Chapter Six

ELOISE VENTURA

"Ano nga pala ang trabaho mo, hijo?" tanong ni mama.

Nalilito ko siyang tinignan. Nagtatanong siya na para bang hindi niya alam kung sino ang katabi ko. Sinulyapan ko si Russell na may simple paring ngiti sa mga labi. Kanina pa niya sinasagot ang mga sunod-sunod na tanong ng mga magulang ko at pati narin ni Janine, pero ni minsan ay hindi siya umiwas sa mga sagot. Lakas-loob niyang sinalubong ang bawat tanong nila kaya naman tuwang-tuwa sila sakanya.

Ako rin ay natutuwa. Nakikita ko talaga kung gaano siya katunay na tao. Wala siyang kahihiyan na ipakita kung sino siya at halata mong wala siyang tinatago. Napakatotoo niya.

"Negosyante po, tita. Nagt-trabaho po ako sa kumpanya ng pamilya ko," marahan nitong sagot at doon ko na naman naalala kung sino siya. Minsan kasi ay nakakalimutan ko kung sino siya dahil sa inaakto niya. Hindi talaga halata.

"May kumpanya kayo?" kunwaring hindi alam ng mama. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o mapapasapo sa noo dahil sa pinaggagawa niya.

Tumango si Russell at nakita ko ang mabilis na pagsulyap niya sa'kin. "Opo. DMC Groups po... 'Yung, uh, may-ari ng ospital dito."

Tumaas ang kilay ni mama. "Sa pinagt-trabahuan ni Eloise ba?"

"Opo, tita." Tinignan ako ni Russell at agad akong umiwas ng tingin. Sunod kong naramdaman ang mainit niyang palad sa hita ko, at dahil manipis lamang ang suot kong dress ay ramdam na ramdam ko 'yon.

Napalunok ako at pilit na kinakalma ang sarili. Naramdaman ko kaagad ang pag-iinit ng buong katawan ko at hindi ko maipagkakailang nananabik na naman ako sakanya. Hindi naman ako ganito dati, pero alam ko bilang nurse na normal para sa isang buntis na babae ang mas maging sabik... sa ganon. Lalo na't si Russell pa mismo ang pinaglilihian ko. Hindi ko talaga maiwasang 'di maakit sa mga simpleng galaw niya.

"Kung ganon, hindi mahirap para sa'yo na buhayin ang magiging mag-ina mo," sabi ni mama. Aapila na sana ako dahil sa hiya at gulat pero biglang sumungit ang itsura ni mama. "Hindi mo 'ko masisisi kung 'yun ang una kong iisipin. Magiging magulang ka na rin at maiintindihan mo na kapakanan ng anak mo ang lagi mong iisipin. Hindi mawawala sa'kin na mag-alala kung anong klaseng lalaki ang papakasalan ng anak ko."

Nanlaki na ng tuluyan ang mga mata ko dahil sa sinabi ni mama pero hindi ako makaangal man lang. Para akong naestatwa sa sinabi niya at nanlamig ang buong katawan ko sa hiya at takot. Ayokong tignan si Russell kahit ramdam na ramdam ko ang mga mata niya sa'kin. Hindi ko alam kung maiiyak ba ako o mahihimatay na lamang dahil sa sobrang hiya.

"Sang-ayon ako sa asawa ko, Russell," dagdag naman ni papa na mas lalong nagpatibok ng puso ko. "Hindi naman sa pagiging gahaman, pero nais lang talaga namin na hindi mahirapan itong si Eloise. Mahirap na ang buhay at hindi na basta-basta ngayon ang mga kakailanganin."

Lakas-loob kong sinulyapan si Russell sa gilid ng mga mata ko. Napanood ko ang marahan niyang pagtango at naramdaman ko na naman ang pagpisil niya sa hita ko. Nag-iinit na ang mga mata ko dahil hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman ko sa panahong 'yon.

"Naiintindihan ko po, tito, tita. Wala po kayong dapat ikaalala sa'kin dahil hindi ko ho sila papabayaan. Si Eloise at ang mga magiging anak pa po namin," deklara niya kaya napayuko ako.

Patago kong pinunasan ang isang luhang pumatak. Bigla ay nanaig ang tuwa at saya sa puso ko dahil sa sinabi niya. Hindi parin ako makapaniwala at ayaw parin tanggapin ng isipan ko... pero hindi ako nagkamali ng pandinig.

Parang nawala ang tensyon dahil sa sinabi ni Russell dahil bigla ay lumambot ang mga ekspresyon sa mga mukha nina mama at papa. Maski si Janine ay napapangiti na.

"Mga anak? Aba, hijo, ilang apo ba ang ibibigay mo sa'min?" nakangiti na ngayong tanong ni mama at sinulyapan ako ng mabilis.

Natawa si Russell at nagulat ako nang halikan niya ang pisngi ko sa harap ng pamilya ko mismo. Maski sila ay nagulat rin pero kakaibang mga ngiti ang bumuo sa mga labi nila.

"Depende rin ho kay Eloise. Pero gusto ko rin sana ng apat o lima," sagot niya.

Nanlaki ang mga mata ko. "A-apat?"

Diyos ko! Seryoso po ba ang lakaking 'to? Apat!

Hinarap niya ako nang nakangisi. "Bakit hindi?" Nagkibit-balikat siya na para bang napakadali ng hinihingi niya. "Lumaki ako sa malaking pamilya. Masaya kapag maraming kalaro ang mga anak natin, Eloise."

Anak natin...

Napalunok ako at mas lalong nahumaling sakanya. Hindi ko alam na posible palang mas lalakas pa ang pananabik at atraksyon ko sakanya. Gusto niya ng malaking pamilya! Kasama ako! Kasama ang mga anak namin!

"Tama 'yan. At sana ay lalaki agad ang panganay niyo," sabi naman ni papa.

"Bakit, pa, ayaw mo sa babae?" taas-kilay na tanong ng kapatid ko kaya natawa ako ng konti.

Ngumiti si papa. "Sakit sa ulo ang mga babae."

Tumawa si Russell. "Lalo na siguro sainyo, tito. Ang gaganda ba naman ng mga anak ninyo."

Napangiti nalang ako at pinanood ang pamumula ng mga pisngi ng kapatid ko. Siguro kung hindi napukaw ng kahiyaan niya ang atensyon ko ay maski ako mamumula rin. Ang dulas talaga at ang bulaklak ng dila nitong si Russell!

Pagkatapos namin kumain ay iniwan namin si papa at Russell sa sala upang mag-usap. Kami naman nina mama at Janine ay nag-ayos sa pinagkainan namin, pero ayaw nilang gumalaw ako masyado.

Sumimangot na lamang ako. Kung umasta sila ay parang nakakamatay ang pagbubuntis ko. Kahit na sinabi kong hindi naman maselan! Mismong si doktora pa ang nagkumpirma noon! P'wede nga akong magtrabaho hanggang sa pitong buwan na ako, e!

"Mukha naman siyang mabait. Hindi rin halatang laking mayaman siya..." kaswal na sabi ni mama habang nagbabanlaw ng mga pinagkainan namin.

"Ay, oo, ma! Wala ngang masasamang balita tungkol sakanilang magkakapatid, e! Kahit may mga chismis noon na masungit daw 'yung tatay nila," segunda naman ni Janine. Kumunot ang noo ko sakanya. Kahit kailan talaga ay napakachismosa niyang tao.

Si mama naman ay mukhang nagulat. "Talaga? Masungit daw?"

Masiglang tumango-tango si Janine. "Pero hindi naman po siguro, mama. Kasi kung masungit 'yung mga magulang nila, hindi naman ganyan magiging kabait 'yang si kuya Russell, e!"

"Kung sabagay..."

"Ang chismosa ninyo," nakapalabi kong sabi. Sabay nila akong tinignan na dalawa at inirapan.

"Masamang kilatisin 'yang mapapangasawa mo?"

Napaiwas ako ng tingin sa tanong ni mama at hinayaan na lamang sila. Kailangan ko nga palang kausapin si Russell tungkol diyan. Nakakahiya na walang pasabing tinanong 'yun ng mga magulang ko at nakakalito rin ang sinagot niya. Hindi ko alam kung sinabi niya ba 'yon dahil seryoso siya i dahil nahihiya siyang tumanggi sa harap ng pamilya ko.

"Doon ka na nga sa sala, Eloise. Wala kang kwenta dito," taboy bigla sa'kin ng mama.

Umawang ang labi ko dahil sa gulat sa sinabi niya pero tinalikuran na niya ako. Napasimangot na lamang ako at umalis na doon. Minsan talaga napaka-bully ni mama.

Sa sala, nagtatawanan si papa at si Russell. Parang sasabog ang puso ko dahil sa tuwa ngayon na nakikita ko silang magkasundo. Si papa ang pinakaimportanteng lalaki sa buhay ko at masaya ako na magkasundo sila ng ama ng magiging anak ko.

"Oh, Eloise..." pansin ni papa sa'kin. Ngumiti siya. "Halika rito at saluhan mo kami."

Mabilis akong lumapit sakanila at tatabi na sana kay papa nang natatawa niya akong pigilan. Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa pagtataka.

"Ano ka ba, 'nak, hindi naman ako masyadong makaluma. Ayos lang na 'tong nobyo mo ang tabihan mo."

Nahihiyang tumingin ako kay Russell na inangat ang braso upang akayin akong tumabi sakanya. Hindi parin ako makatingin ng diretso habang umuupo sa tabi niya. Nagulat ako nang walang pag-aalinlangan niya akong mas hinapit palapit sakanya. Sinulyapan ko si papa at imbes na simangot ay nakita ko ang munting ngiti sa mga labi niya.

"Eh, 'yun nga, tito, mukhang mahihirapan nga talaga ako kapag babae. Lalo na 'pag nagmana sa mommy niya," sabi ni Russell at mas lalo akong napayuko, pilit tinatago ang ngiti.

Natawa si papa. "Ganyan rin siguro ang ama mo, Russell."

"Ah, hindi po, tito," natatawang saad ng katabi ko. Wala sa sarili niyang hinahaplos ang balikat ko gamit ang mga daliri niya kaya hindi ko maiwasan ang pagtaas ng balahibo ko. "Paano po, 'yung ate ko at 'yung bunso namin, parehong ligawin, pero pareho ring mahilig na mambasted. Isang lalaki nga lang ang nagustuhan ng ate ko at ngayon ay kasal na silang dalawa nitong mga nakaraang buwan lamang."

"Oh? E, kailan ba namin makikilala ang pamilya mo?"

"Kung kailan niyo po gusto. Ikakasal na ang ate ko at 'yung sumusunod sa'kin na lalaki. Imbitado ho kayo, tito."

"Aba. Uunahan ka pa ng kapatid mong lalaki sa altar?"

Naramdaman ko ang pagtawa ni Russell dahil sa pagsandal ko sa dibdib niya. "E, kung hindi lang po naniniwala ang mommy sa sukob, baka ngayong taon din ho kami ni Eloise, e. Kaso nauna na ang ate ko."

Sinulyapan ko siya sa sinabi niya. Ayan na naman siya tungkol sa pagpapakasal naming dalawa. Kailangan ko na talaga siyang makausap tungkol diyan bago ako umasa ng tuluyan. Hindi ko ata makakaya ang kahihiyan kapag hinayaan ko ang sarili kong maniwala na ikakasal kami tapos wala naman palang mangyayari.

Hindi naman sa nagdedemanda ako. Wala akong hinihingi mula sakanya kundi ang paninidigan niya sa bata. Simula nang malaman kong buntis ako ay natanggap ko na ang katotohanan na posibleng hindi kami ikasal. Hindi naman kasi lahat ng binubuntis, lalo na sa mga araw ngayon, ay pinapakasalan.

"Maiwan ko na muna kayong dalawa," sabi ni papa at tumayo.

Umalis si papa ng sala at nanlaki ang mga mata ko nang bigla ko nalang naramdaman ang malalambot na labi ni Russell sa mga labi ko. Napapikit ako nang tumagal ito ng ilang segundo at hindi ko napigilan ang mahinang pagsinghap nang kagatin niya ang pang-ibabang labi ko.

Nang maghiwalay ang mga labi namin, wala sa sariling napatitig ako sa ngisi niya. Napaka-guwapo talaga niya!

"Kanina ko pa gustong gawin 'yan..." malandi niyang bulong at mas hinila ako palapit sakanya. Ngayon ay nakatitig na ako sa mga mata niyang puno ng lambing. "How's my girl?"

Tumaas ang kilay ko. "Unang beses mo atang mag-Ingles?"

Ngumiwi siya at napakamot sa batok gamit ang kabilang kamay. Natawa ako. "I don't want them uncomfortable with me, babe. Mas okay nang ako ang mag-adjust."

Mas lumawak ang ngiti ko dahil sa sinabi niya. Siya na siguro ang pinaka-humble na nilalang sa buong mundo. Kaya ayan at hindi ako nahihirapang mahulog sakanya. Napakadali niyang mahalin.

"Ayos lang naman. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo."

Nagkibit-balikat siya at inangat ang kabilang kamay upang haplusin ang pisngi ko. Napapikit ako dahil sa sensasyon. "It's fine, babe. Siyempre, nagpapa-impress pa ako sakanila. Mahirap na kung ayaw nila sa'kin, diba? My future in-laws have to love me."

Unti-unting bumukas ang mga mata ko sa sinabi niya. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha habang pinapanood niya ang masuyong paglalakbay ng mga daliri niya sa leeg ko. Wala sa sarili napalunok ako dahil sa kaba. Kailangan ko na talaga siyang kausapin.

"Uh, Russell..."

"Hm?"

Muli akong napalunok. "K-kanina mo pa sinasabi 'yan..."

Kumunot ang noo niya at sinalubong niya ang mga mata ko. "Ang alin?"

"Na... m-magpapakasal... tayo..." mahina kong saad.

Mas lalo siyang sumimangot. "Okay. So?"

Nagulat ako sa kaswal niyang reaksyon. "S-seryso ka doon? Talagang... magpapakasal tayo?"

Inirapan niya ako bigla, para bang nainis na sa tanong ko. Marahan niyang pinisil ang ilong ko kaya napapikit ako saglit. Pagkatapos ay mahina niyang pinitik ang noo ko kaya agad akong napalabi sakanya. Siya naman ay napapailing na para bang natatangahan sa'kin.

"Ewan ko sa'yo, Eloise. Anong tingin mo sa'kin, bobo?"

Nanlaki ang mga mata ko. "Wala naman akong sinabi na bobo ka ah!"

"Oh! 'Yun naman pala! Bobo lang 'di magdadala sa'yo sa alter, 'no!"

Nawalan naman ako ng sasabihin dahil doon. Ako pa talaga ang mali ngayon? Nagtanong lang naman ako para humingi ng kumpirmasyon!

"O-oh! Naninigurado lang!" nauutal kong sabi at umiwas ng tingin. Diyos ko! Ikakasal kami? Talaga?

Muli siyang napailing na para bang napaka-disappointed niya sa'kin. Ako naman ay napasimangot nalang. Isa rin 'tong bully minsan, e. Hindi pa ba sapat na halos tawagin na niya akong tanga noong tinapon ko 'yung pregnancy test ko? Ngayon ginaganyan pa ako dahil hindi ko alam na pakakasalan niya pala ako! Parang nakikita ko na agad ang magiging kinabukasan namin ah? Kaugali niya ang bully kong mama habang ako naman ay kuhang-kuha ang ugali ni papa.

"Jeez, Eloise. I want five kids with you, I told you that. Tingin mo talaga hindi pa kita gagawing asawa ko sa lagay na 'yon?" taas-kilay niyang tanong sa'kin.

Lumabi ako. "Limang anak? Parang... ang dami naman."

"Don't worry," aniya at kumindat. Ngayon ay may nakakalokong ngisi na sa mga labi niya. "We'll practice making them every day."

Napaiwas ako ng tingin sa sinabi niya at napakagat labi. Hindj ko tuloy maalis sa isipan ko ang mga maiinit naming mga tagpo. Madalas kasi nitong mga nakaraang linggo na bumibisita siya dito sa Ilocos ay itinatakas niya ako sa isang hotel. Simula nang sinabihan kami ni doktora noong nakaraang buwan na hindi maselan ang pagbubuntis ko kaya ayos lang ang pagtatalik ay hindi na niya ako tinigilan. Tuwin dadating siya sa Sabado galing Maynila ay halos kalahating araw kaming nagkukulong sa binili niyang penthouse sa isa sa mga hotel dito.

Akala ko nga magkakasawaan na kami, pero dala na rin siguro ng pagbubuntis ko ang hindi matapos-tapos na pananabik ko sakanya. Walang dudang magiging kamukha niya ang magiging anak namin. Wala na kasi akong ibang pinaglilihian pa kundi siya. Na ultimo polo niya ay hiningi ko at pinaulanan ko ng pabango niya upang katabi ko kada-gabi. Ganon katindi ang pananabik ko sakanya.

"May hindi ka nga pala sinabi sa'kin..." mahinang sabi ko habang nakasandal na ngayon sa balikat niya.

"What?"

Tiningala ko siya. "Hindi mo sinabing isa kang DeMarcus."

Sumimangot siya. "Importante ba 'yon?"

Nanlaki ang mga mata ko at napaayos tuloy ako ng upo. Awang ang mga labing tinignan ko siya habang siya ay kalmado lamang. Seryoso ba siya?

"H-hindi naman! Pero, siyempre, mabuting alam ko 'yon, diba? Ngayon hindi ako sigurado kung paano ko magagawang magpakilala sa pamilya mo!"

Mas lalo siyang napasimangot, takang-taka. "Why would that be a problem, Eloise? My family is quite normal."

"Normal?" hindi makapaniwalang tanong ko. "Sabi ni Janine, isa ang pamilya mo sa pinakamayaman at pinakamakapangyarihang pamilya dito. Hindi 'yan normal!"

Nagpaikot siya ng mata at binalewala ang mga sinabi ko. "You're overreacting, babe. That's not enough reason to worry about meeting them. Sinasabi ko na sa'yo ngayon din, they will like you. I know my family. Trust me, okay?"

"P-pero..." Kinagat ko ang labi ko, hindi parin sigurado.

Sa dami ng mga teleseryeng napanood ko na, baka iba ang isipin nila tungkol sa'kin. Hindi naman tulad ng teleserye ang buhay ko na isang araw malalaman ko na lamang na anak pala ako ng isang mayaman na tao at bigla at ka-estado ko na sila. Wala namang ganon. Simpleng nurse ako at walang maiaalay kundi ang sarili ko.

"Shhh, it's fine," sabi ni Russell at mahina akong hinila. Hinayaan ko siyang yakapin ako at ninamnam ko na lamang ang init ng katawan niya. Mas lalong gumaan ang pakiramdam ko nang halikan niya ang tuktok ng ulo ko. "My family will love you, babe. Don't even doubt it."

Pumikit ako at tahimik na nanalangin sa Maykapal na sana nga tama si Russell. Dahil hindi ko talaga alam ang gagawin ko kapag hindi ako matatanggap ng pamilya niya. Sa konting panahon ng pagsasama namin ay parte na siya ng systema ko.

Wala akong kaalam-alam na unti-unti na pala niyang sinasakop ang puso ko hanggang sa isang araw napagtanto ko na lamang na hindi na magiging tulad ng dati ang buhay ko kapag nawala siya. Kakayanin kong hindi siya maging parte ng buhay ko, oo; pero mas kakayanin kong gawin ang kahit na ano upang mapanatili siya sa piling ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top