Imutaven 4
CHAPTER 4: SWEET MEMORIA.
Sa luntiang kulay ng isang dahon, makikita ang isang babae na mahimbing ang pagkakatulog. Natatakpan ng ilang sariwang dahon mula sa isang puno ang mukha ng dalaga, kung kaya’t kahit nakasilip na ang haring araw ay hindi ito naiinitan, ni mapunta ang sinag nito sa pisngi ng dalaga’y hindi ito nangyayari. Ang luntiang dahon na sakto mula ulo hanggang paa ng babae ay nagsilbing higaan para sa kaniya.
Lingid sa kaniyang kaalaman, gawa ito ng kaniyang kasama. Sapagkat kung hahayaan ng binata na matulog ang dalaga sa pamamagitan ng pagsandal sa puno ay maaaring sumakit ang likod nito at mangalay siya, kaya gumawa ng paraan ang lalaki upang matulungan ito at maging komportable sa kaniyang pagtulog. Naisip niyang maaaring magamit ang dahon bilang banig upang hindi mangati at maihiga nang maayos ang babae.
Maagang gumising si Utav, dumeretso ito sa loob ng gubat. Naghanap muli siya ng ilang mga dahon at prutas na maaari niyang magamit sa pagluluto. Nais niyang lutuan ang binibining kasa-kasama nito. At noong nakuha na niya lahat ng kakailanganin ay muli siyang bumalik sa puwesto kung saan niya iniwan si Yaveni.
Ilang sanga ng puno ang ginamit niya bilang panggatong upang mapanatili ang init ng apoy na siyang nagawa nito sa pamamagitan ng dalawang bato na pinagkiskis niya. At gamit ang kawayan ay gumawa siya ng maliit na lutuan. Doon siya nagluto ng gulay na may kasamang ilang bahagi ng manok na siyang nanggaling pa mismo mula sa tira nilang pagkain kagabi. At noong natapos siya’y inihain niya ang mga prutas kasama ng niluto niyang pagkain sa isang malaking bato na nagsilbi namang lamesa para sa kanilang dalawa.
Huminga nang malalim si Utav saka bumulong, “Sana magustuhan niya ito.”
Kasabay ng pagwasiwas ng hangin ay naglakad nang marahan ang binata palapit sa kinaroroonan ng dalagang kasama nito. Maingat siyang umupo sa tabi nito, ayaw niya kasing magising ang dalaga sapagkat nais pa niyang pagmasdan ang maamo nitong mukha. At sa ‘di inaasahan ay isang maliit na hayop ang biglang nagpakita kay Utav. Ngumisi ito bago niya kinuha’t inilagay sa tabi ng natutulog na babae.
“Ang ganda niya…” bulong ni Utav saka palihim na ngumiti subalit mabilis ding naglaho ito nang biglang gumalaw ang babaeng tinititigan niya. Awtomatikong iniayos niya ang kaniyang tindig at ang paraan ng kaniyang pagkakaupo.
Maya-maya pa’y nagising ang diwa ni Yaveni nang makaramdam ito ng kakaiba sa kaniyang katawan. Parang may kung anong maliit na hayop ang nakatabi sa kaniya’t kasalukuyang nakasiksik ito sa bandang tiyan niya. Kunot ang noong bumangon ang dalaga at marahang tiningnan kung ano ito. Namilog ang pareho niyang mata matapos mapagtanto kung anong klaseng hayop ito.
“Magandang umaga, binibini. Gising ka na pala,” wika ng isang lalaki. Mabilis nakuha ng binata ang atensyon ng babaeng kasama nito.
“Ikaw nagdala nito?” usisa ng dalaga kay Utav. Ngumiti ang lalaki saka ngumiti.
“Opo, nagustuhan mo ba?” Dali-daling tumango ang dalaga.
“Ang cute pala ng squirrel sa personal,” mahinang komento ni Yaveni sapat naman para marinig ng kasalukuyang katabi nito. Dagliang hinawakan at binuhat ng babae ang ardilya o mas kilala sa tawag sa squirrel sa Ingles. Itinapat niya pa ito sa kaniyang labi at pasimpleng inamoy. Marahan niya ring hinawak-hawakan ang munti nitong mga balahibo.
“Mabuti naman at nagustuhan mo,” mahina munit malambing na saan ni Utav sa kaniya. “Kain ka na, may inihanda akong pagkain para sa ‘yo,” dagdag pa nito. Wala sa wisyong tumango si Yaveni at pasimpleng sumunod sa likuran ng binata noong tumayo ito at naglakad patungo sa isang puno na walang kahit na anong dahon.
“Wow, puwede pa lang gamitin ang bato bilang lamesa? Oh, wait. Nagluto ka?” Kaagad tiningnan ng babae si Utav, tumango lamang ito bilang tugon. “Sana magustuhan mo,” aniya.
Dagliang sumilay ang ngiti sa labi ng dalaga’t ilang beses na tumango. “Aba, syempre. Ngayon na nga lang ulit ako makakakain ng lutong pagkain, e.” Naging panatag ang pakiramdam ni Utav habang pinagmamasdan ang maaliwalas na mukha ng kasama nito. Magkaharap sila ngayon sa batong naging hapag-kainan nila.
Pagkatapos kumain ay palinga-lingang tumingin mula sa kung saan-saan si Yaveni. Umaasang may makikita siyang tubig ngunit bigo ito. “Anong problema, binibini?” usisa ni Utav sa kaniya.
“Nauuhaw kasi ako, tinitingnan ko lang kung may tubig bang malapit dito.”
“Ay, oo nga pala. Nakalimutan ko ‘yung tubig. Gusto mo bang pagkatapos natin dito ay puntahan natin iyong batis na napuntahan natin noong nakaraan?”
“E? Mukhang malayo pa iyon dito,” ani ng dalaga. Mabilis umiling ang lalaki.
“Hindi, maniwala ka sa akin. Malapit lang iyon dito.”
“Sige sabi mo, e.”
Nang matapos silang kumain ay iniwan nila ang mga pinagkainan nilang dahon at ilang mga buto sa malaking bato. Kaagad silang naglakad patungo sa batis na tinutukoy ng binata. At kagaya ng sinabi nito, tunay nga na ang batis na minsan na ring pinagtambayan ng dalawa’y malapit lang din doon sa puno kung saan sila nakatulog at malaking batong naging saksi sa unang agahan nilang dalawa nang magkasama.
Gamit ang kalahating parte ng niyog, sinalok ni Utav ang tubig mula sa batis at unang pinainom ang dalaga. “Bakit ako? Ikaw muna uminom,” tanggi ng babae sa alok nito.
“Wala itong lason, oh.” Wala sa sariling tinikman ng binata ang tubig saka ibinigay ito kay Yaveni. Noong nasigurado niyang malinis ito ay dumagdag pa siya ng isang salok ng tubig at dere-deretsong uminom.
“Dahan-dahan binibini at baka mabulunan ka,” paalala ni Utav na sinunod naman ng babae.
“Ang sarap pala ng tubig dito.” Bumungisngis ang lalaki matapos marinig ang naging komento ng dalagang katabi nito. “Anong tinatawa mo riyan, totoo kaya.” Tumango-tango na lamang si Utav sa kaniya.
“Ay nga pala, malalim ba ‘to?” usisa ni Yaveni sa kaniyang kasama habang nakatingin sa malinaw na batis.
“Hindi naman, bakit?” tugon ng lalaki. Pasimple itong tumingin sa gawi ng babae. Napansin niyang nagre-replek ang liwanag mula sa araw patungo sa tubig ng batis hanggang sa napunta ang liwanag nito sa mukha ng dalagang hinahangaan niya.
“Gusto ko na sanang maligo, e.”
Napaawang ang labi ni Utav matapos marinig ang linya ng katabi nito. Ilang beses siyang kumurap at bahagyang umiling. “N-Ngunit wala kang pamalit…” pabulong nitong sabi nang hindi tumitingin nang deretso kay Yaveni.
*Sandaling katahimikan*
“Ikaw ha, bigla kang pinagpawisan. Anong iniisip mo?” panunukso ng dalaga sa binatang kasalukuyan ay nakatungo’t taimtim na nakatitig sa madamong lupa. Maya-maya pa’y suminok ito. Mabilis niyang tinakpan ang bibig niya. Ilang segundo ang pinalipas ng babae bago siyang tuluyang tumawa sa tapat ni Utav.
“Ang cute mo, kainis.”
“Patawad…” wala sa sariling usal ni Utav.
Yumuko ito saka naglaro ng kaniyang mga daliri sa kamay. Huminga nang malalim si Yaveni. Parehong ginamit ng babae ang dalawang kamay nito upang maiangat ang ulo ng lalaking katapat nito. Sandali silang nakipagtitigan sa isa’t isa. Marahang inialis ng dalaga ang kamay nitong napadpad sa magkabilaang pisngi ng binatang kasama niya.
“Biro lang naman, masyado kang seryoso, e. Pero totoo na gusto kong maligo. Ilang araw na rin kasi saka, naaamoy ko sarili ko at masasabi kong. . . ang baho ko na nga talaga.”
“Wala ka na bang ibang damit?”
“Bakit ba iyong damit inaalala mo?” nakangising sambit ni Yaveni. Tumikhim si Utav. “W-wala lang. Ano ba ang dapat kong sabihin?”
“Puwedeng ano, hindi ka puwedeng maligo sa batis kasi wala kang pamalit gano’n.” Napalunok ang binata at piniling bumuntong-hininga. Napailing ang babae at palihim na ngumiti dahil sa nakita niyang reaksyon mula sa kasamahan nito. Kaagad niya ring inalis sa mukha niya ang ngiting yaon.
“Actually, puwede kong magamit pamalit itong coat ko tsaka palda. Naka-shorts naman ako at may sando pa, so…”
“Desisdido kang maligo rito? Sigurado ka?” Tumango si Yaveni kay Utav. “Seryoso nga. Kaya lumayo-layo ka na’t maghuhubad na ako. Huwag kang sisilip ah.”
“Sandali, ngayon na ba?”
“Oo! Alis ka na,” utos ng dalaga na kaagad namang sinunod ng lalaki.
“Mukha siyang inosente na ewan, pfft.”
Huminga nang malalim si Yaveni. Pasimple pa siyang sumilip sa paligid at siniguradong walang Utav na nakatingin sa kaniya. Tumango-tango naman ito matapos niyang makumpira na walang ibang tao bukod sa kaniya. Maya-maya pa’y nag-inat-inat ito ng mga buto-buto niya sa katawan saka naghubad ng coat at palda niyang kulay berde pareho.
Nakaputing sando siya’t naka-itim na short na cycling. Dahan-dahan siyang lumusong sa tubig at nagbanlaw ng sarili. “Woah, ang lamig!” komento nito. Nagpatuloy pa siya sa kaniyang paglusong hanggang sa napagpasiyahan na niyang lumangoy.
At sa paglangoy niya’y may naranasan siyang hindi niya inaasahang mangyayari sa kaniya…
“Utav!”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top