Imutaven 7


CHAPTER 7: FADED SMILE.

 

Isang malakas na hangin ang humampas sa balat ni Yaveni dahilan upang yakapin nito ang kaniyang sarili. At sa ikalawang pagbuga ng hangin mula sa kanluran ay dagliang pumikit ang dalaga nang maramdaman nito na may pumasok na kung anong bagay sa loob ng kaniyang mga mata. Mariin pa niya itong kinusot gamit sa dalawa niyang kamay hanggang sa maluha na ang mga mata nito.

“Ang kati,” anas pa nito habang kinakamot ang mata niya.

Matapos maitali ni Utav ang ilan sa mga sinibak niyang kawayan ay ganado itong naglakad patungo sa bahay-puno na ginawa nilang dalawa ng babaeng kasama nito. Mabilis nabitawan ng binata ang mga dala niyang kahoy at dali-daling pinuntahan ang dalaga na sa kasalukuyan ay nasa tapat ng punong pinagtayuan nila ng tree house.

Napuno ng pag-aalala ang puso ng lalaki matapos makitang lumuluha ang babaeng kasama niya sa naturang gubat. “Anong nangyari sa iyo, binibini?” bungad nito pagkatapos niyang makalapit sa dalagang iritable na sa kaniyang ginagawa.

“W-Wala, napuwing lang.” Hindi makatingin nang maayos si Yaveni kay Utav kaya mas pinili na lamang nito na pumikit habang kausap ito.

“Huwag mong hawakan, ako na.”

Kinuha ni Utav ang mga kamay ni Yaveni saka niya ito ibinaba. Dahan-dahang hinawakan ni Utav ang magkabilaang pisngi ng babae at inilapit sa mukha niya mismo. Seryoso niya itong hinipan at tiningnan nang maigi kung ano ang nakapuwing sa mata ng babae.

At noong nakita niya ang isang maliit na bato na lumabas pa mula sa gilid na bahagi ng mata ni Yaveni ay mabilis niya itong kinuha upang matanggal ito sa mata ng dalaga saka niya ito tinapon sa kung saan. Hinipan muli ni Utav ang mga mata ni Yaveni upang masiguradong wala ng dumi ang makapagpapaiyak sa babaeng katapat lamang nito.

“Masakit ba? Patingin. Dilat ka na,” mahinahong utos ng lalaki na sinunod naman ni Yaveni.

Marahang binuksan ng babae ang talukap ng kaniyang mga mata at mula sa malabong pigura ng taong nasa harap niya’y hindi umalis doon ang mga tingin niya. Hinintay niyang luminaw ito at doo’y nakipagtitigan sila sa isa’t isa, mata-sa-mata. Ilang sandali pa’y tila nagkaroon ng kusang paggalaw ang kanilang mga ulo na ngayon ay unti-unting lumalapit sa mukha ng bawat isa hanggang sa isang pamilyar na tunog ang gumambala sa kanilang kasalukuyang eksena.

Sabay na tumingin ang dalawa sa isang matandang puno ng acacia at hinintay na gumalaw ang ilang damo na nakapuwesto roon. At doon nila nakita ang isang ordinaryong baboy na gumagala sa daan. Muling tumingin sina Yaveni at Utav sa mukha ng isa’t isa. Ngumiti sila hanggang sa pareho silang tumawa. Kusa nilang inilayo ang kaniyang mga katawan at si Utav na mismo ang nagpresentang hulihin ang baboy na kanilang nakita. Hindi pumayag ang babae na ang binata lamang ang huhuli, tinulungan niya ito hanggang sa pareho nilang mahawakan ito.

Gayundin sa pagluluto, nakaalalay si Yaveni sa tuwing mangangailangan ng tulong si Utav sapagkat sa kanilang dalawa, mas hasa nga namang tunay ang lalaki sa mga gawaing panggubat habang ang babae naman ay pinag-aaralan pa lamang ito sa kaniyang sarili. Matapos nilang magluto ay ibinigay ni Utav lahat ng magagandang parte ng baboy sa dalagang katabi niya ngayon sa pag-upo sa bato.

“Masarap ba o kulang sa pagkakaluto?” Hindi nakatugon nang maayos si Yaveni sa nasambit ni Utav dahil sa dami ng pagkain na siyang laman ng bibig nito. “Dahan-dahan, binibini.” Napailing na lamang ang binata at ngumiti nang makita ang itsura ng babae.

At noong may natirang butil sa labi ng dalaga’y walang pasabi itong tinanggal ni Utav gamit ang kaniyang kaliwang kamay. Mabilis napahinto sa pagnguya ang dalaga at nakipagtitigan sa lalaki. Sabay na tumaas ang dalawang kilay ng binata.

“Bakit?” usisa nito nang makitang nakatitig lamang si Yaveni sa kaniya. Umiling ang babae at walang ano-ano ay bumaliktad ang sikmura nito dahilan upang maisuka niya lahat ng pagkaing nasa bibig nito.

Dagliang napunta sa tiyan ng babae ang pareho niyang kamay nang maramdaman nitong namilipit  ang tiyan niya. “Ang sakit,” daing nito habang nakakapit pa rin sa kaniyang tiyan. Mabilis na tumakbo’t kumuha ng maiinom si Utav at iniabot iyon sa babae.

“Inumin mo ito,” ani ng binata saka inabot ang tubig na nasa bao. At imbis na mabawasan ang pananakit ng tiyan niya’y mas lumala pa ito. Tuluyan ng natorete si Utav nang ibigay na niya lahat ng alam niyang gamot sa tiyan subalit wala ni isa rito ang nakatulong sa babae.

“Nahihirapang akong huminga…” 

At bago pa man mahawakan ng binata ang dalaga’y nawalan na kaagad ito ng malay. Sinalo ni Utav ang pabagsak na ulo ni Yaveni kung kaya’t imbis na lupa ang bagsak nito’y nasa katawan ng binata nakasandal ang katawan ng babae.

Marahang kinuha ni Utav ang parehong binti at baywang ng dalaga at ipinuwesto niya ito sa nakalatag na malaking dahon. Doon niya muna ito inihiga at noong hindi na niya alam ang gagawin ay dali-dali niyang pinagsama ang dalawa niyang palad at mariing tinawag ang diwatang nangangalaga sa gubat kung nasaan sila ngayon.

Ilang beses siyang tinawag ni Utav at walang tugon ang diwatang iyon sa kaniya hanggang sa…

“Pakiusap, pagalingin mo po siya. Awadi!” hinaing ni Utav na animo’y nagmamakaawa sa bathalang kinakausap nito. “Awadi, hindi ko na alam gagawin ko. Huwag naman siya. Pakiusap,” nanghihinang usal ng binata habang nakatitig sa walang muang na babae.

Matapos paghiwalayin ni Utav ang dalawang palad nito’y saka naman dumilim ang buong paligid nila. Isang malakas na hangin muli ang tumama sa balat ni Yaveni at noong kumulog at wala sa wisyo niyang naigalaw ang ilan sa mga daliri nito sa kamay. Doon nabuhayan ng pag-asa ang lalaki. Mabilis niyang hinawakan ang kamay ng babae.

“Yav,” mahinang tawag pa niya sa ngalan nito.

Muli ay wala sa wisyong ngumiti si Yaveni sa harapan ni Utav. “Ito ang unang beses na marinig ko mula sa bibig mo ang pangalan ko.” Marahang hinawakan ng dalaga ang magkabilaang pisngi ng binata. “Utav,” bulong pa niya.

“A-Ayos ka lang ba? Kaya mo bang tumayo? Tatapusin ko lang talaga iyong papag para maging komportable ka na sa pagtulog mo rito.” Umiling si Yaveni sa mga nasabi nito.

“Kahit tabihan mo lang ako, ayos na. Gusto ko lang maramdaman na hindi ako mag-isa.”

“Masusunod, aking binibini.”

Marahang hinawakan ni Utav ang mga braso ni Yaveni at tinulungan itong makatayo. Mabilis napunta sa likuran ng binata ang buong katawan ng dalagang kasama nito. “Kumapit ka nang maigi,” anas pa niya rito bago kinuha ang dalawang binti ng babae. Tumango lamang si Yaveni at sumunod kay Utav.

Mabuti na lamang at may natapos naman siyang silya na ngayon ay nakakalat sa loob ng tree house. Doon niya inilagay si Yaveni at nagpainit siya ng tubig upang mapainom ng maaligamgam na maiinom ang babae. Maya-maya pa’y tuluyan na ngang umiyak ang makulimlim na langit dahilan upang ang hangin na kasalukuyang tumatama sa kanilang mga balat ay mas lumamig pa.

“Alam mo,” panimula ni Yaveni habang nakatitig sa ginawang mainit na tubig ni Utav.

“Ganitong-ganito rin si Mama sa tuwing sumasakit ang tiyan ko.” Napalunok ang binata nang marinig ang kuwento ng babae.

“Iba kasi iyong nangyayari sa akin kapag sumasama timpla ng tiyan ko. Kaya nga napapadala ako madalas sa ospital dahil dito, e. Para sa akin, normal na mawalan ako ng malay pagkatapos ng matinding pagsakit ng tiyan ko pero para kay Mama, hindi. At paniguradong para sa iyo, hindi rin.”

Gamit ang dalawang bato ay pinagkiskis ni Utav ito upang makagawa ng apoy sa isang maliit na pugon na nakapuwesto sa gilid na bahagi ng tree house na gawa nilang dalawa ng babaeng kasama niya, na kasalukuyang nakaupo sa silyang yari sa pinagtagpi-tagping kawayan. Nilagyan niya ito ng ilang maliliit na sanga ng puno upang mapanatili ang apoy.

“Hindi naman talaga normal iyon, binibini.”

Malungkot na ngumiti si Yaveni matapos marinig ang nasabi ng binata. Gamit ang isang bao ay nilagyan niya ito ng tubig at inilagay sa tapat ng pugon upang mapainit niya ito. “Na-miss ko tuloy si Mama. Kumusta na kaya siya?” Huminga nang malalim si Utav.

Ilang minuto pa’y kumulo na rin ang tubig na pinainit niya. Inayos na niya ito at isinalin sa isang baso na yari sa kawayan. Hinawakan niya ang baso at marahang naglakad palapit sa puwesto ng dalaga. Pagkatapos ay inilapag niya sa lamesang hugis bilog ang dala niyang mainit na tubig. Ang lamesang iyon ay nasa tapat ng silyang inuupuan ng babae.

“Panigurado akong nasa maayos na kondisyon siya,” pampalubag-loob na ani Utav sa kaniyang kasama. “Bakit ba kasi na-trap ako rito, e. Dapat talaga nasa school ako ngayon at wala rito sa gubat,” pagmamaktol pa niya nang ma-realize nito ang pinanggalingan niya.

“Binibini…” Umupo sa isa pang silya na katabi ni Yaveni si Utav. Marahang hinagod ng binata ang likuran ng dalagang kasama nito. Dagliang namang hinawi ng babae ang kamay ng lalaki.

“Hindi mo kailanman maiintindihan iyong mga sinasabi ko ngayon sa ‘yo. Hindi mo maiintindihan ang sitwasyon ko, alam ko iyon.”

“Hindi totoo ‘yan,” depensa ng lalaki.

“Kung gayon, bakit? Bakit nandito ako at ikaw lang ang kasama ko? Bakit sa dinami-rami ng puwede kong mapuntahan ay sa gubat pa na ito ako napadpad?” Hindi lingid sa kaalaman ng binata na darating ang araw na ito kung saan itatanong nang itatanong ng babae ang dahilan kung bakit siya narito sa lugar na tinatawag na “Imutaven.”

“Yav,” pagpapahinahon ni Utav kay Yaveni subalit sa tuwing maaalala ng dalaga ang nangyari ay hindi maialis sa kaniyang isipan ang magtaka sa kasalukuyang nangyayari sa kaniya.

“Bakit wala kang maisagot sa lahat ng tanong ko, Utav?” Umiwas ng tingin ang lalaki.

“Kasi…”

“Hindi mo rin alam?” Bumuntong-hininga si Yaveni pagkatapos niyang dugtungan ang naunang sinabi ng binata at umiwas ng tingin sa lalaking ngayon ay titig na titig sa kaniya. Marahang hinawakan ni Utav ang kamay ni Yaveni.

Ngumiti siya upang maitago ang lungkot na kasalukuyang bumabalot sa kaniyang puso saka sinabing, “Ayaw mo ba akong kasama? May nagawa ba ako? Ano bang nangyayari at naiisip mo itong mga bagay na it-”

“Gusto ko ng bumalik, Utav.” Mabilis nawala ang ngiti sa mukha ng binata. “Gustong-gusto ko na ulit makita si Mama,” dagdag pa nito at walang imik na humikbi sa harapan ng lalaki.

Hindi na nakaimik pa si Utav nang makita ang pagtangis ng babae. Kinagabihan ng mismong araw na iyon. Saktong alas dose na ng gabi. Nang makasiguradong mahimbing na natutulog ang dalaga’y palihim na umalis ng bahay ang binata at noong nakalayo siya doon ay saka nito tinawag nang tinawag ang diwatang tumulong at patuloy na tumutulong sa kaniya at sa kasama nito.

“Sa dami ng oras na puwede mo akong hanapin, bakit hatinggabi pa?”

Hindi na naitago pa ng lalaki ang lungkot, sakit at pighati sa kaniyang damdamin, kung kanina’y nakayanan niyang hindi lumuha sa harapan ng dalaga, sa pagkakataon na ito’y nagpakatotoo na siya sa kaniyang tunay na nararamdaman. “Tama na, pabalikin mo po na siya.”

 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top