Imutaven 10
CHAPTER 10: Disremembered.
Kasabay ng pagpatak ng luhang nanggagaling sa kulay abong kalangitan ang pagtulo ng mainit na likido mula sa mga mata ni Utav. Tumingala ito at sinalubong ang sunod-sunod na patak ng ulan upang maitago nito ang kasalukuyan niyang nararamdaman. Naghahalo ang lungkot, sakit, at pighati sa kaniyang damdamin. Para bang nawalan siya ng gana upang magpatuloy. Tila isang lantang gulay ang kaniyang katawan nang malaman niyang ngayong araw, mawawala na lahat ng mga bagay na hiniling niya—
At ang isa sa pinakamasakit doon, kailangan niyang palayain si Yaveni, his first, the woman of his dream will no longer be there with him. Huminga siya nang malalim at taimtim na kinausap ang sarili.
“Alam ko naman na hanggang dito na lang,” bulong nito sa kaniyang sarili habang hinahayaan ang kaniyang katawan na namnamin ang lamig ng simoy ng hangin pati na ng ulan na unang sinasalo ng mukha nito.
Ilang sandali pa’y isang babae ang nakakita ng senaryong ito ni Utav. Habang taimtim na pinagmamasdan niya ito mula sa kalayuan ay nakaramdam siya ng ‘di maipaliwanag na lungkot sa kadahilanang kahit na may parte siya sa kaniyang puso na nagsasabing manatili na lamang ito sa mundong iyon, mas malaki ang parte sa kaniya na nagsasabing, kailangan na niyang bumalik sa katotohanan, sa reyalidad ng kaniyang tunay na buhay na taliwas sa mundong ginagalawan niya sa kasalukuyan.
Out of nowhere, her feet step forward. Kusang gumalaw ang mga paa niya palapit sa lalaking ngayon ay niyayakap ang kalungkutang bumabalot sa damdamin nito kasabay ng pag-iyak ng kalangitnan ang pagdaing nito sa kasalukuyang sakit at bigat na kaniyang nararamdaman ngayon.
Isang yakap mula sa kung saan ang nagpatigil sa sunod-sunod na pagluha ni Utav. Isang mahigpit na yakap ang nagpa-realize sa kaniya na nandoon pa rin ang babaeng nagugustuhan nito.
Dahan-dahang iminulat ng binata ang nakapikit nitong mga mata upang masilayan nang mas malinaw ang babaeng nakayakap mula sa likuran nito. Hinawakan niya ang kamay nito at humarap sa kaniya.
“Patawad, paumanhin, pasensiya. Hindi ko napigilang humanga sa iyo mula noong una kitang nakita subalit kung ako ang tatanungin, wala akong pinagsisisihan sa lahat ng nangyari dito sa lugar na ito. Mananatili itong espesyal kahit na wala ka na.”
Mula sa sinserong mensahe na iyon ng binata’y unti-unti na ring namuo ang luha mula sa ilalim ng mata ni Yaveni. Nasasaktan siyang makita na mayroon siyang maiiwan at nalulungkot siyang malaman na kailangan niyang gumawa ng ganoong klase ng desisyon.
“Akala ko, hindi tayo magkakaroon ng matinong usapan. Sinong mag-aakalang ngayon pala ‘yon mangyayari? Bakit ngayon pa kung kailan kailangan ko na ring magpaalam?”
“Lagi mo ba naman akong inaaway, e.”
Sumilay ang tipid na ngiti sa mukha ng dalaga. Marahan siyang kumalas mula sa pagkakayakap nito sa lalaki hanggang sa tuluyan na nga siyang lumayo rito subalit hindi hinayaan ng binata na mas lumayo pa ang distansya nito sa kaniya. Mabilis niyang kinuha ang kamay ng babae at sa pagkakataon na ito, siya naman ang yumakap sa kaniya.
“Mahal kita, Aven.” Hinalikan ni Utav ang noo ni Yaveni. Doon napagtanto at umamin ang babae sa kaniyang sarili na totoong nagugustuhan na nga rin niya ang binata.
“Aba, may bago na akong pangalan?” aniya matapos marinig ang itinuran ng kaniyang kasama sa kasalukuyan.
“I’m Utav, and I am inlove with a woman who has the name of Aven. One of the reason why this place was named, Imutaven.”
“Why so random?” usisa ng babae sa kaniya gamit ang pabiro nitong tono.
“Nais ko lang maging totoo dahil paniguradong hindi ka na magtatagal sa lugar na ito.”
A silence between them was peaceful. Payapa ngunit masakit. Kumalas mula sa kaniyang pagkakayakap si Utav at lumayo nang ilang distansya mula sa puwesto ni Yaveni. Huminga siya nang malalim at sinubukang patigilin ang kaniyang pagtangis.
“Akala ko kasi kapag hiniling ko ang kahit ilang sandali lamang na magkasama tayong dalawa, kahit saglit na pagkakataon lang, magiging maayos na ako. Makukuntento na ako kasi makikilala na rin siya nang personal,” pagpapatuloy nito sa kaniyang nasimulan na kuwento.
Sa isip pa niya’y mas mabuti pang magpakatotoo na siya ngayon bago pa siya makaramdam ng matinding panghihinayang sapagkat nasa dulo na sila ng kuwentong siya rin naman ang may gusto na ito’y maisulat.
“Subalit walang nakapagsabi sa akin na napakahirap pa lang magpaalam sa taong ayaw mong kalimutan, sa taong minsan na ring nagdala ng kasiyahan sa puso mo at sa isang iglap, kayang-kaya pa lang bawiin ito mula sa iyo.”
“Ikaw ang aking pansamantalang saya ngunit pangmatagalang sakit. At hindi mo kasalanan na hindi mo ako kayang piliin ngayon dahil sino ba naman ako sa buhay mo. Bigla lang naman ako sumulpot, hindi ba?” Bakas sa mukha ng binata ang hapdi ng reyalisasyong dapat niyang tanggapin anuman ang maging pasya ng babaeng ngayon ay tumatangis na rin kasama niya.
“Utav…” nanghihinang tawag nito sa ngalan ng lalaking minsan na rin siyang inalagaan sa loob ng ilang mga araw.
“Ngunit huwag na huwag mo sanang iisipin na pinipilit kita dahil kailanman hindi ko naisip na iyon ang aking gawin. Masaya na ako sa simpleng ikaw, binibini. Masaya na ako na nakita kita, nakilala, at nakasama sa mga nakalipas na araw.” Lumapit si Yaveni kay Utav at dahan-dahang pinunasan ang mga luhang nitong tuloy-tuloy na umaagos mula sa mga mata nito.
“Patawad sapagkat naging sakim ako’t hindi ko man lang naisip na may mga maiiwan ka pa lang importanteng mga bagay mula sa mundong pinanggalingan mo.” Dagliang niyakap ni Yaveni si Utav at noong kumalas ito mula sa kaniyang pagkakayakap sa binata’y saka naman siya nagsalita. Nakipagtitigan pa ito at hinayaang tumulo ang kaniyang mga luha mula sa kaniyang mga mata pababa sa kaniyang mga pisngi.
“S-Salamat sa pagiging honest mo. Thank you kasi kahit na hindi ako naging mabuti sa iyo noong una kitang nakilala sa lugar na ito at kahit puro pangdududa ang ginawa ko, pinipili mo pa ring alagaan ako at kahit na ayaw ko, nariyan ka pa rin para sa akin. Alam ko’t nararamdaman ko, na kaya mo lang naman ito nagawa ay dahil sa minahal mo lang naman ako. Pero Utav, maniwala ka. Sa mga araw na nakasama kita, lagi mo akong pinabibilib sa pagiging sinsero mo at naniniwala akong deserve mo ring sumaya pagkatapos nito,” ani Yaveni na animo’y nagpapaalam na siya sa kaniya.
“Hindi ko maipapangako sa iyo na kakayaning kong maging masaya pagkatapos mong lumisan ngunit pipilitin ko. Pipiliin kong maging masaya para sa ‘yo. Ganoon ka kaimportante sa akin at sana alam mo iyon. Sana naramdaman mo iyon habang nandito ka’t kasama mo ako.”
“Ramdam ko. Huwag kang mag-alala, sapat na sa akin bilang patunay ang lahat ng ginawa mo para sa akin,” paniniguradong saad ng dalaga sa pag-o-overthink ng lalaking titig na titig sa kaniyang mukha ngayon. Lumayo sila sa isa’t isa ay parehong huminga nang malalim. Naramdaman nila pareho ang bigat ng atmosperang sila rin mismo ang may gawa.
Ilang sandali pa’y lumitaw muli ang isang pamilyar na liwanag na nagpasilaw sa dalawa. Ang munting liwanag na iyon ay nagpormang tao at doon unang nagkatagpo ang kani-kanilang mga karakter. Si Utav, si Aven at ang Awadi sa gitna ng kagubatan ng Imutaven.
“Nalalabi na ang oras. Kailangan na ninyong magdesisyon dahil ang kapangyarihan na ginamit ko para sa lugar na ito ay unti-unti na ring maglalaho anumang oras mula ngayon,” mahinahon munit maawtoridad niyang wika sa kanilang dalawa.
Una niyang tiningnan si Utav. “Kailangan mo na siyang palayain,” baling pa nito sa kaniya. Sunod naman ay humarap siya sa babaeng nasa tapat nito. “At sa oras na sumagot ka sa akin nang may kasiguraduhan sa iyong desisyon, lahat ng alaala na mayroon kayong dalawa’y mawawala at hindi na muling maaalala pa ng isang kagaya mong mortal.”
“Subalit, bakit?” nagugulumihanang anas nito sa kaniyang kausap.
“Dahil sa kapasidad na mayroon kayong mga mortal, hindi ninyo kayang paniwalaan ang mga bagay na kagaya nito. Bihira sa inyo ang kayang maniwala sa kababalaghang itinatago ng bawat misteryong mayroon sa isang mundo na kailanman ay hindi ninyo maaaring matuklasan.”
“W-Wala akong maintindihan…” Napaawang ang labi ng dalaga at wala sa wisyong umiling. Pinipilit niyang i-sink-in sa isip niya ang lahat ng impormasyong inilalahad ngayon ng diwata sa kaniya.
“Oo o hindi lamang ang iyong maaaring itugon, Yaveni.”
“Pero…”
“Desidido ka na bang umalis sa lugar na ito?”
Panandaliang tumingin si Yaveni kay Utav. Nasilayan nito ang isang sinserong ngiti mula sa mukha ng lalaki. Isang uri ng ngiti na nagsasabing, “Sige na, puntahan mo na ang mama mo, mas kailangan ka niya kaysa sa akin.”
Dahan-dahang tumango ang dalaga at nang makita ng diwata ito ay saka niya pinagmasdan ang nagdadalamhati nitong alaga. Sa ikalawang pagkakataon, nakakita muli siya ng panibagong wasak na puso dahil sa pag-ibig na ibinagbabawal sa kadahilanang magkaiba ang kanilang mundong ginagalawan.
At habang lumuluha’y pumikit nang mariin si Yaveni, ninanamnam niya ang kasalukuyang lungkot na bumabalot sa kaniya dahil sa mga alaalang biglang unti-unti na ring naglalaho mula sa munti niyang isipan.
“Mahal kong Imutaven…”
Taimtim siyang nagdasal na sana’y panaginip na lamang ang lahat ng ito at noong bigla niyang imulat ang kaniyang mga mata’y nagulantang na lamang siya sa kaniyang nakita. Nasa isang silid siya, maingay at pawang abala ang lahat. Isang guro ang muling pumasok sa silid na iyon. Doon nito napatunayang nasa school na muli siya at nagising sa isang mahaba’t parang totoong panaginip. Nang haplusin niya ang kaniyang mga mata’y doon niya lang din napagtantong may mga natuyo siyang luha sa kaniyang pisngi.
Dagliang nangunot ang kaniyang noo at mahinang kinausap ang kaniyang sarili. “Anong nangyari? Bakit ako umiiyak gayon hindi naman ako nalulungkot o nasasaktan? Bakit parang wala akong maalalang nagpaiyak sa akin ngayong araw? Anong nangyayari sa akin?”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top