Chapter Five

ELOISE VENTURA

Tahimik pareho sina mama at papa habang nakatingin parin sa'kin. Mas hinigpitan ko ang kapit ko sa braso ni Janine at kahit alam kong nasasaktan na siya ay hindi niya ako pinabitaw. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko upang hindi na saktan ang kapatid ko, pero sa bawat segundo na hindi nagsasalita ang mga magulang ko ay parang mas lumalala ang kaba at takot sa dibdib ko.

Nararamdaman ko na ang pag-iinit ng mga mata ko dahil sa sobrang kaba sa kung ano ang sasabihin nila. Mas lalo itong lumala nang mapansin ko ang unti-unting pagtulo ng luha ni mama. Hindi ko na napigilan. Napaiyak narin ako dahil sa sobrang kahihiyan.

"Anak... buntis ka? G-gaano na katagal?"

Napayuko ako. Hindi ko magawang tignan si mama. At mas lalong hindi ko makakayanan ang titig ni papa sa'kin. Na para bang nabigo ko talaga sila. At baka 'yun nga ang totoo. Nabigo ko ang mga magulang ko.

"T-tatlong buwan na po, mama..."

Narinig ko ang pagsinghap niya at napapikit ako ng mariin. Pinisil ni Janine ang kamay ko at kahit papano ay naibsan ang namumuong hapdi sa puso ko. Sa kapatid ko ako kumukuha ng lakas na tanggapin ang kung ano man ang sabihin o gawin nila sa'kin.

"Aba! Bakit naman ngayon mo lang sinabi, anak?"

Napaiyak na ako ng tuluyan at tinakpan na ang mukha ko. "S-sorry, mama! Sorry, pa! H-hindi ko l-lang kasi alam k-kung paano ko s-sasabihin sainyo!"

"Dios mio, Eloise! Buntis ka lang, pero mga magulang mo parin kami! Dapat kami ang una mong tinakbuhan!"

Natigil ako dahil sa sinabi ni mama. Unti-unti akong nag-angat ng tingin at lakas-loob na sinalubong ko ang mga mata nila. Nakasimangot si mama habang si papa naman ay wala paring emosyon ang mukha. Nang muli akong napaiyak ay napailing si mama at mabilis na lumapit sa'kin.

Tuluyan na akong napahagulgol nang yakapin ako ni mama at mahigpit kong sinuklian ang yakap niya. Binaon ko ang mukha ko sa tiyan niya at nilabas na lahat ng emosyon na naramdaman ko kanina. Nawala talaga lahat ng takot sa puso ko dahil sa yakap ni mama.

"Tahan na, Eloise... Hindi maganda ang pag-iyak na ganyan kapag buntis ka..." malumanay na pag-alo ni mama at parang mas lalo ata akong naging emosyonal.

"S-sorry, mama... Nabigo ko kayo..."

Hinaplos ni mama ang ulo ko. "Hindi 'yan totoo. Ipinagmamalaki ka namin ng papa mo kahit ano pa ang mangyari. Hindi magbabago ang tingin o ang pagmamahal namin sa'yo dahil lang dito."

"Mama," iyak ko at sunod-sunod nang napahikbi dahil narin sa hirap sa paghinga.

"Janine, kumuha ka ng tubig para sa ate mo," rinig kong utos ni mama. Agad ko ring narinig ang paggalaw ng kapatid ko mula sa tabi ko. "Hay, 'tong panganay natin, pa. Kung kailan magiging ina, tsaka naman naging uhugin na parang bata."

Sumilip ako at tinignan si papa. Nang una ay tinignan niya lang din ako, pero nang ilahad niya ang mga braso niya ay agad-agad akong bumitaw kay mama. Umupo ako sa kandungan ni papa at walang pag-aatubiling yumakap sakanya. Muli ay hindi ko napigilan ang pag-iyak nang maramdaman ang mainit na yakap niya sa'kin. Naiinis na ako. Hindi naman kasi ako iyakin ng ganito!

"Mahal parin kita, 'nak," bulong ni papa sa tenga ko.

Napahikbi ako. "Mahal na mahal din kita, papa. Sorry po talaga..."

"Shh... Huwag na huwag mong pagsisisihan ang isang regalo mula sa Dios, naiintindihan mo ba?"

Sunod-sunod akong tumango. "O-opo, papa."

"Ate oh."

Inabot ni Janine sa'kin ang isang baso ng tubig at mabilis ko itong inubos. Kinuha din niya ito agad mula sa'kin habang si mama ay tumayo sa likuran ko at hinagod ang likod ko upang pakalmahin ako. Sumandal ako kay mama habang nasa kandungan parin ni papa at pilit na kinakalma ang sarili.

"Itigil mo na ang pag-iyak na 'yan, Eloise. Hindi talaga nakakabuti 'yan para sa anak mo," muling sabi ni mama. Napatango naman ako at napapikit, ninanamnam na lamang ang pang-aalaga nila sa'kin.

"Sino ang ama?" mahinang tanong ni papa, na para bang nag-aalinlangan pa siyang tanungin.

Nagmulat ako ng mga mata at napahawak sa batok. Nasulyapan ko si Janine na puno rin ng kuryusidad ang mga mata. Hindi ko kasi sinabi sakanya kung sino ang ama ng anak ko. Paano ko naman kasi aaminin? Hindi nila kilala si Russell kaya mahihirapan akong ipaliwanag ang sitwasyon!

"Kilala ba namin, 'nak? Dito lang ba sa kapit-bahay?" dagdag ni mama sa pang-uusisa.

Napangiwi ako at napagtantong kailangan kong sabihin ang totoo. Kahit ito man lang ang magawa ko kapalit ng walang pag-aalinlangan nilang pagtanggap at pagpatawad sa'kin.

"S-si Russell po..." mahina kong sagot. Gusto ko sanang matawa nang sabay-sabay na kumunot ang noo nilang lahat. Hindi nga kasi nila kilala!

"Sino? Wala ata akong kilalang Russell dito," nagtatakang sabi ni mama, malalim na ngayon ang simangot. "Malamang hindi taga-rito! Inayawan mo na lahat ng lalaki dito sa'tin!"

"H-hindi nga po... Uh... Taga-Maynila ho siya."

Nanlalaki ang mga mata ni mama na umikot upang nasa harapan ko na siya. "Maynila? At paanong nakakilala ka ng taga-Maynila, ha, Eloise? Pasyente mo ba?"

"Hindi ho, mama. Ano... nagkataon lang na nagkita noong.."

Mas lumapit si mama sa'kin. "Noong? Kailan, Eloise!"

Napangiwi akong muli. "Noong minsang nagkabagyo ho. T-tapos nag-overnight ako sa hotel..."

"Oh, my goodness!" Napasinghap si Janine, naaalala siguro ang gabing tinutukoy ko. "Noong na-stranded ka, ate? Noong gabing dumating 'yung mga investors ng hotel? Isa ba sakanila ang nakabuntis sa'yo?"

"Investors!" Si mama naman na ngayon ang gulat na gulat. "Mayaman ang nakabuntis sa'yo?"

"H-hindi naman ho ata... Siguro sakto lang, ma." Hindi ko naman alam ang isasagot ko dahil kung tutuusin ay hindi ko pa natatanong si Russell kung ano ang trabaho niya. Pero sa uri palang ng pananamit at pananalits niya ay alam kong laking-mayaman na siya.

"Ano naman ngayon kung may pera?" matalim na sabat ni papa at inakbayan ako. Naniningkit ang mga mata niya. "Madaling magka-pera. Ang tanong ay kung may paninindigan ba ang lalaking 'yon!"

"Oo, pa, 'yan din. Pero importante rin na may pangtustos sa bata," nakasimangot na sabi ni mama. "Hindi na madali ngayon ang pagpapalaki ng bata."

"Paninindigan ang kailangan ni Eloise, hindi pera," mariin na sabi ni papa.

Hindi siya pinansin ni mama. Humarap lang siya ulit sa'kin. "Ano nga ulit ang pangalan ng lalaki, Eloise? Baka p'wede nating ipahanap para kausapin o—"

"H-hindi na po kailangan..."

Kumunot ang noo ni mama sa inis. "At bakit naman hindi ha? Kailangan din niyang maging responsable sa ginawa niya! Aba! Hindi naman ata p'wede na puro sarap lang ang hayo—"

"Ma," putol ko sakanya. Tinaasan niya ako ng kilay. "Ano, andito siya. At gusto na rin niya kayong makikala."

Mukhang nagulat naman silang lahat sa sinabi ko, maski si Janine ay napaawang ang mga labi dahil 'di parin makapaniwala.

"Nandito siya sa probinsya natin?" pagkumpirma ni mama.

Tumango ako. "Opo, mama."

Naningkit ang mga mata niya. "Sino nga ulit 'to?"

"Russell po."

"Russell?" ulit ni Janine. Bigla ay nanlaki ang mga mata niya. "Hala, ate! Russell? As in si Russell DeMarcus? 'Yung may-ari ng ospital na pinagt-trabahuan mo?!"

Kumunot ang noo ko. Si Russell? Isang DeMarcus? Imposible! Pero... Napalunok ako bigla nang mapagtanto na posible nga. Naalala ko tuloy ang mga kasama niya na mukha ring mga mayayaman. At hindi ba't isang presidential suite ang kinuha niya noon? Narinig ko pa mismo ang sekretarya niya noon!

Nasapo ko bigla ang noo ko at nakaramdam ako ng pamumutla. Boss ko si Russell! Siya ang may-ari ng ospital!

"Oh, 'nak, bakit ganyan itsura mo?" nagaalalang tanong ni mama at dinaluhan ako. Maski si papa ay dahan-dahan akong inalis sa kandungan niya at pinaupo ng maayos sa tabi niya.

Nakatingin parin ako kay Janine na nanlalaki parin ang mga mata, gulat na gulat sa mga pangyayari. Nabasa siguro niya sa mukha ko na tama ang hinala niya. Si Russell ay isang DeMarcus... at siya rin ang ama ng magiging anak ko!

"Tama ba si Janine? Boss mo ba talaga ang nakabuntis sa'yo?" nag-aalinlangan na tanong ni mama.

Dahan-dahan akong tumango. "A-ata, mama..."

"Maryosep!" Nasapo ni mama ang noo niya at nanlalaki na ang mga mata. "Sigurado ka bang alam niya? At sigurado ka din bang gusto niya talaga kaming makilala?"

"At bakit naman hindi?" kunot-noong singit ni papa. "Dapat lang na magpakilala siya. Nabuntis niya ang anak natin!"

"Hindi ka ba nakikinig? Boss ng anak mo! DeMarcus! Mayayaman ang mga 'yon at mga alta!" naeeskandalong sigaw ni mama at napayuko ako. 'Di nga?

Mas sumimangot si papa. "Presidente man 'yan o pinakamayaman sa buong mundo, isang bala parin 'yan 'pag tinakbuhan niya ang anak natin!"

"Pa!" Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Maski si mama ay napasinghap sa gulat.

Nagkibit-balikat si papa. "Sinasabi ko lang naman. Mortal parin 'yan kahit na anong yaman."

"May sinabi ba akong immortal?" nanggigil na tanong ni mama at akmang sasakalin na si papa nang pigilan siya ni Janine. Napairap na lamang si mama. "Itatago ko 'yang mga baril mo 'pag pumunta siya dito! Walang hiya ka! Hindi pa nga napapanganak ang apo mo, pinagkaitan mo na agad ng ama ha!"

Nanlaki ang mga mata ni papa. "May sinabi ba akong papatayin ko? Aba! Sinabi ko lang na isang bala lang 'yon!"

"Tumahimik ka at nanggigil ako sa'yo! Kakapanood mo 'yan ng FPJ, e!"

Litong-lito na ako sa mga nangyayari. Hindi ko na masundan kung saan napupunta ang usapan namin dahil biglang pinaguusapan na namin ang isa sa mga seryeng pinapanood ni papa. Napatingin ako kay Janine na ngayon ay nakasimangot na sa mga magulang namin. Pero nang magtagpo ang mga mata namin ay naging malumanay ang mukha niya. Para bang iniintindi niya ang mga inaalala ko sa sarili ko.

DeMarcus? Russell DeMarcus?

Nang gabing 'yon, kasama ko si Janine sa kwarto ko habang pinapakita niya sa'kin ang mga anak ni Inigo at Samantha DeMarcus — Evelyn, Russell, Ruel, at Evangeline. Noong una ay hindi parin ako makapaniwala, pero hindi ko maipagkakailang si Russell na ama ng anak ko nga ang nasa isa sa mga litrato na nahanap ni Janine.

Bakit hindi niya sinabi agad? Ni hindi niya nabanggit na siya ang may-ari at ang namamahala sa ospital na pinagt-trabahuan ko! Kaya ba agad pumayag ang boss ko na mag-day off ako noon? Inutusan ni Russell?

"Ate..." nag-aalinlangan na pukaw ni Janine sa atensyon ko. Napatingin ako sakanya. "Ayos ka lang ba?"

Unti-unti akong tumango. Sumakit ang ulo ko dahil sa rebelasyon na ito, pero pilit ko na hindi masyadong dinadamdam ang gulat at 'di pagkapaniwala. Baka mamaya ay ma-stress lang ako at hindi 'yon nakakabuti sa sitwasyon kong ito.

"DaMarcus nga siya..." mahina kong sambit. Bigla ay nakadama ako ng kakaibang kaba naman ngayon. "Janine! Paano 'yan? Gusto niya akong ipakilala sa pamilya niya!"

Nanlaki ang mga mata ng kapatid ko at umawang ang mga labi niya. "I-ikaw? Makikilala mo ang mga matatayog na DeMarcus? Ate!"

Napalunok ako. "Oo... gusto daw niya akong isama sa Maynila at... ipakilala sa pamilya niya. Hindi naman niya minsan sinabi kung sino ang pamilya niya!"

Ngumiwi si Janine. "Napala mo, 'te. Ilang beses ko nang kinu-kwento sa'yo ang pamilyang 'yan, pero ni minsan hindi mo sinulyapan 'yung mga newspaper! 'Yan ngayon at 'di mo namukhaan si Russell!"

"Janine!" asik ko at inirapan siya. "Tingin mo ba kasi maiisip kong makakasalubong ko 'yang mga 'yan? Paano ko ba naman malalaman na pupunta sila rito e taga-Maynila sila?"

"Kung sabagay. Sino rin makakaisip na isang DeMarcus ang makaka-buntis sa'yo, 'no, 'te?"

Napairap ako. "Nang-aasar ka ba?"

"Hindi!" Nanlaki ang mga mata niya pero may munting ngisi sa mga labi. "Sinasabi ko lang naman! At least alam natin na kahit ano man ang mangyari, kaya niyang suportahan ang magiging baby mo!"

Nilaro ko ang ibabang labi ko at napaisip. DeMarcus man o hindi, wala naman akong idedemanda mula kay Russell kung sakali. Oo nga't sinabi na niyang hindi niya ako iiwan, pero kailagan ko rin na tatagan ang sarili ko kung sakali man na hindi niya maaksyunan ang mga salita niya. Sa ngayon, mas mabuti nang siguraduhin na kakayanin kong buhayin ang magiging anak ko, meron man siya o wala.

"So andito siya, ate? Nasa Ilocos siya ngayon?"

Tumango ako. "Pero luluwas din siya ng Maynila sa makalawa. May inaasikaso daw para sa kumpanya nila."

"At gusto niyang magpakilala sa'min?"

"Oo, Janine. Pero ngayon na alam ko na kung sino siya... parang hindi na ako sigurado kung tama bang—"

"Ate!" mabilis na pigil ni Janine sa'kin, nanlalaki ang mga mata. "Huwag kang ganyan ha! Ano man ang estado niya sa buhay, dapat parin niyang makilala sila mama at papa! At isa pa, huwag ka namang ganyan. 'Di mo ba alam na ang daming ibang babae diyan na nanghihiling na sana ganyan din 'yung tatay ng mga anak nila? Pasalamat ka nga at hindi ka niyan tinaboy o tinakbuhan, e."

Muli ay natahimik ako sa sinabi ng kapatid ko. Tama nga naman siya. Dapat hindi ko masyadong iniisip ang pagkakaiba ng estado namin sa buhay. Siguro naman, pagdating sa pagiging magulang, hindi 'yon importante, diba? Mas importante na gampanan namin ang pagiging magulang sa magiging anak namin, hindi ang yaman o ano pa man.

"Kung ganon..." Bumuntong-hininga ako. "Tama lang na papuntahin ko siya dito bukas, bago siya bumalik ng Maynila..."

Ngumiti si Janine at biglang yumakap sa'kin. "Basta, ate, ano man ang mangyari, andito naman kami para sa'yo. Tanggap namin ang baby mo at mamahalin namin siya."

Agad akong napaluha dahil sa sinabi niya. Pumikit ako at dinamdam ang init ng yakap niya at parang bula na nawala ang karamihan sa mga nagpapabigat ng loob ko. Salamat nalang sa Panginoong Diyos at biniyayaan Niya ako ng ganitong pamilya.

From: Russell
Formal or casual? Should I wear a suit?

From: Russell
I bought some sunflowers for your mom. Tulips for your sister. Ok ba??? Eh kay tito? Anong gusto niya?

To: Russell
Wag ka nang magabala. Ayos lang talaga :)

From: Russell
Di pwede El! Ano nga???

Nasapo ko ang noo ko. Hindi ko talaga maiwasan ang 'di mapangiti sa inaakto niya. Kung tutuusin, hindi ko nararamdaman na kabado siyang makilala sila mama at papa. Parang sabik na sabik pa nga siya na sa wakas ay pormal na niyang makikilala ang mga magulang ko!

Simula noong ipinaalam ko sakanya kagabi na p'wede na niyang makikala sila mama at papa ay hindi na natapos ang mga tanong niya. Kesyo ano daw ang dadalhin, ang damit, ang ayos, at ultimo pabango niya! Lahat na lamang ay tinatanong sa'kin at hindi ko talaga alam kung matatawa ako o maiinis sa pangungulit niya.

Sa maiksing panahon na pagkakakilala ko sakanya, napansin ko ang pagka-clingy niyang tao. Hindi naman 'yung nakakairita, pero nakakagulat lang dahil kalalaki niyang tao at napakalambing niya.

To: Russell
Bahala ka na. Basta wag kang malate ha?

From: Russell
Yes boss. ;-)

Napailing nalang ako at naisipan nang bumaba. Nakapag-ayos na ako at mga dalawang oras pa bago ang dating ni Russell kaya p'wede pa akong tumulong. Abala si mama sa pagluluto sa kusina habang si papa naman ay inaayos na ang hapag. Si Janine ay nasa sala at doon nag-aayos ng gamit.

"Oh, 'nak, umupo ka nalang diyan..."

Lumabi ako sa sinabi ni papa. "Buntis lang po ako. Kaya ko pa namang gumalaw."

"Hindi na. Tapos na rin naman. Mahirap na kung pinapagod mo ang sarili mo," malumanay na saad ni papa.

"Pero, papa, kaya ko naman!"

"Hoy, buntis, umupo ka diyan!" biglang sigaw ni mama kaya napatalon ako ng konti. "Kapag 'yang apo ko, humihingal na lumabas, ikaw ibabalik ko sa sinapupunan ko!"

Napasimangot ako pero umupo na rin. Si Janine naman ay natatawang lumapit sa kinaroroonan namin.

"Ma, huwag kang ganyan pagdating non ah! Baka takbuhan agad si ate!" pambibiro nito sa mama. Napangisi rin ako.

"Mas mabilis tumakbo 'yung aso natin kaya tignan natin..." sakay naman ni mama sa biro. Wala naman kasi kaming aso.

"Talaga ba, ma?" nanunuya kong tanong at napangisi. "Eh, bakit puro 'yung mga gusto niya ang mga niluto mo? Pinatanong mo pa sa'kin kung ano ang mga paborito niya!"

Nagpaikot ng mga mata si mama at muli kaming tinalikuran. "Bisita parin 'yon, Eloise! At hindi ba't mamanugangin ko 'yon? Tama lang na maayos ang unang pagkikita namin!"

Natigilan ako nang sinabi niya 'yon. Oo, sinabi ni Russell na paninindigan niya ang bata, pero wala naman siyang nabanggit na papakasalan niya ako. Gusto ko sanang sabihin 'yon sakanila, pero naisip ko na hindi magandang 'yun ang iniisip nila bago pa nila makilala si Russell. Tsaka nalang kapag medyo matagal-tagal na siguro...

"Pero, ma, sa Maynila 'yon nakabase ah?" saad ni Janine.

"At tama lang na sumunod doon si Eloise kapag mag-asawa na sila," singit ni papa na mas lalong nagpakaba sa'kin.

Baka naman mamaya 'yun ang ibungad nila kay Russell? Hala! Nakakahiya kung ganon! Gusto ko na talagang umapila, pero umuurong talaga ang dila ko sa panibagong takot at kaba. Hindi p'wedeng suntok ang pambati ni papa sakanya kapag nalaman nilang hindi naman niya ako papakasalan!

Lumabi si Janine sa gilid ko. "Iiwan na tayo ng ate?"

Inakbayan siya ni papa at inalo. "Normal lang 'yan, Janine. Balang araw, ikaw na rin naman ang aalis. Pero hindi naman ibig sabihin non ay hindi na kami p'wedeng bumisita o kayo rito. Laging bukas ang bahay para sa inyong dalawa."

"Ang dami ninyong alam na maga-ama! Tapos na ba ang mga ginagawa ninyo?" paninira naman ni mama sa usapan mula sa kusina parin. Kahit na andon siya ay dinig na dinig ang lakas ng boses niya.

"Si mama talaga! Akala mo naman hari ang dadating!" pabulong na reklamo ni Janine tapos ay napangisi. "Kung sabagay, prinsipe nga pala 'yon kung tutuusin."

Ngumiti si papa at sa akin naman lumapit. Hinalikan niya ako sa noo. "Tama lang para sa isa sa mga prinsesa ko."

Nang makakuha ako ng text mula kay Russell na nagsasabing nasa labas na siya ng bahay, sinabihan ko agad ang pamilya ko. Lahat sila ay pumormal habang ako naman ay lumabas ng bahay para batiin siya.

Agad siyang bumaba mula sa sasakyan niya at maluwag ang ngiting binati ako. Para naman akong naestatwa dahil sa kagwapuhan niya. Dati pa ay nag-gwapuhan na ako sakanya, pero ngayon ay parang mas tumindi ang atraksyon ko sakanya. May hinala na ako, pero ngayon ay nakumpirma ko na talagang siya ang pinaglilihian ako.

"Hi, baby," masigla niyang bati at hinapit ako gamit ang kanang braso niya. Hawak-hawak niya sa kabilang braso ang dalawang bouquet ng mga bulaklak at bitbit din niya ang isang paperbag.

Sinulyapan ko ang mga dala niya. "Ang dami niyan, Rus..."

Mahina siyang humalakhak sa tenga ko at nagulat ako nang gawaran niya ng isang matamis na halik ang pisngi ko. Naramdaman ko kaagad ang pamumula ng mukha ko dahil sa ginawa niya at hindi ko maiwasan ang 'di mapatitig sa mukha niya. Pinagpala talaga 'to ng Maykapal...

"Nothing compared to your gift, Eloise," aniya at kumindat pa. Binitawan niya ako saglit upang haplusin ang maliit na umbok ng tiyan ko. Yumuko siya at tinapat ang bibig doon. "Hi, little monster. Daddy's here!"

Napalunok ako dahil sa kakaibang emosyon na bumalot sa'kin. Tuwing pinapakita niya na sabik na sabik na siya para sa anak namin ay talagang nagiging emosyonal ako. Hindi ko alam kung anong klaseng pasasalamat ang gagawin ko sa Diyos dahil nakikita ko na kaagad na magiging napakabuti niyang ama. Ramdam na ramdam ko na ang pagmamahal niya sa magiging bubwit namin.

"H-hindi ka pa niya naririnig..."

Tumingala siya at ngumisi ulit bago tumayo ng maayos. "Hindi nga. Pero naririnig naman ng mommy."

Umiwas ako ng tingin at pilit na tinatago ang pamumula ng pisngi ko. "T-tara na nga... Nasa loob na sila mama at papa."

"Wala si Janine?" tanong niya at sinabayan ako ng lakad.

"Nandiyan rin siya. 'Di 'yon mawawala."

Tumango siya at muli ay naalala ko kung gaano kalaki ang agwat ng mga estado namin sa buhay. Isa nga pala siyang DeMarcus — kabilang sa isa sa mga pinaka-matayog na pamilya dito sa buong bansa. Nahihiya ako kung iniisip ko 'yun, pero ngayon na andito na siya sa tabi ko ay parang wala lang din 'yon para sa'kin.

Nang makapasok kami ng bahay, agad na bumungad sa'min ang pamilya ko na puro nakangiti.

"Magandang umaga ho," magalang na bati ni Russell. "Ako nga ho pala si Russell — nobyo po ni Eloise at ama ng dinadala niya."

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat dahil sa sinabi niya. Nobyo? At talagang walang paligoy-ligoy ang pagsabing nabuntis niya ako?

Pinagmasdan ko ang gulat ding mga ekspresyon ng mga magulang at kapatid ko, pero nang maglaon ay lahat sila ay parang natuwa pa.

"Ikinagagalak naming makikala ka, Russell!" sagot ni mama.

Mas lalo pa silang natuwang lahat nang ilahad ni Russell ang mga bulaklak sakanila. Kay papa naman ay inabot niya 'yung dala-dala niyang paperbag. May isang bote ng wine doon.

"Pasensya na ho, hindi ko ho kasi alam kung ano'ng ibibigay ko sainyo... Kaya 'yung isa nalang po sa mga produkto namin ang naisip kong ibigay," sabi ni Russell at napaawang ang labi ko dahil sa pananalita niya. Walang bahid ng pagiging alta sa tono niya.

Pinagmasdan ko siya kasama ang pamilya ko at hindi na ako nagulat na agad niyang nakuha ang loob nila. Siguro 'yan din ang dahilan kung bakit hindi ko kaagad natanggap na isa siyang DeMarcus. Dahil ni minsan ay hindi niya pinaramdam na mas angat siya kesa sa'kin. Siguro isa na rin 'yun sa mga dahilan kung bakit mabilis niyang nakukuha ang puso ko. Dahil napakatunay niyang tao at alam kong hindi ako magkakamali kung iisipin na mapagmahal siya. Punong-puno ng pagmamahal ang puso niya at hinihiling ko na sana, balang araw, magkaroon ako ng puwang doon.

Dahil ngayon palang ay kanya na ang akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top