Dahil Mahal na Mahal Kita

NAKASANDAL ako sa bintana ng kusina ng aming boarding house habang nakatutok ang paningin ko sa labas. Sa ibaba ay makikita ang kainan na nasa gilid nito. Mayroon din doong bilyaran at computer shop. Isang hanay iyon na nakapaharap sa gawi kong ito.

Mula sa kinauupuan ay nakikita ko ang mga estudyante ng University. Habang mag-isang nagpapahinga, binubusog ko ng awitin ang damdamin ko. Masasakit na awitin.

Napalingon ako sa pasilyo nang makarinig ng ingay ng yabag. Nakita ko ang papalapit kong pinsan na si Kreng. Halos maiwan na ang suot nitong sapatos sa ginagawang paglalakad. Bitbit nito ang bag at sa isang kamay ay plastic na hula ko ay binili niyang ulam ang laman.

"Kagutom!" reklamo niya nang maupo sa harapan ko. "Tapos ka ng kumain?"

"Tapos na. Kain na. Ito, soft drinks, oh." Inusod ko ang isang malaking bote ng soft drinks papunta sa kanyang harapan.

"Nasa baba sila Yumi, ah." Tukoy niya sa classmate slash barkada ko.

"Hayaan mo sila. Aakyat 'yong mga 'yon mamaya rito."

"Nakita ko rin si Raven sa tindahan nila Kuya Rolly. Bakit hindi kayo sabay naglunch?" tanong niya pa bago sumubo ng kanin. Kahit bahagyang nakatungo ay hindi naaalis ang tingin niya sa akin.

Naudlot ang pagkuha ko sana sa ulam niya at napaiwas ako ng tingin. Alam kong oras na umiwas ako ng tingin ay raratratin niya agad ako ng mga tanong at panenermon, pero iyon lang ang tangi kong nagagawa kapag hindi ko gustong sagutin ang una niyang naging tanong.

"Nag-away kayo?" Umiling ako. "Eh, ano? Nahuli mo na namang nambabae?"

"Hindi naman 'yon nambabae." Ibinaba ko sa lamesa ang tinidor na hawak. Umpisa na naman ang pinsan ko sa topic na iyon. At kapag nag-umpisa iyan, hindi titigil hangga't may oras siya para roon.

Nilingon ko ang labas ng bintana. Naroon na sa bilyaran ang tatlong kalalakihan na tinitingnan ko kanina sa carenderia. May katabi ng babae ang isa sa kanila. Muli kong inalis doon ang tingin ng magtawanan ang dalawa hanggang sa akbayan na ng lalaki ang babae at halos magyakapan na.

"Huwag ako, Jazmine Sarah. Ilang beses mo na bang nahuling may kalandian at ka-chat 'yon na kung sinu-sinong babae? Hindi ba pambababae 'yon?"

"Huwag mo nga akong umpisahan. Tanghaling tapat," reklamo ko. "Kumain ka na nga lang."

Masama ang loob, hindi ko alam kung para sa pinsan ko dahil sa panenermon niya o dahil sa nakikita kanina pa, padabog akong tumayo at binitbit ang kinainan papunta sa sink. Nag-umpisa akong hugasan iyon habang nabibingi sa mga sinasabi ng pinsan ko.

"Ewan ko sa'yo. Nagtitiis ka ro'n sa boyfriend mong walang ginawa kung 'di saktan ka."

Malalim akong bumuga ng hangin.

Sabi nila, ang matatalino raw nagiging tanga pagdating sa pag-ibig. Matalino akong tao. Gumraduate nga akong valedictorian noong elementary hanggang high school, at maski ngayong kolehiyo ay hindi ako nawawala sa Dean's Lister.

Matalino akong tao, alam ko 'yon sa sarili ko. At alam ko rin sa sarili ko na sa mga oras na 'to nagpapakatanga ako dahil sa pag-ibig. Natatawag akong hibang dahil sa pagmamahal ko sa lalaking wala akong kasiguraduhan pero hindi ko mapakawalan.

Tanga na kung tanga, pero ano'ng magagawa ko, nagmahal lang naman ako. Nagmahal lang ako sa taong hindi magawang mapanindigan ang salitang "ikaw lang at wala ng iba", pero sa kabila no'n nanatili akong tapat sa kanya.

Magtatatlong taon na ang relasyon namin ni Raven. Hindi siya ang una kong nakarelasyon pero siya ang minahal ko nang tagos sa puso. Hindi ko alam kung anong ginawa niya sa akin, kung bakit ganito ko siya ka-mahal kahit pa alam ko na mayroon siyang mga maling ginagawa.

Matunog ang pangalan niya dahil nga matinik sa babae, kaya kilala ako ng lahat bilang girlfriend niya. Hindi ko lang sigurado kung ano'ng mayroon sa pag-iisip ng mga babaeng patuloy pa ring pumapatol sa kanya kahit alam nila ang katotohanang iyon.

Alam ko naman sa sarili ko na hindi ko dapat sinisisi ang mga babaeng napapalapit sa kanya, dapat ay si Raven dahil sa umpisa pa lang, kung hindi niya naman lalandiin ang mga babaeng 'yon hind naman siya lalapitan ng mga 'yon.

Madalas kong komprontahin si Raven, lalo na kapag nakikita mismo ng mga mata ko iyon pero sinasabi niya lang na nakikisama lang siya sa mga iyon. Pakikisama ba ang aakbayan at yayakapin? Ang lambingan sa chat?

Alam niya namang sobra akong nasasaktan, pero patuloy niya pa ring ginagawa. Palagi kong sinasabi na kung talagang mahal niya ako, iiwasan niya ang mga ganoong bagay. Pero wala, patuloy pa rin siya. At ito naman akong si tanga, nakikita na nga iyon, patuloy pa ring nagmamahal sa kanya.

"Pumapayag kang ginaganyan ka, eh, kaya hindi nagtitino 'yon. Iwan mo para magkaalaman. Kapag sinuyo ka at nagbago, eh 'di wow. Kapag hindi, aba hindi mo na kawalan 'yon. Nako, Jazmine. Marami pang iba riyan. Matitino pa. Huwag kang magtiis sa ganoong klase ng lalaki."

Pinahid ko ang mga luhang kumawala sa mga mata ko. Hindi lang naman sampung beses akong inuudyukan ng pinsan ko, kahit pa mga kaibigan ko, na iwan na si Raven. Pero kahit ano namang tulak nila, kung ayaw ng puso ko, hindi ko 'yon magagawa. Para lang akong bingi sa mga sinasabi nila. Ganoon siguro kapag tanga sa pag-ibig. Bulag na nga, bingi pa.

"Kung ako sa'yo iiwan ko talaga 'yan. Hindi mo deserve ang ganyang lalaki. Ang tali-talino mo at ang ganda-ganda mo tapos nagtitiis ka roon?"

Malalim akong nagbuga muli ng hangin. Pinapaanod ang tumatarak sa puso ko dulot ng mga sinasabi ni Kreng. Pinunasan ko ang mga kamay sa puting tela na nakasabit sa maliit na refrigerator. Tuyong-tuyo na 'yon pero patuloy pa rin ako sa pagpupunas habang tulala sa kawalan.

Iniisip ko kung tama ba ang pinsan ko, oras na ba para pakawalan ang lalaking nagiging sanhi ng bawat kirot sa puso ko? Pero paano ko pakakawalan ang lalaking iyon kung siya rin ang nagiging gamot ko sa bawat bigat ng damdamin ko?

Maloko si Raven pero siya 'yong lalaking sumusuporta sa lahat ng gusto ko sa buhay.
Siya 'yong isang tawag ko lang nasa tabi ko na siya. Hindi ako magdadalawang sabi kapag sinabi ko sa kanyang gusto ko siyang makasama at kailangan ko siya. Siya 'yong handang makinig sa mga hinahing ko sa buhay nang walang panghuhusga. At siya 'yong tao na ipaparamdaman sa'yo na hindi mo kailangang magmakaawa ng atensyon dahil kusa niya 'yong ibibigay. Ang masakit lang, hindi lang sa akin niya ginagawa iyon.

"Hindi ka ba nagsasawang masaktan?"

Natigil ako sa pagpupunas ng mga kamay ko at nilingon siya. Nakatutok ang paningin niya sa labas ng bintana.

"Kanina pa roon ang boyfriend mo?" Nilingon niya ako. Nakataas ang gilid ng labi at umiling nang umiling. "Hanga rin talaga ako sa'yo. Nakikita mo nang nakikipaglandian pero hinahayaan mo lang. Pagod na akong magsalita sa'yo. Iintayin ko na lang na ikaw mismo ang kumalas diyan."

Nakabalik na ako't lahat sa University pero hindi nabura sa isip ko ang mga sinabi ng pinsan ko. Halos araw-araw niya naman akong sinesermunan tungkol doon pero iba kanina. Parang tumatagos na sa puso ko 'yon. Hindi tulad noon, papasok sa isang tenga ko at lalabas sa kabila.

"Oh, ayan na sundo mo."

Nilingon ko ang pinto ng classroom. Nakita kong nakatayo roon si Raven at binabati ang lahat ng dumadaan doon, mapababae man o lalaki.

"Chick boy," tudyo ng kaibigan kong si Reinalyn.

"Mauna na ako," paalam ko sa kanila. Bumeso ako sa mga kaibigan kong babae bago umalis doon. Kita ko man ang disgusto nila sa boyfriend ko ay hindi ko na iyon pinansin pa iyon.

Pagkalapit ko kay Raven ay agad niyang kinuha sa akin ang tote bag ko at isinabit iyon sa kanyang balikat. "Saan tayo?" tanong niya.

"Boarding house?"

Nakangiti siyang tumango at inakbayan ako. Habang naglalakad, naiisip ko ang nakita ko kanina sa bilyaran. Pumapait ang nararamdaman ko kasabay ng pag-aalala sa mga sinabi ng pinsan ko kanina.

Agad kaming nakarating sa boarding house ko. Wala pa roon si Kreng kaya malayang nakakakilos si Raven sa kwarto namin. Kapag nagkakasama kasi ang dalawang 'to ay parang mamamatay si Raven sa lisik ng tingin ng pinsan ko.

Humiga si Raven sa kama ko. Nagpalit naman ako ng pambahay. Nang makita kong dinukot niya ang cellphone ay agad akong nabalisa. Tuwing hawak niya iyon, palagi kong naiisip na baka may ka-text siyang babae, na madalas totoo at minsan mga tropa niya lang.

"Sino 'yong kasama mo kanina sa bilyaran?" dahan-dahan kong tanong. Inalis niya ang tingin sa cellphone at inilipat iyon sa akin. Sa tingin na ibinibigay niya sa akin parang nagbibigay na agad siya ng paliwanag. "Kaibigan mo?"

"Si Sini 'yon. Kapatid ni Ike."

Tumango-tango ako. Hindi nawala ang kirot sa puso dahil sa nakita kanina. Gusto kong itanong kung bakit kailangan nilang magyakap habang nagtatawanan, pero ayokong magmukhang makitid ang utak.

Malalim siyang bumuga ng hangin. Bumangon at lumapit sa kin. Mahigpit niya akong niyakap.

"Sorry kung nakita mo 'yon."

"Okay lang." Pilit ang ngiting ani ko.

"I love you, Jaz."

Gumanti ako ng yakap at isinubsob ang mukha sa kanyang dibdib. Napupuno ang dibdib ko ng iba't ibang emosyon na gusto kong ilabas sa mga luha ko. At isang kurap lang ay inilabas nga ng mga mata ko ang sakit, kirot, selos, pait at pagmamahal para sa lalaking ito.

Sinasabi niya namang mahal niya ako. Na ako lang. Na wala siyang ibang nakikita kung 'di ako lang. Hangga't naririnig ko ang mga salitang 'yon sa kanya, maniniwala ako at mananatili ako sa kanya.

Matawag man akong tanga, hibang o baliw, patuloy akong magmamahal sa kanya.... Hanggang ako na mismo ang mapagod at sumuko.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top