Imutaven 8
CHAPTER 8: AWADI
Habang abala sa kanilang pag-uusap, lingid sa kaalaman ng dalawa’y may isang tao na palihim ding sumunod sa binata noong lumabas siya mula sa tree house. Nagpanggap talagang tulog ang babae upang masigurado niya kung aalis ba o hindi ang kasama nito at nasagot naman ang hinuha niya sa ikinilos ng lalaki.
Naramdaman ni Yaveni na mayroong tinatago si Utav at iyon ang sa tingin niya’y dapat niyang malaman kung kaya’t siya na rin mismo ang kumilos upang mabuksan ang katotohanang magpapalaya sa kaniya sa lugar kung nasaan siya ngayon. Umupo sa isang matandang puno ng acacia si Yaveni at taimtim na nakikinig sa usapan ng dalawa.
“Tama na, pabalikin mo na po siya.”
“Sigurado ka na ba? Dahil sa oras na ibalik natin siya sa tunay na mundo kung saan siya nararapat ay mawawala lahat ng alaala niya patungkol sa iyo.”
“Batid ko. Alam ko naman na kahit ilang araw, ilang minuto, segundo o oras ko man siyang makasama rito’y hindi pa rin iyon sasapat upang piliin niya ako’t manatili sa lugar na ito. Kagaya noong sinabi mo sa akin noon, sa oras na siya na mismo ang nagsabi sa akin na gusto na niyang bumalik ay kailangan kong tibayan ang aking loob na palayain siya’t hayaan siyang bumalik doon.”
Sa hindi malamang rason ay umusbong ang mainit na likido mula sa ilalim ng mata ni Yaveni. Napagtanto niyang kahit sa maikling panahon lamang ay napamahal na rin siya kay Utav at aminin man niya sa kaniyang sarili o hindi, batid nito na totoo at sinsero talaga si Utav na gusto niya lang makasama kahit na sandali lamang ang babaeng minsan na ring nagmagandang-loob sa kaniya. At sa huling pagkakataon, nahulog at patuloy pa ring nahuhulog ang loob ng binata sa dalaga.
“Sapat na sa akin na sa aming dalawa, ako na lamang ang makakaalala kung gaano kaespesyal ang lugar na ito. Masaya na akong malaman na kahit wala na ako sa buhay niya’y magiging masaya pa rin siya doon sapagkat, naroon ang isa sa pinakaimportanteng tao sa buhay niya at iyon ay ang kaniyang ina na kailanman ay hindi ko mapapalitan.”
“Imutaven,” wika ng babaeng nagliliwanag sa tapat nito. Tumingala si Utav habang walang imik na lumuluha. “Ipinakita mo sa kaniya kung sino ka at sapat na iyon na rason upang maipaalam mo sa kaniya kung ano ang nasa puso mo. Sa maniwala ka man o sa hindi, nababatid ko’t nasilayan ko mismo kung paano kayo nagkasama at naging masaya sa isa’t isa. Huwag kang mag-alala, dahil kahit makabalik siya roon ay hahayaan pa rin kitang mahalin siya kahit sa malayo.”
“Maraming salamat sa lahat, Awadi. Utang ko sa iyo ang bihirang pagkakataon na ito. Nawa’y balang araw ay makaganti ako sa lahat ng mabuti at magandang naihandog mo po sa akin.”
“Pinapangalagaan ko lamang ang naging pangako natin sa isa’t isa, Imutaven.”
“Oh siya, babalik na po ako’t baka magising po siya. Hanggang sa muli, Awadi.” Tumango lamang ang diwatang kausap ni Utav at dali-dali nitong pinunasan ang mga natuyong luha mula sa mata at pisngi ng binata.
Gustuhin mang lumapit ni Yaveni sa diwata’y hindi na niya ito nagawa pa sapagkat bigla na lamang itong naglaho. Pabulong na kinausap ng dalaga ang diwatang iyon. “Bakit kailangan ko siyang makalimutan? Gusto kong bumalik pero ayaw kong mawala ang ilan sa naging alaala namin-”
Hindi pa man natatapos ang linya ng dalaga’y nagpakita sa kaniyang harapan ang diwatang iyon at isang maliwanag na bituin ang kaniyang nasilayan at kumausap sa kaniya.
“Naging mahalaga ba siya sa ‘yo?” usisa pa nito. Wala sa wisyong tumango si Yaveni. “Kahit na sabihin kong sandali ko lamang siya nakilala, hindi ko itatangging nagkaroon siya ng parte sa puso ko na gugustuhin kong mapasakaniya lang.”
“Kung gayon, handa ka bang manatili rito para sa kaniya.” Napaatras ang babae at hindi nakaimik. “Gusto mo pa ring bumalik,” deklara ng diwatang bituin. Kaagad namang tumitig sa liwanag na dala nito ang babae.
“Gusto kong bumalik pero sana kasama siya,” hiling nito na tinanggihan ng diwata.
“Hindi maaari ang iyong kahilingan sapagkat umpisa pa lamang bago ko nilikha ang lugar na ito ay napagpasyahan ko na ang mangyayari’t napagkasunduan na namin ng lalaking kasama mo, na sa oras na umayaw ka na’y makakalaya ka na rito kapalit ng mga alaalang dapat na manatili lamang sa lugar na ito.”
Tuloy-tuloy na umagos ang luha mula sa mata ng dalaga. “Pero bakit? At sino ka ba para magdesisyon?” without hesitation, she asked her.
“Ako ang lumikha’t bumuo ng lugar na ito, ang diwatang hindi mo na dapat pang makilala sapagkat sa oras na malaman mo ang aking ngalan, maaari kang mawala sa isang iglap lamang. Ako rin ang nangangalaga’t pumuprotekta sa kalikasang kagaya ng nakikita mo ngayon sa iyong paligid, kasama na pati mga nilalang na kagaya ni Imutaven.”
“Imutaven? Si Utav? Hindi ba’t Imutaven ang tawag sa lugar na ito? Kung gayon bakit sinabi ni Utav na Imutaven is you?”
Mapait na ngumiti ang diwata kahit na hindi iyon nakikita ng dalaga. “Si Utav ay si Imutaven. Pinangalan niya ang lugar na ito gamit ang pangalan niya mismo at kaya niya nasabi iyon sa ‘yo ay dahil, ikaw ang kaniyang rason kung bakit mayroong Imutaven.”
Sunod-sunod na pag-iling ang naging tugon ng babae sa kaniyang narinig. Hindi makapaniwala na siya pala ang dahilan kung bakit mayroong, Utav at Imutaven. Huminga nang malalim si Yaveni at sinusubukang i-sink in lahat ng nalalaman nito sa loob ng kaniyang isip.
“Naguguluhan ako,” aniya.
“Kahit hindi mo sabihin ay nakikita ko. Bakas sa iyong mukha ang pagtataka’t pagkabalisa sa mga nangyayari.”
“Nagkakilala na ba kami, noon?” wala sa wisyong usisa pa ni Yaveni sa kaniyang kausap.
Patuloy sa pagtangis ang babae habang nagtatanong sa diwata at batid nito na maraming katanungan ang gumugulo ngayon sa isipan ni Yaveni. At handa niyang ipaliwanag ang lahat sa babaeng hiniling ni Utav mula sa diwata.
“Mahaba-habang kuwentuhan ang mangyayari kung isasalaysay ko sa iyo subalit hayaan mong ipakita ko sa iyo kung saan nagmula ang lahat ng ito. Mas mauunawaan mo ang sitwasyon ni Imutaven at ang dahilan kung bakit ikaw ang pinili niya’t patuloy na pinipiling hilingin sa akin.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top