon na hampasin ang lalaking iyon at mailigtas kayo mula sa kapahamakan. May rason sa likod ng lahat ng problema, pasakit at paghihirap na nararanasan natin mahirap mang intindihin ay alam naman ng Diyos kung ano ang makabubuti sa atin. Binigyan ka niya ng lakas ng loob at katapangan kaya patuloy mo itong gamitin para makatulong sa iba," ngumiti ang lalaki, isang napakagandang ngiti na nagpagaan sa damdamin ni Leah. Noong mga oras na iyon ay hindi niya maipaliwanag ang kapayapaang naramdaman niya at sa isang iglap ay nakapagdesisyon siya.
Sa hindi kalayuan, mula sa lumang daang dating laging tinatayuan ng isang batang babaeng nangarap at nasaktan ay makikita ang isang babaeng nakatayo at nakatanaw sa malayo. Makikita sa kanyang mukha ang ngiti at determinsyong wala sa iba. Suot ang kanyang unipormeng pangsundalo ay walang takot niyang tinahak ang lumang daan pabalik sa kanyang unang naging tahanan upang muli itong palayain at ipaglaban. Oras na para harapin niya ang mga bangungot na nagtulak sa kanya upang magligtas ng buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top