Imutaven 9
CHAPTER 9: SPELLBIND
Mula sa malayong lugar ay napagpasyahan ng isang nilalang na dumapo sa isang munting puno na nakahilera malapit sa isang matikas na puno ng narra. Nakatanim ang mga ito sa likod ng isang tanyag na unibersidad kung saan may mangilan-ilang mga estudyanteng ngayon ay nagsisilabasan mula sa kani-kanilang department building.
Alagao tree.
Sa tapat ng punong iyon, unang nagkatugma ang kanilang mga tingin. Mabilis ding nawala iyon dahil sa lakas ng hangin na tumama sa katawan nilang dalawa. Nakasandal sa naturang puno si Utav, taimtim na pinagmamasdan ang buong paligid at habang abala siya sa kaniyang pagpapahinga roon ay isang bato ang biglang tumama sa kaniyang katawan dahilan upang mahulog siya sa sinasandalan niyang puno ng Alagao.
Samantala, tatlong babae ang kasalukuyang nakaupo sa lilim ng isang Alagao tree. Pare-parehong nakasuot ng unipormeng kulay berde at naiiba lamang sila sa kanilang suot na sapatos. Nasa kaliwang bahagi ang isang babaeng hanggang leeg ang haba ng kulay itim nitong buhok na may suot na puting rubber shoes. Nasa kanan naman ang isang babae na nakapusod na tali at may full bangs na kagaya ng mga napapanood niyang korean novela sa tv. Bumagay naman sa kaniyang suot ang kulay itim nitong pointed heels.
Ang babaeng nasa gitna naman ay naka-ponytail na may kulay itim na ribbon sa tuktok nito. Simpleng black shoes lamang ang suot niyang pangsapin sa kaniyang paa. Abala sila sa pagkukuwentuhan habang nakatambay doon at noong tumayo ang babaeng nasa gitna nila ay sakto namang naramdaman nito na parang may nalaglag sa ibabaw ng kaniyang ulo.
Noong mahawakan niya ito ay awtomatikong ngumiti ang babaeng iyon nang makita niya kung ano ito. Marahan pa niyang hinawakan ang munting ibon at iniayos ito sa kaniyang palad. Nakipagtitigan siya roon.
“Ayos ka lang ba?” bulong pa nito na animo’y nakikipag-usap lamang siya rito.
“As if namang kakausapin ka niyan pabalik, Yaveni.” Hindi napigilan ng isang babae na nasa kanan ang magsalita habang tinitingnan ang kaibigang sumalo ng isang ibon.
“Oo nga. Ang weird mo na, ultimong pati ibon kinakausap mo na rin. Nandito naman kami,” gatong pa ng isa nitong kaibigan na nasa kaliwa. Nagkatingin pa ang mga ito bago sabay na ngumiti ang dalawa at muling tumingin sa babaeng nasa gitna.
“Hala, may sugat ka.” Hindi ininda ng babaeng may hawak na ibon ang mga sinasabi ng dalawa pa niyang kasamahan. Dali-dali itong naglabas ng band aid mula sa bulsa niya at dahan-dahang nilagay iyon sa bandang paa ng ibon.
Sa hindi maipaliwanag na rason, hindi ordinaryo para kay Utav ang araw na iyon sapagkat, doon niya unang nakilala ang isang tao na magiging dahilan upang naisin at hilingin niya rin sa bathala na maging tao rin siya kagaya niya.
Ang kabaitan ng nasabing dalaga ang nagdala ng kakaibang saya sa munting puso ni Utav.
“Awadi, nais ko pong maging tao.” Huminga nang malalim ang isang diwata matapos marinig ang kahilingan na iyon mula sa nilalang na siyang inaalagaan nito at sakop ng kaniyang responsibilidad bilang diwata.
“Nababatid kong hindi lingid sa iyong kaalaman na hindi iyon sakop ng aking kapangyarihan.”
“Subalit nababatid ko rin na may kakayahan ka sa mga ganitong uri ng kapangyarihan at hindi rin lingid sa aking kaalaman na dati mo na rin itong ginawa sa isang kagaya ko.” Seryosong nakipagtitigan ang diwatang iyon sa munting ibon na ngayon ay nakikipag-negotiate sa kaniya.
“Ayaw ko na ulit gawin iyon, Imutaven.” Kaagad tumalikod ang nasabing diwata at akmang iiwanan na sana ang ibon sa tinatambayan niyang puno nang bigla itong lumipad palapit sa kaniya, lumapag ito sa balikat ng diwata.
“Awadi…” bulong pa nito na para bang nakikiusap siya na pumayag na ito at pagbigyan siya sa simple munit komplikadong kahilingan na ninanais nitong makuha.
Ilang minuto ang lumipas, hindi pa rin sang-ayon ang diwata sa sinasabi ng ibong kausap nito. “Kahit na sabihin nating magiging tao ka nga, wala pa ring kasiguraduhan na makikilala ka nga niya.”
“Hindi ko ho malalaman kung hindi ko susubukan.”
Napailing na lamang ang diwata sa narinig nitong tugon mula sa ibong iyon. “Wala kayong pinagkaiba ng iyong ama.”
“Anong ibig mong sabihin, Awadi?”
“Pareho kayong umibig sa isang mortal, isang uri ng nilalang na kailanman ay malabong kayo rin ang piliin. Sa mundo ng mga tao, iba-iba ang pakahulugan nila sa mga bagay-bagay mas lalo na sa usaping pag-ibig. At kung inaakala mo na ayos lang silang mahalin, nagkakamali ka. Dahil sa oras na hinayaan mo ang sarili mo na mahulog sa patibong nila, hindi malabong ikapahamak mo pa iyon.”
Napansin ng munting nilalang na naging maawtoridad ang tono ng boses ng diwata. Naramdaman nitong may kung anong malalim na dahilan kung bakit tumututol at patuloy na humihindi ang diwata sa kaniyang sinasabi.
“Kung gayon na hindi madaling manirahan sa mundo ng mga tao, bakit hindi na lamang tayo gumawa ng panibagong mundo na maaari naming pagtambayan pansamantala?” suhestiyon pa ng munting ibon.
“At sa tingin mo ba pumapayag na akong gumawa ng panibagong mundo na kayong dalawa lang ang nakatira?” Dagliang nananahimik si Utav nang mapagtanto nitong hindi pa nga pala sang-ayon ang diwata sa kaniyang kahilingan.
“Oh, siya. Sige, ganito na lang. Hahayaan kitang tumambay sa loob ng paaralang sinasabi mo ngunit, sa oras na muli ka niyang tulungan, gagawin kitang tao upang matulungan mo rin siya pabalik.”
Hindi maipinta ang mukha ni Utav nang marinig ang naging pasya ng diwata. Abot-langit ang ngiti nito at akmang lalapit na sana siya sa diwata nang bigla itong sumenyas na manatili lamang siya sa kaniyang puwesto. Sumunod naman siya rito.
“Subalit,” panimula nito. “Sa oras na hindi mo siya tulungan, babawiin ko sa iyo ang oportunidad mong maging tao.”
“Masusunod po, Awadi.” Bago pa man itanong ni Utav ang dapat niyang gawin o kung ano ang magiging proseso ng pagbabago ng kaniyang anyo ay mabilis naglaho na parang bula ang diwata.
“Awadi?” nag-aalinlangan pa niyang tawag sa ngalan nito.
Ilang sandali pa’y naging madilim ang buong paligid. Doon ay muling nakita ni Utav si Yaveni. Mula sa purong madilim na paligid, nagbago ito at naging masukal na gubat. Bakas sa mukha ng dalaga ang takot na kasalukuyang nangingibabaw sa kaniyang puso. Hindi nagdalawang-isip ang binata na tulungan ang babae.
Hindi namalayan ni Utav na habang lumalapit siya roon ay siya namang pagpalit ng kaniyang katawan, mula sa maliit nitong anyo, patuloy itong lumalaki at humulmang parang hugis-tao. Binihisan na rin siya ng diwata upang sa oras na magkita muli sila ng babae ay hindi ito magulat sa itsura ng lalaking ginagabayan nito.
“Binibini!”
Nanginginig ang buong katawan ng dalaga habang nakatitig sa mga ahas na nakapalibot ngayon sa kasalukuyan nitong puwesto. Hindi ito makagalaw nang maayos sapagkat, natatakot itong kapag ginawa niya iyon ay sabay-sabay na lalapit sa kaniya ang isa sa mababangis na hayop sa gubat. Nakatayo lamang ang naturang babae roon hanggang sa may isang tao ang biglang sumulpot mula sa kung saan- si Utav.
“Huwag kang gagalaw, lalapit ako’t tutulungan kita,” anas pa ng lalaki matapos siyang lapitan. Napalunok ang dalaga sa nasabi nito, umaasa itong matutulungan siya talaga nito ngayon.
Ilang sandali pa ay may mga inilabas na mga dahon ang ‘di nagpakilalang binata. Nangunot ang noo ng babae habang pinagmamasdan siya nito. Tila ba’y hindi siya pamilyar sa paraan kung paano itataboy ng lalaki ang mga ahas na nasa paligid nito ngayon.
Seryoso ito habang naglalakad palapit sa gawi ng babae at wala pa ngang ilang minuto ay nakuha na kaagad ni Utav ang atensyon ng mga ahas at isa-isa niya itong pinaghahampas ng mga dahon na hawak niya.
Nasa kalagitnaan na siya ng pag-alis ng mga ahas nang biglang sumigaw ang dalaga. “Sa likod ng paa mo!” Naging alerto ang lalaki’t kaagad niyang hinampas ito ng hawak niyang dahon. At noong natapos na siya’t nasiguradong wala ng bakas ng anumang kamandag na dala ng mga ahas sa buong paligid nila’y marahang lumapit si Utav sa kinaroroonan ng babae.
“Ayos ka lang ba, binibini?” usisa pa nito sa dalaga.
“Ayos lang ako, ikaw?” tugon nito saka pasimpleng tiningnan ang kabuuang itsura ng naturang binata.
“Mabuti naman kung gayon. Ayos lang din, hindi naman ako natuklaw, e.” Awtomatikong umikot ang mga mata ng babae. Sa isip-isip nito’y kung hindi niya lamang sinabi iyon ay baka isa na rin ito sa natuklaw kani-kanina lamang.
Bumuntong-hininga muna ito bago muling nagsalita. Ibubuka pa lamang niya sana ang kaniyang bibig nang bigla niya itong isara dahil sa biglaang paglapit ng lalaki sa kaniya. Walang imik itong tumabi sa kaniya at sinamahan siyang pagmasdan ang gubat na kasalukuyang saksi sa una nilang pagtatagpo bilang parehong mortal na nilalang. Umiwas ako ng tingin ang babae.
“Maraming salamat,” bulong nito sa kaniya, sapat upang marinig naman ni Utav. Palihim itong ngumiti at bahagyang inilagay ang kaniyang mga kamay sa likod niya. Tumikhim ito.
“Walang anuman, ang mahalaga ay nasa maayos kang kalagayan.” Hindi na muling nakaimik pa ang dalaga matapos nitong makita ang ngiti sa mukha ng lalaki.
“Ano pa lang pangalan mo?” pasimpleng tanong ni Utav sa babae nang mapansin niyang tumahimik ito sa kaniyang tabi. Saglit itong nakipagtitigan sa kaniya, mata-sa-mata.
“Ikaw muna,” balik-tanong ng dalaga sa kaniya na tinawanan niya lamang. “Tawagin mo na lamang akong…” Hindi pa man nasasabi ni Utav ang buong pangalan niya’y bigla ring naglaho nang walang paa-paalam ang babae, kagaya ng diwata’y iniwan nila ang binata sa hindi nito malamang lugar.
“...Imutaven.”
Huminga nang malalim si Utav. Hindi maitatangi na naging masaya ang kaniyang puso matapos niyang makasama ang nasabing babae. Siya rin ang mortal na babaeng unang umalalay sa kaniya noong nahulog siya sa puno ng Alagao. At kung siya nagkakamali, “Yaveni” ang narinig nitong ngalan mula sa mga kaibigan nitong kasama rin niya noong mismong araw na iyon.
Matapos ang engkuwentro na iyon ay muling nagpakita sa harapan ni Utav ang diwatang hiningian niya ng pabor. Nagkaroon siya ng ideya sa kaniyang utak kung ano ang espesipikong bagay ang ninanais nitong makuha.
“Nais ko po siyang makasama, kahit sa bilang na mga oras lamang.”
“Sigurado ka ba talaga sa hinihiling mo na iyan?” Tumango-tango lamang si Utav sa paniniguradong usal ng kaniyang diwata, waring walang kaide-ideya sa maaaring maging kahihitnannan ng kaniyang kahilingan.
Kagaya ng napag-usapan, gumawa ng isang ilusyong mundo ang diwatang iyon. Isang hindi makatotohanang uri ng mundo na sina Utav at Yaveni lamang ang maaaring manirahan.
Bakas sa mukha ng diwata na hindi ito ang nais niya para kay Imutaven subalit kung ito ang nilalaman ng kaniyang damdamin, hahayaan niyang maranasan niya ito nang sa gayon, hindi na niya kailangan pang ipaliwanag pa ang rason kung bakit siya tumututol sa unang pagkakasabi niya na gusto niyang maging tao.
“Anong tawag sa mundong ito, Awadi?”
“E ‘di, pangalan mo.”
“Imutaven?” Tumango ang diwata bilang tugon. “Ikaw naman ang nagsabi na gumawa ng ganitong klase ng mundo kaya nararapat lamang na sa iyo ipangalan ito.”
“Subalit kung sakaling tanungin niya ako kung anong pangalan ko, anong aking sasabihin, Awadi?”
“Utav, iyon ang iyong ngalan.”
“Masusunod po, Awadi.”
Nang makabalik sila sa mundo ng mga tao ay panibagong kapangyarihan na naman ang inilabas ng diwata para madaling makuha ni Utav ang atensyon ni Yaveni. “Anong nangyayari, Awadi?” tulirong saad ng munting ibon matapos niyang makita ang kabuuan ng kanilang sarili. Mula sa kulay tsokolate nitong kulay ay naging kulay asul ito, kagaya ng maaliwalas na kalangitan na ngayon ay nasa ibabaw ng mundo nila.
“Kailangan mong magpalit ng kulay, mas mapupukaw mo ang kaniyang atensyon sa pamamagitan nito.” Tumango na lamang din ang lalaki sa nasambit ng diwata, naniniwala sa estratehiyang ipinahahayag nito sa kaniya sa kasalukuyan.
At dahil sa pagbabagong anyo at sa paniniwalang kaya ni Utav na kunin ang pokus nito ay naging matagumpay siya sa kanilang pinaplanong gawin. Inilipad nito ang sinusulatan niyan papel hanggang sa nakapunta sa bukas na bintana ang dalaga.
Dagliang lumipad si Utav patungo sa ibang mundo at kasabay ng pagkahulog ni Yaveni sa punong iyon ay siya ring pagbabago ng katawan ni Utav, naging tao ito, kapareho sa naging panaginip ng dalaga bago siya pumasok sa paaralan nila sa mismong araw din na iyon.
“Patawad, binibini. Kinuha kita nang walang paalam mula sa pinanggalingan mong mundo.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top