Chapter 2

"Pinapalagpas ko usually ang mga gulong ginagawa niyo pero on the first day? You're seniors now. Maging role model naman kayo sa mga mas bata sa inyo," sabi sa amin ni Maam Guidance nang makapasok kami sa detention room malapit sa Guidance Office. "Phones," sabi niya na inilahad sa harap namin ang isang box.

Wala kaming nagawa ni Gabriel kundi ilagay doon ang mga cellphone namin.

"Mag-usap muna kayo dito bago ko kayo paalisin," sabi ni Maam bago lumabas ng kwarto.

I groaned. "Kasalanan mo lahat 'to!" paninisi ko.

"Excuse me? Ikaw 'tong naglalagay ng kung anong nakakakuryenteng bagay sa locker ko!" pakikipagtalo niya.

Napaismid ako. "Sa tingin mo nakakatuwa yung balde ng tubig na nilagay mo? Look." Itinuro ko ang kabuuan ko. "You got me all wet!" inis kong saad.

Ang loko naman ay biglang ngumisi. "Ano bang–" Bigla kong narealize ang sinabi ko. "Not that kind of wet, gago!"

"Wala naman akong sinasabi. Ikaw ang parang may iniisip na iba diyan," sabi niya habang pinipigilan ang tawa.

"Hindi mo na kailangan sabihin pa dahil alam ko ang iniisip mong animal ka!" sigaw ko. "Bakit nga ba nakalimutan ko na napakababaero nga pala nitong lalaking 'to?" bulong ko sa sarili.

"Manahimik ka na nga diyan! Matutulog muna ako," aniya bago sumandal sa upuan at naglagay ng panyo sa mata. Itinaas niya pa ang dalawa niyang paa sa lamesa.

Wala akong magawa kaya tumayo na lang ako at inikot ang detention room. Nang makaupo ulit ay sinubukan kong matulog pero hindi naman ako makatulog. Tinignan ko na lang si Gabriel na mahimbing ang tulog ngayon.

Wala talagang pinagbago ang itsura nitong lalaking 'to. His skin tone is still as white as snow kaya Mr. Lamppost ang tawag ko sa kanya. Bagay naman sa kanya, eh! Matangkad siya tapos yung kaputian niya nakakasilaw and ang payat niya na parang hindi kumakain. His hair color is still the same. Never siyang nagpakulay or anything. He still had that beautiful jet-black colored hair.

Wait, ano? Beautiful?! Lianna, mandiri ka naman sa iniisip mo!

"Take a picture, it'll last longer, " sabi niya kaya napaiwas ako ng tingin.

"Ano bang pinagsasabi mo?" saad ko.

Tinanggal niya ang panyong nakapatong sa mata niya, umupo ng maayos, at tinignan ako. "Nahuli kitang nakatitig sa akin. Kung gusto mo na ako, tell me. Baka pwede nama–"

"I have a boyfriend."

"Jaden? Please. Alam kong matagal na siyang nanliligaw pero hindi mo pa siya sinasagot. Bakit nga ba?" tanong niya na lumapit pa ng kaunti para makita ang reaksyon ko.

I rolled my eyes and distanced myself. "Interesado ka pala sa personal life ko, Mr. Winters."

"As if," sagot niya bago tinakpan ulit ng panyo ang mga mata niya at natulog. Napailing-iling na lang ako bago naglakad papunta sa bintana.

Hindi naman talaga kami nagsimula ni Gabriel as magkaaway. In fact, we were best friends. Magkaibigan ang mga pamilya namin kaya naging close din kami. Sa totoo lang, mas comfortable ako sa kanya noon kaysa kay Stella.

Crush ko rin siya noon pero bata pa naman kami at hindi yun ganoon kaseryoso pero hindi ko rin maintindihan kung bakit lagi ko siyang kinukuhanan ng picture?! I was like his stalker. Bawat opportunity na makukuha ko, kinukuhanan ko siya ng litrato pagkatapos ilalagay ko sa diary ko.

Speaking of that diary.  Yung diary na yun ang pinakapinahahalagahan kong gamit. Hindi lang pictures ni Gabriel ang nandoon, laman din ng diary na yun lahat-lahat tungkol sa pagkabata ko. Bigay din yun ni Papa kaya kahit pa walang kwenta ang mga nakasulat doon, I value it so much but it got stolen from me. Ninakaw yun ng walang iba kundi si Gabriel Winters.

9 years ago...

"Lianna, alam mo na ba?" tanong ni Stella nang makita niya ako. Busy akong nagsusulat sa diary ko nung nilapitan niya ako.

"Anong meron?" tanong ko pabalik.

"May bagong lipat dito sa school natin! Gusto ko siyang maging friend," sagot niya.

"Talaga? Anong pangalan?"

"Damon," nakangiting sagot niya.

Natawa ako. "Crush mo siya," pagsasabi ko ng napansin ko.

"Huh? Hindi, ah!" pagtanggi niya.

"Weh? Crush mo kaya," saad ko habang tinutusok-tusok pa ang tagiliran niya.

"Hoy! Hindi nga!" iritang aniya.

"Don't worry, Stella. Secret lang natin, promise." Itinaas ko ang kamay ko na parang nanunumpa.

"Hindi ko nga siya crush!" sigaw niya bago ako iniwan. Natawa na lang ako bago sinara ang diary ko at sumunod sa kanya.

☔︎・☔︎・☔︎

"Hi, Gabriel," bati ko kay Gabriel nang makita siya sa canteen. Kasama niya yung bago namin kaklase. Mukhang nagkakasundo talaga sila at masaya ako para kay Gabriel dahil nakahanap siya ng bagong kaibigan.

"Hi! Damon, 'di ba? I'm Lianna, " pagpapakilala ko kay Damon.

"Hi, " walang gana niyang saad bago tumayo. "Nasabi ko na sayo yung address namin. Pahatid ka na lang mamaya," sabi niya kay Gabriel bago umalis.

"Hindi tayo makakapaglaro mamaya?" malungkot kong tanong.

"Pwede pa naman bukas, Lianna. Magpapahatid na lang ako sa bahay niyo basta yung sandwich ko, ah!" sabi niya. Natawa ako sa huling sinabi niya bago tumango bilang pagsang-ayon.

Kinabukasan ay hindi tumupad si Gabriel sa usapan. Hinintay ko siya sa amin kaso hindi siya pumunta. Nalaman ko na lang sa school na nagpunta pala ulit siya kila Damon. Kahit malungkot ay sinuportahan ko pa rin siya. Alam kong masaya lang si Gabriel na may bago siyang kaibigan at kailangan din ni Damon ng kasama dahil wala pa siyang gaanong kilala.

Ilang buwan ang lumipas at hindi ko na ulit nakasama si Gabriel. Palaging mas gusto niyang kalaro sila Damon at yung iba pa niyang mga kaibigan. Kay Stella na lang ako palagi sumasama.

Nag-iba na rin yung diary entries ko. Wala nang pictures and umiikli na bawat entry.

Habang nagsusulat ako isang araw ay may kumuha na lang bigla ng diary ko sa akin. Nagulat ako nang makita si Gabriel at ang mga bago niyang kaibigan. Binabasa at pinagtatawanan nila lahat ng nakasulat doon.

"Hoy! Ibalik niyo yan!" sigaw ko na sinusubukan agawin sa pagkakahawak nila kaso masyado silang malakas.

"Hindi pwede, Lianna. Amin na 'to, okay?" sabi ni Gabriel bago ako tinalikuran.

Sa sobrang galit ay naibato ko sa kanya yung feather pen ko. Sakto naman siyang nasapok nun sa ulo. Tinignan niya ako ng masama.

"Hindi niyo alam kung sino ang kinakalaban niyo!" sigaw ko bago umiyak at tumakbo palayo.

☔︎・☔︎・☔︎

"Mind reading a few lines of your favorite book, Gabriel?" tanong ng reading teacher namin kay Gabriel nang mahuli itong nakikipagdaldalan kay Damon at hindi nakikinig sa kanya.

May ibinulong muna si Damon kay Gabriel bago ito tumayo at binasa ang hawak na libro. "Dear Diary," panimula niya.

Nanlaki ang mga mata ko nang marealize na babasahin niya ang diary ko sa harap ng mga kaklase namin. Sinubukan kong pigilan kaso huli na ang lahat. Narinig na ng iba kung ano ang isinulat ko sa isa sa mga entries.

Sinubukan kong magpakatatag at huwag hayaang may mga luhang kumawala mula sa mga mata ko pero ang hirap. Pinigilan siya ng teacher namin pero it's too late. Napahiya na niya ako at kahit dinala si Gabriel sa detention, hindi pa rin naibalik sa akin yung diary ko.

Mula noong araw na yun, lumakas ang loob ko at desidido ako na kailangan kong gumanti kay Gabriel.

☔︎・☔︎・☔︎

"Malulungkot si Gabriel kapag sinira mo yung favorite niyang laruan," sabi ni Stella sa akin nang makita niyang kinuha ko yung favorite action figure ni Gabriel mula sa bag nito. Palagi niyang ipinupuslit yun sa school.

"Naisip niya ba na malulungkot din ako nung kinuha niya yung diary ko?" inis kong balik bago ibinato yung laruan ni Gabriel.

Tinapakan, hinampas, at binato ng paulit-ulit ang ginawa ko sa action figure na yun. Siniguro ko na pira-piraso na ito bago ibinalik sa bag ni Gabriel.

Nasaktan ako sa pamamahiya niya at sa pagkuha ng diary ko kaya dapat maramdaman niya rin ang naramdaman ko!

Nang makita ang sira-sirang laruan ay hindi natigil sa pag-iyak si Gabriel. Hindi naman ako nakaramdam ng kahit anong guilt. Tama lang yun dahil sa ginawa niya sa akin!

Mula noon, hindi na natapos ang alitan namin ni Gabriel. Common na sa amin lahat ng pranks, paninira ng gamit at pati paninira ng reputasyon ng isa't isa. No one dared to come between us dahil mapapagod lang sila. Walang susuko sa amin. Hopeless case na kaming dalawa ni Gabriel at nagsimula lang lahat dahil hindi na niya binalik yung diary ko.

"Ang petty and childish." Napailing-iling ako. "Bakit hindi mo na lang kasi ibalik sa akin yung diary ko para matapos na 'to?" bulong ko habang nakatingin sa kanya.

Bumuntong-hininga na lang ako at umiwas ng tingin pero nagulat ako nang sinabi niyang, "Gusto mo na rin matapos 'to?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top