Eighteen: Ang Nawawalang Karit
Sa isang malawak na plaza sa siyudad ay may nagaganap ang isang masayang salo-salo. Aakalain mong isa itong ordinaryong kasiyahan ngunit kung ikaw ay lalapit makikita mo ang mga bata, kabataan at maging matatanda na nakabihis bampira, mangkukulam, prinsipe at prinsesa maging mga nakabihis anghel ay naroon din. Malakas na tugtog at halakhakan ang pumapangibabaw sa lahat, lahat sila ay masayang nagkukwentuhan at nagsasayawan. Ang gabing iyon ay gabi ng kasiyahan.
Mula sa isang mataas na gusali ay pinagmamasdan ng isang lalaking nakaitim ang kaganapan sa plaza. Tila siya naiinip ngunit ang itim niyang mga mata ay hindi makapagsisinungaling. Siya ay alerto, nagmamasid at naghihintay.
Ilang sandali pa ay napalitan ng mga sigawan at pagsabog ang kasiyahan. Makikita sa ibaba ang isang kalunus-lunos na sitwasyon, mga batang umiiyak at mga taong nagtatakbuhan. Nagkalat sa plaza ang mga bangkay, napakaraming namatay sa gabing iyon.
Tumalon mula sa gusali ang lalaki at lumapag siya sa kalsada na para bang wala lang para sa kanya. Mahinahon itong naglakad papunta sa plaza, pagkarating niya roon ay lumabas mula sa kawalan ang kanyang karit na hinawakan ng kanyang kanang kamay.
Sa muli niyang pagtingin sa kaguluhan sa kanyang harapan ay nakita na rin niya ang mga kaluluwang nagkalat sa lugar. Sa bawat katawang wala ng buhay ay may kaluluwang nakatayo sa kanilang tabi. Walang pag-aalinlangang nagpatuloy sa kanyang paglalakad ang lalaki at iwinasiwas ang kanyang karit sa bawat kaluluwang nasa lugar na iyon.
"Jay, nabalitaan mo ba iyong nangyaring pagsabog sa plaza?"
"Oo."
"Iyan lang ang reaksiyon mo?"
"Kilala mo ako Lucas kaya huwag ka ng magtaka."
"Hindi ka na talaga nagbago, ipinanganak ka bang walang pakialam sa mundo?"
"Sa tingin ko oo."
Sa paglalakad ni Jay ay hindi sinasadyang nabangga niya ang lalaking kanina lamang ay nangongolekta ng mga kaluluwa sa plaza.
"Pasensiya na." Usal ni Jay pagkatapos ay umalis na siya na para bang walang nangyari, ni hindi man lang niya binigyang pansin kung sino ang binangga niya.
Hindi umimik ang lalake sa nangyari, tinitigan lamang niya ang papaalis na si Jay. Sumibol mula sa kanyang labi ang isang mapaglarong ngiti.
'Hmmm... Mukhang makakapagpahinga ako saglit sa gawaing ito.' Ito ang unang naisip nang lalake pagkatapos ng insidenteng iyon.
Kinabukasan ay maagang nagising si Jay sa hindi niya malamang dahilan. Iginala niya ang kanyang paningin sa loob ng kanyang kwarto ngunit wala siyang nakitang kakaiba. Wala na siyang nagawa kundi ang bumangon dahil alama niyang hindi na siya makababalik pa sa pagtulog. Ginawa ni Jay ang karaniwan na niyang ginagawa sa mga araw na wala siyang trabaho.
Pumunta siya sa kanyang maliit na kusina, nagluto ng pancake at nagtimpla ng kape. Matapos niyang maihanda ang kanyang umagahan ay nagtungo siya sa kanyang maliit na sala kung saan napatigil siya at napako sa kanyang kinatatayuan. Isang lalake ang kaswal na nakaupo sa nag-iisang sofa sa sala ng maliit na apartment ni Jay.
"Sino ka?" Gulat na tanong ni Jay sa lalake.
Napangiti ang lalake sa naging reaksiyon ni Jay. "Hmmm, nagugulat ka rin pala. Akala ko hindi ka na nakararamdam pa ng emosyon."
"Sino ka ba? Paano ka nakapasok dito?" Nakataas ang kilay na tanong ni Jay sa lalake. Nawala na rin ang gulat sa mukha niya at kalmado niyang hinarap ang lalake.
"Mayroon akong pagmamay-ari na nawala at naniniwala akong kinuha mo ito."
"Hindi ako magnanakaw-"
"At dahil nasa iyo ito kailangan mong makakolekta ng isang daang kaluluwa bago mo ito maibabalik sa akin." Pagpuputol ng lalake kay Jay.
"Kaluluwa? Baliw ka ata."
"Kung ayaw mong maniwala bakit mo hawak iyang karit ko?" Nakataas ang kilay na tanong ng lalake.
"Anong karit ang pinagsasabi mo riyan? Wala akong-" Naputol ang sasabihin sana ni Jay nang makita nga niya sa kanyang kamay ang isang karit. Mahaba ang hawakan nito na sa dulo ay may pakurbang matulis na patalim.
Pilit binitawan ni Jay ang karit ngunit paulit-ulit lang itong bumabalik sa kanyang mga kamay. May nakakalokong ngiting pinanood ng lalake ang kasalukuyang suliranin ng binata sa kanyang harapan.
"Siya nga pala, nakalimutan kong magpakilala. Ako nga pala si Kamatayan at ang nawawala kong karit ay nasa sa iyo pala at tulad nga ng sinabi ko, isang daang kaluluwa ang kailangan mong makuha bago mo maibabalik sa akin ang karit na iyan. Ang pangongolekta mo ng kaluluwa at pagsisimula ng leksiyon mo ay magsisimula-" Tinignan ni Kamatayan ang kanyang relo at lalong lumawak ang kanyang nakakatakot na ngiti. "-ngayon."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top