Pagdukot
Nagmamadaling lumapit si Veronica sa kanyang ina. Lumuhod siya sa harapan nito at hinagod ito ng tingin. Nakasandal ito sa inuupuang kahoy na silya, humpak ang pisngi at nababalutan ng nangingitim na dugo ang mga tuhod at braso. Mauulinigan sa kanya ang mahinang panaghoy na tila baga batang pilit hinahanap ang inang nakaiwan sa kanya.
"Tumayo ka riyan."
Nakita ni Veronica ang imahe ng lalaki sa pintuan at kaunting liwanag sa dala nitong kutsilyo na tinatamaan ng ilaw galing sa labas ng silid.
"Mamatay ka na," matigas na sinabi ng dalaga.
"Kung nais mo pa siyang makitang buhay, susundin mo ang lahat ng aking sasabihin."
Kasinglamig ng kanya ang kamay ng sariling ina. Kamay ng isang yumao na. Tumayo si Veronica at hinarap ang lalaki sa pinto. "Kung aking pinaniniwalaan ang iyong paniniwala, malamang ay sundin ko ang nanaisin mo. Ngunit hindi. At kung ano man ang nais mo sa akin ngayon, sa pakiwari ko'y marapat lamang na iyon ay iyong kunin dahil hinding-hindi ko iyon iaalay sa iyo nang bukal sa aking kalooban. Sinabi mong ang aking ina ay buhay."
Pumasok si Miguelito sa loob ng madilim na silid at maririnig ang pagkaskas ng posporo na agad na nagbigay-tanglaw sa buong kwarto bago pa man ito ilagay sa isang lumang lampara. Sa likod ng hawak na liwanag ay makikita ang kanyang mukhang duguan ang sentido at may kaunting sugat sa ilong ngunit hindi mababakas sa kanyang mukha ang kahit anong sakit. Tila ba siya'y hindi nilalang ng mundong iyon, kalmado sa kabila ng pagiging bukas sa katotohanan ng kanyang pagiging makasarili. Makikita sa dingding ng silid ang mga larawan ng kanyang mga naging biktima sa matagal na panahong pananatili sa lugar na iyon. Mga larawang siya mismo ang kumuha. Mga taong nagsisilbing salamin ng kanyang tagumpay.
"Dinala kita rito upang handugan ka ng isang magandang alok, Veronica. Ang iyong ina ay hindi pa patay."
Inaninag ng dalaga ang kanyang ina mula sa liwanag ng lampara. Sa likod ng mga mata nitong nakapikit masisilayan ang pagmamakaawa.
"Nananaginip lamang siya," saad ng ginoo. "Isang gamot para sa sakit ng katawan na sasapat upang siya'y patulugin."
"Drinoga mo siya?! Walang hiya ka--!"
"Nasa pagitan siya ng buhay at kamatayan. Isang maliit na piraso ng halamang-ugat upang pababain ang kanyang dugo at gamot para sa sakit ng katawan. Ngunit napakadelikadong kombinasyon. Maaaring huminto ang kanyang puso. Ilang patak lang ng mantika ng thyme at mabubuhay pa siya."
"Walumpu't limang taong gulang na siya! Hindi mo dapat siya iginapos!"
Nanatiling walang imik si Miguelito habang pinanonood ang pagdadalamhati ni Veronica. Maaaninag sa likod ng lampara ang maputla niyang mukha na nagliliwanag gaya ng isang gintong barya. Hawak pa rin niya ang patalim ngunit nakatutok lamang ito sa sahig.
"Ang sinabi mo ukol sa pagmamalaki ay totoo. Ngunit, ayon sa Bibliya, ang pagmamalaki ay pagiging arogante; at hindi iyon isang bagay na nakatataas ng dignidad. Ngunit ako'y nagmamalaki. May karapatan ako upang magmalaki sa lahat. May hustisya ang pagiging arogante ko." Inilapit niya nang bahagya kay Veronica ang liwanag. "Ganoon din ba ang sa iyo?" Lumapit siya sa dalaga at makikita aang kasamaan sa likod ng kanyang napakaamong mukha. "Ang oras ay napakahalaga. Ibibigay ko sa iyo ang kutsilyong ito, Veronica." Tumayo siya sa harapan ng dalaga, nakatutok ang puluhan dito.
"Hindi ko papatayin ang sarili ko para sa iyo."
"Ngunit ginawa iyon ni Kristo para sa akin."
"Iba ang librong binasa mo kumpara sa aming lahat."
"At gabi bago iyon, naghirap siya sa hardin ng Gethsemane. Gaya ng nasasaad, pinahirapan siya. Nakaluhod siya sa hardin at ang nagpapahirap lamang sa kanya ay ang dahilang alam niya ang kanyang paghihirap." Itinutok niya ang tulis ng patalim sa labi nng dalaga. "Ang kanyang mensahero ay nakadikit sa iyo. Ikaw ang nakatakda."
"Wala ni isa man sa atin si Kristo, Miguelito. Isa ka lang baliw na--" At naramdaman niya ang tulis ng kutsilyong bumaon sa kanyang ibabang labi.
"Tawagin mo pa uli akong Miguelito at isasara ko iyang bibig mo gamit ang alambre. Ano ang pangalan ko?" Inalis niya ang patalim kay Veronica. "Alam mong may mas maganda pang gamitin para patayin ka liban sa kutsilyong ito, hindi ba? Iyon ay kung gusto mong mamatay na isang duwag."
Natigil ang pagbabasa ni Voltaire nang makarinig siya ng kalabog mula sa kung saan. Nasa loob siya ng kanyang kwarto, ilang oras pa lang ang nakalilipas pagkatapos nilang manggaling sa aklatan ng San Martin.
Pinakiramdaman niya ang paligid. Pakiramdam niya, may nakamasid sa kanya.
"May tao ba riyan?" tanong niya sa kawalan. Palinga-linga kung may lalabas ba para gulatin siya.
Ibinaba niya ang hawak na libro at mabilis na kinuha ang cellphone niya para tawagan ang kaibigan.
"Hello, Trev?" sagot niya sa kabilang linya.
"O? Problema mo?" tugon nito.
"Binabasa mo na ba yung libro ni Harmonica?"
"Yep! Why?"
"May nabanggit ka kaninang phonemes, 'di ba?"
"O? Ano'ng meron do'n?"
"Paatras kong binasa yung book na hawak ko. Nag-start ako sa dulo. Incomplete yung story. May next book pa."
"Pero seven lang yung nakita natin, 'di ba?"
"Oo nga. Baka wala silang available copy ng book 8."
"Ano nga pala ang problema kung incomplete?"
"Kanina tinawagan ko si Angelo. Nasa kanya kasi yung copy ng book 1. Nakakalahati na siya and ang sabi niya, tungkol daw ang story sa paghahanap ng alay para mabuhay ang kakambal niya. Pero sa book na hawak ko, naghahanap ang killer ng alay para siya ang maging imortal kaya isa ang kakambal niya sa pinatay niya para ialay. Tinawagan kita kasi nasa iyo yung book 6. Tungkol saan ang book na hawak mo?"
"Naghahanap siya ng alay para mabuhay ang kakambal niya. May victim dito si Simeon na nilason niya tapos--"
"Simeon? Miguelito ang pangalan ng bida!"
"Simeon kaya ang nakalagay!"
"Simeon ang pangalan ng kakambal niya! Ang tunay niyang identity ay Miguelito! Ni-reveal yung truth sa book 7 na hawak ko!"
"Ha?! Nakaka-badtrip ka naman, Volt! Spoiler ka!"
"E, nagtatanong lang naman ako kung tungkol saan yung flow ng story, e!"
"Ano man daw 'yan? Wala na! Tinatamad na akong basahin! Ayoko na!"
"Tungak! Tapusin mo! Ako, 'di ko muna babasahin para hindi spoiler! Tawagan mo 'ko 'pag tapos mo na tapos ako naman ang magbabasa."
"Tss, ewan ko sa'yo. Bahala ka sa buhay mo." At pinatay na ni Trevor ang tawag.
Napailing na lang si Voltaire at napangisi. Tatayo na sana siya nang isang kamay ang nagtakip sa kanyang bibig para hindi siya makasigaw. Mabilis na binalot ang ulo niya ng isang itim na plastik na puno ng pampatulog ang loob na sapat na upang mawalan siya ng malay sa loob lang ng ilang segundo.
___________________________________
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top