Pakisabi Na Lang

MAY PAGKAKATAON sa buhay natin na magmamahal tayo sa isang tao na hindi natin magagawang ipagtapat kahit pa gaano natin kagusto. Hindi dahil duwag ka, kung 'di dahil hindi lang pwede.

Marami na akong nakasalamuha at nakilala, pero ang puso ko tumitibok lang para sa isang tao sa loob ng mahabang panahon. Siya 'yong taong nahahawakan ko pero hindi maabot-abot ng puso ko. 'Yung nakikita ko nang malapitan pero para bang ang layo-layo niya.

Nakilala ko si William dahil sa kapatid niyang si Zyrene na college friend ko. Tuwing pumupunta ako sa kanilang bahay ay nakikita ko si William hanggang sa naging malapit na rin kami sa isa't isa.

Si William 'yung taong magugustuhan mo hindi dahil sa gwapo siya, kung 'di dahil sa maganda niyang pag-uugali. Siya 'yung hahangaan mo dahil sa magaganda niyang ngiti. Siya 'yung mamahalin mo dahil totoo siyang tao.

Si William 'yung taong minahal ko nang hindi ko nagawang hilingin na sana masuklian niya 'yung nararamdaman ko. Dahil hindi pwede. Dahil unang-una magkaibigan kami at huli ay dahil hindi ako ang taong magagawa niyang mahalin ng higit pa sa pagkakaibigan.

"Hindi ka naman nanliligaw sa kapatid ko, 'di ba?" nakangising tanong ni William na tatlong beses pang tinapik ang likod ko. May tono ng panunukso ang boses.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko sa naging tanong niya. Hindi ko alam ang isasagot ko kaya hindi ko magawang umimik. Pakiramdam ko ay para akong ipinako sa kinauupuan ko.

"Kuya!" angil ni Zyrene kaya pareho kaming napalingon ni William sa kanya. Nakabusangot ang kanyang mukha at masama ang tingin sa kapatid. May bitbit siyang tray habang papalapit sa amin. Ipinatong niya iyon sa center table. "Merienda ka muna, Seb." Mahinahon na ang boses niya nang alukin ako. Bumalik ang tapang sa kanyang mukha nang muli niyang hinarap ang kapatid niya. "What kind of question is that, huh?"

"What? Masama ba iyon?" natatawang tanong ni William.

"Oo, masama iyon!"

"Hoy, Zy, ano ka ba! Okay lang 'yon," saway ko sa kanya.

"Teka, ano bang problema?" may pagtataka ng tanong ni William.

"He's a she, kuya," pabulong na ani Zyrene na akala mo'y hindi ko maririnig iyon.

Namilog ang bibig ni William at dahan-dahan akong nilingon. "I-I'm sorry, Seb. I didn't know," hinging paumanhin niya.

"It's okay," may tipid na ngiting ani ko.

Nang araw na iyon ay may namumuo na akong pagtingin kay William kaya naman nakaramdam ako ng takot na baka umiwas siya sa akin dahil sa nalaman niya. Pero lalong lumago ang nararamdama ko sa kanya pagkatapos no'n.

"Aren't you scared of me?" tanong ko sa kanya isang gabi habang parehong nakaupo sa kanilang garden at umiinom ng alak.

"Bakit naman ako matatakot sa'yo?"

"Because I'm gay."

Matunog ang naging pag-ngisi niya. Tumungga ng beer sa can bago ako sinagot, "May mga kaibigan akong tulad mo at mabubuti silang mga kaibigan." Nilingon niya ako, ngumiti at mahinang tinapik ang tuktok ng aking ulo. "At mabuti kang kaibigan, Seb. Kahit ano pang kasarian mo, kaibigan kita. At ang kaibigan hindi kinatatakutan."

Ang sarap sa pakiramdam na tanggap niya ako, na hindi nagawa ng ibang mahal ko sa buhay.

Lumago nang lumago ang nararamdaman ko kay William sa pagdaan ng mga buwan. Pero maraming araw na ipinapakita sa'kin na hanggang doon lang. Hanggang tahimik na pagmamahal lang ang pwede kong gawin.

Mayroon siyang girlfriend at apat taon na sila. Nakikita kong mahal na mahal nila ang isa't isa. Maraming beses na umiyak ako dahil nasasaktan, pero matatapos ang araw na magpapasalamat dahil masaya siya. Dahil para sa'kin, mas mahalaga ang kaligayahan niya kaysa sa pagmamahal na nararamdaman ko sa kanya.

"You like him?" tanong ni Zy habang nag de-decorate kami ng kanilang garden para sa silver wedding ng parents nila.

" Who?"

Inginuso niya ang likuran ko. Kahit hindi lingunin 'yon ay alam ko na kung sino'ng tinutukoy niya. "Nope," sagot ko bago ipinagpatuloy ang pag-gawa ng balloon arch.

"Oh, come on, Sebastian. Maglilihiman pa ba tayo rito?"

Nilingon ko siyang muli. Umangat ang mga kilay niya, naghihintay sa pag-amin ko. Malalim akong bumuga ng hangin bago dahan-dahang tumango. Nasapo niya ng dalawang kamay ang kanyang bibig habang nanlalaki ang mga mata.

"Oh, my God! Oh, my God! Seriously? Kailan pa?"

"Ah, two years?"

"Why didn't you tell me?" asik niya.

"Bakit ko naman sasabihin sa'yo?" nakangiwi kong ani.

"At bakit hindi, aber?"

"Wala lang. Ang awkward para sa'kin."

Malakas niyang hinampas ang braso ko. "Gaga! Okay lang sa'kin 'yon,'no! Ang sama ng ugali mo! Kaibigan mo ako pero inilihim mo 'yan! How dare you!"

"Ang oa mo," ani ko at inirapan siya. "What?" tanong ko nang makita ang bigla niyang pagsimangot.

"Ilang beses mo silang nakitang magkasama ni Ate Liziel, ibig sabihin ilang beses ka ring nasaktan. Wala man lang akong nagawa."

"Parte 'yon ng pagmamahal, Zy. At mayroon kang nagawa. Ikaw kaya ang kasa-kasama ko sa paglaklak," natatawa kong ani.

"Bakit kasi si Kuya pa!"

Napangiti ako roon pero hindi na nagawang sumagot dahil isa lang naman ang magiging sagot ko roon at alam kong alam na niya iyon. Hindi natuturuan ang puso. Hindi mo pwedeng utusan na huwag titibok sa taong hindi mo pwedeng mahalin at doon lang magmahal sa malaya kang maipapakita ang pagmamahal mo. Komplikado ang pag-ibig. Komplikado ang pag-ibig ko.

Kung anu-ano pang inusisa ni Zy tungkol sa pagkakagusto ko sa kuya niya. Nang araw na 'yon pakiramdam ko nagkaroon ako ng karapatan na mahalin si William. Dahil noong ako pa lamang ang nakakaalam ng nararamdaman ko tungkol sa kanya, pakiramdam ko mali iyon. Pakiramdam ko wala akong karapatan doon.

Nakapagtranaho ako sa isang five star hotel, makalipas lang ng ilang buwan ay nadestino ako sa branch sa Cebu kaya nagkaroon ako ng pagkakataong malayo kay William. Habang naroon ay sinubukan kong kalimutan siya. Nagsaya ako, kumilala ng mga bagong kaibigan, at mas itinuon ang pagmamahal para sa sarili. Pero nang magawi siya roon at nagkita kami, doon ko napatanto na hindi na mabubura pa ang pagmamahal ko sa kanya. Nakaukit na siya sa puso ko.

Natigilan ako sa pagkakabit ng necktie. Napalingon sa aking cellphone na nasa side table nang marinig ang malakas na tunog niyon. Agad akong lumapit roon at sinagot ang tawag.

"Hello, Zy?"

"Seb."

"Is there any problem?" tanong ko nang maulinigan ang lungkot sa kanyang boses.

"He's... He's getting married."

Humigpit ang kapit ko sa cellphone. Nangatal ang tuhod ko at napaupo sa kama. Napapikit ako. Kahit hindi tanungin ay alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.

Kasabay ng muling pagsasalita ay pagpatak ng mga luha ko. "Who?"

"Kuya William."

May pagkakataon sa buhay natin na magmamahal tayo sa isang tao na hindi natin magagawang ipagtapat kahit pa gaano natin kagusto. Yung magtitiis ka na lang na masaya mo siyang nakikita pero hindi mo maiparamdam sa kanya kung gaano siya kahalaga sa'yo. 'Yung titiisin mo na lang ang bawat kurot sa puso mo kapag nakikita mo siyang masaya sa piling ng iba. 'Yung tanging kaligayahan niya na lang ang mahalaga sa'yo kaysa ang nararamdaman mo sa kanya.

Habang nakatitig sa papalubog na araw ay tanging si William lang ang nasa isip ko. Ipinapanalangin ang kasiyahan nila ng taong mahal niya para sa bagong yugto na papasukin nila.

Iniangat ko ang aking kanang kamay. Binuklat ko ang hawak kong nakatuping papel kung saan ko isinulat ang lahat ng nararamdaman ko para kay William sa loob ng limang taon. Muli ko 'yong binasa. Habang binabasa iyon ay bumalik sa alaala ko ang simula ng pagmamahal ko sa kanya. Hindi man nagawang iparating sa kanya ang pagmamahal ko, masasabi kong minahal ko siya na may kasiyahan ang puso. Siya ang pangarap ko. Pangarap na mananatili sa aking puso kahit hindi iyon naabot.

Isang ngiti ang sumilay sa aking labi nang matapos iyon. Isinilid ko ang papel sa isang bote at tinakpan. Naglakad ako palapit sa karagatan hanggang mabasà ang aking mga paa at doon ay ibinaba ang hawak. Nakangiti kong pinanood iyon nang dalhin iyon nang maliliit na alon. Nang makalayo na siya ay tumalikod ako at sa sulat na iyon na lamang ipinagkakatiwala ang pagmamahal na hindi ko nagawang iparating sa pinakamamahal ko.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top