Pahina Unang Bilang

Alas-otso ng gabi, bahagyang maririnig ang nakabukas na radyo sa dulo ng mesang malapit sa pintuan ng police station. Nagtatalo ang kulob na init ng hangin sa loob, ang buga ng stand fan sa gitna ng istasyon, at sa lumalamig nang hangin sa labas. Abala ang dalawang lalaking naiwan doon sa bago nilang hawak na kaso.

Nagkakalkal sa mga metal cabinet si Inspector Iñigo para maghanap ng mga dati nang kaso na may kaugnayan sa iniimbestigahan nila.

"Brad, may napapansin ka ba sa mga 'to?"

Lumapit si Inspector Iñigo sa kasamahan niyang nag-iimbestiga rin sa kaso ng anim na binatilyong namatay kamakailan lang.

"Pansin mo yung pormada ng mga bibig? Kakaiba, ano?" saad ng tatlumpung taong gulang na imbestigador. Hinilera niya ang mga larawan ng mga biktima sa mesa at ipinakita ang pagkakaiba nila. "Parang may sinasabi, di ba?"

Napaisip din si Inspector Iñigo sa itsura ng mga binatilyo. Iba-iba nga ang ayos ng mga bibig kahit pa halos iisa lang ang itsura ng lagay ng mga katawan. "Yul, sigurado ba kayong walang foul play 'to?"

"Sigurado. In-autopsy na at malinis talaga."

Napahimas ng baba si Inspector Iñigo at kinuha ang folder na naglalaman ng detalye sa kaso ng anim na biktima upang suriing muli.

"Magbabarkada itong anim, pero ang sinabi ng mga magulang ng mga ito, no'ng huli silang nakitang magkakasama e pito sila sa grupo." Ibinagsak niya ang folder sa mesa. "Nasaan ang isa nilang kasama? Nahanap na ba nina Ethan?"

"Missing pa rin hanggang ngayon. Ilang beses na ring bumalik ang magulang dito sa police station para sa update ng kaso."

"Tsk!" Bumuntonghininga siya at napahimas naman ng noo. "Teka, maalala ko. Ano nga pala 'yong inilagay kanina ni Ethan sa table ko?"

"A, mga libro. Lahat nakita sa crime scene ng mga biktima."

"Libro?"

"Oo. Saka nabanggit din ni Ethan na iisa lang daw ang author ng mga 'yon."

Napaderetso ng tayo si Inspector Iñigo at agad na tumungo sa mesa niyang ilang hakbang lang ang layo kay Yul. Nakita niya sa ibaba ang pinagpatong-patong na lumang libro na nakabalot sa ziplock bag.

"Harmonica. Harmonica. Harmonica. Harmonica. Harmonica. Harmonica. Harmonica. Harmonica. Puro Harmonica?" Ibinagsak niya ang mga libro at nagtatakang tiningnan ang kasamahan. "Anim ang biktima, di ba? Bakit walo 'to? Sigurado kang sa lahat ng binatilyo 'to nakita? Tig-iisa ba sila o hindi?" Nagkibit-balikat lang si Yul bilang sagot sa kanya, senyales na hindi nito alam. "Si Ethan, nasaan?"

"Ang sabi niya, magre-research daw siya."

"Anak ng! At ano na namang hahanapin niya e marami tayong trabaho rito?"

Natatawa na lang si Yul sa reklamo ni Inspector Iñigo. Natambakan sila ng kaso pero kailangan daw nilang unahin ang kaso ng mga binatilyo dahil hinahanap na ng mga magulang ang resulta bago pa tuluyang mabalita sa diyaryo at TV.

Napapahimas na lang ng bandang bibig si Inspector Iñigo habang iniisip kung ano na ba ang dapat unahin sa kasong hawak nila.

Walang foul play, ayon sa records pero duda siya kung wala talagang foul play base sa mga detalyeng nakolekta.

"Ay, brad, alam mo, may kakaibang nabanggit sa akin kanina yung isang 'yon bago umalis." Pinili ni Yul ang isa sa mga retrato. "Tanda mo yung kinukuwento niyang kakambal niyang pinatay dati? Yung sabi nga niya, gustong magpulis?"

"O? Huwag mong sabihing ngayon pa niya balak hukayin ang kaso ng kapatid niya?" tugon ng inspektor.

Ipinakita ni Yul ang larawan ng isa sa mga binatilyong namatay. Nakapabilog ang porma ng bibig nito at puro lamang puti ang makikita sa dilat na mata. Gumuguhit ang nangungulay-lilang mga ugat sa pisngi nito hanggang sentido habang nakakrus sa bandang ibabaw ng dibdib ang mga nakalahad na palad—animo'y sasakalin ang sarili ngunit hindi binalak ituloy. "Ganitong-ganito daw ang itsura ng kapatid niya noong mamatay." Itinuro nito ang mga libro sa ibaba ng mesa ni Inspector Iñigo. "Ayon sa kanya, ang huling bagay na nakita sa crime scene sa kaso ng kapatid niya e yung isa sa mga librong naroon. 'Yong may title na Ave Santa Meurte na gawa ni Harmonica."

Sandaling napaisip si Inspector Iñigo at naniningkit ang mga mata habang pinag-aaralan ang kaugnayan ng kapatid ng kasamahan nila sa kasong hawak nila sa kasalukuyan. "Ano ang pangalan ng biktimang 'yan?" tanong niya tungkol sa hawak ni Yul.

Itinalikod ni Yul ang retrato. "Trevor Henson. Disi-siyete anyos."

Binalikan na naman ni Inspector Iñigo ang mga libro at hinanap ang may pamagat na Ave Santa Muerte. "Case 6 Evidence?" nagtataka niyang bulong nang makita ang papel na nakaipit sa loob ng libro bilang detalye. "Victim name: Trevor Henson." Tumayo na siya nang diretso at ipinakita kay Yul ang hawak na libro. "Gusto kong makita kung sino ang author nito. Puwede kayang ipatawag ngayon?"

Biglang napangiti si Yul dahil sa utos ng kasama. Napailing na lang din siya at pinagsama-sama na naman ang mga retratong nasa mesa.

"O? Bakit ka tumatawa?" nagtatakang tanong ng inspektor.

"Brad, apat na dekada nang patay ang author niyan. Sino pa ang kakausapin mo?"

"Ano?" Hindi makapaniwala ang inspektor sa narinig. Hindi siya pamilyar kay Harmonica o sa kahit anong librong inilabas nito. Maaaring mukhang luma na ang mga aklat at hindi pa niya nabubuklat mula nang dalhin sa kanila kaya wala siyang ideya kung kailan iyon nailimbag. Naisip niyang sana nga, tiningnan muna niya ang loob, at iyon nga ang ginawa niya.

Sa kasamaang-palad, wala siyang nakitang kahit anong palatandaan kung kailan iyon nailimbag.

"Walang nakakaalam kung sino ba talaga ang nagsulat niyan," dagdag ni Yul.

"Kung walang nakakakilala, paano mo nalamang apat na dekada nang patay?"

Nagkibit-balikat si Yul habang gusot ang dulo ng mga labi. "Nakalagay sa huling libro niya ang petsa kung kailan iyon huling naisulat at kung bakit hindi natapos."

Ibinagsak ni Inspector Iñigo ang hawak na libro sa mesa at nagpamaywang. "Nasaan ang libro?"

"Aba, malay ko na." Itinago na ni Yul ang mga retrato ng mga biktima sa folder at naglista na naman ng mga bagong detalye sa record nila ng kaso. "Si Ethan, ang sabi isinumpa raw ang mga libro. Ito raw ang pumatay sa mga biktima natin kaya walang foul play."

May bakas ng insulto ang pagtawa nang mahina ng inspektor habang umiiling. Nagkrus pa siya ng mga braso at bahagyang isinandal ang balakang sa kahoy na mesa sa likuran.

"Brad, nasa forensic ka tapos sasabihin niya na itong mga libro ang pumapatay?"

"Malay mo, obsessed lang siya sa paghahanap ng hustisya sa nangyari sa kakambal niya o"—kinuha ni Yul ang isang folder at lumapit sa inspektor pagkatapos ay idinikit iyon sa dibdib ng kasamahan—"baka may punto siya."

Hinawakan naman nang mahigpit ni Inspector Iñigo ang folder at nagtatakang tiningnan si Yul. "Anong may baka may punto siya? Paanong pupuntuhin e hindi naman natural ang cause of death ng mga biktima?"

"Hindi bago sa akin ang kaso," sagot ni Yul nang gayahin ang ayos ni Inspector Iñigo sa sarili niyang mesa. "May na-encounter na 'kong ganiyan twenty years ago. Parehong-pareho. Tatay ko pa ang imbestigador at nakikita ko lang sa mesa niya ang mga hawak niyang ebidensya. May sumpa nga raw 'yang mga libro."

"Teka nga, sandali lang, ha? Uulitin ko lang ang sinabi mo. Sumpa? Brad, 2015 na ngayon tapos naniniwala ka pa sa sumpa?"

Lalong natawa si Yul habang umiiling. Tumanaw siya sa labas at inaninag mula sa puwesto ang madilim na kalsada. Wari'y nag-aabang ng kung ano sa ilalim ng mapupundi nang ilaw sa malapit na lamp post. "Hindi naman sa naniniwala. May sinabi lang dati ang tatay ko na hindi ko lang maiwasang isipin ngayon dahil doon sa mga libro."

"Siguraduhin mo lang na makakatulong 'yan sa kasong 'to. Ayoko nang makarinig ng kung anong kahangalan."

Umiling si Yul at sinilip ang mga libro sa ilalim ng mesa ni Inspector Iñigo. "Pito lang kasi ang librong inilabas ng author na si Harmonica na talagang sumikat noong kapanahunan ng tatay ko."

"Ibig sabihin, sumikat nga."

Tumango si Yul. "Kahit paano. Pero ang ikinatataka ko lang sa nabanggit ng erpats ko, namatay si Harmonica bago pa nito simulan ang chapter two ng pangwalong libro."

"Hindi kaya fan lang ang tatay mo?"

Napangisi si Yul sa sinabi ng kasamahan. "Hindi mahilig magbasa ang tatay ko ng mga ganoon. Pero unang librong natapos niya itong pangwalong installment."

"Natapos sa chapter two?"

"Natapos ang libro."

"O, baka naman may nagsusulat na kamag-anak para sa author?"

"Ewan ko. Siguro nga. Pero wala pang nakakakita kay Harmonica kaya hindi ko masabi kung namatay nga ba talaga o hindi. Pero sikat siya dati. Maingay ang pangalan."

Napailing si Inspector Iñigo. Para sa kanya ay hindi ito ganoon kasikat dahil hindi siya pamilyar o wala siyang ideya sa kahit anong detalyeng konektado sa manunulat na iyon.

"Sikat ang mga kuwento niya dati. Naging bestseller pa nga. Pero pagkatapos ng balitang pagkamatay niya, lahat ng libro niyang nailabas, biglang nawala."

"Kung bestseller, dapat rehistrado, di ba? Mata-track ba ito sa card catalogs?"

Mabilis na umiling si Yul. "Sinubukan na rin 'yan dati ng mga humawak nitong kaso." Saglit niyang itinuro ang inspektor habang may pagyayabang sa kuwento niya. "Alam mo ba, laman dati ng mga police station itong libro. Wala nga lang natapos na imbestigasyon at natambak na lang sa police archives. Wala nga kasing foul play. Isa pa sa natatandaan kong sinabi ng tatay ko, malaking tulong ang paghahanap ng sagot kapag binasa mo ang mga libro ni Harmonica. Konektado kasi ang lahat sa kasong hawak niya."

"E di ba, patay na yung erpat mo?"

Tumango naman si Yul na bakas ang lungkot sa mukha. "Oo. At ang mas nakapagtataka lang e namatay ang tatay ko pagkatapos niyang basahin yung ikawalong libro. Hindi rin niya natapos itong kaso pero may iniwan siyang mensahe sa akin bago siya mawala." Humugot siya ng malalim na hininga at pinilit ang sariling ngumiti kay Inspector Iñigo. "Pangarap ko kasing maging gaya niya. Alam niya 'yon. Kahit nanay ko, alam 'yon. Kaya nga 'ika niya, kung sakaling may makita akong kaso balang-araw na gaya ng hinawakan niya, magalit na sa akin ang buong pamilya ng mga biktima basta huwag na huwag kong gagalawin ang ebidensya na may koneksyon kay Harmonica."

"E di naniniwala ka nga sa kalokohang sumpa na 'yon," sarkastikong saad ni Inspector Iñigo.

"Hindi nga sa naniniwala ako pero ayoko na lang subukan." Nagkibit-balikat na naman siya at pumihit na paharap sa mesa niya. Dinampot doon ang mga folder at itinaktak para magpantay. "Pero ikaw naman 'yan, brad. Kung hindi ka naniniwala, desisyon mo rin naman kung babasahin mo o hindi." Lumapit na siya sa kausap at tinapik ang balikat nito bago tumungo sa pinto. "Dadaanan ko muna si Chief sa kabila. Titingnan ko muna yung iba ko pang kasong hinahawakan, stay put ka lang muna rito."

Tumango na lang si Inspector Iñigo bilang sagot at agad na tiningnan ang mga libro.

"Sumpa pala, ha. Tingnan natin kung totoo nga 'yang sumpa-sumpa na 'yan." Pumunta siya sa ibaba ng mesa at kinuha ang unang nakita ng mata niya: Prima en Genesis. Tinanggal niya iyon sa ziplock bag para basahin.



Umaga nang araw na iyon . . .

Nakatayo sa harapan ng matayog na aklatan si Ethan at iniisip ang malaking partisipasyon ng lugar sa kasong hinahawakan niya—ang kasong may kaugnayan din sa nangyari sa namatay niyang kakambal noon. Luma na ang lugar at alam niyang mas matanda pa sa kanya ang aklatang papasukin. Dama niya ang lamig sa loob ng gusali pagtapak sa marmol na sahig na pinilit na lang na linisin ng kung sinong katiwala roon. Naka-jacket na siya at makapal na maong na pantalon ngunit kakaiba talaga ang hangin sa loob. Nanunuot at sapat na para patayuin ang mga balahibo niya sa katawan.

"Magandang araw ho," bati niya sa may-edad na librarian na nasa reception desk. Mukha pang bata, tantiya niya ay nasa treynta anyos mahigit ngunit wala pang kuwarenta. Maamo ang mukha kahit mukhang puyat gawa ng malalim na eyebags. Matipid ang ngiti na gumuguhit sa maputlang labi. Mababasa sa pulang uniporme nito ang nakatahing pangalan na 'Barbara' sa kanang dibdib.

Bumati nang may paggalang ang imbestigador. "Ako ho si Ethan Bergorio, magandang araw ho." Ipinakita niya ang tsapa at ID. "May gusto lang ho akong itanong. Noong nakaraang linggo ho ba, may grupo ng mga binatilyong pumunta rito para humiram ng libro? Pito sila at nasa pagitan ng kinse hanggang disi-nuwebe ang edad."

Bahagyang tumango ang babae. "Oo, may natatandaan ako."

"May record ho ba ng pagpunta nila rito?"

Tumango ito at kinuha ang logbook. "Hindi sila humiram ng libro. Nanghingi sila. Pasara na itong library at wala pa kaming nakikitang kukuha ng mga librong nandito. Pumayag na akong kumuha sila ng libro para naman hindi masayang. Yung anak ng dating nagpapalakad dito, pinabebenta na lang sa junkshop ang mga aklat. Sayang naman kung ganoon lang ang gagawin."

"Ganoon ho ba." Inilibot ni Ethan ang tingin sa paligid. Masasabi niyang luma na rin ang istruktura sa loob at amoy na amoy ang lumang papel at basang kahoy. Maaaring maganda at maayos kung titingnan doon ngunit pagdating sa amoy ay para siyang pinapasok sa abandonadong bahay. Ibinalik niya ang tingin sa librarian na naghihintay ng salita sa kanya. "Pamilyar ho ba kayo sa mga gawa ni Harmonica? Mayroon po ba kayo ng mga kopya dito?"

Umiling naman ang librarian ngunit kapuna-puna ang kawalan ng emosyon sa mga tingin niya—itinago sa pekeng ngiti ang tugon. "Matagal nang wala ang mga libro ni Harmonica. At hangga't maaari, hindi hinahayaang makapasok ng may-ari ang kahit anong kopya ng gawa niya rito."

"Oh." Tumango naman si Ethan at animo'y may narinig na nakagugulat na bagay. Mabilis niyang dinukot sa suot na jacket ang isang card catalog saka inilapag sa kahoy na mesa ng front desk bago inilapit sa librarian. "San Martin de Dios Avila ang pangalan ng library na ito, tama? At sa inyo ang card catalog na ito. Sigurado kayong wala kayong kopya ng mga gawa ni Harmonica?"

Puno ng pagtataka ang mukha ng librarian nang tingnang maigi ang card na dinampot sa mesa. Nagsalubong ang kilay niya nang paisa-isang binasa ang mga salitang nasa maliit na papel. "Imortalis en Harmonica." Nanigas siya sa kinatatayuan at nabitiwan ang hawak na card. Agad siyang namutla at gulat na gulat na tiningnan si Ethan. "Saan mo nakuha ang . . . ang libro?"

"Isa sa pitong bata na pumunta rito ang nakakuha ng libro. Bakit?"

"Nasa inyo ba? Hawak n'yo ba?" Kapansin-pansin ang panginginig ng buo nitong katawan habang nagtatanong.

Sinukat ng tingin ni Ethan ang kilos ng kausap. Sigurado na siyang hindi ito nagsabi ng totoo nang sagutin siyang walang kopya roon ng mga librong hinahanap niya. "Hawak nga ho namin. May problema ba kung ganoon nga?"

Ibinagsak ng librarian ang magkabilang palad sa desk at pinandilatan ng mata si Ethan. "Kahit na anong mangyari, huwag na huwag ninyong babasahin ang huling libro."

Bahagyang napaurong paatras si Ethan nang pagdabugan siya nito. Ultimo ang matipid nitong ngiti ay naglaho at napalitan ng hindik. "Yung pampito?"

"Yung ikawalo."

"Pero pito lang ang libro ni Harmonica, di ho ba?"

"Ito ang huling aklat na tinutukoy ko." Pinagpag ni Barbara ang catalog sa hangin at ibinagsak sa mesa. "Lalabas ang huling aklat kapag binasa ang ikapito. Kung nagpakita sa inyo ang pangwalo, mas mabuting itapon n'yo, sunugin n'yo, o sirain na n'yo ang libro."

"Pero, sandali lang ho. Paano magkakaroon ng ikawalo kung hanggang pito lang—"

"Hindi titigil ang pagpapakita ng ikawalo hangga't may nagbabasa ng naunang pito."

Napuno ng tanong ang isip ni Ethan habang naririnig ang lahat ng sinasabi ng librarian sa kanya.

"Miss Barbara, tama ba? Anim ho sa binatilyong pumunta rito na tinutukoy ko kanina ang namatay nito lang nakaraang araw. Isa sa kanila ang nawawala. Lahat sila, may hawak ng mga gawa ni Harmonica na dito sa library ninyo nakuha. Kahit ang lahat, alam na pito lang ang na-release niya. Ibig ho bang sabihin, meron talagang pangwalo? Natapos 'yon?" Dinampot agad ni Ethan ang catalog na nasa mesa. "Gusto ko lang hong malaman kung sa inyo naka-record ito kasi pito lang din ang alam ko."

"Ikaw ang nakakita ng ikawalo?" gulat ngunit mahinahong tanong ng librarian na unti-unting umaatras palayo kay Ethan.

"Hindi ko ho sigurado kung lehitimo ang kopya. Pero kung meron ngang ikawalo, oho, ako ho."

"Nakita mo na ba ang mga batang sinasabi mo?"

"Oho. Kakaiba rin ho ang itsura nila nang matagpuan namin."

"Ikaw ang hahanapin niya para matapos ang ritwal."

"Rit . . . wal?"

"Kapag binasa ang ikawalo, magpapakita na siya sa taong tatapos ng ritwal. Magiging daan iyon ng muli niyang pagkabuhay. Iyon ang nakasaad sa mga kuwento at usap-usapan sa kanya. Kung ako sa iyo, sirain mo na ang huli niyang kuwento. Baka sakaling mailigtas mo pa ang buhay mo."

Kumunot ang noo ni Ethan nang ituro ng librarian na lumayo sa kanya ang entrance ng library.

"At pakiusap, umalis ka na rito sa aklatan. Inilalapit mo lang ang sarili mo sa kapahamakan habang nagtatagal ka lang sa lugar na ito."


♦ ♦ ♦

11/07/2015

01:09 PM


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top