Imutaven 6
CHAPTER 6: BAHAY-PUNO.
Kasabay ng pagwasiwas ng hangin, ang buhok ni Yaveni ay mabilis na napadpad sa mukha nito. Nakaramdam ng pagtitimpi ang babae’t saka ito bumuntong-hininga pagkatapos ay pasimpleng kinagat nito ang ibabang bahagi ng kaniyang labi. Palihim na ngumiti si Utav nang makita ang kasalukuyang itsura ng dalagang kasama niya.
Ang babae ay marahas na inilagay sa likod ng kaniyang tainga ang ilang hibla ng buhok nito na laging ginugulo ng hanging nanggagaling sa mga puno. Sa sobrang inis ng dalaga’y hindi na niya sana ito balak na ayusin pa sapagkat sa tuwing inaayos niya ang pagkakalugay ng buhok nito’y saka naman makikisabay ang lakas ng hangin na para bang nanghahampas ito sa kaniyang balat. Hanggang sa maisipan na lamang ng dalaga na ilagay ang dalawang kamay nito sa ibabaw ng kaniyang ulo upang hindi na mahanginan ang buhok niya.
Maya-maya pa, habang abala si Yaveni sa pakikipag-one-to-one niya sa hangin, kinuha ni Utav ang pagkakataon na iyon upang luminga-linga siya sa paligid, hanggang sa mapako ang paningin niya sa isang munting halaman na mayroong makinis na tangkay. Dali-daling kinuha ng binata iyon at ginawa itong panali. Sinugurado muna niyang hindi masasaktan ng tangkay na kinuha niya ang buhok ng babaeng kasama nito.
“Binibini,” tawag niya sa kaniyang kasama. Halos hindi maipinta ang naging ekspresyon sa mukha ni Yaveni matapos niyang lingunin si Utav. Ngumiti ang lalaki dahilan upang mabawasan ang pagkainis ng babae sa kasalukuyan nitong sitwasyon.
“Bakit?” bungad nito sa binata nang tuluyan na itong nakalapit sa kaniyang puwesto.
“Tumalikod ka,” utos nito na siya namang sinunod niya.
Doon ay marahang hinawakan ni Utav ang mga hibla ng buhok ni Yaveni, inipon niya ang lahat ng iyon saka itinali gamit ang kinuha nitong tangkay. Noong natapos niyang talian ang babae ay muli niya itong iniharap sa kaniya. “Ayan, ayos na.” Sa pagkakataon na ito, isang sinserong ngiti ang nakita ni Yaveni sa mukha ni Utav.
Namangha ang dalaga, napaawang ang bibig nito’t mariing napatitig sa ngiting iyon ng binata.
“Ang guwapo…”
“Ano iyon, binibini?” waring walang kaide-ideyang usal ni Utav. Mabilis umiling ang babae at lumayo sa kaniya. “Salamat, kako.” Nagpauna na itong lumakad papasok muli sa mga kakahuyan. Hindi na pinilit pa ni Utav na alamin ang ibinulong ni Yaveni, bagkus ay walang imik pa itong sumunod sa mga yapak ng dalaga.
Maya-maya pa’y bigla itong huminto sa paglalakad dahilan upang tabihan siya ng lalaki. “Ayon, oh! May bunga,” komento ng babae habang nakaturo sa isang puno ng mangga.
May naaninag itong kulay dilaw at berdeng mga bunga mula sa punong yaon. Daglian namang kumilos si Utav matapos marinig ang sinabi ng dalaga. Nag-alis siya ng pantaas na suot nito at mano-manong inakyat ang puno.
“Saluhin mo, binibini.” Sinubukan naman ni Yaveni na saluhin ang ilan sa mga mangga na binabato ng lalaki subalit wala ni isa roon ang napunta sa kaniyang mga palad o kahit na sa mismong bisig nito.
At noong hindi na siya naghabol sa mga mangga na binabato ni Utav ay saka naman napunta sakto sa kaniyang ulo ang isang mangga na berde ang kulay. Mabilis na napaupo ang kaninang nakatayo na babae. Awtomatikong napadpad ang dalawa niyang kamay sa bunbunan niya, kung saan tumama ang manggang nasalo ng mismong ulo nito.
Kaagad nasaksihan ni Utav iyon kung kaya’t hindi na niya pinagpatuloy pang kumuha ng mga mangga. Mabilis itong kumilos, pinili niyang bumaba ng puno saka maingat na hinawakan ang ulo ng babae. “Saan masakit?” aniya.
Hindi nagsalita ang dalaga’t nakapikit ito habang itinuturo ang parte kung saan masakit sa bandang ulo niya. Marahang inalis ni Utav ang mga kamay ni Yaveni. Hinipan ni Utav iyon upang makita nang mas maayos ang anit nito at ayon na nga. Nakompirma ng binata na naging bukol ang tumamang parte at walang sugat na natamo ito. Napanatag ang lalaki.
“Mabuti naman at hindi nagkasugat.”
“Pero masakit pa rin!” reklamo ng babae bago sinamaan ng tingin si Utav.
Sa loob-loob nito’y para bang walang pakialam ang lalaki sa nasaktan niyang ulo. Sa sobrang inis nito ay padabog itong tumayo mula sa pagkakaupo niya at tuloy-tuloy na naglakad hanggang sa hindi niya namalayang malapit na siya sa bangin.
Dagliang kinuha ni Utav ang mga kamay ni Yaveni dahilan upang umikot ito paharap sa kaniya. Awtomatik na niyakap ng lalaki ang kaniyang kasama. “Huwag kang titingin sa likod kung ayaw mong malula,” bulong nito. Napalunok na lamang ang dalaga’t taimtim na sumunod.
Dahan-dahan silang naglakad palayo roon hanggang sa makita muli nila iyong lamesang bato na tila ba’y isang palatandaan na nasa lugar na sila kung saan sila nakatira’t pansamantalang namamalagi habang nasa gubat silang dalawa.
“What if gumawa na lang kaya tayo ng tree house dito?” wala sa wisyong suhestiyon ng babae.
“Ano pong ibig mong sabihin, binibini?” paglilinaw ng binatang nakikinig sa kaniya.
“Tree house? Iyong bahay sa isang puno? Bahay-puno na medyo puno na bahay? Ah basta, ayon.”
“Ah, iyon ba? Maaari naman,” pagsang-ayon ni Utav kay Yaveni.
“Marunong ka bang gumawa no’n?”
“Oo naman, ikaw? Marunong ka ba?” mapang-asar na wika ng lalaki sa kasama nito na animo’y nahahamon.
“Aba, ako pa talaga tinanong mo? Marunong akong umakyat ng puno!”
“Weh?” paniniguradong ani Utav.
“At talaga sinusubukan mo ako, ha.”
“Hinay-hinay lang, binibini.”
At sa hindi inaasahang pagkakataon, unang sabak pa lamang ni Yaveni na kunin ang sangga ng isang puno upang makaakyat siya’y mabilis itong naputol at walang ano-ano’y nalaglag siya munit nasalo naman ni Utav.
“Sabi ko, dahan-dahan lang sa pag-akyat.” Huminga nang malalim ang lalaki at maingat na ibinaba mula sa kaniyang bisig ang babae. “Dito ka lang, huwag kang gagawa ng kahit na anong ikalalala ng bukol mo sa ulo. Baka imbis na bukol lang makuha mo e, masugatan ka pa. Kukuha lang ako ng mga kahoy na puwede nating magamit sa sinasabi mong bahay-puno.”
“S-Sige,” tugon ni Yaveni at pasimpleng tumango. Umiwas siya ng tingin kay Utav.
Ilang sandali pa ang lumipas, nakabalik na rin ang lalaki at kung kaninang umalis ito ay wala itong dala, ngayon ay puno ang kaniyang mga braso sa kaliwa’t kanang bahagi nito ng mga kahoy na kinuha nito mula sa kung saan.
Nang makita siya ni Yaveni ay dali-dali na rin itong lumapit sa kaniyang kasama upang matulungan ito. Gamit ang ilang mabibigat at matalas na mga uri ng bato ay ginamit nila ito sa paghati ng mga kahoy. May panali ring dala si Utav (ito’y isang uri ng panali na kulay ginto at ginagamit natin ngayon sa mga sako ng bigas kapag walang plastic na pantali) ito ang ginamit naman nila na pangdugtong sa bawat nahiwa nilang mga kahoy upang magporma itong bahay. Nang matapos sila sa paggawa ng unang layer nito ay ipinuwesto na ng dalawa ang nauna nilang ginawa sa mismong puno sila saan sila nagsampay ng kanilang mga damit noong minsa’y nabasa silang dalawa.
Lumipas ang ilang oras sa paggawa nila ng tree house na iyon. Simple man, mainit, at hindi ganoon kalakihan ay maaari na rin itong maging tirahan ng dalawa. Gabi na noong natapos sila sa paggawa nito. Sa kasalukuyan, parehong nakahiga sa lapag ang dalawang tao na parehong pagod at naghahabol ng sariling hininga.
Wala pang bubong ang natapos nilang bahay-puno kung kaya’t habang nakahiga sila sa lapag na iyon ay tanaw na tanaw ng dalawa ang hiwagang dala ng hindi mabilang sa daliri na mga bituin sa langit. Para itong purong butil ng asin o puting asukal na nakakalat sa madilim na kalangitan, mapuputi, munti at kasalukuyang nagniningning sa kanilang mga gawi. Ang mga ito’y may iba’t ibang uri ng kislap na nagpapabukod-tangi sa bawat tala na nahahagip ng kanilang mga mata. “Ang ganda,” sabay nilang sabi.
Mabilis nagtama ang kanilang mga paningin noong narinig nila ang isa’t isa. Ngumiti sila pareho at muling nakipagtitigan sa mga bituing nasa ibabaw nilang dalawa. “Alam mo, pinangarap ko lang dati na magkaroon ng ganitong klase ng bahay,” panimula ni Yaveni.
“Bakit? Wala bang ganito sa inyo?” Mapait na ngumiti ang dalaga matapos marinig ang naging tanong sa kaniya ng binata.
“Wala, e. Simula kasi noong nawala si Papa, naging ilag na kaming dalawa ni Mama sa mga kahoy, sa ilog, sa malalaking tipak ng lupa at sa lahat na may kinalaman sa gubat. Kasi sa tuwing makakakita kami ng ganoon, naalala namin pareho ang trahedyang tumapos sa asawa niya, sa tatay ko.” Hindi na umimik pa si Utav at hinayaan niyang ilabas lahat ni Yaveni ang kaniyang saloobin.
“Alam mo, ang sakit lang. Kasi ang dami naming plano noon. Architect kasi si Papa. Syempre, exposed ako sa mga drawing niya. At isa sa mga hindi ko malilimutan na house project proposal niya dati ay itong tree house. Mayroong specific na style si Papa sa paggawa ng mga designs niya and I am his fan. His avid fan. Nasaktan lang siguro ako kasi sa dinami-rami ng pinangako niyang ibibigay niya sa akin, wala na kahit isa man lang roon ang kaya niyang ibigay sa akin ngayon.”
“And if I have something to wish for? I would like to have another moment with my Papa. I missed him, so much.” Hindi namalayan ng babae na mamumuo sa ilalim ng mata nito ang mainit na likido at ang unang patak ng kaniyang luha’y nagmula pa sa kanang bahagi ng kaniyang mata.
“I will never forget his back hugs, forehead kisses, those genuine and reassuring smiles pati iyong mga kamay niyang laging sumasalba sa akin. Indeed, he was my first man that I really do love since then.”
“Paniguradong mahal na mahal na mahal ka rin niya, binibini.” Sa ikalawang pagkakataon, nakatitig muli sila sa isa’t isa, mata-sa-mata. Parang nabunutan ng malaking tinik ang puso ni Yaveni matapos niyang makita ang sinserong ngiti ni Utav. “Nakagagaan pala sa pakiramdam na magkuwento nang ganito,” bulong nito sa kaniyang sarili. At sa sandaling iyon ay bigla niyang naalala ang kaniyang ama. Tears are continously falling from her round almond eyes.
Pasimpleng lumapit sa puwesto niya si Utav at hindi pa man naiaayos ng binata ang pagkakahiga niya’y kaagad pumulupot ang kamay ng babae sa braso nito saka marahang isinandal ang kaniyang ulo sa balikat ng lalaki.
“Inaaantok na ako,” bulong ng dalaga.
“Pero hindi pa tayo kumakain…”
Hindi na itinuloy pa ng lalaki ang kaniyang nais sabihin matapos nitong makita na nakapikit na ang kaniyang katabi. Bakas sa mukha ni Yaveni ang pagod nito sa pagtulong kay Utav. Hindi naman napigilan ng binata na hindi siya pagmasdan. Tumagal iyon ng ilang segundo hanggang sa tuluyan na nga talagang nakatulog ang babae. Kinumutan ni Utav si Yaveni gamit ang malaking dahon saka dahan-dahang bumaba ng puno. Palihim siyang naghanda ng makakain nilang dalawa.
.
.
.
KINABUKASAN.
Kasalukuyang naglalakad ang isang lalaki at babae sa gitna ng kagubatan. Hindi nila namalayan na taimtim silang pinagmamasdan ng tagapangalaga nito. Ang ngiti ng diwatang iyon ay hindi mawari kung totoo ba siyang masaya sa kaniyang nakikita o hindi. Ilang sandali pa’y ang liwanag na iyon ay biglang naglaho nang mapadpad ang paningin ni Yaveni sa puwesto kung saan mayroong isang pamilyar na puno.
“Alagao Tree! May ganitong puno sa school namin, e.” Maaliwalas ang mukhang tiningnan ng dalaga ang punong iyon. Lingid sa kaniyang kaalaman, iyon din ang puno kung saan sila unang nagkita ni Utav.
“Hays, nakaka-miss.” Huminga nang malalim ang babae samantalang ang lalaking katabi lamang nito’y umiwas ng tingin sa kaniyang kasama. Lumipas ang ilang segundo bago napagpasyahan ni Utav na igala si Yaveni sa kaniyang lugar.
“Tara, binibini.” Awtomatikong nagsalubong ang dalawang kilay ni Yaveni matapos marinig ang nasambit ng binatang kasama nito.
“Ha? Saan naman tayo pupunta?” usisa pa niya. Ngumiti ang lalaki at marahang hinawakan ang kamay nito. “Basta, tiwala ka lang sa akin.”
Walang imik na sinunod ni Yaveni si Utav. Magkahawak ang kanilang mga kamay habang naglalakad patungo sa isang lugar na maraming mga bulaklak na nakatanim, nakaayos ang mga ito ayon sa kanilang mga uri.
Kuminang-kinang ang mga mata ng dalaga matapos niyang mapagtanto kung saan siya dinala ng kaniyang kasama. “Hala, parte pa rin ba ito ng gubat? E, parang garden na ito sa sobrang lawak at puro flowers lang ang nakatanim dito.”
“Sa maniwala ka man o sa hindi, opo. Bahagi pa rin ng gubat ang munting hardin na iyong nasisilayan ngayon.”
Wala sa wisyong pumunta si Yaveni sa mga bulaklak na mayroong kulay dilaw na kulay. Ang itsura nito’y kagaya ng isang araw na tirik na nagpapaliwanag sa buong maghapon. Sumunod ay dumako naman siya sa mga uri ng bulaklak na mayroong kulay na lila.
Ang hindi niya alam ay may binabalak ang lalaki sa kaniya. Palihim na ngumiti si Utav noong nakahanap ito ng tiyempo upang makaalis sa gawi ng babae. Subalit ilang minuto pa lamang ang lumilipas at mabilis ding makuha ni Utav ang atensyon ni Yaveni nang hindi nito namamalayan.
“Anong ginagawa mo?”
“Gusto mo ba nito?”
“Ano ba ‘yan?” ani Yaveni. “Ay wow, bracelet?” Tumango lamang ang lalaki sa naging tanong ng babae sa kaniya. Marahan pa niya itong inilagay sa palapulsuhan ng dalaga. Ilang sandali pa ang lumipas, habang abala sa paggawa ng santan bracelet si Yaveni ay dali-daling kinalabit ni Utav ang likuran nito. “Ano ba?” tila naistorbong saad ng dalaga.
“Ayan,” nakangiting sambit ng binata pagkatapos niyang ipasuot sa ibabaw ng ulo ng babae ang nagawa niyang korona na yari sa pinagtagpi-tagping santan na bulaklak. Namilog ang parehong mga mata ng dalaga’t wala sa wisyong niyakap ang binata. “Maraming salamat, Utav!”
Hindi na mawaglit sa labi ng lalaki ang ngiti nitong abot-langit. “Iba pala sa pakiramdam ang marinig mo nang malapitan at harapan ang tinig ng iyong mahal. Ang sarap pa lang pakinggan na marinig ang boses niyang sinasambit ang aking ngalan,” bulong nito sa kaniyang sarili na siya namang narinig ng diwatang palihim na pinanonood sila mula sa malayo.
“Utav, Utav,” tawag ng diwata gamit ang isip nito. Tumikhim ang binata at pasimpleng inayos ang kaniyang sarili. “Pinapaalala ko lamang na ang iyong oras ay malapit ng magwakas.”
“Nababatid ko, Awadi. Hindi ko nakalilimutan iyon.”
“Mabuti.”
“Anong ibinubulong-bulong mo rito?” Mabilis nakuha ni Yaveni ang atensyon ni Utav. Nabaling ang paningin niya sa babae at walang imik na tiningnan ang ginagawa nito. Ilang beses itong kumurap nang makitang maayos ang pagkakadugtong niya sa mga munting tangkay ng santan.
“Magaling, binibini. Marunong ka naman pala,” puri ng binata sa dalagang nasa harapan nito. Marahan pa niyang hinaplos ang buhok nito at tinulungang isuot sa kamay ng dalaga ang natapos nitong bracelet na gawa sa bulaklak na santan.
“S-Salamat…” hindi makatinging wika ng babae. Ngumiti ang lalaki bago tumango.
“Huwag mong tatanggalin iyan, may pupuntahan pa tayo pagkatapos nito.”
“Ha? Saan naman?”
Imbis na tumugon, pinili ni Utav na kunin muli ang kamay ng babaeng kasa-kasama nito. Magkahawak-kamay silang lumakad-takbo palabas ng hardin at doon ay may nasilayang kamangha-mangha si Yaveni. Napalunok ito at napaawang ang bibig. Habang nakatitig sa kulay kahel na kalangitan at muling umusbong ang luha sa mga mata ng dalaga.
“I don’t remember when was the last time I saw this,” bulong niya sa kaniyang sarili, sapat naman upang marinig ng binatang katabi lamang nito. “Thank you,” baling pa niya kay Utav. Marahang hinawakan ng lalaki ang magkabilaang pisngi ng babae dahilan upang titigan din siya ng dalaga. Pinunasan niya gamit ang sarili nitong mga palad ang mga luhang tuloy-tuloy na umagos mula sa mata ni Yaveni pababa sa pisngi nito.
“Ikaw…”
“Anong ako?”
“Ikaw ang aking paraluman.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top