Imutaven 3


CHAPTER 3: IMUTAVEN.

Kasalukuyang nakatitig sa mga mailap na mga ulap ang isang babae na mayroong balingkinitang katawan. Parang alon ang kulay itim na buhok nito na hanggang siko ang haba. Singkulay ng sariwang damo ang kulay ng suot niyang palda, necktie at coat na siyang tumatakip sa puti nitong blusa. Nakasuot din ito ng kulay puting medyas at rubber shoes.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay taimtim siyang pinagmamasdan ng lalaking katabi lamang nito. Nakalapag ang dalawa nitong kamay sa damuhan, ang kaliwang kamay niya ay nasa kaliwang bahagi nito habang ang isa nama’y nasa kanan. Singtingkad naman ng asul na kalangitan ang suot nitong kamiseta na ipinares pa sa shorts nito na kakulay naman ng mga puting ulap sa maaliwalas na panahon. Itim na tsinelas naman ang gamit nitong sapin sa paa.

Ang parehong kutis ng dalawa’y tumutugma sa malabnaw na kulay ng kape kapag napasobra ito sa tubig. Mas matangkad ang binata kung ikukumpara ito sa babaeng kasama nito. Ang dalaga’y hanggang balikat lamang niya. Walang ano-ano ay naantala ang dalawa sa kanilang ginagawa nang may marinig silang kaluskos na nagmumula sa likod ng isang matandang puno ng narra.

Nakaramdam ng panlalamig sa katawan si Yaveni at napalunok ito. “Utav,” wala sa wisyong bulong nito. “Bakit, binibini?” malumanay na tugon ng lalaki, hinarap nito ang kaniyang kasama.

“Ano kaya iyon? Narinig mo ba?” Saglit silang nagtinginan sa isa’t isa. Nagkibit-balikat lamang ang binata sa harap ng dalagang kunot ang noong nakatitig sa mukha niya. Hindi alam ng babae na ang binatang kasama nito’y kalmado lang, sapagkat, batid na niya kung anong uri ng hayop ang maaaring lumabas mula sa punong kasalukuyan ay tinititigan ng dalaga.

“Nais mo bang tingnan ko?” mapagkunwaring saad ng lalaki.

“Huwag na, baka ahas na naman ’yan, matuklaw ka pa.” Palihim na ngumiti ang binata sa kaniyang narinig na tugon mula sa babae. Napagtanto niya kasing kahit papaano’y nag-aalala naman sa kaniya ang kasalukuyang kasama nito.

Ilang sandali pa’y muling nakarinig ng kaluskos ang dalawa. At sakto noong lumabas na ito’y dagliang humiyaw ang babae at mariing pumikit. Hindi na nito nakontrol pa ang kaniyang sarili. Tila ba’y awtomatikong pumaikot sa ibabaw ng balikat ng lalaki ang dalawang braso ng babaeng kasama niya.

Dahan-dahang iminulat ng dalaga ang dalawang talukap ng kaniyang mga mata at doon, nasilayan niya ang isang hayop na may kabagalan sa paglalakad dahil dala nito ang buong bahay niya sa kaniyang likod.

“What the—” hindi makapaniwalang komento ng dalaga matapos niyang masaksihan ito. Daglian itong lumingon sa kaniyang kasama. Doon nito napagtanto ang kasalukuyang sitwasyon nilang dalawa.

Kaagad tinanggal ni Yaveni ang mga braso nitong nakayakap kay Utav saka lumayo ng puwesto. Tumikhim silang dalawa. Umiwas ng tingin ang babae habang palihim na ngumiti muli ang lalaking katabi nito.

Ilang sandali pa’y nabasag ang namuong katahimikan sa pagitan nilang dalawa nang biglang tumunog ang tiyan ni Yaveni. Wala sa wisyong tumawa ang binata habang tinitingnan ang nahihiyang mukha ng babae. Tumiklop ito nang magtama ang mga paningin nila ’gaya kung paano tumiklop ang halamang makahiya sa tuwing nasasagi ito.

“Kahit hindi ka na magsalita, tiyan mo na mismo ang nagsasabing nagugutom ka na, binibini.”

Napalunok na lamang si Yaveni. Tumayo at nagpagpag ng damit si Utav, nang matapos ito, siya’y muling tumingin sa puwesto ng dalaga. Nilapitan niya ito’t saka inilahad ang kaniyang kamay. Inabot naman iyon ni Yaveni at magkasama silang pumasok muli sa kakahuyan. Ilang prutas ang pinitas nila mula sa mga punong may bunga.

At sa ‘di inaasahang pagkakataon, habang sila ay nasa isang lilim ng matandang puno, kumakain ng mga prutas na nakuha nila’y saka naman sila may nakitang ibon. Isang puting manok ang naliligaw sa gubat at sumakto pa itong nasa harapan nilang dalawa. Kaagad nagningning ang mga mata ni Yaveni. Natuyo ang kalamnan niya’t ngumiti nang maisip niyang maaaring gawing fried chicken ang hayop na kasalukuyang naglalakad sa harapan nila.

Huminga nang malalim si Utav habang namamanghang tumingin sa pagbabago ng ekspresyon sa mukha ng babaeng katabi nito. “Mahirap hulihin iyan, sige ka.” Hindi na inintindi pa ni Yaveni ang sinabi ni Utav. Mabilis itong tumayo at sinubukang habulin ang manok at sa tuwing sinusubukan niyang lapitan ito ay saka naman tumatakbo ang manok na iyon.

Pinili munang magmasid ni Utav bago tinulungan si Yaveni na mahuli ito. Tumayo ito mula sa pagkakaupo niya’t sumandal sa katawan ng puno na pinagtambayan nilang dalawa. Hindi niya maialis sa babaeng kasama nito ang kaniyang mga mata. Maya-maya pa’y isang pamilyar na boses ang biglang lumabas mula sa isip ng lalaki, nagbitaw ito ng ilang mga kataga na nagpapahayag sa kung ano ang tunay na nararamdaman nito sa kasalukuyang sitwasyon nila ng kaniyang kasama.

“Masaya akong makita ka nang malapitan, nagpapasalamat ako’t nakilala kita kahit sa ganitong paraan lamang. Hindi ako nagsisising hiniling kita kay bathala, Aven.”

Wala sa wisyo itong tumango. “Gutom na nga talaga siya,” bulong nito sa kaniyang sarili sabay ngiti habang nakatingin pa rin kay Yaveni. At noong napadpad sa gawi ni Utav ang mga tingin ng babae ay pansamantala itong tumigil sa pagtakbo at nakapamewang na nakipagtitigan pabalik sa lalaking nakasandal sa puno.

“Aba, nakatunganga ka lang diyan. Masaya bang manood lang, ha? Tulungan mo rin kaya ako. Ang hirap hulihin ng manok, oh.” Bumuntong-hininga ang babae at makikita sa kaniyang mga tingin na dismayado siya sa kasalukuyang resulta ng kaniyang ginagawa.

Mahinang sinampal ng binata ang magkabilaan niyang pisngi at lakad-takbong sumunod sa kasalukuyang puwesto ng dalaga. Umiling-iling pa siya’t hindi napigilan ang sarili na ngumiti muli. Dahil sa loob ng kaniyang puso, may munting parte roon na sobrang bilis ng kaniyang pulso dahilan upang makaramdam ito ng enganyo at kasiyahan kahit sa simpleng senaryo lang na kagaya nito.

“Anong ngini-ngiti mo, ha? Naiinis na kaya ako,” saad ng dalaga kay Utav. Ang binata naman ay tumikhim at sinubukang hindi ngumiti upang hindi na mainis sa kaniya si Yaveni.

Matalas pa itong tumingin sa isang maliit na hayop na mayroong mga pakpak at dalawang paa. Bumaling ito sa walang muang na manok. “Ikaw ha, ginigigil mo ako. Pinapahabol mo lang ako, e,” reklamo pa nito na animo’y kinakausap nang masinsinan ang puting manok na patuloy sa paglayo mula sa kaniyang puwesto.

“Ganito, para mahuli natin iyan. Bibilang ako ng isa hanggang tatlo, iko-corner natin siya at boom, makukuha na natin siya.”

“Ako ba, may pag-asa ba akong makuha ka?” Tumagal ng ilang segundo ang pakikipagtitigan nila sa isa’t isa hanggang sa tinuktukan ng dalaga ang noo ng lalaking katapat nito.

“Anong pinagsasabi mo? Iyong manok ang kukunin natin,” pagtatama ni Yaveni kay Utav. Pasimpleng humawak sa kaniyang batok ang lalaki. “Ay, oo nga pala, ‘yung manok…”

“Hay nako, gutom lang iyan.”

Pinili ng babae na balewalain ang pasimpleng tanong ni Utav. Hindi lingid sa kaalaman ni Yaveni kung ano ang maaaring hantungan nilang dalawa kapag nagpatuloy pa sila sa ganoong uri ng usapan kaya desisyon niyang hindi na ito sagutin pa.

Kagaya ng pinag-usapan nila ay magkatapat silang dalawa at sinadya nilang igitna ang manok na kasalukuyang naglalakad nang marahan, maya-maya pa ay nagbilang na si Yaveni. Sabay silang sumugod at nahawakan nga nila ang manok na iyon.

Mahigpit na hinawakan ni Utav ang mga paa nito at hindi niya intensyong mahawakan ang kamay ng babaeng katapat nito. Napalunok si Yaveni nang mapagtanto niya ang nangyari. Magkahawak ang kaniyang mga kamay sa paa ng manok. Pinilit ng manok na kumawala subalit nang dumako ang kamay ni Utav sa leeg nito ay mabilis din itong nawalan ng buhay.

“Fried chicken, fried chicken…”

Halos bumuhos na ang laway mula sa bibig ng babae noong nakita niyang hinuhugasan na ng lalaki ang nahuli nitong manok sa isang malinis na sapa. At dahil walang alam sa buhay-mangungubat ang dalaga ay si Utav ang naglinis at nagkatay sa manok.

Tinulungan na lamang ni Yaveni ito sa pag-ikot ng mga sanga ng puno na nakatapat sa apoy kung saan mayroon itong nakatusok na ilang parte ng manok na kadalasan namang nakakain ng taong kagaya niya.

Nang matapos silang kumain ay nakaramdam naman ng pagkaantok ang babae. Sinabi nito sa kaniyang sarili na iidlip lamang siya subalit batid ni Utav na ang idlip nito’y mahabang tulog na ang ibig sabihin. Magkatabi sila ngayon, parehong nakasandal muli sa parehong puno kung saan unang nagkita ang dalawa, puno kung saan nalaglag si Yaveni.

Ilang sandali pa ay tuluyan na ngang nakatulog ang babae. At dahil mahimbing ang pagkakatulog niya’y hindi nito alam na nangalay ang kaniyang ulo at napasandal ito sa balikat ng binatang katabi niya. Sumilay muli ang ngiti sa labi ni Utav. “Goodnight,” bulong nito saka pasimpleng inilapat ang labi nito sa noo ng dalaga. “Matulog ka nang mahimbing, aking binibini.”

Hindi nagtagal ay isang liwanag muli ang nagpakita sa harapan ni Utav. Mabilis nagbago ang reaksyon nito. Mula sa masaya nitong awra ay naging seryoso ito. Ang liwanag ay naging kulay ginto at nagporma itong paruparo na nagpaikot-ikot sa kasalukuyang gawi ng dalawang tao na parehong nasa kanlungan ng isang matandang puno.

“Alam ko ang aking pagkakamali, Awadi. Handa akong tanggapin anuman ang kaparusahang kapalit ng aking nagawa, huwag lamang siyang madamay dito.”

 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top