Salamin ng Nakaraan
Inabot na si Yul ng alas-diyes y medya ng gabi sa pagpunta sa Aklatan ng San Martin de Dios Avila. Dalawang baranggay ang layo sa police station kung saan sila nakadestino. Ipinarada niya ang sasakyan sa harapan ng malaking aklatan at tiningnan ito mula sa malayong distansya.
May kadiliman sa paligid, abandonado ang lugar, bakas na matagal nang pinabayaan ang aklatan. Tahimik at kakaiba ang lamig, mararamdaman kahit sa malayo ang lungkot ng gusali.
"'Toy, may pagkain ka ba diyan?" tanong ng gusgusing matandang lalaki sa gilid. Nakalahad ang palad nito upang manghingi ng panlaman tiyan kay Yul.
"Ay, pasensiya na ho, tatang. Wala ho akong dala ngayong pagkain." Nilingon niya ang paligid. Nakakita siya ng umiilaw na signboard ng 7-Eleven mula sa malayo. "Sandali lang ho."
Eksakto, wala pang hapunan ang binata. Pumunta si Yul sa convenience store upang bumili ng makakain nilang dalawa ng matanda. Agad din siyang bumalik at iniabot sa nanlilimos ng pagkain ang isang cup ng noodles meal at mineral water.
"Salamat, 'toy," nakangiti nitong sinabi habang pinagdadamutan ang bigay rito ni Yul.
Naupo si Yul sa sidewalk, katabi ng matandang manipis na ang pilak na buhok. Marami rin itong pekas at guhit sa mukha. Maging ang suot nitong damit ay puting naging abuhin na lang gawa ng makapal na dumi at polusyon.
"Bakit ho nandito kayo, 'tang? Bakit hindi kayo pumunta sa DSWD para matulungan kayo?" tanong ng imbestigador habang sinasabayan itong kumain ng binili niyang noodles para naman sa kanya.
"Pinalalayas din nila kami roon kaya inunahan ko na."
"Bakit ho palalayasin e serbisyo ho ng gobyerno 'yon?"
"Ay, 'toy, kung alam mo lang."
Napasulyap si Yul sa matandang takaw na takaw sa noodles na bigay niya rito. "Kung ayaw ho ninyo sa center, bakit nandito ho kayo e madilim ho rito. Delikado ho kapag natiyempuhan kayo ng mga siraulo."
"Matagal na ako rito at wala pang mga siraulong naliligaw rito na nagpahamak sa akin."
Iginala na naman ni Yul ang tingin sa paligid. Hindi naman sa ayaw niyang sabihing tama ang matanda ngunit kung siya rin naman ang nasa katayuan ng ibang tao, hindi siya tatambay sa ganoong lugar na para bang napakabigat sa pakiramdam kung titingnan mula sa malayuan.
Saglit siyang natigilan sa pagkain at mabilis na tiningnan ang matanda. "Teka ho. Matagal na ho kayo rito? Gaano na ho katagal?"
"2003 pa lang, nandito na ako. Kinuha ako noong 2006 ng mga tao sa social welfare kaso umalis ako roon at bumalik dito pagkalipas ng isang taon."
"Matagal na ho pala." Idinako ni Yul ang tingin sa aklatan. "Bukas ho ba kaninang hapon 'yang library?"
Napatingin din ang matanda sa aklatang tinutukoy ni Yul. "Higit sampung taon nang sarado 'yan. Pinasara kasi ang daming kamalasang nangyayari sa mga empleyadong pumapasok diyan."
"Teka ho," nagtatakang putol ni Yul. "Higit sampung taon? Pero kagagaling lang ng kasamahan ko diyan sa loob niyan kaninang hapon lang."
"A, 'yon bang binatang mukhang action star ang itsura?"
Pinigil ni Yul ang pagtawa sa sinabi ng matanda sa kasamahan nila. "Oho, iyon nga ho."
"Ay, oo. Galing nga siya diyan sa loob. Nababaliw na yata ang batang 'yon, may kinakausap sa loob e wala namang kahit sinong tao ang pinapayagang pumasok diyan pagkatapos ng huling insidente noong nakaraang sampung taon."
Sandaling nabalisa si Yul at natuon ang pagkatulala sa maalikabok na kalsadang iniilawan ng kalapit na poste sa dulo ng kanto.
Nakaraang linggo lang ang nangyaring pagkamatay ng magbabarkadang hawak nila ang kaso.
Umayos ng upo si Yul upang makinig ng kuwento ng matanda. "Ano hong insidente itong nababanggit ninyo, 'tang?"
Bahagyang natawa ang matanda habang umiiling. "May pitong estudyante ang huling pumasok diyan sa loob ng aklatan."
"Oho, alam ko ho." Naalala ni Yul ang hawak nilang kaso sa kasalukuyan.
"Itong pitong kabataan, kinabukasan, napabalitang namatay din."
"Oho, alam ko rin ho," pagsang-ayon ni Yul sa matanda. "Kaya nga ho ako nandito upang mag-imbestiga sa kasong 'yon."
Nagulat naman ang matanda sa sinabi niya. "Aba! Ang tagal na ng kasong 'yon! Hanggang ngayon ba, hindi pa rin nare-resolba?"
"Pero noong nakaraang linggo lang ho nangyari ang sinasabi ninyo, hindi ho ba?"
"Hindi! Sabi ko nga, matagal na, hindi ba? Higit sampung taon na, kaya nga isinara 'yang aklatan!"
Kumunot agad ang noo ni Yul sa narinig. Nalilito na siya at hindi na nakasusunod sa pinag-uusapan nila ng matanda. "Pero nito hong nakaraang linggo, anim na binatilyo ang namatay na galing din diyan sa library at may isang nawawala pa rin hanggang ngayon. Pito rin ho na kapareho ng sinasabi ninyo."
"Pitong binatilyo ba 'ka mo?" takang tanong ng matanda.
"Oho."
"A! Iyon bang maiingay na bata na walang ibang ginawa kundi magkuhaan ng retrato?"
"Uh—" Nagkibit-balikat na lang si Yul sa paliwanag nito. Hindi siya sigurado roon. "Sila nga ho siguro."
"Hindi iyon pito! Walo ang mga bata!"
"Walo? Pero pito lang ho ang sinabi ng mga magulang—"
Mabilis na umiling ang matanda. "Walo sila. Alanganin pa nga ang itsura ng isa sa kanila kay maputlang-maputla na, talo pa ang bangkay e."
Mabilis na dumami ang tanong sa isipan ni Yul. Sa dami, agad niyang naramdaman na kailangan na niya ang laptop at ang salaysay ng matanda upang mailagay sa listahan niya ng lead sa pagkamatay ng anim na biktima at pagkawala ng isa pa sa grupong iniimbestigahan nila.
Walo ang sinabi ng matanda ngunit pito lang ang kilala ng mga magulang ng magbabarkada. Napapaisip na siya sa isa pang binatilyo maliban sa nawawalang isa sa pito.
Agad siyang bumalik sa sasakyan at kinuha ang folder na naglalaman ng mga retrato ng anim na biktima. Pinili niya ang maayos na retrato ng mga binatilyo noong buhay pa ang mga ito. Binalikan niya ang matandang eksaktong katatapos lang sa libre niyang hapunan para dito.
"Natatandaan n'yo ho ba ang itsura ng lahat ng bata?" tanong ni Yul at ipinakita ang mga hawak niyang larawan. "Ito ho ba?"
Lumawak ang ngiti ng matanda at nag-isang tango. "Ito nga, ito nga sila. May kulang pa sa kanila. Iyong isang nakasalamin na mahilig kumuha ng retrato at 'yong maputla."
Bumalik sa sasakyan si Yul at kinuha ang missing poster ni Voltaire Almediere. Ipinakita niya iyon sa matanda. "Ito ho ba yung isa?"
"Oo! Iyan nga! Sinabihan pa nga ako niyan na ngumiti ako kay kukuhaan daw niya ako ng retrato!"
"E iyon hong isa, ano ho ba ang itsura?"
Agad na inalala ng matanda ang tinutukoy ni Yul. "Payat, maputla, mga isa't kalahating metro ang taas. Magulo ang buhok, di-mawari ang gupit pero bagsak at nakasuot ng uniporme. Para ngang ang batang 'yon lang ang nakauniporme sa kanila. Malalim ang mga mata na nangingitim pa ang ilalim. Tahimik lang siya kahit na maingay ang buong grupo nila. Naroon lang siya sa likod. Hindi nga siya kinakausap ng iba niyang mga kasama. Kawawang bata."
Tumango na lang si Yul sa paglalarawan ng matanda. Tatayo na sana siya nang biglang magsalita ulit ang kausap.
"Itong batang tinutukoy ko, medyo nahahawig niya yung binatang pumunta kanina diyan sa library. Baka kapatid niya 'yon o anak at hinahanap lang niya. Nawawala ba yung batang 'yon?"
Sandaling natahimik si Yul at tumanaw sa malayong dulo ng kalsada. Kamukha ni Ethan, ayon sa matanda. Hindi rin siya sigurado kung may kaugnayan ba iyon sa kaso nila.
Malungkot na tumugon ang imbestigador sa matanda. "Hindi ko ho alam kung nawawala ba. Ang alam lang ho kasi namin, pito lang silang pumunta rito noong nakaraang linggo."
"Maniwala ko, 'toy," pag-uulit ng matanda, "walo talaga sila. Nanguha pa nga ng mga libro sa loob ng library e nagsabi na yung baranggay na no entry na ang lugar na 'yan."
"Ganoon ho ba? Sige ho, salamat sa impormasyon."
"Salamat din sa pagkain, 'toy."
Bumalik si Yul sa sasakyan at agad na tinawagan si Inspector Iñigo pagkaalis sa pinagparadahan.
"Brad, nandiyan ba si Ethan?" tanong niya sa inspektor.
"Wala pa. Bakit, saan na naman nagpunta? At ikaw! Saang lupalop ka na naman nagpunta, ha? Bakit iniwan mo 'tong station?"
Hindi na inintindi pa ni Yul ang sermon ng kasamahan. "Brad, walo raw ang batang pumunta noong nakaraang linggo sa library ng San Martin. May nakausap akong witness at sinabing may isa pang kasama yung pito."
"Pero ang sinabi ng mga magulang, pito lang daw, di ba?"
"Oo nga! Pero di ba, walo ang libro ni Harmonica na kanina mo pa pinoproblema? Sakto na! Walo ang nakakuha ng libro!"
"O, sino ang nakuhaan ng ikawalong libro sa mga biktima? Saka—wala rito yung libro! Nasaan na yung libro! Putaragis namang—"
"Brad, dala ko! Dala ko, okay? Kumalma ka nga muna!"
"Ano ka ba naman, Ulysses?! Bakit kung saan-saan mo tinatangay ang mga ebidensya natin? Anak ka ng kamote naman, oo!"
Napahimas na lang ng sentido si Yul dahil sa pag-aalboroto ng kasamahan. "Kaysa magwala ka diyan, hanapin mo muna ang profile ni Nathan Bergorio. Baka siya ang nakakuha ng 8th book ni Harmonica."
"Nathan Bergorio, Nathan Bergorio, punyeta! Bumalik ka muna rito! Karaming trabaho, kung saan-saan pa nagliliwaliw! Isa pa 'tong Ethan na 'to na layas nang layas, wala namang binabalita kahit isang update sa kaso!"
Ibinaba na lang ni Yul ang tawag kay Inspector Iñigo at tinawagan ulit si Ethan.
"May problema na naman ba, brad?" matamlay na sagot sa kabilang linya.
"May nakausap ka ba kanina sa library ng San Martin?"
"Oo. Yung librarian sa reception desk. Pinalayas pa nga ako."
"Brad, higit ten years nang nakasara ang library sabi ng nakatira malapit doon. Wala nang kahit sinong nagtatrabaho sa aklatan kaya paanong may nakausap ka?"
Natahimik na naman sa kabilang linya.
"Ethan, sigurado kang may nakausap ka sa loob n'on?"
"Mayroon nga. Barbara ang pangalan. May edad na babae, nasa singkwenta hanggang saisenta anyos."
"Nakausap mo talaga?"
"Oo nga! Paulit-ulit ka! Bakit ba? Ano ba ang problema?"
"Brad, wala na ngang kahit sinong nagtatrabaho sa library na 'yon kaya sino ang nakausap mo?"
Wala na namang isinagot si Ethan.
"Huling tanong na, may nakausap ka ba talaga o wala?" sarkastikong tanong ni Yul.
"Gusto mong sabihing multo ang nakausap ko, gano'n?"
"Ang gusto kong malaman ay kung may nakausap ka nga ba. Kasi kahit ang tanong ko tungkol kay Nathan Bergorio, hindi mo rin nasagot kanina."
"Huwag mo nang alamin ang tungkol kay Nathan Bergorio. Ako na ang bahala sa kaso niya. Hindi mo sakop ang kasong 'yon."
"Anong hindi ko sakop? Walo ang nakitang bata na nagpunta sa library last week. Hawak ngayon sa station ang isa sa mga ebidensyang nakapangalan kay Nathan Bergorio. Malamang na ang Nathan na 'yon at yung isa pang bata na nakita ng residente na nakatira malapit sa library ay iisa lang."
"Brad, imposible 'yang sinasabi mo."
"Paanong magiging imposible e hawak nga natin sa station ang isa sa ebidensya? Kahit yung nakausap ko, sinasabing walo ang magbabarkada. Paanong imposible?"
"Yul, matagal nang patay si Nathan Bergorio! Higit sampung taon na! Yung librong nasa station, matagal ko nang hawak 'yon, higit sampung taon na rin! Higit sampung taon na rin noong huling nagpakita ang mga libro ni Harmonica!"
"E di tama nga ako. Kilala mo si Nathan Bergorio!"
"Oo na, tama ka! Siya yung kakambal ko. Kaya nga inaalam ko lahat ng may kaugnayan sa kasong 'to dahil nakita ko kung paano siya namatay!"
"Bakit hindi mo agad sinabi ang totoo?"
"Bakit? Maniniwala ka ba kapag sinabi kong ang libro ang pumapatay sa mga magbabasa n'on? Higit sampung taon na noong mahawakan ko ang huling libro ni Harmonica at hanggang ngayon kahit isang salita sa loob ng librong 'yon, hindi ko pa nababasa dahil naniniwala ako sa sinasabi nilang sumpa! Brad, alam ko kabaliwan pero hanggang ngayon, natatakot pa rin ako na kapag natapos ko nang basahin ang pangwalo, mamamatay ako. Nasa forensic ka, kung iyan ang paliwanag na maririnig mo sa 'kin, maniniwala ka pa ba?"
Si Yul naman ang natahimik. Iniliko niya ang minamanehong sasakyan sa kanan, paderetso sa daan ng San Fernando.
"Naniniwala ako," mahinang tugon ni Yul habang tutok sa kalsadang tinatahak.
"Ano?"
"Naniniwala ako sa sinasabi mo."
Pinatay ni Yul ang tawag kay Ethan at naalala na naman ang kaugnayan ng karanasan niya sa mga librong hawak nila.
"Binasa ni Papa ang ikawalo.Kung hindi siguro binasa ng tatay ko ang librong 'yon, baka matagal pa siyangnabuhay."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top