Imutaven 1
CHAPTER 1: BLUE BIRD.
“Binibini!”
Nanginginig ang buong katawan ko habang nakatitig sa mga ahas na nakapalibot ngayon sa akin. Hindi ako makagalaw sa kasalukuyan kong puwesto sapagkat, natatakot akong kapag ginawa ko iyon ay sabay-sabay silang lalapit sa akin. Nakatayo lamang ako roon hanggang sa may isang tao ang biglang sumulpot mula sa kung saan.
“Huwag kang gagalaw, lalapit ako’t tutulungan kita.” Napalunok ako sa sinabi niya, umaasang matutulungan niya talaga ako ngayon.
Ilang sandali pa ay may mga inilabas siyang mga dahon. Hindi ako sigurado kung ano-ano ang mga ito. Nangunot ang noo ko habang pinagmamasdan ko siya.
Ano bang ginagawa ng lalaking ‘to? Makakatulong ba talaga ‘yung mga dahong pinagkukuha niya sa mga puno?
Seryoso siya habang naglalakad palapit sa akin at wala pa ngang ilang minuto ay nakuha na niya kaagad ang atensyon ng mga ahas at isa-isa niya itong pinaghahampas ng mga dahon na hawak niya.
Ang weird man pero epektibo ‘yung ginawa niya, kaso ang risky din kasi muntik na rin siyang matuklaw kanina.
“Ayos ka lang ba, binibini?” aniya. Hindi ko alam kung mabait lang ba talaga siya o ano pero na-guilty ako kasi kinailangan pa niyang gawin iyon para lamang matulungan ako.
“Ayos lang ako, ikaw?”
“Mabuti naman kung gayon. Ayos lang din, hindi naman ako natuklaw, e.”
Tss. Muntik na kaya. Kung hindi ko lang sinabi na mayroon sa likod mo, hindi mo pa malalaman.
Bumuntong-hininga muna ako bago muling nagsalita. Umiwas ako ng tingin mas lalo na noong lumapit siya’t tumabi sa akin. Naramdaman ko tuloy ‘yung pawis niya sa balat ko. “Maraming salamat,” bulong ko, sapat para marinig niya.
“Walang anuman, ang mahalaga ay nasa maayos kang kalagayan.” Hindi na ako nakaimik pang muli matapos kong makita ang ngiti sa kaniyang mukha.
Ang guwapo kasi niya. Na-speechless tuloy ako.
“Ano pa lang pangalan mo?” usisa nito nang mapansin niyang tumahimik ako. Saglit akong nakipagtitigan sa kaniya, mata-sa-mata.
“Ikaw muna,” balik-tanong ko sa kaniya na tinawanan niya lang. Pasimple kong inilagay ang dalawang kamay ko sa likuran ko. Nahihiya ako pero syempre, sa loob ko gusto ko talaga muna hingiin name niya.
“Tawagin mo na lamang akong…”
Dagliang nagising ang diwa ng isang dalaga nang bigla itong makaramdam ng palo mula sa kung saan. Wala sa wisyo itong tumingin sa kaniyang paligid hanggang sa mapako ang paningin nito sa babaeng nasa harapan niya lamang.
“Ma!” singhal nito saka inis na tumingin sa isang ginang na seryosong nakapamewang sa harap ng bagong gising na dalaga. Kasalukuyang nakasuot ito ng kulay asul na pajama at asul na sando. Marahang bumangon ang babae at habang kinukusot ang kaniyang mga mata ay siya namang pag-inat ng mga braso nito.
“Aba, e. Anong oras na? Wala kang balak pumasok? Bilisan mo ng kumilos at mahuhuli ka na naman!” sigaw nito saka hinintay na kumilos ang kaniyang anak.
“Oo na, ito na po.” Pagkatayo ng babae ay siya namang paglabas ng kaniyang ina sa kuwarto nito. Walang ibang nagawa ang dalaga kundi ang sumunod at binilisan ang kaniyang kilos.
Kung kanina’y nakapantulog ito, ngayon ay nakasuot na siya ng isang puting blouse, may school logo sa kanang bahagi nito at ipinares niya ito sa isang above-the-knee na black skirt. Pasipol-sipol pa siyang tumingin sa bilugan nitong salamin na nakapatong sa kaniyang study table.
At sakto nang mahagip ng kaniyang mata ang kuwadradong orasan na nakasabit sa dingding katapat ng kaniyang kama ay dahan-dahang napaawang ang kaniyang labi. Walang ano-ano ay bigla na lamang itong sumigaw matapos niyang makita ang kasalukuyang oras.
Time check. 6:27 am.
“Mama! Bakit ngayon mo lang ako ginising?” toreteng aniya habang nagsusuot ng puting medyas.
“Aba, kasalanan ko? Kanina ka pa namin ginigising, a. Mukhang nag-e-enjoy ka pa nga sa panaginip mo kaya hindi ka magising kaagad, e.” Huminga na lamang nang malalim ang babaeng napagsabihan ng kaniyang ina.
“Alis na ako, Ma.” Lakad-takbo na ang ginawa nito palabas ng bahay nila.
“Kumain ka muna!” pahabol pa ng kaniyang ina. Ngumiti siya sa harap nito at kumaway.
“Sa school na lang, I love you. Bye,” sunod-sunod na sambit ng dalaga saka tumakbo patungo sa kaniyang paaralan.
At dahil walking distance lang naman ang paraalan nito’y mabilis din naman siyang nakapasok sa mismong school niya. Umakyat ito ng hagdan sapagkat nasa 4th floor pa ang pinaka-room nito. Habol ang kaniyang hininga ay nakayuko siyang pumasok sa loob ng classroom nila.
“Ms. Yaveni Emna Revlo?”
Awtomatikong tumayo nang tuwid ang buong katawan niya. Dahan-dahan niyang inilapag ang bag nito palapit sa upuan niya ’tsaka ito nakipagtitigan sa kaniyang titser upang hindi makahalatang late siya sa klase nito.
“Present po, Ma’am.” Napalunok si Yaveni at hinintay na tumugon ang kaniyang titser.
Matapos niyang makita na tumango ang kaniyang guro ay doon niya lang inayos ang sarili upang makaupo ito nang matiwasay sa kaniyang arm chair. Nakaupo ito sa dulong bahagi ng silid nito katabi ang mga bintanang mayroon dito.
Sakto noong natapos ang first period nila’y isang kulay asul na uwak ang biglang nagpakita kay Yaveni. Salubong ang dalawang kilay niya habang taimtim na tinitingnan ito. Kasalukuyan silang naghihintay sa next subject teacher nila.
Sa isip pa ng dalaga’y sinabi pa nitong: Ngayon lang ako nakakita ng uwak na color blue, a. Weird.
Hindi na niya sana ito papansinin pa nang bigla na lamang itong napadpad sa lamesa niya’t kinuha ang isang pirasong papel na sinusulatan nito ng kaniyang concept notes.
“Akin na ‘yan,” may halong pagbabantang saad ni Yaveni na animo’y kinakausap nang masinsinan ang uwak na kasalukuyang kagat ang papel nito.
Matapos ang ilang segundong pakikipagtitigan ay inilipad ng kulay asul na uwak ang papel na iyon at wala sa wisyong sinundan ito ni Yaveni. Sinubukan niyang abutin ito sa pamamagitan ng pag-angat sa mga braso’t kamay niya, dahilan upang hindi niya namalayang nakaakyat na siya sa bintana ng kaniyang silid-aralan.
Bago pa man niya ihinto ang kaniyang pag-abot sa uwak ay nauna ng nalaglag ang kanang paa nito na sinundan pa ng kaliwang paa niya. Kaagad itong humiyaw subalit walang boses ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Napapikit na lamang siya’t mahinang nagdasal sa maaaring sapitin nito.
Ilang sandali matapos mapagtanto ni Yaveni na nahulog siya sa school building nila ay walang ano-ano’y lumakas ang hangin at tuluyang naging purong asul ang buong paligid. Unti-unting nabuo ang isang maliit na ipo-ipo hanggang sa lumaki ito at nasalo ang nahulog na babae.
Akala niya’y mamamatay na siya pagkatapos no’n subalit nagkamali siya. Hinintay niyang sumagi ang kaniyang katawan sa isang malamig na semento ngunit kabaliktaran ang nangyari. Pinakiramdaman pa nito nang maigi ang kaniyang sarili. Nakapikit pa rin siya habang nakayakap sa mismong katawan nito hanggang sa may maramdaman siyang mga kamay na nakalagay sa parehong binti niya pati sa kaniyang likuran.
Kaagad niyang iminulat ang mga mata nito at doo’y nakita ang isang ‘di pamilyar na mukha. “Sino ka?!” bulalas ng dalaga. Hindi alintana ang pagbabago ng paligid, mas nagpokus ang dalaga sa taong ngayon ay blangkong nakatitig sa kaniya habang karga-karga ito.
Bago pa man makasagot ang lalaki ay nagwala na kaagad ang babaeng hawak-hawak nito. “Bitawan mo ako!” At imbis na sumunod ay mas hinigpitan pa ng lalaki ang pagkakahawak sa nasalo niyang dalaga mula sa isang matikas na puno, kung saan pansamantalang nagpapahinga ang binata.
“Shh, kumalma ka, binibini.”
“Bakit ba? Manyakis ka, ano? Bitawan mo nga sabi ako! Ibaba mo ako, ngayon na!”
Nagpumilit pa ring kumalas si Yaveni sa lalaki at dahil sa kabigatan nito’y wala na ring nagawa pa ang binata kundi ang bitawan ito. Muling sinamaan ng tingin ni Yaveni ang binatang bumuhat sa kaniya. Maglalakad na sana ang dalaga palayo nang may makita itong sawa.
Lintek na ‘yan. Parang napanaginipan ko pa ito kanina, a.
Umiling ang dalaga matapos itong magsalita sa loob ng kaniyang isip. Bumalik siya at marahang hinawakan ang lalaking kasama nito. “Tutulungan mo naman siguro ako, ‘di ba?” usisa pa ng dalaga.
Impossibleng hindi dahil sa panaginip ko ay tinulungan ako ng isang guwapo lalaki…
“Hindi, bakit naman kita tutulungan?” Napaawang ang labi ng babae at hindi kaagad nakaimik.
Nanatili itong tahimik hanggang sa…
“Ano?!” Naningkit ang mga mata nito at dagliang hinablot ang damit ng lalaki. “Ano ba?! Kanina ayaw na ayaw mong hawakan kita tapos ngayon hahawakan mo ako?” anas ng binata sa dalagang kasama nito.
“Tutulungan mo ako sa ayaw mo man o sa gusto. Gumawa ka ng paraan para mawala ang sawa na ‘yan sa harapan ko,” mariing utos pa nito sa kaniyang kasama.
“Ni hindi ka nga marunong magpasalamat, kaya bakit pa?”
“Dali na, kasi!” mando ng dalaga sa kasama nito.
“Hindi ka niyan tutuklawin kasi kaibigan ko ‘yan,” mahinahong paliwanag ng binata sa babaeng mariing nakakapit sa kaniyang suot ng kamiseta. “Ha? Nababaliw ka ba? Hindi porket may kaibigan kang ahas e, hindi na nanunuklaw ‘yan. ‘Tsaka, ang weird mo naman. Maghahanap ka na nga lang ng kaibigan, literal na ahas pa talaga.”
“Bakit? Gugustuhin mo ba akong kaibiganin pagkatapos nito?”
“Anong pinagsasabi mo?”
“Oo o hindi lamang, binibini.” Napalunok na lamang ang dalaga’t saka pumikit bago sumigaw. “Oo na, basta paalisin mo na ‘yan! Natatakot na ako, e.”
“Paalam na muna, kaibigan.” At sa mga simpleng salita na iyon, walang mintis na sumunod ang sawa na kanina lamang ay nananakot sa babae.
What the heck, magkaibigan ba talaga sila ng ahas na iyon?
Tumikhim si Yaveni at dali-daling lumayo sa binata. “Ako si Utav, ikaw? Anong pangalan mo?” Hindi ako umimik. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad ko hanggang sa bigla na naman niya akong hawakan pero this time, sa kamay ko naman.
“Binibini!”
“Bakit ba? Kanina ka pa nanghahawak, a. Nakakairita ka na.”
“Hindi ba’t magkaibigan na tayo? Hindi ba’t normal naman sa isang magkaibigan na kilalanin ang isa’t isa?”
“Puwes, ayaw kong magpakilala sa ‘yo.”
“Huwag kang pumunta riyan, binibini!”
Huli na noong binalaan ni Utav ang babae. Sakto kasi nang hawakan ni Yaveni si Utav ay siya namang pagkahulog nilang dalawa sa isang nahukay na patibong at doo’y hindi nila inaasahan na…
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top