Eleven: Wakas

"Ano ba ang dahilan kung bakit may mga nangyayaring patayan at kaguluhan?" iyan ang tanong ng karamihan na hindi nila malaman ang kasagutan hanggang sa dumating sa puntong magtuturo na sila ng mga daliri sa kung sino man ang nakikita nilang may kinalaman sa mga masasamang pangyayari. Maaring ang gobyerno o kaya ang Diyos mismo.

Ang pangalan ko ay Yohan Grae, isa akong guro, doktor, inhenyero, abogado, politiko, sundalo o kung ano mang propesyon ang mayroon ka. Taglay ko ang pangalang pangmayaman, edukado at maimpluwensiya pero sa huli ako ay ordinaryong tao lamang. Sa gitna ng digmaan walang mahirap at walang mayaman, lahat ay pantay-pantay sa harap ng ulan ng mga bala at bomba. Ganyan ang naging buhay ko sa loob lamang ng ilang araw.

Sa mga huling oras ko sa lugar na iyon, ay nakita ko ang isa-isang paghandusay ng mga tao, sibilyan man o sundalo maging mga rebelde. Iginala ko ang aking paningin at doon ko naman nakita ang walang takot na pagliligtas ng mga boluntaryo sa mga walang kasalanang naipit sa digmaan. Doon ko rin nakita ang purong takot sa likod ng mga matang nag-aalab at may determinasyong mabuhay. Pilit man nilang ikubli ang kanilang takot sa likod ng mga ngiti at katapangan sa huli sila ay tao pa rin. Bilib ako sa kanila at maging sa aking sarili dahil sa gitna ng mga bala ay nagawa naming magligtas ng buhay.

Sa mga huling minuto ko sa lugar na iyon ay doon ko lang napagtanto na mas mabuti ng magpakita ng kalakasan kaysa sa kahinaan. Masakit man ang aking katawan at halos hindi na ako makalakad ay sa aking kaloob-looban masaya ako. Nakaramdam ako ng totoong kagalakan at nakapagtatakang kapayapaan, maaaring dahil ito sa mga ngiting natatanggap ko sa bawat buhay na inililigtas ko.

"Huwag kang susuko..." rinig kong sabi ng isa sa mga kasamahan ko.

"Susuko? Hindi ko iyon gagawin..." pilit akong ngumiti sa kanya.

"Makakauwi rin tayo, makakauwi ka rin ng ligtas," sagot niya.

Sa mga huling segundo ng buhay ko, doon ko nasilayan ang sagot sa katanungan ng maraming tao. Bakit ba tayo nagtuturuan kung sino ang may kasalanan, kung alam naman natin na nasa sa atin ang kasagutan aminin man natin o hindi. Ang nais ko lang ay sana sa huli ay may magandang kalalabasan ang bawat sakripisyo, luha at buhay na nawala rito sa Marawi. Kinabukasang wala ng putukan at pagdanak ng dugo sa lugar na ito o kahit na sa ano mang lugar sa bayang aking sinilangan.

"Panginoon, kayo na po ang bahala sa kanila at nawa'y magtagumpay ang inyong walang hanggang pagmamahal para sa bawat isa. Hindi man namin maintindihan kung bakit ninyo hinayaang mangyari ito pero kahit ganoon pa man ay ipinagkakatiwala ko po sa inyo ang lahat," mahinang dasal ang aking inialay para sa bawat isa dahil hindi ko man sila magawang iligtas lahat gamit ang aking mga kamay ay makatutulong naman ako sa pamamagitan ng aking huling dasal bago ko ipikit ang aking mga mata.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top